Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK

College of Liberal Arts, Sciences, and Education


Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

MODYUL 5
ANG PANANALIKSIK

Panimula at Deskripsyon
Ang modyul na ito ay komprehensibong tumatalakay sa mga depenisyon ng pananaliksik, kahalagahan,
at iba’t-ibang uri ng pananaliksik. Saklaw rin nito ang mga tungkulin at responsibilidad ng mananaliksik,
katangian ng tanong pananaliksik, at mga katangian ng mananaliksik.

Layunin:
Sa katapusan ng modyul na ito, ikaw ay inaasahang:
1. Maipaliwanag ang kahalagahan ng pagbubuo ng isang pananaliksik
2. Makauri ng mga pananaliksik batay sa layunin at kategorya
3. Makabuo ng makabuluhang tanong sa pananaliksik bilang simula sa pagpili ng paksang sasaliksikin

Bago Bumasa

1. Ano ang kahulugan ng pananaliksik? Bakit ito madalas isagawa sa kolehiyo?


2. Gaano kahalaga ang pananaliksik bilang isang prospektibong propesyunal?
3. Anong mga katangian ang dapat taglayin ng mananaliksik?

Aralin 5

ANG PANANALIKSIK
Ang pananaliksik ay isang sistematikong pag-iimbestiga at pag-aaral upang
makapagpaliwanag at makapaglatag ng katotohanan gamit ang iba’t-ibang batis ng kaalaman.
Isinasagawa ang pananaliksik bilang isang lohikal at organisadong batayan ng mga karagdagang
kaalaman tungkol sa tao, kultura, at lipunan.

Ginagamit ito bunsod ng pangangailangang palawakin o palalimin ang kaalaman sa isang


larangan lalo na sa mga institusyong pang-akademiko. Ang paghahanap, pangangalap, pagtatasa
o pagtataya, at pagiging kritikal ay mga kasanayang nalilinang sa pagsasagawa ng pananaliksik.

Ang pananaliksik ay isang gawaing pang-akademiko na tinutugunan ng mga taong sangkot


sa isang akademikong komunidad at ang ilan sa mga ito ay ang mga propesor at mga mag-aaral.
Karaniwang binibigyan ng ganitong gawain ang mga mag-aaral sapagkat ito ay:

▪ nagpapalawak ng mga kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa isang paksa o mga bagay-
bagay sa paligid nang higit pa kaysa sa pagbabasa at pakikinig sa loob ng silid-aralan;

▪ nagdudulot ng mga bagong karanasan gaya ng pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa


iba’t-ibang uri ng mga tao, pagpunta sa iba’t-ibang lugar, pagharap sa suliranin o dilema (sarili
man o hindi) at marami pang iba;

▪ pinalalawak ang isipan ng mag-aaral sapagkat inilalantad siya sa iba’t-ibang pananaw na


maaaring malapit o malayo sa kanyang paniniwala;

Page 1 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

▪ isang gawain na tumutulak sa mga mag-aaral na mag-isip, magtanong, magsuri, bumuo ng


kongklusyon mula sa nakolektang mga datos at ibahagi ang mga nakalap na impormasyon sa
kanyang komunidad;

▪ hinuhubog ang kasanayan sa pakikisalamuha, pamumuno, pakikipagtalastasan,


pamamahala, pagbuo at pag-isip;

▪ hinahasa ang mga mag-aaral na humarap sa at lumutas ng suliranin na bahagi ng gawaing


pananaliksik at kung anuman ang matutunan niya rito ay magamit niya sa kinabibilangang
lipunan gayundin sa kanyang pagtatrabaho.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa kahalagahan ng pananaliksik. Ang pagpapabuti ng


programang pananaliksik sa isang unibersidad ay maghahanda sa mga mag-aaral nito na linangin
ang kanilang kakayahan, kasanayan, kahusayan at tiwala sa sarili.

Ano ang Pananaliksik?

Ang pananaliksik ay magkakaugnay na mga gawain na nagsisimula sa pag-iisip ng paksa o


katanungan. Kasunod ng mga pamamaraan ng paglikom ng mga datos at impormasyon, ang mga
nalikom na datos ay iaayos, susuriin, bibigyan ng interpretasyon at lalapatan ng kongklusyon at
pagkatapos ay i-dodokumento.

Inaasahan na ang pinal na sulatin o dokumentasyon ay maibabahagi sa iba sa pamamagitan


ng pag-uulat at/o paglalathala (mga may-akda). Sa madaling sabi, ang pananaliksik ay masistemang
gawain ng pangangalap ng datos o impormasyon na nagpapataas ng kaalaman as pang- unawa
ng mga mag-aaral/mananaliksik tungkol sa isang pangyayari. Tungkulin ng mananaliksik na maihayag
ang kanyang nasaliksik sa pamamagitan ng publikasyon. Sa kabilang banda, ang pananaliksik ay
isang pagtatangka sa maingat na pag-uusisa, pag-aaral, pagmamasid, pagsusuri, at pagtatala ng
mga bagong impormasyon, katotohanan at kaalaman. Samakatuwid, ang pagsulat ng pananaliksik
ay nangangailangan ng pasensya, pagtitiyaga at pagsisikap.

Iba pang kahulugan ng pananaliksik ayon sa mga dalubhasa:

 Ang pananaliksik ay isang makaagham na pagsisiyasat ng phenomena, ideya, konsepto, isyu, at


mga bagay na kinakailangang bigyang linaw, patunay, o pasubali. Binubuo ito ng proseso ng
paglilikom, pagtatanghal, pagsusuri, at pagpapaliwanag ng mga pangyayari o katotohananan
na nag-uugnay sa espekulasyon ng tao sa katotohanan (Galang, 2007).

 Ito ay isnag pandalubhasaang uri ng sulatin na nangangailangan ng sapat na panahon ng


paghahanda, matiyaga ay masinsinang pag-aaral, maingat, maayos, at malayuning pagsulat
para mayari at mapangyari itong maganda, mabisa, at higit sa lahat, kapaki-pakinabang na
pagpupunyagi (Arrogante, 1992).

Sa pagsasagawa ng pananaliksik, nahahanapan natin ng sagot ang mga katanungang


bumabagabag sa ating isip, naisasakatuparan ang interes sa isang bagay, at nalilinang ang
kakayahang makahanap ng solusyon.

Nagsisimula ang pananaliksik sa pamamagitan ng mga tanong pananaliksik (research


question). Sinasaklaw ng mga tanong na ito ang pinakabuod o sentro ng pananaliksik. Tinutukoy nito
ang uri at layunin ng pananaliksik at nagsisilbi rin itong patnubay kung anong proseso ang angkop na
gamitin.

Page 2 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

Samantala, nag-uumpisa sa pagbuo ng mga tanong sa pananaliksik ang tutugunang suliranin


ng pananaliksik. Tumutukoy ito sa isang paksa, usapin, o pangyayari na nais siyasatin, at kailangang
alamin; mga kondisyong dapat baguhin; o mga hamong dapat bigyan ng solusyon ng isang
mananaliksik. Ang pagsagot sa suliraning tutugunan ng pananaliksik ay sinusundan ng pagbuo ng
kuro-kuro (hypothesis).

Paano bumuo ng isang maayos na tanong pananaliksik? Ayon sa Duke Writing Studio, kailangang
gawin ang mga sumusunod:

1. Pumili ng paksang kinawiwilihan at magbas ang mga kaugnay na pag-aaral na naisagawa


tungkol dito. Makatutulong ito na makabuo ng mga pangunahing tanong mula sa paksa.
2. Isaalang-alang ang iyong mambabasa. Para kanino ang iyong isinasagawang pananaliksik?
Subukang bumuo ng mga tanong na sino, ano, paano, saan, bakit at kailan ukol sa paksang
kinawiwilihan. Subukin ding bumuo ng mga posibleng sagot sa mga tanong na ito.

Mga Katangian ng Magandang Tanong Pananaliksik

1. Tiyak, espesipiko, at maliwanag ang paggamit ng mga termino

Halimbawa: Alin sa dalawang halimbawa ang magandang tanong sa pananaliksik?


Nakabubuti ba ang 4Ps ng gobyerno? Paano napapabuti ng 4Ps ang kalagayang
pang-ekonomiya ng mga nakatanggap nito?
Mapapansin sa tanong sa unang kolum na hindi tiyak ang saklaw ng salitang nakakatanggap
ng programa? Nakabubuti ba para sa lagay ng bansa dahil nakatutulong upang mabawasan ang
paghihikahos ng mamamayan? O nakakabuti para sa imahe ng gobyerno?

Samantala, ang tanong sa ikalawang kolum ay gumagamit ng mga tiyak na termino o salita
upang gawing mas espesipiko ang tanong. Tinukoy agad sa tanong sa kanang kahon ang
ekonomikong kalagayan ng mga nakakatanggap nito,

2. Tumatalakay sa mahalaga at makabuluhang isyu. Dahil ang layunin ng pananaliksik ay makapag-


ambag ng kaalaman, solusyon, at impormasyon, kailangang magsimula sa mga tanong na may mga
implikasyong kapaki-pakinabang para sa lahat. Kung kaya ang mga tanong na ilalatag para saliksikin
ay nagbubunsod ng mas malalim na pagsusuri tungkol sa paksang napili.

3. Hindi pa naisasagawa ngunit posibleng maisakatuparan. May mga katanungang inilalatag upang
saliksikin na hindi matasa ng anumang metodolohiya dahil abstrakto ang pagkakatanong. Ang
anumang tanong sa pananaliksik na kailangang hanapan ng sagot ay kailangang nalalakipan ng
angkop na metodolohiya upang masagot.

4. Nagtataglay ng malinaw na layunin at kahalagahan. Ibig sabihin, hindi lamang basta-bastang


tanong ang mga tanong sa pananaliksik. Sa pagbubuo ng mga tanong, kailangang malinaw na
nakaangkla ito sa layunin at kahalagahan ng bubuuing pananaliksik.

Madalas gamitin sa pananaliksik ang pamamaraang pasaklaw at pabuod (Babbie, 1998). Sa


pamamaraang pasaklaw, sinusuri ang mga detalye at obserbasyon upang matukoy at mapatunayan
ang pangkalahatang kaisipan at prinsipyo. Ibig sabihin, nagsisimula sa maliliit na detalye bago bumuo
ng paglalahat.

Page 3 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

Sa pamamaraang pabuod naman, unang inilalahad ang pangkalahatang kaisipan na


pinatutunayan sa pamamagitan ng mga detalye at obserbasyon. Sa prosesong ito, ang isang umiiral
na teorya o kaalaman ay sususugan ng mga detalye upang mapatunayan angg katotohanan at bisa
nito.

Samakatuwid, ang pamamaraang pasaklaw ay ginagamit upang maghanap ng paliwanag


habang ang pamamaraang pabuod ay ginagamit upang patunayan ang paliwanag.

Mga Uri at Layunin ng Pananaliksik

Mula kay Patton (1990), narito ang apat na uri at layunin ng pananaliksik:

1. Panimulang Pananaliksik (Basic Research). Ang layunin ng pananaliksik na ito ay magpaliwanag.


Ito ay binubuo ng teorya o paliwanag tungkol sa isang penomenon (o pangyayari) at ito ay
deskriptibo o naglalarawan.

2. Pagtugong Pananaliksik (Applied Research). Ang layunin ng pananaliksik na ito ay upang


matulungan ang mga tao na maunawaan ang kalikasan ng isang sulitanin nang sa gayon ay
magkaroon siya ng ideya kung paano kokontrolin ang suliraning yaon. Sa madaling salita, ito ay
may layunin na solusyunan ang suliranin ng tao at mga suliraning umiiral sa kanyang kapaligiran.
Mahihinuha na ang artificial insemination at in vitro fertilization (IVF) ay bunga ng pagtugong
pananaliksik sapagkat nilalayon nitong mabigyan ng supling ang sinumang mag-asawang nais
magkaanak.

3. Pananaliksik na Nagtataya (Evaluation Research). Ito ay tumutukoy sa pag-aaral ng proseso at


kinalabasan ng isang solusyon. Kung ito ay nasa anyong formative research, ito ay may layuning
pag-ibayuhin ang proseso kaugnay ng ilang kundisyon gaya ng oras, gawain at mga taong
sangkot. Kung ito naman ay summative, susukatin nito ang bisa ng isang programa, polisiya o
produkto.

4. Pakilos na Pananaliksik (Action Research). Ang pananaliksik na ito ay naglalayong lumutas ng isang
tiyak na suliranin sa isang programa, organisasyon o komunidad. Ang kaibahan nito sa pagtugong
pananaliksik ay mas payak ang suliranin nito at ang pangonglekta ng mga datos ay impormal.
Karaniwan, ang mananaliksik ay kabahagi o kasapi ng pinag-aaralan. Ang ganitong uri ng
pananaliksik ay mainam para sa mga mag-aaral sa sekundarya at sa mga kolehiyo.

Kahalagahan ng Pananaliksik

May kasabihan sa wikang lngles, "Necessity is the mother of invention.” Dahil sa


pangangailangan, napipilitan ang tao na gumawa ng paraan upang maisakatuparan, makamit, o
masolusyonan ang nasabing pangangailangan. Ang likas na pagiging mausisa at palatanong na tao
ang nagbubunsod sa kaniya upang lumikha o humanap ng sagot. Nagkakaroon ng kaganapan ang
pag-iral ng tao bilang isang natatanging nilalang kapag ang kaniyang mga pag-uusisa ay
nagbubunsod ng pananaliksik na nakapag-aambag sa komunidad at lipunang kaniyang
kinabibilangan.

Ano-ano ang Gamit ng Pananaliksik?

1. Isinasagawa ang pananaliksik upang tumuklas ng mga bagong kaalaman at impormasyon na


magiging kapaki-pakinabang sa mga tao. Isang halimbawa ang bagong lumabas na datos na
malaki ang tsansang maging malilimutin ang isang tao batay sa dalas ng kaniyang paggamit ng
smartpbone at Internet. Ayon sa pag-aaral ni Dr. Lee Hadlington, may direktang kaugnayan ang

Page 4 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

pagbababad sa Internet at paggamit ng smartphone sa unti-unting paghina ng isip at memorya ng


isang tao.

2. Maaaring gamitin ang pananaliksik upang bigyan ng bagong interpretasyon ang lumang
impormasyon. Maaaring sa paglipas ng panahon ay magkaroon ng panibagong imbensiyon na
may kaugnayan sa dating pananaliksik. Halimbawa, noong una ay pinupuri ang pagkatuklas ng
paran upang mapabuti ang produksiyon ng ilang uri ng pagkain sa pamamagitan ng genetically
modified organism o GMO. Ngunit ngayon, iniuugnay sa ilang sakit ang pagkonsumo ng mga
pagkaing sumailalim sa modipikasyon o GMO.

3. Nagagamit ang pananaliksik upang linawin ang isang pinagtatalunang isyu. Halimbawa nito ang
mga bagong tuklas na benepisyo ng marijuana upang malunasan ang ilang karamdaman. Sa kabila
nito, marami pa rin ang hindi sumasang ayon na gawing legal ang paggamit ng marijuana.

4. Nagsasagawa ng karagdagang pananaliksik upang patunayan ang bisa at katotohanan ng isang


datos o ideya. Maaaring kompirmahin ng bagong pag aaral ang isang umiiral na katotohanan.

Katangian ng Papel Pananaliksik

Bilang isang gawain sa akademya, kailangang taglayin ng isang mabuting pananaliksik ang
sumusunod na katangian:

1. Kailangan itong gumagamit ng mga ebidensiyang hango sa isinagawang eksperimentasyon.


Dapat itong nakabatay sa mga datos mula sa mga obserbasyon at mga aktuwal na karanasan sa
halip na teorya lamang o kaisipan. Sinusukat ang bisa at katotohanan ng mga datos sa pamamagitan
ng paggamit ng mga estatistikal na pamamaraan. Halimbawa: Komparatibong pag-aaral tungkol sa
epekto ng musika sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa ikalawang antas ng Manuel Roxas High School.

2. Kailangan itong maging sistematiko at may proseso o pamamaraan. Hindi maaaring


makapagsimula sa pananaliksik nang walang pamamaraang gagamitin sa pangangalap at pag-
oorganisa ng mga datos at impormasyon, gayundin sa pagbubuo ng interpretasyon at

kongklusyon. Lahat ng aspekto ng pananaliksik ay kailangang may sinusundang proseso upang


maiwasan ang misrepresentasyon, pagkiling, at pagdududa sa kinalabasan ng pananaliksik.

3. Kailangang kontrolado ang pananaliksik. Lahat ng pananaliksik ay may mga elementong maaaring
mabago at maiba (variable). Sa mga elementong ito nakabatay ang lahat ng sanhi at kalalabasan
ng pananaliksik. Samakatuwid, mahalagang matukoy ang mga pagbabatayan lamang ng pag-aaral
upang makontrol at maipokus ang direksiyon ng isinasagawang pag-aaral.
Halimbawa: Komparatibong pag-aaral sa epekto ng musika sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa
ikalawang antas ng Manuel Roxas High School.

Batay sa halimbawang pananaliksik, ang dalawang elementong tututukan ay ang musika


(sanhi) at pagkatuto (bunga). Ngunit kailangan ding isaalang-alang ang iba pang elemento na
maaaring makaapekto sa pagkatuto katulad ng edad, hilig sa musika, kinahihiligang uri ng musika,
kasarian, at iba pang katangian ng mga mag-aaral. Kaya naman mahalagang kontrolado ng
mananaliksik ang direksiyon ng kaniyang pananaliksik sa pamamagitan ng pagtiyak sa mga
elementong maaaring paghanguan ng mga resulta.

Page 5 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

4. Kailangan itong gumamit ng matalinong kuro-kuro (hypothesis) na siyang magiging gabay sa


buong proseso ng pananaliksik. Ang matalinong kuro-kuro o tentatibong pahayag tungkol sa
isasagawang pananaliksik ay hindi simpleng hula lamang, bagaman ang mga hinuha sa kalalabasan
ng pag-aaral ay batay sa isang lantad na katotohanan.
Halimbawa:

Pamagat: Komparatibong pag-aaral sa epekto ng musika sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa


ikalawang antas ng Manuel Roxas High School.

Kuro-kuro: Nakakaimpluwensya ang musika sa pagkatuto ng isang tao. (Maaaring baguhin kapag
malinaw na ang tunguhin ng pananaliksik)

Alam natin na malaki ang epekto ng musika sa ating damdamin at isipan. Kapag nais nating
ihanda ang ating emosyon at pakiramdam upang maging masaya, may nas balikang alaala, o para
makapag-isip, nakikinig tayo ng musika. Ngunit kung ang nais pagtuunan ng saliksik ay kung anong uri
ng musika ang pinakamabisa sa pagkatuto, o kaya naman ay kung ano-ano ang nagaganap sa loob
ng ating katawan at isipan sa tuwing nakikinig ng musika, mahalagang mabanggit at mapatunayan
din ito sa gagawing kuro-kuro.

5. Kailangang ang pananaliksik ay masusing nagsusuri at gumagamit ng angkop na proseso upang


maiwasan ang anumang kamalian. Ang masusing pagsusuri sa lahat ng datos at elemento ay
mahalagang hakbang na isinasaalang-alang upang maging matagumpay ang pag-aaral.

6. Kailangang ang pananaliksik ay makatwiran at walang kinikilingan. Ibig sabihin, ang lahat ng datos
ay makatwiran at nakabatay sa mga pagsusuri at eksperimentasyon. Iwasang magbigay ng personal
na saloobin o ideya. Kailangang maging bukas sa posibilidad ng mga bagong paraan ng pagtingin
sa datos upang matukoy ang lahat ng aspekto at masuri ang lahat ng anggulo at mapagtimbang-
timbang ang mga kaisipang dapat pahalagahan.

7. Kailangang ang pananaliksik ay gumagamit ng mga dulog estatistika. Sa pananaliksik, ang lahat
ng mga datos ay kinokolekta, sinusuri, at binibigyan ng kaukulang kahulugan. Mahalagang may sapat
na kaalaman sa estatistika ang mananaliksik upang madaling maunawaan at matasa ang
kinalabasan ng pananaliksik. Halimbawa:

Ayon sa isinagawang pag-aaral, lumalabas na:

200 milyon ang aktibong gumagamit ng Facebook


100 milyon ang nagla-log in isang beses isang araw
2/3 ng gumagamit ng Facebook ay hindi pumapasok sa kolehiyo
70 porsiyento ng gumagamit ng Facebook ay nakakalat sa labas ng USA
Hango sa Facebook Statistics
https://www.bcps.org/offices/lis/researchcourse/statistics_role.html

8. Kailangang ang pananaliksik ay orihinal. Lahat ng pananaliksik ay bunga ng mga naunang pag-
aaral. Ang pagbuo ng pananaliksik ay nangangahulugan ng pagiging bukas sa lahat ng maaaring
paghanguan ng kakailanganing impormasyon, kabilang na ang mga naunang pag-aaral. Sa kabila
nito ay mahalaga pa ring magsagawa ng mga bago at orihinal na pananaliksik upang lalong
mapalawak ang umiiral nang kaalaman.

Page 6 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

9. Kailangang ang pananaliksik ay maingat na gumagamit ng mga pamamaraan sa pangangalap ng


mapagtitiwalaang datos. Iba-ibang pamamaraan ang ginagamit sa pananaliksik depende sa layunin
at dimensiyon. May mga datos sa pananaliksik na nakukuha sa pamamagitan ng pagtatala ng mga
obserbasyon. May mga datos mula sa paggamit ng estatistika, at may datos na mahahango sa
batayang teorya. Ang mahalaga, upang maging kapani-paniwala at makatotohanan ang resulta ng
pananaliksik, mahalagang tapat at sistematiko ang prosesong pinagdaanan nito.

10. Kailangang ang pananaliksik ay hindi minadali. Nangangailangan ng sapat na oras ang
pananaliksik lalo na sa pangangalap ng datos. Mahalagang isaalang-alang ito dahil Malaki ang
magiging epekto nito sa kalalabasan ng pananaliksik. Ang pagkakaroon ng sapat na impormasyon
at datos ay makatutulong upang maiwasan ang padalos-dalos na pagbibigay ng kongklusyon nang
walang sapat na batayan.

Katangian ng Isang Mananaliksik

Malaki ang papel mo bilang mananaliksik sa paggawa ng pananaliksik. Nakasalalay sa iyo ang
kredibilidad ng iyong gagawin/ginagawa. Dahil sa malaki ang papel mo bilang mananaliksik, may
mga inaasahang katangian na dapat mong angkinin.

Sa pag-aaral mo sa unibersidad, ang pagiging matiyaga, masipag, at maparaan ay


nakakatulong sa lalong ikahuhusay ng iyong pag-aaral. Ang mga katangiang ito ay lalo mo pang
kakailanganin sa gawaing pananaliksik. Gayundin, kailangan ang ingat, katapatan, pagiging
sistematiko, mapanuri, kritikal at responsible. Medyo mabigat ang tungkulin ng mananaliksik, pero
kaya mo ito. Linawin pa natin.

Kailangan mong maging:


Matiyaga sa paghahanap ng mga datos mula sa iba’t ibang mapagkukunan maging ito’y sa
aklatan, upisina, institusyon, tao, media, komunidad at maging sa Internet;

Maparaan sa pagkuha ng datos na hindi mdaling kunin at nag-iisip ng sariling paraan para
makuha ang mga ito;

Sistematiko sa paghahanap ng materyales, sa pagdodokumento dito at sa pag-iiskedyul ng mga


gawain tungo sa pagbubuo ng pananaliksik. Kailangang nakaprograma ang mga gagawin para
hindi masayang ang panahon. Sa kursong ito, halimbawa, isang semester lang ang panahong
ibinibigay sa iyo para matapos mo ang pananaliksik;

Maingat sa pagpili ng mga datos batay sas katotohanan at sa kredibilidad ng pinagkunan sa


pagsiguro na lahat ng panig ay sinisiyasat; at sa pagbibigay ng mga konklusyon, interpretasyon,
komento at rekomendasyon.

▪ Ang katotohanan ay mahirap pasubalian kung ito’y napatunayan ng mga ebidensya.


Halimbawa, ang isang pangunahing dokumento na may awtentikong pirma ay mas solido at
matibay na patunay kaysa sa sekondaryong dokumento ng pahayag ng isang tagamasid
lamang;
▪ Ang kredibilidad ng pinagkunan ng datos ay napapatunayan sa motibo, awtoridad, at realidad
(pagiging totoo) ng datos. Halimbawa, lalong may kredibilidad ang sinulat ng isang historyan
kaysa ng isang matematisyan kung tungkol sa yugto ng kasaysayan ang datos;
▪ Lahat ng panig ay sinisiyasat kung matiyagang hahanapin ang lahat ng datos ukol sa paksa
kahit na may makitang negatibong epekto sa ginagawang pananaliksik;
Page 7 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

▪ Ang mga konklusyon, interpretasyon, puna at rekomendasyon ay hindi mo basta gagawin o


ibibigay kung hindi mo pa nabibistay, natitimbang, at nasusuri ang mga argumento at mga
batayang datos. Hlimbawa, hindi ka basta gagawa ng konklusyon na TV ang dahilan ng
bayolenteng pagkilos o karahasan ng kabataan ngayon kung hindi ito napatunayan ng
mga datos at hindi mo nasuri ang mga argumento.

Analitikal sa mga datos at interpretasyon ng iba ukol sa paksa at mga kaugnay na paksa.
Halimbawa, analitikal ka kung malinaw mong nakita na ang isyu ng rape ay may iba’t ibang
dimensyon – pisikal, emosyonal, moral, ekonomiko, sosyal at politikal.

Kritikal sa pagbibigay ng interpretasyon, konklusyon, at rekomendasyon sa paksa. Hindi lahat ng


datos at mga pag-aaral ay basta mo tinatanggap kung hindi sinusuri muna at tinitingnan ang
mga implikasyon, kabuluhan, pinagmulan, at kaugnayan ng isang ideya sa iba pang ideya o
kaya’y ng mga partikular na ideya sa kabuuang ideya. Halimbawa, magiging kritikal ka kung
makikita mo na ang EDSA Revolution ay hindi lamang isang pangyayaring naganap noon Pebrero
25, 1986 kung di bunga ito ng matagal na panahon ng paninikil sa karapatan, kolonyalismo, at
iba pang mga kadahilanan;

Matapat sa pagsasabing may nagawa nang pag-aaral ukol sa paksang pinag-aaralan mo; sa
pagkuha ng mga datos nang walang itinatago/iniiwasan/ipinagkakaila nang walang pagkilala
at permiso sa kinunan; at sa pagtanggap sa limitasyon ng pananaliksik. Halimbawa, dapat mong
banggitin na may nagawa nang pag-aaral ukol sa iyong paksang “Isang Pag-aaral sa Persepsyon
sa Kababaihan sa mga Nobela ni Amado V. Hernanadez” kung kaya ang aspektong hindi pa
natatalakay ang siya mo na lang talakayin. Banggitin mo din kung sino ang gumawa ng gayong
pag-aaral kasama ang ibang impormasyon ukol dito.

Responsable sa paggamit ng mga nakuhang datos, sa mga tao/institusyong pinakunan mo ng


mga ito, at sa pagsisigurong maayos at mahusay ang mabubuong pananaliksik mula pormat
hanggang sa nilalaman at sa prosesong pagdadaanan.

Mga Tungkulin at Responsibilidad ng Isang Mag-aaral na Mananaliksik

May mga bagay na dapat isaalang-alang ang mga mag-aaral na mananaliksik na tulad mo,
sang-ayon kina Shamoo at Resnik (2003). Ito ay ang mga sumusunod:

1. Matapat na tinutugunan ang mga gawain sa pananaliksik. Halimbawa nito ay ang matapat na
pangangalap at pag-uulat ng mga datos. Hindi maaaring mag-imbento ng mga datos. Kadalasan,
bahagi ng pananaliksik ng mga mag-aaral ang magpasagot ng sarbey; inaasahan na ang sarbey ay
"sadyang" pinasagutan sa mga respondente at kung anuman ang kinalabasan ng sarbey na ito ay
ang siyang dapat na iulat.

2. Obhektibo. Inilalayo ang iyong personal na hangarin o intensyon sa sabdyek na sinasaliksik. Ikaw ay
walang pagkiling sa resulta ng iyong pag-aaral. May mga pagkakataon na taliwas ang resulta ng
iyong pag-aaral sa inaasahan. Kung magkaganito man, hindi mo dapat itong manipulahin.

3. Maingat sa anumang pagkakamali at malayo sa kapabayaan. Kinikilatis mong Mabuti ang mga
nabuong gawain. Tinitingnan kung wasto ang mga nailipat na datos. Kinikilala ang mga may-akda
na pinagkunan ng impormasyon. Malinis at maaayos ang pagkakasulat ng mga salita at
impormasyon, kung kaya’t mahalaga ang paulit-ulit na pagbabasa (proofreading) upang mayos ang
kahinaan ng pananaliksik papel.

Page 8 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

4. Bukas ang isipan sa mga puna at bagong idea. Ang mga mag-aaral na mananaliksik ay
tumatanggap ng mga suhestiyon at puna. Para sa iyo, ito ay magpapaganda at magpapabuti pa
ng iyong pananaliksik.

5. May paggalang sa intelektwal na pag-aari kung kaya’t kinikilala mo ang awtor o sumulat ng
impormasyon at ideya. Ito ay iyong binabanggit. Hindi mo inaangkin ang gawa ng iba at hindi ka
tahasang kumukopya.

6. Mapagkakatiwalaan ang mananaliksik sa mga kasunduan. Halimbawa, kapag ibinilin ng


respondente na itago ang kanyang katauhan, ito ay dapat mong sundin at igalang. Gayundin ang
iba pang bagay na hiniling sa iyo na maging kumpidensyal.

7. May paggalang sa mga kasamahan. Karaniwan ang pangkatan sa pagbuo ng pananaliksik.


Mahalaga ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon upang mapag usapan ang isyu na
kinahaharap. Tanggapin ang gawa ng iba lalo na kung ito ay kapaki-pakinabang. Kung hindi naman,
daanin sa maayos na usapan. Alamin at pagtulungang ayusin ang kahinaan sa output ng
kasamahan.

8. Responsable sa lipunan. Tandaan na ang pananaliksik ay may layuning magdulot ng kabutihan.


Iwasan ang mga isyung sisira sa imahe ng isang tao, Samahan, o institusyon. Kung hindi naman
maiwasan ang paglalahad ng negatibong isyu, maging obhektibo at responsable sa paglalahad.

9. Hindi nagtatangi ng mga kasamahan o kamag-aral, ni ng kasarian, relihiyon, kultura, lahi at iba
pang salik na maaaring sumira sa kahusayan at integridad.

10. May kahusayan. Inaasahan na hindi ka eksperto sa pagsulat at pagbuo ng pananaliksik kung
kaya't naroon ang paggabay ng iyong guro. Gayunpaman, inaasahan na aayusin mo at
pagbubutihin ang iyong gawa. Tandaan, ang anumang pagsisikap na ibinibigay mo sa iyong
pananaliksik ay magdudulot ng positibong bunga. Ito ay mapapansin ng iyong propesor at mga
kamag-aral.

Matapat nating masasabi na ang anumang gawaing pananaliksik ay isang gawaing


nagpapaunlad ng ating kaalaman at karunungan, samakatuwid, mahalaga na ang anumang
gawaing pananaliksik ay kakikitaan ng disiplina, integridad at kapakinabangan hindi lang ng ilan
kundi lalo't higit ng nakararami. Ang ubod/sentro ng lahat ng klase ng pananaliksik ay nakaangkla sa
pagpapatining ng karanasan na nagbubunga ng pag-unlad. Dahil dito, makabuluhan lamang na
ang lahat ng uri ng pananaliksik ay di nagtataglay ng personal na ganansya o kapakinabangan ng
mananaliksik (personal na interes), mga bayas (biases) at nakatuon sa obhektibong pananaw sa
buhay at katotohanan. Maipakikita ang ganito kung ang pananaliksik ay nagtataglay no mga
sumusunod:

1. Relayabiliti (Reliability)

Ang relayabiliti ay ang pagkakaroon ng parehas na resulta/kinalabasan sa mga pagkakataon


na ang isang pananaliksik ay inuulit, gamit ang parehong metodo/pamamaraan, at instrumentasyon
para sa parehas na populasyon. Halimbawa sa isang salid-aralan, na sama-sama ang mga fast
learner at slow learner, maipakikita ng resulta ng pananaliksik ang korelasyon ng pagkatuto ng mga
mag-aaral sa kanilang mga grado (mas tumataas ang marka ng mga slow learner kapag sinasama
sa mga fast learner). Kung ang parehas na kalagayan (experiment set up) ay totoo sa lahat ng
seksyon, masasabing katanggap-tanggap ang relayabiliti ng pananaliksik. Tandaan na sa
pagsasagawa nito ay gumamit ang mananaliksik ng constant na pamamaraan, metodo at
instrumentasyon. Habang dumarami/tumataas ang antas ng pagkakatulad o pagkakaulit ng
kinalabasan ng isang pananaliksik, mas lalong tumataas ang relayabiliti nito.
Page 9 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

Ito ay isang katangian na mahirap sukatin nang may katiyakan sapagkat maraming salik ng
gawaing pananaliksik ang dapat isaalang-alang katulad ng oras/panahon, ugali at gawi ng mga
respondente, at maging ang sikolohikal, sosyal at ekonomikal na salik. Subalit sa kasalukuyang
panahon ay maaari nang gumamit ng iba't bang kagamitan/metodo para makapagbigay ng
katanggap-tanggap na pagtataya (acceptable estimate) para sukatin ang relayabiliti ng isang
gawaing pananaliksik.

2. Baliditi (Validity)
Ito ang kalakasan ng resulta ng pananaliksik, ng asamsyon (assumption) o proposisyon para
masabi kung ito ay tama o mali. Tinutukoy ng baliditi ang kaangkupan g isang pananaliksik. Ang
baliditi ng instumentasyong ginamit sa pananalikik ay tumutukoy sa kaangkupan ng kagamitang
pampananaliksik para sagutin ang suliranin ng pananaliksik o kung gaano katiyak sinusukat ang mga
kagamitang pampananaliksik ang suliranin. Sinasabi ng iba na ang relayabiliti at baliditi ay
magkaugnay at magkasintimbang ngunit higit na mahalaga ang baliditi kaysa sa relayabiliti. Kung
walang baliditi ay mauuwi sa wala o mawawalan ng direksyon ang gawaing pananaliksik. Upang
hindi maligaw, mahalagang bigyang pakahulugan ang konseptong nais pag-aralan/saliksikin upang
maiwasan ang pagkukulang ng instrumentasyon. Halimbawa, kung tayo ay gumagawa ng
pananaliksik ukol sa "Sosyal na Pagsusuri sa Buhay ng mga Batang nasa Bahay Ampunan", mas
magiging makabuluhan ang baliditi ng pananaliksik na gagamit ng pamamaraang interbyu kaysa
talatanungan para sa mga respondente upang higit na magiging personal ang karanasan at
pagkuha ng datos.

3. Akyurasi (Accuracy)
Tumutukoy ito sa antas ng pagkakaugnay-ugnay ng pamamaraang pampananaliksik, mga
kagamitan at intrumentasyon. Sinusukat din ng akyurasi kung ang kagamitang pampananaliksik ay
pinili at ginamit sa pinakamabisang kaparaanan, at kung ang metodo at disenyo ng pananaliksik ay
umaakma sa suliranin o hindi. Halimbawa, kung mangangalap ng datos sa mga respondente na mula
sa transgender na populasyon, ngunit hindi naman makikiisa ang mga respondente, hindi makabubuti
na gumamit n talatanungan (questionnaires) na ibibigay na lamang sa respondente, maaari kasing
ang pagsagot nila sa mga tanong ay may halong bayas o kundi man ay baka hindi na nila ibalik ang
mga talatanungan. Higit na magiging mabisa kung gagamit ng pamamaraang
paobserba/pasubaybay. Samakatuwid, ang pagpili ng angkop na kagamitang pampananaliksik ay
magtataas ng antas ng akyurasi ng gawaing pananaliksik.

4. May Kredibilidad
May kredibilidad ang isang pananaliksik a gumamit ng pinakamabuting hanguan ng
impormasyon at gumagamit ng pinakamabisang pamamaraang pampananaliksik. Kung tayo ay
gagamit ng mga impormasyong second-hand bunga ng kung ano mang kadahilanan, ang
kredibilidad ng pananaliksik ay naisaalang-alang. Ang mga second-hand na impormasyon ay
namanipula na nang ibang tao na maaaring magpababa ng antas ng baliditi. Maaari namang
gumamit ng ilang porsiyento ng second-hand na impormasyon kung wala talagang mapagkukunan.
Hangga’t maaari ay gawin ang lahat ng paraan upang makakuha ng first-hand na impormasyon.
Dapat isasaalang-alang ang kredibilidad hindi lang ng gagawing pananaliksik kundi pati na rin ang
kredibilidad bilang mananaliksik.

5. Panlahat (Generalizability)
Ito ang katangian ng pananaliksik na kung saan ang kinalabasan ng pananaliksik ay
maaaring gamitin sa mas malaking bilang ng populasyon. Kapag ang isang mananaliksik ay
nagsagawa ng isang pag-aaral, kumukuha ito ng populasyon, at mula dito ay kukuha siva ng bahagi
ng populasyong ito na siyang gagamitin sa pananaliksik.

Ang maliit na bahaging ito at ang anumang kalalabasan nito ay kakatawan sa kabuuang
populasyon. Kung ang kalalabasan mula sa mallit/bahagi ng populasyon ay magagamit sa anumang
Page 10 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

bahagi ng buong populasyon, ang resulta ay masasabi nating generalizable. Halimbawa sa pagkuha
ng respondente mula sa kolehiyo ng pagtutuos (accountancy) na may kabuuang populasyon a
dalawanlibo't limangdaan (2500), hindi magiging makatotohanan na kunin ang 80 porsiyento ng
kabuong bilang ng mag-aaralmula sa kolehiyo sapagkat hindi sasapat ang panahong gugugulin sa
dami ng kakausapin. Samantala, kung kukuha tayo ng ispesipikong bahagi/bilang ng populasyon na
kakatawan para sa buong kolehiyo (unang limang seksyon), ang anumang kalalabasan mula sa
populasyong it ay maaaring kumatawan sa pangkalahatan na mga mag-aaral ng kolehiyo ng
pagtutuos.

6. Emperikal
Emperikal ang pananaliksik na isinagawa nang maingat at maagham. Ang bawat hakbang
ng pananaliksik ay sinusubok para sa kanilang akyurasi at nakabatay sa totoong karanasan. Ang
pananaliksik na quantitative ay higit na madaling patunayan kaysa sa qualitative na pananaliksik.
Ang huli ay punong-puno ng biases at mas madalas ang pagkakamali rito. Halimbawa, kung
magsasagawa ng pananaliksik sa paksang "Pangunahing Kolehiyo na Nais Pasukan ng mga Mag-
aaral na Magtatapos sa Bonifacio High School", gamit ang maagham na pamamaraan, madali ng
makuha ang mga pisikal na datos (lugar, anong kurso, paano nalaman ang impormasyon ukol sa
paaralan at iba pa) at madali rin itong masusukat batay na rin sa suliraning ating mabubuo. Sa
kabilang banda, sa paksang "Kabisaan ng Kurikulum ng Mataas a Paaralang Bonifacio vs. sa St.
Andrew: Isang Komparatibong Pag-aaral." May kahirapang sukatin ang konsepto ng "kabisaan".
Mangangailangan ng espesyal na pamamaraan para mapalutang ang nais na ideya.

7. Sistematiko
Walang pananaliksik ang maaaring isagawa nang biglaan o basta-basta. May mga
panuto/pamamaraan na kailangang isagawa. Bawal ang "short cut" sa gawaing pananaliksik. Ang
mga pamamaraang ito ay sinubok na nang panahon at naaangkop para gamitin sa gawaing
pananaliksik. Samakatuwid, ang bawat pananaliksik ay dapat na sumunod sa sistematikong
kaparaanan g pag-aaral ng datos.

8. Kontrolado (Controlled)
Sa totoong buhay, maraming salik ang maaaring makaapekto sa kinalalabasan ng isang
pag-aaral. May mga bagay sa gawaing pananaliksik na maaaring hadlangan ng mananaliksik para
maapektuhan ang maaaring kalabasan o resulta. Sa pure science research, madaling kontrolin ang
mga baryabol tulad ng lakas, bilang, at iba pa, sapagkat ang pananaliksik ay ginagawa sa loob ng
laboratoryo pero ibang-iba ang resulta ng mga pananaliksik na social science dahil sa kalagayan at
kalikasan ng pananaliksik na kadalasang isinasagawa.

Pagtataya

1. Bakit kinakailangang taglayin ng isang pananaliksik ang mga katangiang nabanggit?


2. Paano maisasabuhay ng isang mananaliksik ang mga katangiang dapat niyang taglayin sa proseso ng
pananaliksik?

Mga Gawain
1. Obhektibong pagsusulit
2. Pagsulat ng Sanaysay
Sumulat ng isang sanaysay batay sa mga katanungan na ibinigay ng guro sa talakayan. Tingnan ang
rubriks na makikita sa kasunod na pahina at gamitin itong gabay.
3. Paggawa ng mga Tanong Pananaliksik

Page 11 of 12
FIL102: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK
College of Liberal Arts, Sciences, and Education
Inihanda nina: Jeric Z. Romero | Hubert V. Hernandez | Jayson V. Miranda

Repleksyon
Ang repleksyon ay isasagawa sa pamamagitan ng malayang pagpapahayag ng mga ideya at saloobin sa mga
natutunan pagkatapos ng talakayan sa klase.

Mga Sanggunian:
Atanacio, H. (2016). Pagbasa at pagsusuri ng iba’t- ibang teksto tungo sa pananaliksik. EDSA, South Triangle,
Quezon City-C & E Publishing, Inc.
Philtech Institute of Arts and Technology Inc. (n.d). Tungkulin at responsibilidad ng mananaliksik. Retrieved
February 20, 2021 from https://www.piat.ph/wp-content/uploads/2020/07/KABANATA-1-Aralin-2-
F.P.L.pdf
De Castro, Imelda., & Taruc, Zendel Rosario. (2010). Kritikal na pagbasa at akademikong pagsulat tungo sa
pananaliksik. UST Publishing House: Manila, Philippines
Adaya, Jomar G., Bondame, Ferdinand, R., Castillo, Mary Joy A., Lomtong, Rosielyn D J., Malaga, Mayluck A.,
Mendoza, Vidal S. … San Diego, Karen G. (n.d.) Pagbasa at pagsusuri ng iba’t-ibang teksto tungo sa
pananaliksik. Jimczyville Publications: Malabon City

Institusyunal na Rubriks
Very
Comprehensiveness Excellent Satisfactory Fair Poor
Satisfactory
and Accuracy (10) (6) (4) (2)
(8)
Answers are Answers are Answers are not Answers are Answers are
Score comprehensive, accurate and comprehensive or partial or incomplete.
accurate and complete. Key completely stated. incomplete. Key
________ complete. Key points are stated Key points are points are not
ideas are clearly and supported. addressed, but not clear. Questions
stated, explained, well supported. are not
and well supported. Very few spelling adequately
and punctuation Most spelling, answered
Free from spelling, errors, minor punctuation,
punctuation or grammatical errors and grammar are Most spelling,
grammatical errors correct allowing punctuation,
reader to progress and grammar are
though correct allowing
essay. Few errors reader to
remain. progress though
essay. Some
errors remain.

Very
Grammar and Excellent Satisfactory Fair Poor
Satisfactory
Mechanics (10) (6) (4) (2)
(8)
Free from spelling, Very few spelling Most spelling, Most spelling, Spelling,
Score punctuation or and punctuation punctuation, punctuation, punctuation,
grammatical errors errors, minor and grammar are and grammar are and
________ grammatical errors correct allowing correct allowing grammatical
reader to progress reader to errors create
though progress though distraction,
essay. Few errors essay. Some making reading
remain. errors remain. difficult.

Page 12 of 12

You might also like