Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Pangalan: ______________________________

Baitang/Pangkat: ___________________

DITO NA KAYO MAGSAGOT!!!

Filipino 10
Ikaapat na Markahan – Modyul 3:
El Filibusterismo (Si Kabesang Tales)

Alamin
Magandang araw! Kumusta? Ngayong nakilala mo na sa nakaraang modyul ang mga
piling tauhan ng nobelang El Filibusterismo, natitiyak kong higit ang iyong kasabikan at
pagnanais na mahalungkat ang iba pang bahagi nito. Handa ka na ba sa panibagong aralin?
Magaling! Kung gayon ay tutungo na tayo sa ating araling tiyak na magpapalawak ng iyong
kaisipan. Halika at kilalanin mo ang iba pang tauhang nagbigay-kulay sa nobelang isinulat
ni Dr. Jose P. Rizal. Natitiyak kong marami kang mapupulot na kaisipan at
matatalinghagang pahayag na makatutulong upang lalo mong malinang at mapalago ang
iyong kaalaman.

Ang modyul na ito ay inihanda upang malinang ang iyong kasanayan sa sumusunod:

1. nabibigyang-kahulugan ang matatalinghagang pahayag na ginamit sa


binasang kabanata ng nobela sa pamamagitan ng pagbibigay ng halimbawa
(F10PT-IVb-c-83);
2. nasusuri ang mga kaisipang lutang sa akda (Diyos, bayan, kapuwa-tao,
magulang) (F10PB-IVd-e-88);
3. naiuugnay ang kaisipang namayani sa pinanood na bahagi ng binasang akda
sa mga kaisipang namayani sa binasang akda (F10PD-IVd-e-83); at
4. naipahahayag ang sariling paniniwala at pagpapahalaga kaugnay ng mga
kaisipang namayani sa akda (F10PN-IVd-e-85).
Suriin
Ngayong nakilala mo na sa nakaraang modyul ang mga
piling tauhan ng nobelang El Filibusterismo, natitiyak kong higit ang iyong kasabikan at
pagnanais na mahalungkat at makilala ang iba pang tauhan nito. Ngunit bago iyon, narito
ang ilang salitang makatutulong para sa lubos mong pagkaunawa.

Talasalitaan
1. manilbihan – maglingkod
2. hinawan – nilinis
3. korporasyon – organisasyon o grupo
4. naghihingalo – nag-aagaw buhay
5. agnos o relikaryo – isang locket o kuwintas
6. buwis – halagang bayad sa paggamit ng lupa
7. tabla – piraso ng kahoy
8. tulisan – taong humaharang sa mga taong naglalakbay
______________upang magnakaw
9. karuwahe – kalesa o sasakyang maaaring pandigmaan o
________________normal lang para sa transportasyong ginamit noong
unang panahon
10. binihag – ikinulong o hinuli

Sa bahaging ito, higit mong makikilala si Telesforo Juan De Dios o mas kilala bilang
si Kabesang Tales. Ano kaya siya bilang isang magulang sa kaniyang mga anak, bilang isang
kabesa sa kanilang lugar at bilang isang mamamayan sa kanilang bayan?
Narito ang ilang piling kabanata sa El Filibusterismo upang lubos mong makilala si
Kabesang Tales.
Kabanata 4: Si Kabesang Tales
Buhay pa si Tandang Selo, ang matandang kumupkop sa may sakit na batang si
Basilio. Mabuti-buti na ang kaniyang buhay. Hindi na siya nangangaso at nangangahoy at
gumagawa na lamang siya ng walis.
Ang kaniyang anak na si Telesforo o Tales, ay nakikisama sa lupa ng isang
mamumuhunan. Nang malaunan ay bumukod na siya na katulong ang ama, asawa at
tatlong anak. Nagkaingin sila sa dulo ng bayan sa paniniwalang walang nagmamay-ari niyon
sapagkat iyon ay ginugubat.
Sa paghahawan ng gubat na iyon, isa-isang nagkasakit ang mag-anak. Unang
namatay ang asawa ni Tales at sumunod ang panganay niyang anak na si Lucia.
Nang malapit na nilang anihin ang unang tanim, ang bukiring kanilang hinawan,
nilinang at tinamnam, ay inangkin ng isang korporasyon ng mga prayle na may pag-aari sa
malapit sa bayan. Naglagay ng mga pananda ang mga ito at pinagbabayad sila ng
dalawampu o tatlumpung piso taon-taon. Palibhasa’y mabait, tahimik at masunurin sa mga
prayle, pumayag si Tales. Unang-una, hindi siya marunong magsalita ng Kastila. Wala rin
siyang ibabayad sa manananggol.
“Magtiis ka na,” ang payo ni Tandang Selo. “Ipagpalagay mo na lamang na natalo ka
ng tatlumpung piso sa sugal o kaya’y kinain ng buwaya.”
Naging masagana ang ani ni Tales at marami siyang napagbilhan.
Nagbalak siyang magpatayo ng bahay na tabla sa nayon ng Sagpang sa Bayan ng
Tiyani na katabi ng San Diego.
Masagana rin ang ani niya nang sumunod na taon. Ang upa sa lupa ay naging
limampung piso.
“Magtiis ka”, ang muling payo ni Tandang Selo. “Ipagpalagay mo na lamang na
lumaki ang buwaya.”
Natupad ang balak ni Tales. Nanirahan sila sa bahay na tabla. Binalak ng mag-ama
na pag- aralin sa Maynila si Tano at ang kapatid nitong si
Huli.
Nang makita ng bayan na malakas kumita ng
salapi si Tales, pinakamasipag sa kanilang nayon at
maunlad ang kabuhayan, ginawa siyang kabesa. Bilang
kabesa, humanda siyang gumugol nang malaki. Iniwasan
niya ang pakikipagkagalit sa kura at sa pamahalaan.
Binabayaran na rin niya ang buwis ng mga
nakatalang pangalan ng mga namatay na o
lumipat na ng tirahan.
“Magtiis ka. Ipagpalagay mong dumating ang mga kamag-anak ng buwaya,” ani
Tandang Selo.
Hindi na nakapag-aral sa Maynila si Huli dahil naragdagan pa ang buwis sa lupa.
Nang ang buwis sa lupa ay umabot na sa dalawandaang piso, tumutol na si Kabesang Tales.
Kapag hindi makababayad ng buwis ay ipalilinang ang lupa sa isang utusan ng prayle.
Namutla ang kabesa at umugong ang kaniyang tainga. Sa mapulang ulap na tumakip
sa kaniyang mga mata ay parang nakikita niya ang kaniyang asawa at anak na babae na
payat na payat, namumutla at naghihingalo. Nakikita niya ang masukal na gubat na naging
masaganang bukirin; ang kaniyang sariling nag-aararo sa gitna ng nakapapasong araw
samantala ang tagapangasiwang prayle ay namamasyal lulan ng kaniyang karuwahe at ang
utusang pagbibigyan ng lupa ay susunod-sunod sa panginoon. Ipinasiya ni Kabesang Tales
na huwag magbayad ng buwis at huwag ibigay ang lupa.
Nang makita ni Tandang Selo ang mukha ni Kabesang Tales, hindi na siya
bumanggit ng tungkol sa buwaya. Pinaalalahanan niya ito na nahuhubaran ng damit ang
nakikipag-usapin.
“Tayong lahat, Ama, ay uuwi sa alabok at isinilang tayong walang damit,” ang sagot
ni Kabesang Tales sa ama.
Hiningan ni Kabesang Tales ang mga prayle ng ano mang kasulatan ng pagmamay-
ari sa lupain. Walang maipakita ang mga prayle kaya nagkaroon ng usapin. Naniniwala si
Kabesang Tales na may mga taong maibigin sa katarungan at gumagalang sa kautusan.
Ang usapin ni Kabesang Tales ay noon lamang nasaksihan sa Pilipinas. Sa isang
panig ay maralitang Indiyo, mangmang ngunit nagtitiwalang magtatagumpay ang
katarungan. Sa kabilang panig ay ang malakas na korporasyon ng mga prayle,
makapangyarihan at niyuyukuan. Tila langgam lamang si Tales na kumakagat din kahit
alam niyang siya’y matitiris, tulad din ng isang langaw na tumatanaw sa kalawakan sa
kabila ng salamin, tulad ng palayok na nakikipagbanggaan sa kaldero at madudurog sa
sanlibong bahagi. May itinuturo din ang mga ito; ang mataas na karangalan ng kawalang
pag-asa. Habang hindi pa nahahatulan ang usapin, si Kabesang Tales ay naglilibot sa
kaniyang bukirin. May dalang isang baril bilang pananggalang sa mga tulisan.
Ang mga hukom-pamayapa sa bayan at sa ulong-bayan ay hindi naglakas ng loob
na bigyan ng katuwiran si Kabesang Tales sa takot na mawalan sila ng katungkulan.
Pinayuhan ng mga hukom na magbayad na ng hinihinging buwis. Subalit nanindigan si
Tales lalo pa nga’t may nababanaagang katuwiran.
Pinagsadya ang kabesa ng gobernador subalit nanatili sa kaniyang pagmamatigas.
Ipagkakaloob lamang niya ang lupaing iyon sa taong makagagawa nang higit sa kaniyang
dinanas.
Ang anak niyang si Tano ay napiling sundalo ngunit pinabayaan niya itong lumakad
nang walang kapalit. Pagkaraan ng anim na buwan, nabalitang dinala ito sa Carolinas.
Pinag-ibayo ng kabesa ang pagbabantay sa
kaniyang lupa na dala-dala ang baril. ‘Di nagtagal,
nanaog ang utos ng Kapitan Heneral na nagbabawal sa
paggamit ng baril kaya ipinasamsam na lahat ang mga
baril. Patuloy pa rin ang kabesa sa pagbabantay na
daladala naman niya’y isang gulok.
Inalisan siya ng gulok dahil napakahaba nito.
Ang ipinalit niya ay isang matandang palakol ng
kaniyang ama. Subalit anong laban ng palakol sa mga
baril ng mga tulisan? Binihag ng mga tulisan si Kabesang
Tales. Humihingi ng limandaang piso ang mga ito bilang
pantubos sa kabesa sa loob ng dalawang araw. Maaaring pugutan ng ulo ang kabesa kapag
‘di nakapagbigay ng kanilang hinihingi.
Halos mabaliw ang maglolong Selo at Huli sa nangyari. Si Huli ay may dalawandaang
piso lamang kaya nagpasiyang ipagbili sa pinakamayamang kapitbahay ang kaniyang mga
alahas maliban sa relikaryong may esmeralda at mga brilyante. Handog ito sa kaniya ni
Basilio. Ang hiyas na iyon ay ibinigay ni Maria Clarang anak ni Kapitan Tiyago sa isang
ketongin. Ibinigay ng ketongin ang agnos kay Basilio sapagkat ginamot siya nito. Ang hawak
na salapi ni Huli ay naragdagan lamang ng limampung piso.
Binalak ni Huli na isanla ang kanilang bahay sa halagang dalawandaan at
limampung piso. Sinamahan siya ni Hermana Bali sa mayayaman sa Tiyani, subalit walang
nangyari. Ayon sa kanila, ang tumulong daw sa kaaway ng mga prayle ay parang naghihintay
sa paghihiganti ng mga ito. Hanggang makatagpo nila si Hermana Penchang, na nagpahiram
ng salaping kailangan sa kasunduang maninilbihan si Huli sa kaniya bilang utusan
hanggang mabayaran ang utang.
Nang malaman ito ni Tandang Selo, nanaghoy itong parang bata. Sinabi ng matanda
na kung aalis si Huli, siya’y tutungo sa gubat at ‘di na babalik sa bayan.
Naging malungkot ang gabi sa maglolo. Kinabukasan, araw ng Pasko, maninilbihan
na siya kay Hermana Penchang. Sa araw ding iyon karaniwang dumarating si Basilio buhat
sa Maynila at dumadalaw sa kaniya na may dalang pasalubong. Kailangang limutin na niya
ang binata sapagkat magiging manggagamot na ang binata at siya’y hindi na karapat-dapat
maging asawa nito. Iba’t ibang kababalaghan ang sumasaisip ni Huli hanggang siya ay
nakatulog.
Kabanata 8: Maligayang Pasko
Kinabukasan, araw ng Pasko,
hindi naghimala ang Birhen. Hindi nagbigay ng
karagdagang salaping kailangan ni Huli. Pilit pinasaya
ni Huli ang sarili sa paniniwalang maaari naman niyang
madalaw si Tandang Selo.
Tuluyang sumikat ang araw at nagliwanag ang
buong paligid. Nakita niya si Tandang Selo sa isang sulok
habang nakatingin sa kaniyang ginagawa. Nilapitan niya
ito at nagmano. Tahimik naman ang matandang lalaki
nang bendisyunan siya. Biniro niya ang kaniyang Ingkong.
“Pag-uwi ni ama, pakisabi pong natuloy ako sa pagpasok sa
eskuwela. Marunong pong magsalita ng Kastila ang aking
amo kaya’t tiyak na matututo ako sa pinakamurang halaga.”
Matagal nang nakaalis si Huli at mataas na ang araw nang dumungaw si Tandang
Selo sa may bintana para panoorin ang mga taong nakabihis na dadalo sa misa mayor. Ang
misa ay mahigit isang oras at ang mga bata ay pinagtitiis sa init at amoy pawis ng mga taong
nagsisiksikan. May mga kasamang kurot at pagsaway sa mga batang malikot. Pagkatapos
ng misa ay inililibot ang mga bata sa bahay-bahay ng mga kamag-anak at kaibigan upang
magbigay-galang at pagbati sa pamamagitan ng paghalik sa kamay ng matatanda. Ang iba
ay kumakanta at sumasayaw bilang pagpapakita ng kakayahan. Nakatatanggap ang mga
bata ng aginaldong salapi mula sa mga kamag-anak na kinukuha rin ng kanilang mga
magulang. Nakikibahagi rin sa ganitong pagsasaya ang mga may edad na namumuhay mag-
isa. Dumadalaw sila sa mga magulang at kamaganak para lumuhod at bumati ng
Maligayang Pasko.
Nakita ni Tandang Selo ang mga kaibigang dumaan sa harap ng bahay at labis
niyang ikinalungkot na hindi man lang siya nakapagbigay ng anomang aginaldo lalo na sa
kaniyang apong si Huli. Dinalaw siya ng ilang kamag-anak na may kasamang anak. Laking
gulat ni Tandang Selo na hindi na siya makapagsalita at wala na siyang masabing anoman.
Kahit anong pilit niya ay walang lumabas na tinig sa kaniyang bibig. Nagpumilit siyang
ngumiti ngunit nanginginig ang kaniyang labi na nagpakawala ng impit na tunog. Hindi
makapaniwala ang mga kababaihan. “Napipi na! Napipi na!” sabi nila.
Kabanata 10: Karangyaan at Karalitaan
Nagdiriwang ang mga prayle sa pagkapanalo ng usapin tungkol sa lupain ni
Kabesang Tales. Ni wala silang kahihiyan sa ginawang pagsasamantala sa pagkakadukot sa
kabesa upang maipagkaloob sa kanila ang lupain.
Nang makabalik na si Tales ay nalamang may iba ng namamahala sa kaniyang
lupain. Natagpuan niyang pipi ang ama at ang dalagang anak na si Huli ay nagpaalila sa
isang matandang babaing deboto. Binigyan lamang siya ng tatlong araw ng hukuman para
lisanin ang bahay. Ni hindi makapagsalita si Kabesang Tales at umupo sa tabi ng ama.
Nakituloy ang mag-aalahas na si Simoun sa bahay nina Kabesang Tales sa kabila ng
paghihikahos ay hindi naman nawala ang magandang kaugalian kay Tales at malugod na
pinatuloy ang panauhin. Dala ni Simoun ang lahat ng pangangailangan, mula sa pagkain,
damit at maging ang dalawang utusan. Ang bahay ni Kabesang Tales ang pinakamalaking
bahay na nasa pagitan ng San Diego at Tiyani. Ipinagmalaki naman ni Simoun ang kaniyang
dalang rebolber kay Kabesang Tales. Nagdatingan ang mga mamimili ng alahas. Si Kapitan
Basilio, ang anak na si Sinang, at asawa nito. Dumating din doon si Hermana Penchang na
mamimili ng isang singsing na brilyante para sa birhen ng Antipolo. Binuksan ni Simoun
ang dalawang maleta ng alahas. Mga alahas na may iba’t ibang uri, ayos at kasaysayan.
Napatingin si Kabesang Tales sa mga alahas ni Simoun. Naisip niyang parang sa tulong ng
kayamanang iyon ay tinutudyo siya ni Simoun, nilalait ang kaniyang kapahamakan. Sa
bisperas pa naman ng araw ng kaniyang pag-alis sa bahay niyang iyon isa lamang
pinakamaliit sa mga brilyanteng iyon ay sapat nang pantubos kay Huli at makapagbigay ng
kapanatagan sa matanda na niyang ama.
Walang namimili isa man sa mga nagsitawad sa mga luma at makasaysayang alahas
ni Simoun. Inilabas ni Simoun ang mga bagong hiyas. Dito namili si Sinang at iba pa. Siya
raw ay namimili rin ng alahas, ani ni Simoun. Tinanong niya si Kabesang Tales kung may
ipagbibili. Agad na iminungkahi naman ni Sinang ang kuwintas na tinawaran ni Simoun ng
limandaang piso ng makilalang iyon nga ang kuwintas ng kasintahang nagmongha. O ‘di
kaya’y ipagpalit ng kabesa sa alin mang hiyas na maibigan niya. Nag-isip si Kabesang Tales.
Ani Hermana Penchang ay ‘di dapat ipagbili iyon dahil minabuti pa ni Huli ang paalila
kaysa ipagbili iyon. Isasangguni raw muna ni Kabesang Tales sa kaniyang anak ang bagay
na iyon at tumango naman si Simoun. Ngunit nang nasa labas na ng bahay ay natanaw ni
Kabesang Tales ang prayle at ang bagong gumagawa ng lupa. Nangagtawanan pa iyon ng
makita si Kabesang Tales. Naalala niya ang sumpang binitawan na walang sinomang
maaaring umangkin ng lupain maliban sa mga taong magdidilig ng sariling dugo.
Huminto siya at tinutop ang noo. Pumikit siya at pagmulat ay nagbalik ang lahat ng
kaniyang alaala, ang bangkay ng asawa’t anak habang nakikita niya ang mga
nagtatawanang lalaki. Nabigo si Simoun sa paghihintay kay Kabesang Tales. Kinabukasan
ay natagpuan niyang bukas ang katad na pinaglalagyan niya ng rebolber. Wala na ang
rebolber dito ngunit natagpuan niya ang relikaryong may kalakip na sulat.
Ipagpatawad ninyong pagnakawan ko kayo sa loob ng sarili kong tahanan.
Ipagpapalit ko ang relikaryo sa inyong rebolber. Kailangan ko ng sandata sapagkat
ako’y mamumundok at sasama na sa mga tulisan. Ipinapayo kong mag-iba na kayo
ng landas sapagkat sa oras na mahulog kayo sa aming mga kamay ay tiyak na
hihingan kayo ng malaking tubos.
“Natagpuan ko rin ang taong aking hinahanap,” bulong ni Simoun.
“Mainuhin nga lamang ngunit may paninindigan.”
Iniutos ni Simoun sa mga utusan na dalhin ang malaking sisidlan ng hiyas sa Los
Baños at hintayin siya roon. Sa ilog niya pinaraan ang mga ito. Samantalang siya, taglay
ang lalong mahalagang hiyas ay sa katihan nagdaan.
Apat na guwardiya sibil ang dumating upang hulihin si Kabesang Tales. Nang hindi
nila ito dinatnan, si Tandang Selo ang dinala.
Nang gabing yaon, tatlo ang pinatay. Ang prayleng tagapangasiwa ng asyenda, ang
lalaking pinagbigyan ng bukirin ni Kabesang Tales at ang asawa nito. Basag ang bungo ng
mga lalaki at gilit ang lalamunan ng babae. Puno ng lupa ang bibig at sa tabi ng bangkay ay
may kapilas na papel na may pangalang “Tales” na nasusulat sa dugo.
Kabanata 30: Si Huli
Higit na dinamdam ng taga-San Diego ang pagkabilanggo ni Basilio kaysa
pagkamatay ni Kapitan Tiyago. Napabalitang ipatapon ang pinakamagaang parusa kay
Basilio at malamang na sa daan pa lamang ay ipapatay na siya.
Ayon kay Hermana Penchang, parusa ng Diyos ang pagkakabilanggo ni Basilio
sapagkat hindi ito nag-aantanda pag nakitang marumi ang agua bendita. Ngunit marami sa
kalalakihan ang hindi naniniwala nito ni sa paghihimagsik at mga paskin. Ang nangyari’y
paghihiganti ng mga prayle sa pagkakatubos ng binata kay Huli.
Ang totoo’y ikinalungkot ni Hermana Penchang ang pagkakatubos kay Huli dahil
inaako ng dalaga ang pagdarasal at pag-aayuno ng manang.
Nakarating kay Huli ang nangyari kay Basilio at nakadama siya ng matinding
kalungkutan. Sinapantaha niyang nanganganib na naman ang kaniyang hinaharap.
Naisip ni Huli na tungkulin niyang tulungan ang binata sapagkat wala na itong
tagapagkupkop. Naisip niyang lumapit kay Padre Camorra ngunit kinilabutan siya.
Makapangyarihan ang kura. Tinulungan siya nito upang makalaya ang kaniyang ingkong.
Hindi sapat sa kura ang pasasalamat ni Huli kaya humiling ito ng alaalang hindi kayang
gawin ng dalaga.
Nag-ambag-ambag ang mga kamag-anak ni Basilio para sa ikalalaya niya subalit
hindi sapat ang kanilang nalikom. Lumapit si Huli at Hermana Bali sa kawani at hukom-
pamayapa ngunit ngunit pinayuhan lamang silang kay Padre Camorra lumapit.
Ayaw lumapit ni Huli kay Padre Camorra dahil batid niyang may masamang tangka
ito sa kaniya. Hindi makatulog si Huli nang gabing yaon dahil sa sari-saring pangitain – ang
amang palabuy-laboy, nagugutom, pagod na pagod; si Basilio, nag-aagaw buhay, sumisigaw
ng “Iligtas mo ako!”. Lumipas ang araw niya sa pagtawag sa Diyos at sa inang namayapa na.
May nabalitang anim katao ang binaril at iisang bilanggo lamang ang naiwan sa
piitan – si Basilio. Ito ang pumawi sa pag-aalinlangan ni Huli. Magpapasama siya kay
Hermana Bali sa kumbento. Nagbihis at nag-ayos siyang kunwang masaya ngunit puno ng
panimdim. Nang matanaw ang kumbento, nagyaya siyang umuwi lalo nang marating ang
pintuan nito. Tumangging pumasok si Huli na putlang-putla at takot na takot. Hinatak siya
ng matanda at pinangakuang hindi iiwan.

Nang magpatuloy sa pagmamatigas si Huli, nagsalita na si Hermana Bali. “Siya,


kung ayaw mo. Hindi naman ako ang may utang na loob kay Basilio. Hayaan mo siyang
itapon at barilin sa daan. ‘Pag patay na, saka ka magsisi.” Dahil sa sinabi ni Hermana Bali,
pikit-matang pumasok sa kumbento si Huli.
Kinagabihan, napag-usapan ang pagtalon
ng isang dalaga mula sa bintana ng kumbento. Bumagsak
ito sa batuhan at namatay. Halos kasabay noon ang
paglabas ng isa pang babaing nagsisisigaw na parang baliw.
Ayaw bumanggit ng pangalan ang taong bayan.
Pagkaraan noon, isang matandang lalaki ang dumating sa may
pinto ng kumbento na natatanuran ng sakristan. Ang
matanda’y nagsisisigaw at nagtutungayaw na
hindi maunawaan. Nagtungo ang matanda
sa gobernadorcillo at sa hukompamayapa. Wala ang mga ito dahil ipinatawag sa kumbento.
Maging ang tinyente mayor at ang guwardiya sibil ay nasa kumbento rin. Ang matanda ay
umuwing tumatangis na parang bata. Umaalingawngaw sa katahimikan ng gabi ang
kaniyang panangis. Napakagat-labi ang mga lalaki at ang mga babai’y nangagdaop-palad.
“Panginoon, kami’y pantay-pantay sa Iyong harapan. Kayo napo ang magbigay-
katarungan sa amin,” anang isang babaing namamayat sa kakakulasyon. “Oo, kung totoo
ang Diyos na kanilang sinasabi. Hindi gawa-gawa lamang. Sila na rin ang unang hindi
nananalig sa Kaniya,” ang wika ng kaniyang asawa.
Nang mag-iikawalo ng gabi, nabalitaang pitong prayle na nanggaling sa mga karatig-
bayan ang nangagtipon-tipon sa kumbento upang magpulong. Nang sumunod na araw ay
tuluyan nang nawala si Tandang Selo. Taglay niya ang kaniyang sibat sa pangangaso.

Bago ka magpatuloy, nais kong panoorin mo ang isang maikling video tungkol sa
Kabanata 4 na bahagi ng akdang iyong nabasa sa itaas. Inilahad din ang sipi nito sa ibaba
kung hindi mo ito mapapanood. Binubuo lamang ito ng mahigit sa tatlong minuto. Narito
ang link: https://youtu.be/k02kQkc39eE (Paalala: Hinihikayat na ang guro na ang gumawa
ng paraan upang makapanood ang mga mag-aaral.)

Kabanata 4: Si Kabesang Tales


Si Kabesang Tales ang nag-iisang anak ni Tandang Selo, ang matandang
mangangahoy na kumupkop kay Basilio sa gubat noong bata pa ito. Sa paniniwalang
walang nagmamay-ari ng isang lupain ay sinaka ito ni Kabesang Tales. Ngunit nang mag-
ani ang kaniyang pananim, siya ay siningil ng mga prayle ng 20 hanggang 30 pisong
buwis. Nais tumutol ni Kabesang Tales ngunit pinigilan siya ng ama.
Natupad ang pangarap ni Kabesang Tales na makapagpatayo ng bahay na yari
sa tabla. Pinagkaisahan siyang gawing cabeza de barangay ng kaniyang mga kanayon.
Lubhang magastos ang tungkuling ito dahil kinakailangan niyang bumili ng magagarang
damit at naubos ang kaniyang oras sa pagpunta sa kabisera.
Inilakad ni Kabesang Tales kung kani-kanino sa pamahalaan ang karapatan niya
sa lupa. Pinagsamantalahan naman ng mga ito ang kaniyang kamangmangan.
Napiling maging sundalo ang kaniyang anak na si Tano ngunit hinayaan niya ito sa
halip na magbayad ng kapalit.
Isang araw, dinukot ng mga tulisan si Kabesang Tales at ipinatutubos sa
halagang 500 piso. Halos mabaliw sina Tata Selo at Huli. Hindi nila alam ang gagawin.
May 200 piso si Huli ngunit hindi iyon makasasapat. Siya ay nagdasal nang nagdasal
ngunit walang milagrong naganap kaya’t nagpasiya siyang manilbihan sa isang
matandang kababaryo.
Ngayon ay natapos mo nang basahin ang mga kabanatang tumatalakay sa mga
pangyayari sa buhay ni Kabesang Tales bilang magulang, bilang kabesa at bilang
mamamayan. Batid kong naging hamon sa iyo ang matatalinghagang pahayag na nabanggit
dito. Alam mo ba kung ano ang matatalinghagang pahayag?
Ang matatalinghagang Pahayag ay mga pahayag na may malalim na kahulugan o
hindi tiyak ang kahulugan dahil ginamit lamang ang pahayag upang maglarawan at hindi
upang magbigay ng literal na kahulugan.
Narito ang ilang halimbawa:
1. makapal na palad – masipag
2. pantay na ang mga paa – namatay na o namayapa na
3. tinik sa lalamunan – sagabal sa ninanais
4. butas ang bulsa – ubos na ang pera
5. sawing palad – minalas
6. salat sa salapi – walang sapat na pera
7. anak dalita – mahirap
8. kapit sa patalim – dumaranas ng sobrang
paghihirap
Tayahin
Panuto: Sagutin ang sumusunod na katanungan. Isulat sa patlang ang letra ng
tamang sagot.

____1. Alin sa sumusunod na pangyayari ang nagpapakita ng pagiging hospitable ng


mga Pilipino?
A. Paninilbihan sa mga mayayaman.
B. Pagbibigay ng regalo tuwing araw ng Pasko.
C. Pagtanggap sa mga panauhin kahit naghihikos na.
D. Patuloy na pagbabayad ng buwis sa mga pangalang nakatala kahit patay
na o lumipat na ng tirahan.
____2. Alin sa sumusunod na pahayag ang nagpapahiwatig ng pagkakapantaypantay
ng bawat tao?
A. Ipagpalagay mong dumating ang mga kamag-anak ng buwaya.
B. Tayong lahat ay uuwi sa alabok at isinilang tayong walang damit.
C. Ipagpalagay mo na lamang na natalo ka ng tatlumpung piso sa sugal.
D. Si Huli ay may ulong parang salaan–puno lamang habang nasa tubig.
____3. Bakit ayaw humingi ng tulong ni Huli kay Padre Camorra?
A. Humiling ito ng alaalang hindi niya kayang gawin.
B. Minsan na siyang natulungan nito at nahihiya na siyang lumapit muli.
C. Nais ni Padre Camorra na manilbihan sa kaniya si Huli kapalit ng tulong
na gagawin.
D. Ayaw nitong tumanggap ng salapi bilang kabayaran sa tulong na
ipinagkaloob kay Huli.
____4. Alin sa sumusunod ang hindi nabanaag ni Tales sa mapulang ulap na tumakip
sa kaniyang mga mata?
A. masukal na gubat na kanilang hinawan
B. kaniyang asawa at anak na babaeng naghihingalo
C. sarili niyang nag-aararo sa gitna ng nakapapasong init ng araw
D. pangarap niyang tahanang yari sa tabla at ang kaniyang dalawang anak
na pag-aaralin sa Maynila
____5. Alin sa mga utos ng Diyos ang nilabag ng korporasyon ng mga prayle sa
hginawa nilang pagsamsam sa lupain ni Kabesang Tales?
A. Huwag magnanakaw.
B. Huwag kang papatay.
C. Huwag kang magnanasa sa hindi mo ari.
D. Huwag kang magnanasa sa hindi mo asawa.
____6. Ano ang nais ipakahulugan ni Hermana Penchang sa pahayag niya na, “Si
Huli ay may ulong parang salaan – puno lamang habang nasa tubig.”
A. Wala siyang maisaulo sa binabasa.
B. Nag-uumapaw sa kaalaman si Huli.
C. Sinasala lamang niya ang mga nais isaulo.
D. Higit na mabilis niyang maisaulo ang binabasa kapag siya ay nasa tubig.
____7. Ano ang dahilan ng pagkamatay ni Huli?
A. Pagkakahulog mula sa tuktok ng kumbento
B. Napagbintangang kasapi sa tulisan at nabaril
C. Dinakip siya at pinarusahan hanggang sa mamatay.
D. Isinakripisyo ang sariling buhay para sa kalayaan ng ama.

You might also like