Pananaliksik 1

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 12

ANG MAKA-PILIPINONG PANANALIKSIK

MGA LAYUNIN
 Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mga mag-aaral na:
 maipaliwanag ang kahulugan ng maka-ilipinong pananaliksik;
 maisa-isa ang mga kahalagahan ng pananaliksik;
 matukoy ang halaga ng pananaliksik sa tatahaking disiplina;
 maipaliwanag ang halaga ng pananaliksik sa sariling larangan;
 masuri ang iba't ibang halimbawa ng maka-Pilipinong pananaliksik;
 makapili ng paksa ng pananaliksik na naaayon sa mga prinsipyo ng maka-Pilipinong pananaliksik;at
 makasulat ng konseptong papel hinggil sa isang pananaliksik na naaayon sa maka-Pilipinong pananaliksik.

PAGTALAKAY
Ang Maka-Pilipinong Pananaliksik:
Gabay sa Pamimili ng Paksa at Pagbuo ng Suliranin ng Pag-aaral
Ayon kay Susan B. Neuman (1997), na binanggit nina Evasco et al. (2011) sa aklat na Saliksik:Gabay sa
Pananaliksik sa Agham Panlipunan, Panitikan, at Sining,ang pananaliksik ay paraan ng pagtuklas ng mga sagot sa
mga partikular na tanong ng tao tungkol sa kaniyang lipunan o kapaligiran.Patuloy ang pananaliksik sa iba't ibang
paksa at penomeno dahil sa pangyayari at pagbabago na nagaganap sa kapaligiran ng isang tao. Tumutuklas din ang
tao ng iba't ibang paraan para mapabuti ang kaniyang pamumuhay sa pamamagitan ng iba't ibang imbensiyon at
kaalaman.
Bukod sa pangunahing layunin ng pananaliksik na tumuklas ng mga bagong kaalaman, malaki rin ang
pakinabang ng isang mananaliksik mula sa mismong proseso ng pagtuklas. Sa pamamagitan ng pananaliksik,
lumalawak at lumalalim ang kaniyang karanasan, hindi lang tungkol sa partikular na paksang pinag-aaralan niya,
kundi na rin sa kontekstong lipunan ng kaniyang pananaliksik.Nagkakaroon siya ng pagkakataong makasalamuha ang
kapwa at makita ang bisa ng pananaliksik sa kaniyang sarili gayundin sa mga tatanggap o makikinabang nito.
Kahulugan at Kabuluhan ng Maka-Pilipinong Pananaliksik
Dakila na ang pananaliksik sa sarili nitong kahulugan at kabuluhan, ngunit lalong mauunawaan ang halaga ng
pananaliksik kung isasaalang-alang ang pangangailangan ng lipunang kinalulugaran nito. Sa Pilipinas, isang lipunang
dumanas ng mahabang kasaysayan ng pananakop at ngayon ay dinadaluyong ng globalisasyon, nananatiling bansot at
nakabatay ang mga siyentipikong pananaliksik ng iba't ibang larangan sa mga banyagang pag-aaral. Nananatiling
hamon sa mga Pilipinong iskolar at mananaliksik ang pagbuo ng kalinangang pananaliksik na nagmumula at
ginagabayan ng sariling karanasan, umuugat sa aral ng kasaysayan, at nagsisilbi para sa sambayanan. Sa ganitong
konteksto,malaki ang gampanin na paunlarin ang maka-Pilipinong pananaliksik na may oryentasyong kakaiba mula sa
kagawiang pananaliksik sa kasalukuyan.
Ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit ng wikang Filipino at/o mga katutubong wika sa
Pilipinas at tumatalakay sa mga paksang mas malapit sa puso at isip ng mga mamamayan.Mahalagang idagdag
sa katangiang ito na kung hindi man maiiwasan na nasa wikang Ingles o iba pang wika ang isang pananaliksik dahil
may pangangailangang ibahagi ito sa internasyonal na mambabasa,kailangan pa ring isalin ito sa Filipino o iba pang
mga wika sa Pilipinas upang mas mapakinabangan.Ang mahusay na pamimili ng wika at paksa ay nagtatakda ng
halaga ng isasagawang pananaliksik.Magagawa ang mahusay na pamimili kung isasaalang-alang ang kontekstong
panlipunan at kultura ng isang lipunan.Makabuluhan ang naging pagninilay ni Dr. Bienvenido
Lumbera(2000),Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan,sa kaniyang aklat na Writing the Nation/Pag-akda ng
Bansa, hinggil sa usapin ng pamimili ng papaksain sa pananaliksik.

"Bakit hindi paksaing Pilipino? Tanong ito ng isang kababayang kararating lamang sa Indiana University mula sa
Pilipinas. Ginulantang ako ng tanong. Sa loob kasi ng tatlong taong pagkalayo sa sariling bayan, hindi sumagi sa
isipan ko na importante pala na iugnay ko ang aking mga plano para sa sariling hinaharap sa mga pangangailangan ng
aking bayang tinubuan. Taong 1959 noon, at simula iyon ng aking re-edukasyon bilang intelektwal na ang kamalaya'y
hinubog ng kulturang kolonyal.”

Ang pagninilay na ito ni Lumbera ang tuluyang nagbunsod ng desididong pagkiling niya bilang iskolar na itanghal
ang wikang Filipino at paksang Pilipino sa kaniyang pananaliksik sa kultura at panitikan. Mula noon, “itinaguyod niya
ang posisyon na ang wikang pambansa ay wika ng marurunong at wikang hindi naghihiwalay sa intelektuwal sa
sambayanan."

Ayon kay Rosario Torres-Yu (2006) sa aklat na Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas,malinaw na ang
intelektuwal na gawain ay hindi pansarili lamang, bagkus ay kailangang iugnay sa pangangailangan ng bayan. Ang
pagpili ng paksa a wika sa pananaliksik ay pamimili rin kung para kanino ang gagawing pananaliksik. Kung para ito
sa bayan, nararapat na ito ay nasa wika at karanasang nauunawaan.

Malinaw na tinutukoy sa karanasan ni Lumbera na ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit ng wikang


Filipino sa pagpapaliwanag at pagpapakahulugan, pumapaksa ng karanasan at aspirasyon ng mga Pilipino sa iba't
ibang larang at disiplina, at naisasakonteksto sa kasaysayan at lipunang Pilipino.

Pangunahing isinasaalang-alang sa maka-Pilipinong pananaliksik ang pagpili ng paksang naaayon sa


interes at kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino. Bago magdesisyon sa paksa, mahalagang tanungin muna
ng isang mananaliksik ang bigat at halaga ng pananaliksik para sa mga kalahok nito o pinatutungkulan ng
pananaliksik. Kanino ba ito magsisilbi? Ipinaliwanag din ni Virgilio Enriquez (1976), nagpasimula ng Sikolohiyang
Pilipino, ang mga dapat isaalang-alang sa pagpili ng paksang sasalksikin.

“lbatay sa interes ng mga kalahok ang pagpili ng paksang sasaliksikin. Kilalanin munang mabuti ang mga kalahok
at hanguin sa kanila ang paksa, nang ganoon ay may kaugnayan ito sa kanilang pamumuhay. Kalimutan ang sariling
hangarin at ituon ang pag-aaral sa pangangailangan at hangarin ng kalahok."
Upang maisagawa ito, mahalaga ang pakikipamuhay at pag-alam sa kanilang kondisyon.Pinaunlad ni Enriquez
ang iba't ibang metodong angkop sa kultura at pagpapahalagang Pilipino.Ang mga halimbawa nito ay
pagmamasid,paggamit sa pakiramdam,pagtatanong-tanong, pagsubok,pagdalaw-dalaw, pagmamatiyag, at
pagsubaybay. Tinukoy rin niya na mahalaga sa pananaliksik ang pakikilahok at pakikisangkot. Kung talagang pag-
aaralan ang interes ng masa, mauunawaan ng isang mananaliksik ang tinatanggap ng karaniwang Pilipino at
matutunghayan ang lalim ng kaalamang galing sa kanilang karanasan.
Komunidad ang laboratoryo ng maka-Pilipinong pananaliksik. Dahil sa lumalawak ang agwat o
pagkakahiwalay ng karaniwang mamamayang Pilipino sa akademya at mga edukado,mahalagang tungkulin din ng
pananaliksik na pawiin ang pagkakahiwalay na ito. Mahalagang tungkulin ng mga mag-aaral, sa gabay ng mga guro,
na lumabas at tumungo sa mga komunidad bilang lunsaran ng maka-Pilipinong pananaliksik. Sa pamamagitan ng
pagpapalakas sa mga pag-aaral sa komunidad,nakakukuha ang mga mag-aaral ng tunay na karanasan at kaalaman
mula sa masa. Naisasaayos nila ang mga karanasang ito at muling naibabalik para sa kapakinabangan ng komunidad.
Sa ganitong paraan, nagiging dinamiko rin ang mga unibersidad at paaralan sa pagtugon sa mga pagbabago at
pangangailangan ng lipunan.
Paano kung ang paksang nais aralin ng mga mag-aaral ay hindi aktuwal na isasagawa sa komunidad o kung ang
disenyo ng pananaliksik ay hindi isasagawa sa komunidad? Kinikilalang mahalaga pa rin ang mga ganitong paksa;
gayunpaman, mahalagang ang pagsusuri at punto de bista ng iskolar ay nagsisilbi pa rin sa masa.
Kalagayan at mga Hamon sa Maka-Pilipinong Pananaliksik
Maraming hamon ang kinahaharap ng maka-Pilipinong pananaliksik. Isa sa mga halimbawa nito ang estado pa
rin ng paggigiit o may ibang pagtanaw sa wikang Filipino sa loob at labas ng akademya na hindi pantay sa Ingles
bilang lehitimong wika ng edukasyon. Gayundin, may iba pang hamon na dapat kilalanin at bigyang-tuon ng isang
mananaliksik sa wikang Filipino.
 Patakarang Pangwika sa Edukasyon.Nakasaad sa Konstitusyong 1987 ang mga probisyon kaugnayng
pagpapaunlad at pagpapayabong ng Filipino bilang wikang pambansa sa pamamagitan ng paggamit nito
bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon at pamamahala.Gayunpaman, tila tumataliwas ang
kasalukuyang kalagayan ng wikang pambansa lalong-lalo na sa edukasyon. Kasabay sa pagpapawalang-
bisa ang Executive Order 210 (Establishing the Policy to Strengthen the Use of English in the
Educational System) na ipinatupad ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Mayo 2003, at
ang tangkang lehislasyon ng Gullas Bill 4710 o mas kilala sa tawag na English Bill, ay ang pananatiling
etsapuwera ng wikang Filipino sa patakarang pangwika ng edukasyon.
Sa bagong estruktura ng General Education Curriculum (GEC) sa kolehiyo na ipatutupad ng Commission on
Higher Education (CHED) sa pamamagitan ng CMO 20 Series 2013, inalis na bilang batayang asignatura ang anim
hanggang siyam na yunit ng Filipino. Mahalagang panatilihin ang pag-aaral ng Filipino sa pinakamataas na antas ng
edukasyon sapagkat nagbubukas ito ng posibilidad na gamitin ang wika sa mataas na uri ng pananaliksik sa iba't ibang
disiplina.Napaunlad na ang akademikong akitud at intelektuwal na kakayahan ng mga mag-aaral sa antas na ito. Tiyak
na kaya na ng mga mag-aaral na makabuo ng pangangailangang pananaliksik sa paksang maka-Filipino.Subalit dahil
sa pagpapatupad ng isang kritikal na patakarang pangwika sa edukasyon, tila lumiliit ang pag-asang umunlad ang
araling makabansa sa iba't ibang disiplina
 Ingles bilang Lehitimong Wika.Ingles pa rin ang lehitimong wika ng sistema ng edukasyon at lakas-
paggawa.Nagiging tuntungan ang pagpapaigting ng globalisadong kaayusan sa lalong pagpapalakas nito
bilang wika ng komunikasyon, komersiyo,at pagkatuto lalong-lalo na sa pananaliksik.Wikang Ingles ang
namamayaning midyum ng pagtuturo at pagkatuto sa mga unibersidad. Dagdag pa riyan, ang katatasan o
fluency sa pagsasalita ng Ingles ay nagiging batayan sa pagkakaroon ng disenteng trabaho.Ayon kay
Gonzalo Campoamor Il sa artikulong "The Pedagogical Role of English in the Reproduction of Labor"
na matatagpuan sa aklat na Mula Tore Patungong Palengke:Neoliberal Education in the
Philippines,neoliberal ang katangian ng polisiyang pangwika sapagkat umaayon ito sa pangangailangan
ng ibang bansa.Tinatalikdan nito ang batayang tungkulin sa pambansang industriyalisasyon. Sa ganitong
kalagayan,hindi masisisi ang mga mag-aaral na nais magpakadalubhasa sa wika at araling Ingles dahil
ito ang magbibigay sa kanila ng magandang posisyon sa larangan ng edukasyon.Ito rin sa kalaunan ay
mag-aakyat sa kanila sa mas mataas na posisyon sa lipunan.Daang taon pa ang lalakbayin upang
makamit ang kritikal na pananaw sa pagpaplanong pangwika sa bansa ngunit kailangang maging ahente
ng pagkuwestiyon ang mga guro at mag-aaral ng pananaliksik sa kalakarang ito. Kailangan ng matalas
na panunuri sa pagtataya ng mga palagay dahil ang mga ito ay batbat ng politika, maging ang mga
institusyonal at personal na pagkiling na malaon nang tinanggap na makatwiran at totoo.
 Internasyonalisasyon ng Pananaliksik. Dahil sa globalisasyon, ang pamantayan sa pananaliksik ng
mga unibersidad at kolehiyo ay umaayon sa mga internasyonal na pamantayan ng pananaliksik.
Positibong bagay ang pagkatuto at pagpapahusay mula sa mga bansang mauunlad ang
pananaliksik,ngunit nailalagay sa alanganin ang mga guro at mag-aaral na nais magpakadalubhasa sa
pananaliksik sa araling Filipino. Gayundin, maliwanag na may mababang pagtingin sa mga journal ng
pananaliksik na inilalathala sa pambansang antas na kadalasang tumatalakay sa wika, kultura, at
kabihasnang Pilipino. Nararanasan din ito sa iba pang unibersidad dahil sa ASEAN Integration 2015.
Hindi lamang ito mahigpit na ugnayang politikal at pang-ekonomiya ng mga bansa sa Asya, bagkus ay
pagpapaunlad din sa sosyo-kultural na pagkakaisa ng mga bansa na magreresulta sa internasyonalisasyon
ng pag-aaral sa mataas na edukasyon at pananaliksik. Positibo ang magiging dulot nito kung matututo
ang mga iskolar ng Pilipinas sa mas maunlad na pamamaraan ng pananaliksik sa mga karatig
bansa,ngunit magiging mabuway kung hindi magiging malinaw ang oryentasyon at tunguhin ng mga
pananaliksik sa mataas na edukasyon. Kailangang payabungin muna ang uri ng pananaliksik mula sa
kalagayan ng lipunang Pilipino habang umuugnay sa maunlad na karanasan ng iba pang lipunan.
 Maka-Ingles na Pananaliksik sa Iba't lbang Larang at Disiplina. Sa kasalukuyan,wala pang malinaw
na batayan sa paggamit ng wika kaya halos hindi pa ginagamit na wikang panturo ang wikang Filipino
sa iba't ibang larangan tulad ng agham panlipunan, agham at teknolohiya,matematika, pagsasabatas at
pamamahala, medisina, at iba pa. Ingles pa rin ang namamayaning wika sa mga akademikong larangan
at maganit pa rin ang pagsasalin ng mga pananaliksik labas sa humanidades, panitikan, at agham
panlipunan. Bagaman maaaring sagutin ng mga maka-Filipino ang argumentong ito sa pagsasabing higit
pa sa daang taon ang kakailanganin ng wika bago maging ganap ang estandardisasyon. Mahalaga pa ring
linawin kung ano ang tungkulin ng mga iskolar at mananaliksik sa napakahabang kurso ng pagpapaunlad
ng wika. Makatutulong sa lalong intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa iba't ibang larangan kung
gagamitin ito sa pananaliksik ng mga mag-aaral na nasa iba't ibang kurso o programa.
Mga Gabay sa Pamimili ng Paksa at Pagbuo ng Suliranin sa Pananaliksik
Mula sa gabay sa pamimili ng paksa para sa maka-Pilipinong pananaliksik, narito ang ilang batayang kaalaman na
dapat isaalang-alang sa wastong pamimili at paglilimita ng paksa. Bago tuluyang buoin ang tanong ng pananaliksik na
gagabay sa buong pag-aaral, makabubuting sagutin muna ang sumusunod na mga tanong:
1.May sapat bang sanggunian na pagbabatayan ang napiling paksa? Kapag bagong-bago ang paksa na nais
talakayin, kadalasang hindi sapat ang nasusulat na mga naunang pag-aaral at literaturang kaugnay nito. Bagaman
maaaring magsilbing eksplorasyon ng bagong paksa ang pag-aaral, ipinapayo rin sa mga nagsisimulang mananaliksik
na pumili muna ng paksang may sapat nang pundasyon. Kailangang mapalawak ang kaalaman sa paksang
tatalakayin.Iwasan ang paksang walang sapat na katibayan at piliin ang nailimbag na sa iba't ibang babasahin bilang
batayan o tuntungan ng impormasyon ng gagawing pagtalakay.
2.Paano lilimitahan o paliliitin ang isang masaklaw na paksa? Maaaring hatiin ang masaklaw na paksa sa maliliit
na bahagi nito. Piliiin lamang ang isang bahagi na tiyak na pag-aaralan.Halimbawa nito kung interesado kang
talakayin ang teleseryeng Pilipino,bigyang-tuon lamang ang kasaysayan o impluwensiya nito sa iisang tiyak na tema
lamang. Nalilimita rin ng pananaliksik kung tiyak ang magiging kalahok o populasyon sa pag-aaral. Halimbawa nito
kung ang dating disenyo ng isang pananaliksik ay ginawa sa isang unibersidad, gawin ang pananaliksik saiba namang
lunan o setting at ihambing ang magiging resulta nito mula sa naunang pag-aaral. Ang bagong disenyo at pamamaraan
ay makapagbibigay rin ng limitasyon sa pananaliksik.Halimbawa,kung ang isang paksa ay kaugnay ng paninigarilyo
ng kabataan, isang deskriptibong disenyo ang maaaring gamitin dahil sa layon nitong ilarawan ang malakihang
populasyon, maaaring paliitin ito ng mananaliksik at pag-aralan ang isang kaso o karanasan ng piling kalahok kaugnay
ng paninigarilyo.
3.Makapag-aambag ba ako ng bagong kaalaman sa pipiliing paksa? Kahit na luma o paso ang isang paksa ay
maaari itong makapagbigay ng bagong tuklas na kaalaman. Tungkulin ng mananaliksik na bigyan ng panibagong
dimensiyon ang isang luma o pasong paksa sa pamamagitan ng pagbuo muli ng panibagong pagsusuri, kongklusyon,
at rekomendasyon batay sa bagong datos na nakalap.
4.Gagamit ba ng sistematiko at siyentipikong paraan upang masagot ang tanong?Madalas na ipinapalagay ng
mga mag-aaral na ang pananaliksik ay maaaring gawin lamang sa pamamagitan ng mga search engine sa Internet.
Tiyakin na ang tanong ng pananaliksik ay hindi lang masasagot ng mga dating pangkalahatang kaalaman o paliwanag
na makukuha sa Internet o nailathala na sa libro. Kung hindi nagagamitan din ng siyentipikong pamamaraan ang
tanong upang masagot,hindi ito maaaring maging tanong sa pananaliksik.
Halimbawa, hindi mo itatanong kung "Ano ang makabagong teknolohiya ng stem cell?"o kaya ay "Paano isinasagawa
o saan nagagamit ang stem cell?"dahil kapag hinanap mo ito sa Internet ay makakikita ka nang mabilisan at tiyak na
mga sagot. Ngunit kung susubuking hanapin ang sagot sa tanong na “Gaano na kalawak at kalalim ang pananaliksik
hinggil sa teknolohiyang stem cell ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila?" may makukuha kang bagong kaalaman
hinggil sa stem cell sa tiyak na konteksto mula sa espesipikong tanong na hindi maaaring makuha sa Internet.
PAGSASANAY
A. Humanap ng kapareha at pumili ng isang paksang pananaliksik sa ibaba. Ang unang grupo ng mga
pananaliksik ay matatagpuan sa Internet ngunit nangangailangan ng subskripsiyon, habang ang ikalawang grupo
naman ay libre at buong mababasa naman. Maaaring humanap din ng anumang pambansang journal basta't
aaprubahan ng guro ang babasahing pananaliksik. Pagkatapos basahin ang pananaliksik, suriin ito sa gabay ng
susunod na talahanayan. Ibahagi sa klase ang kalalabasan ng inyong pagsusuri.
1. Mga pananaliksik na kinakailangan ng subskripsiyon. Maaaring ma-download ang mga ito sa website
ng Philippine E-Journals (www.ejournals.ph), hanapin lamang ang journal na MALAY.
a. "Pambansang Salbabida at Kadena ng Dependensiya:Isang Kritikal na Pagsusuri sa Labor Export Policy (LEP)
ng Pilipinas" ni David Michael M. San Juan (nasa MALAY,vol.27,no. 1,Setyembre 2014)
b. "Ang Internet Bilang Espasyong Pulitikal sa Pilipinas:Pakikilahok, Pamamahala, at Protesta sa Cyberspace” ni
Carl Marc L. Ramota (nasa MALAY, vol. 25,no.2, Abril 2013)
C. "lsang Pagpapanibago ng Edukasyon sa Filipinas Batay sa Isang Makabayang Pilosopiya" ni Bernardo N.
Sepeda (nasa MALAY, vol. 24, no. 2, Abril 2012)
d. “Mahirap ka na nga, Malulungkot ka pa, Mas mahirap 'yon! Pagiging Masayahin at Paraan ng Pag-agapay ng
Karaniwang Pamilyang Filipino sa Harap ng Hirap" ni Roberto E. Javier Jr. (nasa MALAY, vol. 23, no.1,Setyembre
2010)
2. Mga pananaliksik na libre at buong makukuha sa Internet.Maaaring ma-download ang sumusunod sa
U.P. Diliman Journals Online (www.journals.upd.edu.ph), hanapin lamang ang Daluyan:Journal ng Wikang
Filipino.
a. “Bayanihan o Kanya-kanyang Lutas? Pag-unawa at Pagplano sa Bakas ng Bagyong Yolanda sa Tacloban" ni
Jose Edgardo Gomez, Jr. (nasa Daluyan:Journal ng Wikang Filipino,espesyal na isyu, no. 2, 2015)
b. “(Ini)lihim sa Dagat:Mga Salaysay ng Pagsubok at Pakikibaka ng mga Pilipinong Seaman" ni Joanne Visaya
Manzano (nasa Daluyan:Journal ng Wikang Filipino,vol.20,2014)
C. “Ang Pelikulang Rural sa Sineng Indie noong 2005-2008" ni Patrick F. Campos (nasa Daluyan:Journal ng
Wikang Filipino, vol. 17, no. 1-2, 2011)
d. "Ang Kasalukuyang Pagkakilanlan ng mga lraya Mangyan" ni Aleli Bawagan (nasa Daluyan:Journal ng
Wikang Filipino, vol. 15, no. 1-2, 2009)
e. "Diskurso ng Siyensiya: Kolonyal na Diskurso ng mga Sakuna Mula sa Panahon ng Instrumentasyon Tungo sa
Panahon ng mga Amerikano" ni Alvin Jason A. Camba (nasa Daluyan:Journal ng Wikang Filipino, vol. 16, 2010)
Pamagat ng Pananaliksik

Mga Katangiang Maka-Pilipino sa Pangatwiranan kung Maka-


Abstrak ng Pananaliksik
Pananaliksik Pilipino ang Pananaliksik

B. Matapos maunawaan ang mga gabay sa pagpili at paglimita ng paksa at ang mga katangian ng maka-
Pilipinong pananaliksik, subukan namang pumili at isulat ang tatlong paksa sa pananaliksik. Alalahanin na isa
sa mga paksang ito ay posibleng mapili at gagawan ninyo ng pananaliksik sa buong semestre.

Paksa 1

Paksa 2

Paksa 3
Naunawaan mo mula sa aralin na mahalaga ang pagsasagawa ng komunidad bilang laboratoryo ng pananaliksik.
Sa gawaing ito, lalabas kayo ng silid-aralan upang maghanap ng posibleng paksa na sasaliksikin sa inyong komunidad
o paaralan.
Konseptong Papel ng Pananaliksik na Pangkomunidad
1. Bumuo ng grupo na may apat hanggang limang miyembro.Sama-samang lalabas ng silid-aralan at mag-iimbestiga,
magtatanong-tanong, at magmamasid sa loob ng paaralan o kaya sa malapit na komunidad ng paaralan.
2. Layunin ng gagawing imbestigasyon sa paaralan o komunidad ang maghanap ng isang tanong o problema na
magiging batayan ng paksang pananaliksik. Kailangang nakabatay ito sa isang suliranin,usapin, pangyayari, tao,
organisasyon, o iba pang maaaring pagkunan ng paksa sa komunidad.
3. Pagkatapos matukoy ang paksa, gumawa ng isang konseptong papel na naglalaman ng sumusunod:
a. Pangkalahatang Paksa at Espesipikong Suliranin ng Pag-aaral-tumutukoy ito sa pangkalahatang paksa na nais
palalimin sa pamamagitan ng isa o dalawang tanong o suliranin na layong sagutin ng inyong pananaliksik.
b. Kaligiran at Rasyonal ng Pag-aaral - tumutukoy ito sa lugar o lunan at panahon kung kailan isasagawa ang
pananaliksik. Maaari na ring tukuyin kung sino ang pinaplanong magiging tagatugon o kalahok ng pag-aaral.
Sinasagot din sa bahaging ito kung bakit magiging mahalaga ang pananaliksik para sa mga taong kasangkot o sa
komunidad.
C. Layunin ng Pag-aaral - ilalagay sa bahaging ito ang mga pangkalahatan at espesipikong layunin na nais makamit ng
pag-aaral.
d. Inaasahang Output ng Pag-aaral- nakasaad dito ang magiging kalalabasan ng porma at nilalaman ng pag-aaral. Ang
porma ay tumutukoy sa dami ng pahina,format, at pisikal na kalalabasan ng pananaliksik, habang ang nilalaman ay
nagbibigay ng haypotesis at palagay sa kalalabasan ng pag-aaral.
4. Tatayahin ang konseptong papel batay sa sumusunod na batayan.
Batayan sa Pagmamarka Kaukulang Puntos Marka
Mahihinuha sa papel ang lalim ng
imbestigasyong ginawa sa mungkahing 10
paksa.
Napapanahon at kapaki-pakinabang ang
10
napiling paksa.
Sistematiko at malinaw ang paglalahad ng
10
mga bahagi ng konseptong papel.
Kabuoan: 30

Gabay sa Pananaliksik
Mula sa pagsulat ng konseptong papel ng pinaplanong pananaliksik sa Pagsasanay,magsimula nang magsulat ng
mga panimulang bahagi ng pananaliksik: Kaligiran ng Pag-aaral, Kahalagahan ng Pag-aaral,at Layunin ng Pag-aaral.
Tiyakin na nagagabayan ng prinsipyo at oryentasyong maka-Pilipino ang pagbuo ng mga bahaging ito ng
pananaliksik.
Pagpapaunlad ng Pag-unawa sa Ang Maka-Pilipinong Pananaliksik
Maikling Pagsusulit Blg. 9

Pangalan: Petsa:
Seksiyon: Guro:
Isulat ang T kung wasto ang kaisipang ipinahahayag at M naman kung hindi. Kung M ang
sagot,ipaliwanag sa ibaba kung bakit mali ang pahayag.
1. Hindi maituturing na maka-Pilipinong pananaliksik ang isang paksa kung hindi ito gagawin sa komunidad.
2. Maaaring pumili ng tanong sa pananaliksik na sa Internet lamang makikita ang kasagutan.
3.pananaliksik dahil kailangan nilang hintaying mamulat ang mga Pilipinong iskolar bago ito gawin.
4. Ayon kay Neumann(1997),ang pananaliksik ay paraan ng pagtuklas ng mga kasagutan sa mga partikular na tanong
ng tao tungkol sa kaniyang lipunan o kapaligiran.
5. Bukod sa mga pangunahing layunin ng pananaliksik, maraming kapakinabangan ang mananaliksik mula sa proseso
ng pagtuklas.
6. Hindi maaapektuhan ng pagtanggal sa kursong Filipino sa kolehiyo ang pananaliksik na maka-Pilipino.
7. Ang anumang kaalaman na nakuha mula sa masa ay kailangang suriin ng mananaliksik,ngunit hindi na kailangan
pang ibalik o ibahagi sa kanila.
8. Nagbibigay ng bigat at halaga sa pananaliksik ang angkop na pamimili ng wika at paksa.
9. Nalilimitahan din ang paksa ng pananaliksik sa pamamagitan ng pamimili ng panibagong populasyon ng
pananaliksik kahit duplikasyon lamang ito ng nakaraang pananaliksik.
10. Maaaring paliitin o tiyakin ang paksa ng pananaliksik sa pamamagitan ng pagpili ng ibang disenyo nito.

You might also like