Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Tilamsik ng Sining ….

Kapayapaan
(bahagi lamang)
ni Magdalena O. Jocson

Pilipinas, mapalad ka sa muling pagsilang. Ang panahon ng kababalaghan ay


hindi pa lumilipas. Hindi ang kababalaghan ng panandaliang lunas kundi ang
kababalaghan ng masidhing pagbabagong-bihis na dumatal sa puso ng bawat Pilipino.
Ang lahing kayumanggi ay may bago nang pagkakilala sa sarili.

Sa bawat pag-aasam natin ng kapayapaan, maraming nagsisilbing daan upang


ganap na magkaroon ito ng katotohanan.

Nariyan ang armas na pakikibaka, tilamsik ng panulat, maramdamin at


makabayang awitin, matatalim na pananalita na lubhang parang lason at apoy na
kumakalat sa buong sambayanan. Hindi pahuhuli ang maindayog at makabuluhang
pagsasayaw na sa bawat kampay at tikwas ng mga daliri sa kamay at galaw ng buong
katawan ay pilit na ipinararating ang diwang nais ipahiwatig. Isama pa natin ang iba't
ibang guhit sa kanbas, mga lilok mula sa kahoy, mga maniking pilit na binubuhay sa
pamamagitan ng mga hugis sa metal at iba pa. Lahat ng binanggit ay nagsilbing tulay
upang ang kapayapaan mula sa magigiting nating mga bayani sa panahon ng mga
Raha, sa panahon ng mga propagandista at rebolusyunaryo at higit sa lahat sa
panahon ng SAMBAYANANG PILIPINO, hindi abot-tanaw lamang ang pagkakamit ng
kalayaan kundi isang nagpupumiglas na katotohanan na mayayakap na natin siya.

Dalawang makasaysayang pangyayari ang nagpatunay na ang mga Pilipino ay


mga tao sa mundo na gumamit ng mga mapayapang paraan hindi ang paggamit ng
tabak o baril ang magiging kasagutan upang makamit ang tinatawag na kalayaan.
Makapangyarihang aspekto ang sining na magpahatid ng adhikaing makamtan ang
kapayapaan sa bagong siglo.

Ayon nga kay Lord Macaulay, "Ang sining ay isang panggagagad." May ibig na
tuklasin. At ang ibig tuklasin nito ay ang bumabalot na GANDA sa isang likha ng tao, na
maghatid ng damdamin, kaalaman at kagandahang-asal ng isang tao. Papaano ba
nakamit ng ating mga ninuno ang kapayapaan sa bawat balangay na sinasakupan nila.
Ito ay sa tulong ng sining. Ang Umalohokan ang buong husay na naghahatid ng mga
mensaheng kailangan ng bawat mamamayang Pilipino. Siya ang isa sa nagbabadya ng
pagkakaroon ng panganib ng pagkawala ng kapayapaan. Maririnig din ang tunog ng
tambuli na isa sa mga etnikong instrumento ng ating bansa upang bigyang babala ang
mga mamamayan sa haharaping panganib. May kasabihan ngang ang mga Pilipino ay
inugoy sa duyan ng mga berso at ito ay napatunayan sa pamamagitan ng mga awiting-
bayan.

Sa pag-aasam pa rin ng kapayapaan, ginamit ni Rizal at ng iba pang


propagandista tulad nina Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena ang tilamsik ng
kanilang panulat at tapang ng dila upang ipahayag ang tunay na nararamdaman ng
mga Pilipino sa pagtatamo ng kapayapaan na pilit na sinasagka ng mga Insulares at
Peninsulares.
Taliwas naman ang paniniwala ni Bonifacio na kailangan ang isang armadong
pakikibaka hindi lamang ang bagsik ng panulat upang makamit ang tawag na
kapayapaan. Kaya't sa pag-aalimpuyo ng kaniyang damdamin, masining niyang isinulat
at ipinarinig ang tula niya tungkol sa "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa" na gumising sa
natutulog na damdamin ng mga Pilipino noong panahong iyon.

Tila walang pagod ang sining na magbigkis sa pagtatamo ng kapayapaan. Sa


bawat tilamsik ng kanyang layunin na maisagawa ang isang makabuluhang bagay, pilit
na para siyang ibon na iigkas at hahawarin ang lahat ng balakid sa kanyang landas
tungo sa KAPAYAPAAN.

Gayunpaman, taong 1986, ng ang mga mamamayang Pilipino ay buong giting na


nakipaglaban sa diktador. Napatalsik ang diktador at nailuklok ang isang babae na
siyang naging daan upang ang inaasam na pagbabago sa ganap na kapayapaan ay
makamit na.

Narinig natin ang maramdaming panawagan ng mga taong may malaking


malasakit upang iligtas ang bansa sa kumunoy ng pagkakadapa. Mahuhusay na paraan
ng pagsasalita ang maririnig sa radyo, napapanood sa telebisyon, masasaksihan ng
aktwal sa itinayong tanghalan sa makasaysayang EDSA ang tamis ng bawat pananalita
ng buong SAMBAYANAN. Mga awit na punung-puno ng damdamin para sa bayan.
Ginampanan ito ng mga alagad sa sining mula artista sa pelikula, mga mang-aawit,
ordinaryong mamamayan, elitista, masa, bata, matanda na buong pagpupugay na
ibinigay ang kakayahan nila sa pagnanasa ng pagkakaroon ng kapayapaan.
Nagtanghal din ng ilang madudulang bahagi ng kasaysayan na pilit nating binabaka
ngunit nagpapatunay naman ng ating kagitingan.

Mula sa dahon ng People Power I, umusbong muli ang People Power II. Muli,
ang bida ay ang SAMBAYANANG PILIPINO. Sa pamamagitan ng kanilang malikhaing
pagtatanghal ng iba't ibang uri ng sining, muling nagtali ang pusod ng bawat
mamamayan na muling nangulila sa tawag ng KAPAYAPAAN. Nanguna ang ilan nating
mga artista sa pelikula, artista sa pulitika, artista ng tahanan, artista ng paaralan, artista
ng kalsada, artista ng simbahan at artista ng SAMBAYANAN na hadlangan sa
ikalawang pagkakataon ang sinumang pilit na pinapatay ang kalayaan at kapayapaan
ng bansa. Nagkaroon ng kaganapan ang Vox populi, Vox Dei. Ang tinig ng Diyos ay
ang tinig ng bayan.

Huwag tayong malungkot at mangamba, kapayapaan ay nakangiti sa Perlas ng


Dagat Silangan. At sa bawat tilamsik ng sining, sandata itong nagbabantay upang ang
kapayapaan sa kasalukuyan at sa darating pang mga taon ay hindi na maaagaw at
pagsasamantalahan ng mga makasariling mamamayan nito.

You might also like