Kabanata 4, 6, 7, 10

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

Kabanata 4 - Kabesang Tales

I. Tauhan
 Telesforo
 Lucia
 Tandang Selo
 Juliana o Juli
 Tano
 Mga Prayle
 Hermana Bali

II. Buod/Mahahalagang Pangyayari


 Si Telesforo o kilala bilang Kabesang Tales ay anak ni Tandang Selo na may
asawa at tatlong anak na sina Lucia, Tano, at Juli. Siya ay dating kasama ngunit
nagsarili sa tulong ng kanyang ama, asawa, at tatlong anak. Nang siya’y
makaipon ay hinahawan nila ang lupa sa may labas ng bayan na sa palagay nila
ay walang may-ari. Habang hinahawan nila ito ay ang mag-anak ay isa’isang
nilagnat at sa kasamaang palad ay namatay ang asawa at bunsong anak ni
Tales na si Lucia na nasa kasibulan pa lamang. Sa kanilang unang ani, inangkin
ng isang orden ng mga prayle ang kanilang lupain at sinasabi na ito’y nasa loob
ng hangganan ng kanilang lupain. Ngunit ayon sa tagapangasiwa dahil sa
kanyang awa ay binayaan niya si Tales na patuloy na linangin ng lupain sa
kondisyong magbabayad siya ng dalawampu o tatlumpung piso taon-taon.
Naging sagana ang ani ni Tales at masagana ang kanyang buhay. Siya’y
tinawag na Kabesang Tales, na ang ibig sabihin ay siya ang nangunguna sa
bayan ng Santiago. Ang kanyang kayamanan ay lumago taon-taon, ngunit
kasabay nito ay ang pagtaas ng buwis. Pangarap ni Kabesang Tales na mapag-
aral ang kanyang mga anak, ngunit hindi natupad ang pangarap na ito dahil sa
pagtaas ng buwis bawat taon. Binalewala niya ang pagtaas ng buwis noong una
upang panatilihin ang kapayapaan sapagkat ayaw niya ng gulo, ngunit nang
umabot na sa dalawang daang piso ang buwis ay hindi na siya nakapagtimpi
kaya’t tumutol na siya at nagreklamo. Buong tapang siyang nakipaglaban at
matagal na panahon siyang nanindigan sa kanyang lupain, ngunit sa huli, ang
hukom ay pumanig sa mga prayle at natalo siya. Nangangamba ang pamilya ni
Kabesang Tales para sa kanyang kaligtasan dahil nagkatotoo ang kanilang mga
pangamba. Kahit armado siya ay naipit pa rin siya sa kamay ng mga tulisan.
Humingi sila ng ransom na limang daang piso kung hindi ay papatayin nila ang
bihag. Ang kanyang pamilya ay labis na nag-aalala dahil wala silang sapat na
mapagkukunan. Ibinenta ni Juli ang lahat ng kanyang alahas maliban sa
relikaryo na bigay sa kanya ni Basilio, siya ay nagpautang, at pumayag din na
maging tagapagsilbi para sa kaligtasan ng kanyang ama.
III. Isyu/Sakit/Suliranin/Kanser ng Lipunan
 Makikita sa kabanata ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga may mataas
na posisyon sa lipunan. Ipinakita sa kabanata kung paano abusuhin ng mga
prayle ang kanilang kapangyarihan kung saan inangkin nila ang lupa si
Kabesang Tales na walang pinapakitang anumang dokumento na nagpapatunay
na sa kanila ito.
 Gayunpaman, inererepresenta ni Kabesang Tales ang mga mahihirap na
sinasamantala ang kahirapan ng mga mayayaman o mga taon malalakas at may
mataas na posisyon sa lipunan. Ang paglaban at paninindigan ni Kabesang
Tales ay sumisimbolo sa pagtayo sa sarili ng mga mahihirap na sinamantala ng
tiwaling lipunan katulad ni Kabesang Tales.

IV. Matatalinhagang Pahayag

“Isipin mo na lang na lumaki ang buwaya”


 Ang pahayag na ito ay nangangahulugan ng higit na pang-aabuso at kasakiman
ng mga may kapangyarihan. Sinisimbolo ng buwaya ang mga pinuno na tiwali at
mapagsamantala, ang kahulugan ng paglaki ng buwaya ay ang paglakas ng
kapangyarihan ng mga taong ito na sinasamantala ang kahinaan ng mga
mahihirap at nasa ibaba. Katulad sa kabanata, nirerepresenta ng buwaya ang
mga prayle na patuloy na itinataas ang buwis. Ipinapakita lamang nito na ang
mga buwayang ito ay mapagsamantala na naghahangad ng mas higit pa.

“Sa alikabok tayo babalik, Tatang, at wala tayong saplot nang tayo ay isilang”
 Ipinapahiwatig ng pahayag na ito na tayo’y ipinanganak sa kahirapan at tayo’y
babalik sa alikabok kapag tayo ay namatay. Tayo’y nabuhay nang walang dala at
tayo’y babalik sa alikabok na walang saysay ang mga materyal na bagay na
mayroon tayo dahil tayo’y babalik din na walang dala.

V. Aral
 Matututuhan natin sa kabanata ang pagtayo sa sarili at paglaban ng ating
karapatan sa lipunan. Katulad na lamang ng paninindigan ni Kabesang Tales sa
kanyang lupain upang hindi mawalan ng saysay ang pagkamatay ng kanyang
asawa at anak, nararapat din tayong tumayo para sa ating sarili at ipaglaban ang
ating karapatan kapag ito’y naaapakan. Dapat tayong manindigan katulad ni
Kabesang Tales laban sa mapang-alipusta na lipunan upang hindi mapunta sa
wala ang ating mga pinaghirapan at pinagdaanan.

 Matututuhan din sa kabanata ang pagkakaroon ng pagkakaisa upang


mapatumba ang isang tiwaling at mapagsamantala na lipunan. Huwag dapat
tayong matakot na patumbahin ang isang lipunan at gobyerno na
pinagsasamantalahan ang kanilang mga mamamayan sa halip na pagsilbihan
ang mga ito. Nararapat na magkaisa ang mga mamamayan sa ganitong
sitwasyon upang maipaglaban ang karapatan ng mga tao at magkaroon ng
payapang komunidad o bansa.

Kabanata 6 - Si Basilio
I. Tauhan
 Basilio
 Kapitan Tiago
 Mga Propesor

II. Buod/Mahahalagang Pangyayari


 Madaling araw nang magsimulang patugtugin ang kampana para sa misa de
gallo ay palihim na nagtungo si Basilio sa gubat upang dalawin ang puntod ng
kanyang ina upang ipagdasal ito. Bumalik sa kanya ang mga alaala ng
kamatayan ng kanyang ina kung saan may isang di-kilalang lalaki ang tumulong
sa kanyang ilibing ang kanyang ina at nag-utos sa kanya na maghakot ng kahoy
na gagamitin upang sunugin ang kanyang ina at isa pang lalaking sugatan.
Pagkatapos ay binigyan siya ng pera at pinaalis. Dahil sa kaawa-awang
kalagayan ng binata ay lumisan ito ng San Diego at lumuwas ng Maynila. Siya’y
nag-isip na manilbihan at makapag-aral. Siya’y may sakit at di maipaliwanag ang
itsura nang makarating ng maynila, siya’y nagtungo sa bahay-bahay upang
maghandog ng kanyang paglilingkod. Madalas siyang kaawaan dahil sa kanyang
itsura at makailang beses niyang naisipang magpasagasa upang matapos ang
kanyang paghihirap. Ngunit lahat ng iyan ay nabago ng kupkupin siya ni Kapitan
Tiago upang gawing utusan kapalit ang pagpapa-aral sa kanya. Makalipas ang
ilang buwan ay sa Maynila ay siya’y nakapag-aral ng unang taon sa Latin. Siya’y
naging paksa ng pangungutya dahil sa kanyang itsura at nilalayuan ng kanyang
mga kaklase at hindi pinapansin ng mga propesor. Ngunit siya’y nagsikap at
kinabisado ang mga leksiyon at naipasa ang pasalitang pagsusulit. Sa ikalawang
taon, ang alaga ni Kapitan Tiago ay nanalo ng malaki kaya’t binalatuan nito si
Basilio. Ibinili ito ng binata ng isang paris ng sapatos at sumbrerong piyeltero at
dahil dito ay unti-unting naging disente ang kanyang itsura. Hindi pinapansin ng
mga propesor ang mga walang natatanging kakayahan o ugaling kapansin-
pansin ngunit masigasig si Basilio kaya’t nagbago ang kanyang kapalaran nang
magsimula siya sa ikatlong taon. Naging guro niya ang isang mayamang
Dominiko na mahilig manundyo at magpatawa. Napuna ng propesor na ito ay si
Basilio ay hindi tumatawa sa kanyang mga biro kaya ipinalagay niya itong
hangal. Ipinahiya niya si Basilio sa harap ng klase ngunit siya ang napahiya
sapagkat matalino ang binata. Hindi ito napatawad ng prayle kaya’t ang nangyari
ay nagdulot kay Basilio ng di kanais-nais. Nagpatuloy si Basilio sa ikaapat na
taon na sira ang loob at parang ibig nang tumigil sa pag-aaral. Isa sa mga
propersor ay kilalang-kilala at naiibigan ng lahat. Siya’y isang paham, magaling
na manunulat, at may progresibong kaisipan. Naging isa si Basilio sa mga mag-
aaral na kasama sa labanan ng tungkod at espada at siya’y naging tanyag. Dahil
sa kanyang kasipagan ay nakakuha siya ng mataas na marka at medalya.
Hinimok siya ni Kapitan Tiago na lumipat sa Ateneo sa katanyagan noong
panahong iyon. Dito, natagpuan niya ang bagong sistema ng pagtuturo at labis
niyang pinasalamatan ang mga propesor. Nagtapos siya at dahil sa kanyang hilig
ay pinili niya ang Medisina kahit na gusto siyang mag abogasya ni Kapitan Tiago
ngunit sa Pilipinas ay hindi sapat ang kaalaman sa mga batas para magkaroon
ng kliyente.
 Matagumpay na nag-aral ng medisina si Basilio at nagsimulang makapanggamot
nang nasa ikatlong taon na siya. Ito na ang kanyang huling taon at pinaplano
niyang bumalik sa sariling bayan upang magpakasal kay Juli at mamuhay nang
maligaya kapag siya’y ganap na doktor na. Siya ang napiling bumigkas ng
talumpati ng nangunguna sa mga magsisipagtapos. Siya’y bibigkas sa harap ng
mga propesor, at madla. Ang kanyang talumpati ay magsisilbing inspirasyon
upang maalala niya ang mahihirap na mag-aaral sa hinaharap at ang talumpati
niya ang magpapakilala sa kanya sa lipunan.

III. Isyu/Sakit/Suliranin/Kanser ng Lipunan


 Masasalamin sa kabanata ang isyung diskriminasyon sa binatang si Basilio kung
saan siya’y ginagawa katatawanan ng kanyang mga kaklase dahil sa kanyang
itsura. Mababa ang tingin sa kanya at minamaliit ang kanyang kakayahan dahil
siya’y isang Indio.
 Masasalamin din sa akda ang hindi pantay ng pagtrato ng mga propesor sa mga
istudyante. Makikita ang isyung “favoritism” sapagkat ang kanila lamang
binibigyan pansin ay ang mga may natatanging kakayahan at ugaling kapansin-
pansin.
 Isa pang isyu o suliranin na makikita sa akda ay ang mabagal na pag-unlad ng
Pilipinas kung saan hindi sapat ang kaalaman sa mga batas at upang maipanalo
ang mga kaso ay kinakailangan ay mayroon kang impluwensiya at dulas ng dila.

IV. Matatalinhagang Pahayag

“Nagbalik sa kanyang alaala ang lumipas nang tulad sa isang mahabang laso. Nang
una’y kulay rosas, pagkatapos ay dumilim at natigmak sa dugo, naging itim, napakaitim,
pumusyaw ang kulay, naging abuhin, naging mas mapusyaw.”
 Ang ipinapahiwatig ng pahayag na ito ay mapait na karanasan ni Basilio. Noong
una’y kulay rosas na payapa, maayos, at masaya kasama ang kanyang mga
mahal ngunit dumilim at natigmak sa dugo kung saan siya’y nakararanas at
nakahaharap na ng mga problema sa kanyang buhay. Naging napakaitim nang
mabaliw ang kanyang ina at pumusyaw ang kulay nang mamatay ang kanyang
mga mahal sa buhay. Naging abuhin at mapusyaw noong siya’y mag-isa na
lamang, naghihirap sa buhay, at walang nang kakayahang magpatuloy.

“Hindi niya makita ang kabilang dulo na nakakubli sa likod ng ulap na pinaglalagusan ng
liwanag at unang sinag ng namimitak na araw”
 Ang sinisimbolo ng kabilang dulo na nakakubli sa likod ng ulap ay ang hinaharap
na hindi maaninag ng binata nang dahil sa kanyang nakalulungkot sa karanasan
ay nawalan siya ng pag-asang magpatuloy kaya’t hindi niya makita ang liwanag
at sinag ng namimitak na araw sa hinaharap. Nang dahil sa kanyang naging
karanasan ay natakpan ng mga ulap na nagsisilbing kanyang madilim na
karanasan at nakaraan ay hindi niya na alam kung paano hanapin ang buhay sa
hinaharap at wala nang inspirasyon upang magpatuloy.

V. Aral
 Nais ipaunawa sa ating ng kabanatang ito na wag magpatalo sa mga
pinagsasabi at pangungutya ng mga tao at manatiling nakatuon sa ating
pangarap at layunin sa buhay. Katulad ni Basilio na umiyak at nasaktan sa mga
diskriminasyon na kanyang natanggap at mga problemang kinaharap ngunit
nagpatuloy pa rin at kalaunan ay nakapagtapos at nagtagumpay sa buhay ay
hindi rin dapat tayo magpatalo sa ating mga problema at magpatuloy na labanan
ang pasakit ng buhay sa atin dahil sa huli ay makakamit din natin ang ating
layunin at pangarap na ating hinahangad. Kalaunan ay magtatagumpay rin tayo
katulad ni Basilio at ang mga karanasan na ating pinagdaanan ay magsisilbing
alaala at inspirasyon sa ating upang magpatuloy.

Kabanata 7 - Si Simoun

I. Tauhan
 Simoun
 Basilio

II. Buod
 Pabalik na si Basilio ng bayan galing sa puntod ng kanyang ina nang may makita
siyang liwanag at may marinig na mga yabag na papalapit. Nakilala ito ni Basilio
na si Simoun na mag-aalahas dahil wala itong suot na salamin. Nagbalik sa
kanya ang alaala labing tatlong taon na ang nakalilipas, ang naglibing sa
kanyang inang si Sisa at ang tumulong sa pagsunog sa isa pang lalaking doon
din namatay. Nakita ni Basilio na pagod at patigil-tigil si Simoun sa paghuhukay
kaya lumapit ito’t nagpakita. Nagpakilala si Basilio at kanyang sinabi kay Simoun
na alam niyang siya ang tumulong sa paglilibing sa bangkay ng kanyang ina
kaya’t siya naman ang magbibigay ng tulong ngayon sa kanya. Dahil nalantad na
kay Basilio ang lihim ni Simoun ay binalak niya itong patayin ngunit kanyang
napagtanto na maaari siyang matulungan ni Basilio kaya hindi niya ito itinuloy.
Sinabi ni Simoun kay Basilio ang kanyang mga layunin at balak na himagsikan
laban sa masamang pamahalaan. Inayawan ni Simoun ang balak nina Basilio at
kanyang mga kasamahan na magtayo ng paaralan sa pag-aaral ng wikang
Kastila at gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas pati na rin ang bigyan ng
pantay-pantay na karapatan ang mga Pilipino at Kastila. Ayon kay Basilio, ang
kastila ay isang wikang magbubuklod-buklod sa mga pulo ng Pilipinas. Ngunit,
ayon kay Simoun, ang mga gawaing ito ang sisira sa kanilang
pagkamamamayan at ang pagdadagdag ng isa pang wika ay magreresulta sa di
pagkakaunawaan. Saliwas naman ang paniniwala ni Basilio rito sapagkat ayon
sa kanya, kung ang pagkakaalam ng wikang Kastila ay maglalapit sa kanila sa
pamahalaan, mapaglalapit din nito ang buong kapuluan. Pinutol muli siya ni
Simoun at sinabing ang bawat tao ay may sariling paraan ng pagsasalita at
sariling damdamin. Dagdag niya pa na papatayin lamang ng mga makagagamit
nito ang pansariling katauhan at magiging tunay na alipin. Ninais din ni Simoun
na kausapin sina Isagani at Macaraig. Nguni’t baka di siya pakinggan ng mga ito.
Naisip rin niyang na patayin ang mga ito. Sabi ni Basilio na pinili niya ang
siyensiya para makapaglingkod sa bayan.
 Nauwi sa kadakilaan ng karunungan ang pag-uusap. Inalok ni Simoun si Basilio
na makiisa sa kanyang layunin, ngunit siya’y tinanggihan nito. Sinabi ni Basilio
na lahat ng tao’y mamamayan ng daigdig at ang tanging layunin ng tao ay
pagkakamit ng karunungan. Napailing si Simoun at sinabi na upang makaabot sa
kalagayang sinabi ni Basilio, kailangan munang lumaya ng mga tao mula sa
pang aalipusta. Sa kabila ng mga ito, napuna ni Simoun na hindi naantig ang
kalooban ni Basilio. Kaya naman iniba ni Simoun ang usapan at sinabing ang
tanging ginagawa lamang ni Basilio ay iyakan ang kanyang pumanaw na ina at
kapatid at hindi siya makapaghihiganti sa ganitong paraan. Kaya napatanong si
Basilio kung papaano siya makapaghihiganti gayo’y papatayin lamang din siya at
matutulad sa kanyang ina at kapatid. Dagdag niya pa na hindi na bubuhayin ng
paghihiganti ang kanyang ina o kapatid. Sa huli ay hindi naging sapat ang mga
pangaral ni Simoun upang tuluyan niyang makumbinsi ang binatang si Basilio.

III. Isyu/Sakit/Suliranin/Kanser ng Lipunan


 Ipinapakita sa kabanata ang mga kalupitan na naransan ng dalawang karakter
sa ilalim ng pamahalaang Kastila. Ito nga ang naging rason na nagudyok kay
Simoun na ipatupad ang kanyang plano na himagsikan. Sumasalamin dito ang
mga totoong mga pangyayari noong panahon ng mga Espanyol, sapagkat naka
base ito sa kung paano tinrato ng mga kastila ang mga Pilipino sa totoong
buhay, ang iilan na halimbawa mga hindi makatarungang pagpatay at pagkulong,
at kung paano tinrato ang kababaihan ng mga Espanyol noon.

IV. Matatalinghagang Pahayag


“Naitanong ko sa sarili: Bakit hindi sumisigid sa bituka ng masibang ibon ang
kamandag, ang lasong natatago sa mga libingan? Binayaan ng bangkay na siya
ay lasugin, nabundat ang ibon, at sapagkat hindi ko maaaring ibalik ang búhay
noon upang lumaban sa kumakain sa kanya, at sa dahilang mabagal ang
pagkaagnas ay pinalalâ ko ang kasamaan, sinang-ayunan ko, kaya't ang
pagsasamantala at kabuktutan ay dumami at nag-ibayo.”

 Ang nais iparating ng pahayag na ito ay ang kamanhidan ng mga masamang tao
na gumagawa ng masama at pumapatay ng tao. Ang pahayag na “Bakit hindi
sumisigid sa bituka ng masibang ibon ang kamandag, ang lasong natatago sa
mga libingan?” ay nagtatanong kung bakit hindi nakokonsensya ang mga may
sala sa mga bangkay na nagtatago sa libingan na kanilang pinatay. Hindi
makalaban at walang magawa ang mga biktima kaya’t nagpatuloy at napuno ng
kasamaan ang mga tao. Sa pahayag na “Sapagkat hindi ko maaaring ibalik ang
búhay noon upang lumaban sa kumakain sa kanya, at sa dahilang mabagal ang
pagkaagnas ay pinalalâ ko ang kasamaan, sinang-ayunan ko, kaya't ang
pagsasamantala at kabuktutan ay dumami at nag-ibayo.” ay sinasabi ni Simoun
na kanyang pinalala ang kasamaan sa pamamagitan ng pagsang-ayon dito
kaya’t mas lumala at kumalat ang kasamaan at kabuktutan.

V. Aral
 Nagpakita ang dalawang karakter sa kabanata ng matatag na paninindigan sa
kanilang layunin. Si Basilio na hindi nakikita ang saysay sa paghihiganti at si
Simoun na sinusubukan na ipaliwanag at iudyok kay Basilio ang kanyang plano.
Makukuha natin dito ang importansya ng pag-alam kung ano ba talaga ang nais
natin gawin sa ating buhay at kung gaano tayo kasigurado dito upang unti-unti na
nating pagtrabahuhan na makamit ang layunin na iyon habang tayo'y bata pa.
Ang bawat tao ay mayroong sariling pamamaraan kung paano makakamit ang
isang bagay o paano makakamit ang kanilang adhikain sa buhay.

Kabanata 10 - Kayamanan at Kagustuhan

I. Tauhan
 Simoun
 Kabesang Tales
 Kapitan Basilio
 Sinang
 Hermana Penchang
 Kapitana Tika
 Juli

II. Buod/Mahahalagang Pangyayari


 Nabigla ang mga kapitbahay nang dumating si Simoun at tumuloy sa bahay ni
Kabesang Tales kasama ang kanyang dalawang utusan na may dalang baul na
naglalaman ng mga alahas. Nakituloy siya sa bahay ni Kabesang Tales dahil
ito’y malapit sa San Diego at Tiani na pinagmumulan ng kanyang mga mamimili.
Isa-isang dumating ang mga mag-anak na narinig ang balita at nais kaibiganin si
Simoun dahil kanilang nalaman na kaibigan nito ang Kapitan-Heneral. Dumating
si Kapitan Basilio kasama ang asawa at anak na si Sinang pati ang asawa nito.
Naroon din si Hermana Penchang upang bumili ng alahas. Inilabas ni Simoun
ang kanyang mga alahas at dito pumili si Sinang ng kanyang mga gusto at
ipinakilala rin ni Simoun ang mga alahas na mayroon siya at mga pinanggalingan
nito. May napusuan din si Hermana Penchang ngunit ito’y nagkakahalagang
tatlong libo kaya’t napawika na lamang ito ng “Diyos ko!”. Labis ang paghanga ng
mga tao sa mga alahas ni Simoun habang si Kabesang Tales ay lumalayo upang
umiwas sa tukso. Ang napakaraming kayamanan na ito ay parang paghamak sa
kanyang kasawiang-palad sapagkat habang si Simoun ay nagpapakita ng
kanyang kayamanan ay si Kabesang Tales nama’y nangangamba dahil sa
kanyang kakulangan sa salapi at sa kinakailangan niyang iwan ang kanyang
tahanang itinayo sa pamamagitan ng kanyang mga kamay. Labis ang
pagkamangha at pagkatakot ng mga tao dahil sa ideya na ang ganitong
karaming yaman ay pag-aari ng isang tao lamang. Sila’y natakot hawakan ang
mga alahas nang marinig ang pinagsasabi ni Simoun. Naisip ni Kabesang Tales
na kahit isa lamang sa mga brilyanteng pag-aari ni Simoun kahit pa ang
pinakamaliit ay mababawi na niya si Juli, maililigtas niya ang kanyang tahanan,
at marahil makapaghahawang muli ng ibang bukirin.
 Naging mapangahas si Simoun at nagsabi ng katulad sa kaya niyang magdulot
ng kalagiman sa mga tao gamit ang kapangyarihang mayroon siya kaya’t labis
na lamang ang pagkatakot ng lahat dahil alam nilang totoo ang kanyang
sinasabi. Tinanong ni Simoun si Kabesang Tales kung may nais ba itong ipagbili
ngunit sabi ng lalaki ay naipagbili na niya lahat ng hiyas ng kanyang anak na
babae. Nabanggit ni Sinang ang relikaryo ni Maria Clara na ibinigay sa ketongin
noong araw ng pista sa San Diego. Nagustuhan ni Simoun ang relikaryo at
tinanong kung magkano ito ipagbibili ngunit natauhan si Kabesang Tales sa
sinabi Hermana Penchang na mas pinili pa ni Juli namagpaalila kaysa ipagbili
ang relikaryo, nagitla si Kabesang Tales sa pag-aalala sa kanyang anak na
babae. Nagkasundo sila ni Simoun na tatanungin niya muna ang anak bago
ipagbili sa kanya kaya’t mabilis na lumisan si Kabesang Tales. Ngunit nang
mapadaan si Kabesang Tales sa kanyang bukid ay nakita niya ang administrador
ng mga prayle at ang bagong nagsasaka ng kanyang bukirin, siya’y nainis at
nagmamadaling bumalik. Paggising na lamang ni Simoun ay wala na ang
kanyang rebolber sa kinalalagyan at nakita niya sa loob ng lalagyan ang isang
sulat at ang relikaryo na nais niyang bilhin. Dumating ang mga guwardiya sibil
upang dakpin si Kabesang Tales ngunit nang di makita ay si Tandang Selo na
kanyang ama ang dinala. Noong madaling araw ay tatlong pagpatay ang
naganap at nakita ang patay na administrador ng mga prayle, ang bagong
magsasaka ng lupain ni Tales at ang asawa nito, puno ng lupa ang mga bibig
nito. Nakita rin dito ang papel na sulat-dugo ni Tales. Naglalaman ito ng mga
taon parehong nakaranas ng pinagdaanan ni Tales ngunit hindi naglagay ng
batas sa kanilang mga kamay.

III. Isyu/Sakit/Suliranin/Kanser ng Lipunan


 Makikita sa kabanata ang labis na kayamanan ni Simoun at ang kalakip na
kapangyarihan na mayroon siya dahil dito. Makikita rito ang isyu ng na labis ang
kapangyarihan na mayroon ang mga mayayaman at ganoon na lamang din ang
takot sa kanila ng mga taong hindi katulad nila sapagkat ang kapangyarihan na
mayroon sila ay maaaring makapaghasik ng kasamaan.
 Masasalamin din dito ang sakit ng lipunan kung saan ang tiwaling sistema ay
nagreresulta sa paghihiganti ng nasasakupan nito. Katulad na lamang ni
Kabesang Tales na napagnasahan at pinagsamantalahan ng tiwaling sistema na
kung saan walang laban ang mahirap na katulad niya sa mga prayle at kahit
siya’y buong lakas na nanindigan ay hindi pa rin siya nanalo. At nang makita niya
ang administrador at ang bagong nagsasaka ng kanyang lupain ay hindi na siya
nakapagpigil at napatay ang mga ito na sumasalamin sa kasakiman na maaaring
maidulot ng labis na pagmamalupit sa nasasakupan.

IV. Matatalinhagang Pahayag


“Ang batang iyan ay lumaki lamang na parang kabute! Pinabasa ko siya nang
apatnapung ulit ng polyeto ngunit wala siyang natandaan, parang basket sa puno
lamang habang nasa ilalim ng tubig.”
 Inilalarawan ng pahayag na ito ang isang batang wala o kulang ang kakayahan
sa pag-aaral. Siya’y hindi marunong umintindi, magkabisa, na kahit apatnapung
beses ulit na pinagbasa ay walang matandaan. Inihambing ito na parang basket
sa puno habang nasa ilalim ng tubig na naglalarawan na walang silbi.

“Narito, tulad sa manggagamot, nasa akin ang buhay at kamatayan, lason, at


panlunas.”
 Marahil ay ipinapahiwatig ng pahayag na ito na katulad ng isang manggagamot,
nakasalalay sa isang taong mayaman ang buhay, kamatayan, lason, at panlunas
na maaaring gumamot o magdulot ng sakit sa kabuoan. Inilalarawan nito ang
kapangyarihang mayroon ang isang mayaman kung saan maaari at kaya nilang
gawin ang kahit na ano gamit ang kanilang kayamanan.

V. Aral
 Itinuturo sa ating ng kabanata huwag matakot ipaglaban ang ating karapatan
bilang isang mamamayan. Kung tayo ay nasa tamang pamamaraan at
sumusunod sa batas, bakit tayo matatakot na ipaglaban ang ating karapatan?
Dapat tayong tumulad kay Kabesang Tales na nanindigan.
 Itinuturo rin sa ating ng kabanata na walang magandang maidudulot ang dahas
na nanggagaling sa galit. Ipinakita ang konsekwensya sa nagawang kasakiman
ni Kabesang Tales na dala ng kanyang galit. Hindi maitatago at mapipigilan ang
galit ngunit dapat nating isiping mabuti ang magiging konsekwensya ng ating
mga gagawin upang hindi magkaroon ng masamang epekto.

You might also like