Lathalain

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

Article #1 mula sa Deped.gov.

ph

Sabi nga nila, ang pagkatalo ay hindi basehan upang malaman ang iyong kagalingan. Marahil dahil
sa pagkatalong ito ay may matutunan ka at matutuklasan mo ang tunay na nakalaan para sayo.

Ito ay pinatunayan ng Region 10 star athlete na si Erwin Mancao matapos siyang maging kampeon
sa 2018 Palarong Pambansa sa 5,000-meter run na naganap sa Vigan City, Ilocos Sur.

Maraming naantig sa kanyang kwento matapos kumalat ang kanyang larawang kuha ng PTV
Ylocos, kung saan hindi niya naiwasang umiyak pagkatapos manalo sa laban at mapgatanto na ang perang
kanyang napanalunan ay magagamit nila upang maipaayos ang kanilang bahay.

Naging viral at umani ng humigit sa 81,000 reactions, 10,000 comments, at 14,000 shares ang
nasabing post na naging daan din upang siya ay matulungan sng mga taong nagmamagandang-loob.

Isang batang walang pangarap sa buhay kung maituturing si Erwin. Dumaan siya sa matinding
pagkalugmok nang siya ay naging bahagi ng isang fraternity sa kanilang paaralan hanggang sa siya ay
namulat. Binago ng isports ang kanyang buhay.

“Kagaya ng ibang mga bata, wala rin akong pangarap noon. Sumali pa nga ako ng frat, pero nang
naging atleta ako, doon ko na-realize na ang lahat ng iyon ay walang kwenta,” sabi niya.

Sumali muna sa swimming at boxing ang 18 taong gulang na binata bago natuklasan ang kanyang
kakayahan sa larangan ng athletics.

Nagtagal siya ng tatlong taon sa boxing dahil sa kagustuhang kumita ng pera, at nais ng kanyang
tiyuhin na isa ring boksingero na sundan niya ang ang kanyang yapak. Naging puspusan ang pag-eensayo
nila nang siya ay naging Grade 8, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, isang batang amateur boxer ang
naiulat na namatay sa Regional athletic meet na ginanap sa Zambales noong 2013 na naging dahilan upang
pansamantalang tanggalin ang naturang laro.

Napilitang sumubok ng ibang laro si Erwin dahil sa nangyari hanggang sa nakitaan siya ng potensyal
sa pagtakbo ni coach Cherry Cabilunan at doon na siya nagsimulang lumahok sa pagiging athletics player.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng binatang atleta bago niya masungkit ang inaasam na
ginto. Dumaan siya sa pagkatalo at sinubok din ng pagkakataon noong siya ay nagtamo ng injury dahil sa
kanilang pagsasanay ilang araw bago nagsimula ang 2016 Palarong Pambansa sa Antique. Kaya bigo siyang
makapaglaro at ‘di umano’y naging taga-suporta at naging water boy siya sa kapwa niyang runner.

Aniya, “Napakasakit para sakin ang pagkakataong iyon dahil nagpursigi ako at nakakuha ng tatlong
gintong medalya sa Regionals para makapasok sa Palarong Pambansa ngunit nabalewala lang ang lahat ng
pagod ko sa pag-eensayo”.

Sa kabila ng lahat ng pagsubok, hindi ito naging hadlang upang siya ay sumuko sa paglalaro at sa
halip ay mas naging determinadong marating ang rurok ng tagumpay.

Sumali siya sa Philippine National Games (PNG) at naging kinatawan ng Pilipinas sa larangan
ng athletics sa ginanap na ASEAN School Games (ASG), kung saan nasungkit niya ang silver medal sa 1,500-
meter run. Ngayon ay nagbunga na ang lahat ng hirap at sakripisyong kanyang pinagdaanan, makapagbigay
lamang ng karangalan sa bansang sinilangan.
Kasalukuyang hawak ni Mancao ang 16:01.60 record sa 5,000-meter run sa Palarong Pambansa.
Sinisikap niyang mapanatili sa kanyang mga kamay ang kampeonato at mag-uwi rin ng ginto sa 1,500-
meter run.

“Pagsisikapan ko pong madepensahan ang aking titulo kasabay ng pananalangin sa ating


Panginoon sapagka’t wala naman pong nakaaalam sa maaaring maging resulta ng laro,” pahayag niya.

Ibinahagi rin ng atleta ang kanyang sikreto sa bawat tagumpay na kanyang tintamasa.

Sabi niya, “Pagdarasal, determinasyon, tiwala sa sarili at pokus sa bawat laro ang tanging sikreto
ko po upang ako’y manalo.”

Nag-iwan naman siya ng mensahe para sa mga batang atleta na nangangarap na maging kagaya
niya na nagtagumpay ng dahil sa sports.

“Huwag kang sumuko kapag natalo ka sapagka’t bago mo matamasa ang tamis ng pagkapanalo,
matitikman mo muna ang pait ng pagkatalo,” aniya.

Sinuman ay kayang magwagi sa karera ng buhay basta may matibay ang kalooban at hindi basta-
basta sumusuko sa bawat hamong naghihintay sa iyong paglalakbay tungo sa hinahangad na tagumpay.

Article #2 mula sa Deped.gov.ph

Hangad niya ay tagumpay. Dumadaloy sa kanyang dugo ang tinatagong berdugo na ayaw
malugmok sa pagkatalo. Sa Anda National High School ng Pangasinan, isang beteranong manlalaro ang
patuloy na lumalaban upang matawag na kampeon at idolo.

Nagsimula siya noong nasa ikaapat na baitang sa panonood-nood lang ng mga atleta sa kanilang
paaralan. Humanga at natuwa siya sa taas ng talon ng kanyang mga idolo. Sa paglipas ng ilang buwan,
sinubukan na rin niya ito at siya ay nahumaling.

Tuloy-tuloy ang kanyang paglalaro at sinubukan na ring sumali sa kanilang paaralan. Ngunit ang
kampeonato ay mailap at hanggang municipal meet lamang ang nararating niya.

“Maraming nagsasabi na hindi ko kaya, na hindi ako aangat sa isports na ito. Minamaliit nila ang
aking kakayahan. Pero hindi ko sila pinansin at ginawa ko lang kung ano ang gusto ko,” sambit ni Kent.

Wala sa kanyang diksiyonaryo ang salitang sumuko. Nagpatuloy siya at mas nagpursige pa
hanggang sa makuha na niya ang kanyang unang ginto sa high jump noong Region 1 Athletic Association
(R1AA) 2016 na nagdala sa kanya sa 2017 Palarong Pambansa sa Antique. Pumangalawa siya at masayang
iniuwi ang medalyang pilak.

Hindi pa iyan ang katapusan bagkus ito na ang simula ng kanyang tagumpay. Bitbit ang kanyang
determinasyon, tiyaga at tiis, nasungkit na niya ang inaasam-asam na ginto sa 2018 Palarong Pambansa na
ginanap sa Vigan, Ilocos Sur. Sa taas na 1.99 meters, tinanghal siyang record-breaker.

Ngayong taon ang ikatlong beses na pagsali niya ng Palarong Pambansa. Nakalulungkot dahil ito
na rin ang huli dahil sa kanyang edad na 17. Pero masaya pa rin siya dahil malaking karangalan ang iiwan
niya.
Ngunit sa kabila ng matatamis na ngiti at tagumpay ay ang malungkot na pangyayari sa kanyang
buhay. Lumaki siyang walang nakasamang magulang at tanging ang kanyang lola Caridad ang nag-alaga sa
kanya. Ang kanyang ina at ama ay may kanya-kanya nang pamilya.

Labis na pangungulila ang mababakas sa kanyang mga mata. Sa likod ng pagiging masiyahin ay ang
malungkot na mukha na nagsasabing “gusto kong makita ang aking ina.”

“Sa paglalaro ko ng high jump, ito ang naging dahilan para makita ko ang aking ina. Simula noong
pinanganak ako hanggang noong 16 years old ako, hindi ko pa siya nakikita. Kaya last year noong naglaro
ako sa Philippine National Games sa Cebu, ‘di ko akalain na kami’y magkita,” sambit ni Kent.

Muntik nang hindi natuloy ang kanilang pagkikita dahil walang pamasahe ang kanyang ina ngunit
gumawa ng paraan ang kanyang tagapagsanay na si Jomar Carido magkita lamang sila sa unang
pagkakataon.

“Hindi na ako nagdalawang-isip na tulungan sila dahil napakabait niyang bata, napaka-
humble at down-to-earth. Wala kang masasabi kasi sa lahat ng pinagdaanan niya na walang magulang sa
kanyang tabi, hindi siya napariwara. Ni minsan hindi ko siya nakitang sumama sa barkada. Ni minsan hindi
ko siya nakitang humawak ng sigarilyo at alak,” pagmamalaki ni Carido kay Kent.

Mahigpit na yakap ang iginawad niya sa kanyang ina sa kanilang pagkikita na nagpapakita ng lubos
na pangungulila. Ganoon man ang nangyari sa kanilang pamilya, lumabas sa kanyang bibig na mahal na
mahal niya ang kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ina. Ang mga kamay niyang nakayakap sa ina
ay ayaw ng bumitaw na parang sinasabing gusto pa niya itong makasama nang matagal. Sobrang saya niya
nang marinig na ang kanyang mga kapatid ay kagaya rin niyang atleta.

“Napakasaya ko dahil pagkatapos ng 16 years na pangungulila sa aking ina ay natuldukan na.


Ngunit hindi pa rin mawawala ang lungkot dahil alam kong kaunting oras lang ang meron kami. Pero hindi
pa rin ako susuko dahil balang-araw, alam kong magkakasama rin kami nang matagal,” nakangiting sambit
niya.

Malaki ang pasasalamat niya sa kanyang tagapagsanay dahil ito ang nagsilbing magulang niya
bukod sa kanyang lola. Kung wala ang sir Jomar niya, hindi niya makikita at makakasama ang kanyang ina.

“Gusto kong suklian ang kabutihan ni sir sa akin sa pamamagitan ng pagsasanay nang mas mabuti
at gagalingan ko pa sa aking mga susunod na laban,” saad ni Kent.

Hindi rin niya malilimutan ang lubos na pagmamahal at pag-aalaga sa kanya ng kanyang lola.
Pinakain, pinag-aral at sinuportahan ang kanyang pangarap kahit mahirap dahil wala itong trabaho at
matanda na.

“Nagpapasalamat din ako sa Panginoon dahil may lola ako na kahit 80 years old na ay malakas pa
rin. Lahat ng sakripisyo na pwede niyang gawin, ginawa na niya maibigay lang ang pangangailangan ko,”
pagmamalaking sambit ni Kent.

Hindi niya ikinakahiya ang kanyang pagiging benepisaryo ng programang 4Ps (Pantawid Pamilyang
Pilipino Program) at lalong hindi niya ikinakahiya na isa siyang delivery boy ng tubig. Lunes hanggang
Biyernes ay nag-aaral at nag-eensayo siya habang sa Sabado at Linggo ay nagde-deliver siya para may baon
sa pagpasok. At sa tulong ng mga premyong napapanalunan niya sa Palarong Pambansa, natubos na niya
ang kanilang lupa at nakabayad na rin ng utang ang kanilang pamilya.

“Malaki talaga ang naitulong ng isport na meron ako sa aking buhay,” sambit ni Kent.

Hindi siya nagreklamo sa buhay na meron siya. Hindi niya sinisi ang Panginoon kung bakit iniwan
siya ng kanyang magulang dahil maraming nagmamahal sa kanya. Hindi ito naging hadlang sa pagkamit ng
kanyang tagumpay. Ginawa niya itong inspirasyon upang ipagpatuloy ang kanyang sinimulan.

“Kung may pangarap, gawin ang lahat para makuha iyon. Huwag na huwag sumuko,” ito ang
katagang pinanghahawakan niya para matupad ang kanyang pangarap na maging guro balang-araw. Gusto
niyang ituro ang mga natutunan niya sa mga bata na nangangarap na maging katulad niya.

At sa hindi inaasahan, isang linya ang kanyang huling binitawan na tumatak sa aking puso’t-isipan
– “Nang dahil sa aking mataas na lundag, buhay ko ay nabago at nakita ko pa ang nanay ko.”

Kabataang kagaya niya ay dapat hangaan.


Biyayang natanggap sa Diyos ay ginagamit niya sa wastong paraan.
Champion at idolo sa mata ng karamihan

Kent Brian Celeste, ang hinahangaan na star player ng Region 1.

You might also like