Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Matinding Init ng Panahon: Isang Hamon sa Edukasyon

Dahil sa sobrang init na nararanasan sa buong bansa, naging usap-usapan na naman kamakailan
kung dapat na nga bang ibalik ng Department of Education (DepEd) ang dating school calendar
nito kung saan ay nagsisimula ang pasukan sa mga paaralan sa unang Lunes ng buwan ng Hunyo
at nagtatapos naman tuwing Marso. Bagama’t wala pang pinal na desisyon ang ahensiya,
mistulang hindi ito suportado ng DepEd dahil batay sa DepEd Order No. 3 na inilabas ng
ahensiya noong Pebrero 19, ang “adjusted end of school year” ay May 31, 2024 habang ang
umpisa ng taong-pampaaralan 2024-2025 ay Hulyo 29.
Matantandaang inilipat noong 2020 ni dating DepEd Secretary Leonor Briones ang pagsisimula
ng klase sa Pilipinas mula Hunyo sa Setyembre dahil na rin sa naranasan nating Covid-19
pandemic. Hindi gaanong naapektuhan ang mga estudyante at guro noon ng matinding init na
dulot ng El Nino dahil online ang mga klase. Subalit sa panahon ngayon na ang mga silid-aralan
ay parang mga pugon, nararapat lamang na ibalik na ng DepEd ang dating school calendar.
Ang araw-araw na pagpasok sa paaralan sa gitna ng matinding init ay nagdudulot ng
karagdagang hamon sa ating mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan. Maaaring
magdulot ng mga komplikasyon sa kalusugan tulad ng pagkahilo, pagkahapo, at dehydration ang
sobrang init. Oo nga’t may mga electric fan sa ilang mga silid-aralan subalit dahil sa dami ng
mga mag-aaral na nagsisiksikan sa isang maliit na kuwarto ay mistulang walang hanging
bumubuga mula sa mga ito.
Kahit marami ang sumusuporta, sa kabilang banda ay may mga tumututol din sa pagbabalik sa
dating school calendar. Una, mainam daw sundin ang taon pampaaralan ng mga bansa sa
kanluran na sa Setyembre nag-uumpisa ang klase upang hindi tayo nahuhuli sa mga leksiyon.
Pangalawa, naiiwasan din ng mga batang mag-aaral ang mga buwan ng Hulyo at Agosto na tag-
ulan, at usong-uso ang magkasakit, lalo na ng ubo’t sipon.
Kailangang mapag-isipang mabuti ng DepEd kung pananatiliin na nito sa kasalukuyan ang
sinusundang school calendar dahil kung sakali ay mangangailangan ang mga ito ng napakalaking
pondo para sa pagbili ng electric fans at air conditioning units para mapalamig sa buwan ng
Marso at Abril ang mga silid paaralan.
Sa kabila ng mga hamon na dala ng mainit na panahon, hindi dapat mawalan ng pag-asa at
determinasyon ang bawat isa. Maaaring magsagawa ng mga hakbang upang mapababa ang
epekto ng init sa loob ng mga paaralan, tulad ng pagpapagana ng mga air conditioning system,
pagbibigay ng sapat na suplay ng malamig na tubig, at pagbibigay ng pahinga sa mga mag-aaral
at guro sa mga oras ng pinakamainit na panahon.
Ang paghahatid ng de kalidad na edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay-kaalaman sa
mga bata. Ito rin ay tungkol sa pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng bawat mag-aaral
habang sila ay nasa paaralan laban sa anumang panganib at sakuna.
Sa kabila ng mga hamon na dala ng mainit na panahon, anumang buwan magsimula ang taong-
pampaaralan ay maaari pa ring maging tagumpay sa pamamagitan ng tamang pagpaplano,
kooperasyon ng lahat, at pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng bawat isa. Sa ganitong
paraan, maaari nating masiguro ang maayos at produktibong pagsisimula ng bagong taon sa
paaralan, kahit na kung anong buwan pa man ito magsisimula.

You might also like