Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

FILIPINO SA PILING LARANGAN

ARALIN 4: PAGSULAT NG PANUKALANG PROYEKTO

Ayon kay Dr. Phil Bartle ng The Community Empowerment Collective, isang samahang tumutulong sa mga non-governmental
organization (NGO) sa paglikha ng mga pag-aaral sa pangangalap ng pondo, ang panukala ay isang proposal na naglalayong ilatag ang mga
plano o adhikain para sa isang komunidad o samahan. Kaya ang panukalang proyekto ay nangangahulugang isang kasulatan ng mungkahing
naglalaman ng mga plano ng gawaing ihaharap sa tao o samhang pag-uukulan nito na siyang tatanggap at magpapatibay nito.

Ayon naman kay Besim Nebiu, may-akda ng Developing Skills of NGO Project Proposal Writing, ang panukalang proyekto ay isang
detalyadong deskripsiyon ng mga inihahaing gawaing naglalayong lumutas ng isang problema o suliranin.

Mahalagang maging maingat sa pagpaplano at pagdedesisyon ng panukalang proyekto. Kaya naman, masasabing ang paggawa nito ay
nangangailangan ng kaalaman, kasanayan, at maging sapat na pagsasanay. Ayon kay Bartle (2011), kailangan nitong magbigay ng impormasyon
at makahikayat ng positibong pagtugon mula sa pinag-uukulan nito. Walang lugar sa sulating ito ang pagsesermon, pagyayabang, o panlilinlang,
sa halip ito ay kailangang maging tapat at totoo sa layunin nito.

Mga dapat gawin sa pagsulat ng panukalang proyekto

Ayon kina Jeremy Miner at Lynn Miner (2008) sa kanilang aklat na A Guide to Proposal Planning and Writing, sa pagsasagawa sa
panukalang papel, ito ay kailangang magtaglay ng tatlong mahahalagang bahagi at ito ay ang mga sumusunod:

A. Pagsulat ng panimula ng panukalang proyekto.


 Bago mo lubusang isulat ang panukalang proyekto, ang unang mahalagang hakbang na dapat isagawa ay ang pagtukoy sa
pangangailangan ng komunidad, samahan, o kompanyang pag-uukulan ng iyong project proposal. Tandaan na ang pangunahing
dahilan ng pagsulat ng panukalang proyekto ay upang makatulong at makalikha ng positibong pagbabago. Higit na magiging
tiyak, napapanahon, at akma kung matutumbok mo ang tunay na pangangailangan ng pag-uukulan nito. Sa madaling salita, ang
pangangailangan ang magiging batayan ng isusulat na panukala.
 Maisasagawa ang unang bahaging ito sa pamamagitan ng pagmamasid sa pamayanan o kompanya. Maaaring magsimula sa
pagsagot sa sumusunod na mga tanong:
1. Ano-ano ang pangunahing suliraning dapat lapatan ng agarang solusyon?
2. Ano-ano ang pangangailangan ng pamayanan o samahan na nais mong gawan ng panukalang proyekto?
 Mula sa mga sagot na makukuha sa mga nakatalang tanong ay makakakalap ka ng mga ideyang magagamit sa pag-uumpisa ng
pagsulat ay panukalang proyekto. Ilang halimbawa nito ay ang sumusunod:

Sa Brgy. Pinili, ang dalawang suliraning nararanasan ng mga mamamayan ay ang sumusunod:

1. Paglaganap ng sakit na dengue


2. Kakulangan sa suplay ng tubig

Mula sa mga nabanggit na suliranin ay itala ang mga kailangan ng Barangay Pinili upang malutas ang kanilang suliranin.

1. Paglaganap ng sakit na dengue


 Pagtuturo sa mga mamamayan tungkol sa pangangalaga sa kalinisan ng kapaligiran upang maiwasan ang
paglaganap ng dengue.
 Pagsasagawa ng fumigation apat na beses sa isang taon.
2. Kakulangan sa suplay ng tubig
 Pagtuturo sa mga mamamayan sa wastong paggamit at pagtitipid ng tubig
 Pagpapagawa ng poso para sa bawat purok ng barangay

Mula sa mga nakatalang halimbawa, mapapansing maaaring magkaroon ng maraming solusyon para sa isang suliranin.
Ngunit higit na makabubuti kung magbigay-tuon lamang sa isang solusyon na sa palagay mo ay higit na mahalagang
bigyang-pansin. Dito nagyon iikot ang iyong isusulat na proyekto. Mula rito ay maaari mo nang isulat ang panimula ng
panukalang proyekto kung saan ito ay naglalaman ng suliraning nararanasan ng pamayanan, kumpanya, paaralan, o
organisasyong pag-uukulan nito at kung paanong makatutulong sa kanilang pangangailangan ang panukalang proyektong
iyong isasagawa. Tinatawag ang bahaging ito ng sulatin na Pagpapahayag ng Suliranin. Tunghayan at suriin ang
halimbawang nakatala sa ibaba.
Isa ang Barangay Bacao s amabilis na umuunlad na barangay ng bayan ng General Trias sa Cavite. Ito ay
nananatiling pamayanang agricultural bagama’t unti-unti na ring nagsusulputan ang mga pabrika sa lugar nito.

Isa sa mga suliraning nararanasan ng Barangay Bacao sa kasalukuyan ay ang malaking pagbaha tuwing panahon
ng tag-ulan. Ito ay nagdudulot ng malaking problema sa mga mamamayan tulad ng pagkasira ng kanilang mga bahay,
kagamitan, at maging ng mga pananim. Ang pangunahing sanhi ng pagbaha ay ang pag-apaw ng tubig sa ilog na
nanggagaling sa bundok.

Dahil dito, nangangailangan ang barangay ng isang breakwater o pader na pipigil s amabilis nap ag-apaw ng tubig
mula sa ilog. Kung ito ay maipatatayo, tiyak na di na kakailanganin pang ilikas ang mga mamamayan sa ligtas na lugar.
Higit sa lahat, maiiwasan din ang patuloy na pagguho ng mga lupa sa tabi ng ilog. Kailangang maisagawa na ang
proyekttong ito sa madaling panahon para sa kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Kapansin-pansing malinaw, maikli, at direkta o hindi paligoy-ligoy ang pagkakalahad ng panimula. Makikita rito ang
maikling paglalarawan ng pamayanan, ang suliraning nararanasan nito, at ang pangangailangan nito upang masolusyunan
ang nabanggit na suliranin. Nakapaloob din dito ang mga benepisyo o mga kabutihang maaaring idulot nito kung
maisasakatuparan ang panukalang proyekto.

B. Pagsulat ng Katawan ng Panukalang Proyekto


 Matapos na mailahad ang panimulang naglalahad ng suliranin ng gagawing panukalang proyekto ay isunod na gawin ang pinaka-
katawan ng sulating ito na binubuo ng layunin, planong dapat gawin, at badyet.
1. Layunin. Sa bahaging layunin makikita ang mga bagay na gusting makamit o ang pinaka-adhikain ng panukala.
Kailangang maging tiyak ang layunin ng proyekto. Kailangang isulat ito batay sa mga inaasahang resulta ng panukalang
proyekto at hindi batay sa kung paano makakamit ang mga resultang ito. Ayon kina Jeremy Miner at Lynn Miner
(2008), ang layunin ay kailangang maging SIMPLE.
Specific – nakasaad ang bagay nan ais makamit o mangyari sa panukalang proyekto.
Immediate – nakasaad ang tiyak na petsa kung kailan ito matatapos.
Measurable – may basehan o patunay na naisakatuparan ang nasabing proyekto.
Practical – nagsasaad ng solusyon sa binanggit an suliranin.
Logical – nagsasaad ng paraan kung paano makakamit ang proyekto.
Evaluate – masusukat kung paano makatutulong ang proyekto.

Balikan ang halimbawang nakasaad sa ginawang paglalahad ng suliranin hinggil sa kalagayan ng Barangay Bacao. Dito, malinaw na
nakasaad na ang suliranin ng barangay ay ang pagbahang nararanasan tuwing panahon ng tag-ulan. Kailangan ng barangay ng breakwater o
pader na pipigil sa pag-apaw ng tubig sa ilog. Mula rito ay maaaring makabuo ng layuning tulad nito.

LAYUNIN: Makapagpagawa ng breakwater o pader na makatutulong upang mapigilan ang pag-apaw ng tubig
sa ilog upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at maging ang kanilang mga ari-arian at hanapbuhay sa
susunod na mga buwan.

Mula sa nakatalang layunin, makikitang malinaw na naipahayag ang paraan kung paano at kailan makakamit ang panukalang proyekto. Ito rin ay
nagbibigay ng dahilan kung bakit mahalagang maisakatuparan ito.

2. Plano ng Dapat Gawin. Matapos maitala ang mga layunin ay maaari nang buoin ang talaan ng mga gawain o plan of
action na naglalaman ng mga hakbang na isasagawa upang malutas ang suliranin. Mahalagang maiplano itong Mabuti
ayon sa tamang pagkakasunod-sunod ng pagsasagawa nito kasama ang mga taong kakailanganin sa pagsasakatuparan
ng mga gawain. Ito rin ay dapat na maging makatotohanan o realistic. Kailangang ikonsidera rin ang badyet sa
pagsasagawa nito.
Mas makabubuti kung isasama sa talakdaan ng gawain ang petsa kung kailan matatapos ang bawat bahagi ng plano at
kung ilang araw ito gagawin. Kung hindi tiyak ang mismong araw na maaaring matapos ang mga ito ay maaaring ilagay
na lamang kahit ang linggo o buwan.
Makatutulong kung gagamit ng chart o kalendaryo para markahan ang pagsasagawa ng bawat gawain. Suriin ang plnao
ng mga gawain sa pagpapatayo ng breakwater o pader para sa Barangay Bacao.

Plano ng Paggawa ng Breakwater o Pader para sa Ilog ng Barangay Bacao

1. Pagpapasa, pag-aabroba, at paglalabas ng badyet (7 araw)


2. Pagsasagawa ng bidding mula sa mga contractor o mangongontrata sa pagpapagawa ng breakwater o pader (2
linggo)
 Ang mga contractor ay inaasahang magpapasa o magsusumite ng kani-kanilang tawad para sa
pagpapatayo ng breakwater kasama ang gagamiting plano para rito.
3. Pagpupulong ng konseho ng barangay para sa pagpili ng contractor na gagawa ng breakwater (1 araw)
 Gagawin din sa araw na ito ang opisyal na pagpapahayag ng napiling contractor para sa kabatiran ng
nakararami.
4. Pagpapatayo ng breakwater sa ilalim ng pamamahala ng konseho ng Barangay Bacao (3 buwan)
5. Pagpapasinaya at pagbabasbas ng breakwater (1 araw)

3. Badyet. Isa sa pinakamahalagang bahagi ng anumang panukalang proyekto ay ang wasto at tapat na paglalatag ng
kakailanganing badyet para dito. Ang badyet ay ang talaan ng mga gastusin na kakailanganin sa pagsasakatuparan ng
layunin. Mahalagang ito ay mapag-aralang Mabuti upang makatipid sa mga gugugulin.
Maaaring magsagawa ng bidding sa mga contractor na kadalasan ay may mga panukalang badyet na para sa gagawing
proyekto. Maaaring magkaroon ng tatlo o higit pang bidders na pagpipilian. Ibigay o ipagkatiwala ang proyekto sa
contractor na magbibigay ng pinakamababang halaga ng badyet. Sa mga karagdagang kagamitan o materyales, mas
makabubuti kung maghahanap muna ng murang bilihin para makatipid din sa mga gastusin.
Huwag ding kaligtaang isama sa talaan ng badyet ang iba pang mga gastusin tulad ng suweldo ng mga manggagawa,
allowamce para sa mga magbabantay sa pagsasagwa nito, at iba pa.

Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan sa paggawa ng badyet para sa panukalang proyekto:
a. Gawing simple at malinaw ang badyet upang Madali itong maunawaan ng ahensiya o sangay ng pamahalaan
o institusyon na mag-aaproba at magsasagawa nito.
b. Pangkatin ang mga gastusin ayon sa klasipikasyon nito upang madaling sumahin ang mga ito.
c. Isama sa iyong badyet maging ang huling sentimo. Ang mga ahensiya, sangay ng pamahalaan, o maaaring
kompanya na magtataguyod ng nasabing proyekto ay kadalasang nagsasagawa rin ng pag-aaral para sa
itataguyod nilang proposal.
d. Siguraduhing wasto o tama ang ginawang pagkukuwenta ng mga gastusin. Iwasan ang mg abura o erasure
sapagkat ito ay nangangahulugan ng integridad at karapat-dapat na pagtitiwala para s aiyo.
Narito ang halimbawa ng badyet na maaaring gamitin sa pagpapagawa ng breakwater ng Barangay Bacao.

Mga Gastusin Halaga


I. Halaga ng pagpapagawa ng breakwater batay
sa isinumite ng napiling contractor (kasama na
Php 3, 200, 000. 00
rito ang lahat ng materyales at suweldo ng
mga trabahador)
II. Gastusin para sa pagpapasinaya at pagbabasbas
Php 20, 000. 00
nito.
Kabuoang Halaga Php 3, 220, 000. 00

C. Paglalahad ng Benepisyo ng Proyekto at Mga Makikinabang Nito


 Kadalasan ang panukalang proyekto ay naaaprubahan kung malinaw na nakasaad dito kung sino ang matutulungan ng proyekto at
kung paano ito makatutulong sa kanila. Maaaring ang makinabang nito ay mismong lahat ng mamamayan ng isang pamayanan,
ang mga empleyado ng isang kompanya, o kaya naman ay miyembro ng isang samahan. Mahalagang maging espisipiko sa tiyak
na grupo ng tao o samahang makikinabang sa pagsasakatuparan ng layunin. Halimbawa ng mga makikinabang ay ang mga bata,
kababaihan, mga magsasaka, mahihirap na pamilya, mga negosyante, at iba pa.
 Maaari na ring isama sa bahaging ito ang katapusan o kongklusyon ng iyong panukala. Sa bahaging ito ay maaaring ilahad ang
mga dahilan kung bakit dapat aprobahan ang ipinasang panukalang proyekto. Tunghayan ang halimbawang nakasulat.

Paano Mapakikinabangan ng Barangay Bacao ang Panukalang ito?

Ang pagpapatayo ng breakwater o pader sa ilog ay magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng mamamayan ng


Barangay Bacao. Ang panganib sa pagkawala ng buhay dahil sa panganib na dulot ng baha ay masosolusyunan. Di na
makararanas ang mga mamamayan ng pagkasira ng kanilang tahanan at mga kagamitan na tunay na nagdudulot ng malaking
epekto sa kanilang pamumuhay. Higit sa lahat, magkakaroon na ng kapanatagan ang puso ng bawat isa tuwing sasapit ang
tag-ulan dahil alam nilang hindi agad aapaw ang tubig sa ilog sa tulong ng mga ipapatayong mga pader.

Mababawasan din ang trabaho at alalahanin ng mga oipsyales ng barangay sa paglilikas ng mga pamilyang higit na
apektado ng pagbaha sa tuwing lumalaki ang tubig sa ilog. Gayundin, maiiwasan din ang pagkasira ng pananim ng mga
magsasakang karaniwang pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mamamayan nito.

Tiyaking ligtas ang buhay ng mga mamamayan ng Barangay Bacao. Ipagawa ang breakwater o pader na kanilang
magsisilbing proteksiyon sa panahon ng tag-ulan.

BALANGKAS NG PANUKALANG PROYEKTO

Maraming balangkas ng pagsulat ng panukalang proyekto ang maaaring gamitin depende sa may-akda na naghahain nito. Sa ibang
sanggunian, tulad halimbawa ng isinulat ni Besim Nebiu sa kanyang akdang Developing Skills & NGO’s Project Proposal Writing (2002),
bahagi ng panukalang proyekto ang Abstrak o executive summary ng panukala lalo na kung medyo may kahabaan ang isinulat na papel.

Sa ibang pormat naman ay naglalagay rin ng mga kalakip o appendices. Ang mahahalagang sipi ng datos o dokumento na kailangan sa
panukala ay inilalagay na lamang sa mga kalakip sad ulo ng panukala upang higit na maging sistematiko at organisado ang presentasyon ng
panukala. Kadalasang isinasama sa kalakip (appendix) ang mga liham na ginamit para sa pagpapahintulot o pagpapatibay ng panukala, ang
detalye ng badyet tulad ng pinanggalingan ng pondo o donor, at iba pa.

Maaari mong idagdag ang mga bahaging ito kung sa tingin mo ay kinakailangan itong gamitin. Ngunit para sa higit na payak na
balangkas para sa pagsulat ng panukalang proyekto ay maaaring gamitin ang sumusunod:

1. Pamagat ng Panukalang Proyekto – kadalasan, ito ay hinango mismo sa inilahad na pangangailangan bilang tugon sa suliranin.
2. Nagpadala – naglalaman ito ng tirahan ng sumulat ng panukalang proyekto.
3. Petsa – o araw kung kailan ipinasa ang panukalang papel. Isinasama rin sa bahaging ito ang tinatayang panahon kung gaano katagal
gagawin ang proyekto.
4. Pagpapahayag ng Suliranin – dito nakasaad ang suliranin at kung bakit dapat maisagawa o maibigay ang pangangailangan.
5. Layunin – naglalaman ito ng mga dahilan o kahalagahan kung bakit dapat isagawa ang panukala.
6. Plano ng Dapat Gawin – dito makikita ang talaan ng pagkakasunod-sunod ng mga gawaing isasagawa para sa pagsasakatuparan ng
proyekto gayundin ang petsa at bilang ng araw na gagawin ang bawat isa.
7. Badyet – ang kalkulasyon ng mga guguling gagamitin sa pagpapagawa ng proyekto.
8. Paano Mapakikinabangan ng Pamayanan/Samahan ang Panukalang Proyekto – kadalasan, ito rin ang nagsisilbing kongklusyon
ng panukala kung saan nakasaad dito ang mga taong makikinabang ng proyekto at benepisyong makukuha nil amula rito.
PANUKALA SA PAGPAPAGAWA NG BREAKWATER PARA SA BARANGAY BACAO

Mula kay Leah Grace L. Delgado

324 Purok 10, Tiburcio Luna Avenue

Barangay Bacao

General Trias, Cavite

Ika-11 ng Disyembre, 2015

Haba ng Panahong Gugugulin: 3 buwan at kalahati

I. Pagpapahayag ng Suliranin

Isa ang Barangay Bacao s amabilis na umuunlad na barangay ng bayan ng General Trias sa Cavite. Ito ay nanatiling pamayanang
agrikultural bagama’t unti-unti na ring nagsusulputan ang mga pabrika sa lugar nito.

Isa sa mga suliraning nararanasan ng Barangay Bacao sa kasalukuyan ay ang malaking pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan. Ito ay
nagdudulot ng malaking problema sa mga mamamayan tulad ng pagkasira ng kanilang mga bahay, kagamitan, at maging ng mga pananim. Ang
pangunahing sanhi ng pagbaha ay ang pag-apaw ng tubig sa ilog na nanggagaling sa bundok.

Dahil dito nangangailangan ang barangay ng isang breakwater o pader na pipigil s amabilis na pag-apaw ng tubig mula sa ilog. Kung
ito ay maipapatayo tiyak na di na kailangan pang ilikas ang mga mamamayan sa ligtas na lugar. Higit sa lahat, maiiwasan din ang patuloy na
pagguho ng mga lupa sa tabi ng ilog. Kailangang maisagawa na ang proyektong ito sa madaling panahon para sa kapakanan at kaligtasan ng mga
mamamayan.

II. Layunin

Makapagpagawa ng breakwater o pader na makatutulong upang mapigilan ang pag-apaw ng tubig sa ilog upang matiyak ang
kaligtasan ng mga mamamayan at maging ang kanilang mga ari-arian at hanapbuhay sa susunod na mga buwan.

III. Plano ng Dapat Gawin

1. Pagpapasa, pag-aabroba, at paglalabas ng badyet (7 araw)


2. Pagsasagawa ng bidding mula sa mga contractor o mangongontrata sa pagpapagawa ng breakwater o pader (2 linggo)
 Ang mga contractor ay inaasahang magpapasa o magsusumite ng kani-kanilang tawad para sa pagpapatayo ng breakwater
kasama ang gagamiting plano para rito.
3. Pagpupulong ng konseho ng barangay para sa pagpili ng contractor na gagawa ng breakwater (1 araw)
 Gagawin din sa araw na ito ang opisyal na pagpapahayag ng napiling contractor para sa kabatiran ng nakararami.
4. Pagpapatayo ng breakwater sa ilalim ng pamamahala ng konseho ng Barangay Bacao (3 buwan)
5. Pagpapasinaya at pagbabasbas ng breakwater (1 araw)

IV. Badyet

Mga Gastusin Halaga


I. Halaga ng pagpapagawa ng breakwater
batay sa isinumite ng napiling contractor
Php 3, 200, 000. 00
(kasama na rito ang lahat ng materyales
at suweldo ng mga trabahador)
II. Gastusin para sa pagpapasinaya at
Php 20, 000. 00
pagbabasbas nito.
Kabuoang Halaga Php 3, 220, 000. 00
V. Benepisyo ng Proyekto at mga Makikinabang Nito

Ang pagpapatayo ng breakwater o pader sa ilog ay magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng mamamayan ng Barangay Bacao. Ang
panganib sa pagkawala ng buhay dahil sa panganib na dulot ng baha ay masosolusyunan. Di na makararanas ang mga mamamayan ng pagkasira
ng kanilang tahanan at mga kagamitan na tunay na nagdudulot ng malaking epekto sa kanilang pamumuhay. Higit sa lahat, magkakaroon na ng
kapanatagan ang puso ng bawat isa tuwing sasapit ang tag-ulan dahil alam nilang hindi agad aapaw ang tubig sa ilog sa tulong ng mga
ipapatayong mga pader.

Mababawasan din ang trabaho at alalahanin ng mga oipsyales ng barangay sa paglilikas ng mga pamilyang higit na apektado ng
pagbaha sa tuwing lumalaki ang tubig sa ilog. Gayundin, maiiwasan din ang pagkasira ng pananim ng mga magsasakang karaniwang
pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mamamayan nito.

Tiyaking ligtas ang buhay ng mga mamamayan ng Barangay Bacao. Ipagawa ang breakwater o pader na kanilang magsisilbing
proteksiyon sa panahon ng tag-ulan.

You might also like