Ang San Jose del Monte ay isang papaunlad pa lamang na
lungsod na matatagpuan sa pinakadulong timog silangan ng Bulacan. Itinatag ito noong 1752, panahon pa ng mga Kastila, bilang isang nagsasariling bayan na hiwalay sa bayang dating nakasasakop dito, ang Meycauayan. Mas matanda ito kung ikukumpara sa iba pang bayan ng Bulacan. Ang San Jose del Monte rin ang maituturing na kauna-unahang lungsod ng lalawigan ng Bulacan nang maging lungsod ito noong 2001, una pa sa mga lungsod ng Malolos at Meycauayan. Ang pangalan ng lungsod ay isinunod sa patron ng bayan, si San Jose Ang Manggagawa. Idinugtong ang “del Monte” na siyang naglalarawan ng topograpiya ng lugar: “kabundukan”. Ang panahon kung kailan naitatag ang bayan ay panahon din kung kailan lubusan nang napasailalaim ng mga Kastila ang Pilipinas at lubusan na ring naipakalat ang Kristiyanismo. Ayon kay Veneracion (1986), nakasabay ang San Jose sa trend noon ng pagpapangalan ng mga bayan sa Bulacan sa mga santo’t santa. Ilang mga halimbawang ibinigay niyang tumutugon sa trend na ito ay ang mga bayan ng Sta. Maria, San Isidro, Sta. Ysabel (sakop na ngayon ng Malolos), San Rafel, San Ildefonso at San Miguel. Sinasabi mang dahil sa trend kung kaya patrong santo ng bayan ang ipinangalan sa lugar, may isang kuwentong naglalahad ng umano’y tunay na dahilan ng pagpapangalan ng San Jose sa lugar. Ito ay ang sumusunod na kuwento: Noong panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na San Jose del Monte sa ngayon ay isa lamang malawak na kagubatan. Ang lugar ay ginagawang kuhanan ng mga malalaking batong ginagamit sa paggawa ng mga simbahan sa Maynila at sa iba pang lugar. Marami rin nangunguha ng troso sa lugar dahil maraming magagandang uri ng punongkahoy ang dito’y matatagpuan. Isang araw, may isang magto-troso ang umakyat sa bundok. Nag-iisa lamang siya at walang katulong kung kaya’t hindi siya nagtangkang pumutol ng mga malalaking puno. Humanap siya ng mas maliliit na puno na kakayanin niyang mag-isang putulin. Habang naghahanap siya ay pasukal ng pasukal na ang dinadaanan niyang lugar. Malapit nang magdilim nang mapansin niyang naliligaw na siya at hindi mahanap ang daan pauwi, idagdag pa rito ang hindi niya pagkakatagpo ng punong kaya niyang putulin mag-isa lamang. Dahil mag-gagabi na at naaalala niya ang mga kuwento ukol sa mga lamang-lupa na pinagkakatuwaan ang mga pumapasok sa gubat, nagdasal siya ng nagdasal hanggang makakita siya na isang maliwanag na bagay sa kanyang daraanan. Nilapitan niya ang nagliliwanag na bagay at nakita niyang ito ay isang rebulto ng santo! Kinuha niya ang rebulto at pagkakuha niya dito ay parang himala na bigla niyang nalaman ang daan pauwi. Pagdating sa kabayanan ng Meycauayan ay agad-agad ipinakita ng magto-troso ang rebulto sa kura paroko at doon niya napag- alaman na ito ay rebulto ni San Jose ang Manggagawa. Nagpasama ang kura sa magto-troso sa lugar na kinatagpuan ng rebulto at nilagyan nila ang lugar ng pananda. Tinawag nila ang lugar na “San Jose del Monte” o “Si San Jose ng Kabundukan”. Mula noon, marami nang tao ang pumunta sa lugar at doon na namalagi sapagkat ayon sa kanila ay pinagpala ang lugar na kinatagpuan ng rebulto. Dahil sa pagdami ng tao roon, dumating rin ang panahon kung kailan ginawa nang visita ng Meycauayan ang San Jose del Monte at noong 1752 nga ay tuluyan nang naging nagsasariling bayan.