Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 1

Kaibigan Ko Si Jeremy

Nasa isang bagong subdibisyon ang aming bahay kaya halos wala pa kaming kapitbahay. Tuwang-
tuwa ako nang makitang itatayo na ang bahay sa tabi namin. "Sana may anak ang may- ari na puwede
kong maging kalaro," ang tahimik kong hiling.
Sa wakas, natapos ang bahay at nagsimulang dumating ang mga kagamitan, tulad ng kama, sofa, at iba
pa. Maya-maya pa'y dumating ang mga may-ari ng bahay. "Ma, hayan na sila. May kapitbahay na tayo
sa wakas!" masaya kong sigaw kay Mama. Napatingin din si Mama at nakita namin ang pamilyang
papasok sa tarangkahan.
Ang pamilya ay may dalawang anak. Isang binatilyo at isang batang lalaking kaedad ko ngunit parang
kakaiba siya. Napatingin sa amin ang mag-asawa at masayang kumaway. "Magandang umaga ho.
Kayo pala ang bago naming kapitbahay," sabi ng babaeng nagpakilalang si Ginang Robles,
Ipinakilala niya ang kanyang pamilya. Ang asawa niyang si Ginoong Robles, ang panganay nilang si
Julius, at ang batang kaedad ko si Jeremy. "Special child si Jeremy," nasabi ni Ginang Robles habang
kausap si Mama. "Mayroon siyang down syndrome," dugtong pa niya.
Maputi at singkit ang mga mata ni Jeremy. Mabilog ang kanyang mga braso at binti. Maumbok ang
kanyang pisngi. Ito ba ang batang pinanabikan kong makilala at makalaro? bulong ko sa sarili. Subalit
nang tingnan ko siyang muli ay nakangiti siya. Tila hindi nawawala ang ngiti sa mabilog at inosenteng
mukha niya. Habang nagdaraan ang mga araw ay naging malapit kami ni Jeremy. "Halika, Trina,
magdrowing tayo," sabi niya sabay akay sa akin papunta sa paborito niyang lugar, sa ilalim ng punong
mangga sa harap ng bahay nila. Ang mga drowing ni Jeremy ay hindi halos maintindihan subalit ang
mga kulay ay pawang masasaya. Masayahin talaga siya.
Isa pang madalas naming gawin ay ang pagbubugtungan. Kakaiba nga lang ang bugtungan namin
dahil ang gusto ni Jeremy ay ulit-ulitin ito hanggang sa mamemorya na niya ang sagot. Madalas
kaming magkatawanan kasi sisimulan ko pa lang ang bugtong ay sinasabi na niya ang minemoryang
sagot.
Masaya ako tuwing kasama ko si Jeremy. Walang masamang salitang lumalabas sa kanyang bibig.
Kalmado siya lagi. Hindi sumisigaw at laging nakangiti.
"Ma, bakit kaya ang gaang kasama ni Jeremy?" minsa'y naitanong ko kay Mama. "Parang wala siyang
nagagawang kasalanan," dugtong ko pa.
Napangiti ang aking Mama. "Espesyal na bata si Jeremy at natutuwa akong nagkakasundo kayo," sabi
ni Mama. "Proud ako sa 'yo kasi marunong kang magpahalaga sa kapwa mo." dugtong niya.
Tuwing walang pasok ay lagi kaming magkasama ni Jeremy. Ate talaga ang tingin niya sa akin.
Malambing siyang bata. Laging nakangiti. Masaya akong kasama siya. Para akong nagkaroon ng
bunsong kapatid.
Napatunayan kong ang pagkakaibigan ay hindi tumitingin sa itsura ng isang tao. Nadarama ito sa puso.
Kung masuwerte si Jeremy na may kaibigan siyang ate, mas masuwerte ako. Napakarami kong
natutuhan sa kanya. Hindi siya kasintalino ng iba ngunit malinis ang kanyang puso.
Naging mas malawak ang pang-unawa ko dahil kay Jeremy. nakakikita ako ng taong tulad niya ay
hindi ako nanghuhusga. Anak din sila ng Diyos. Madalas ay mas mabuting tao pa sila kaysa sa atin.
Ipinagmamalaki kong kaibigan ako ni Jeremy!

You might also like