Iraq Mesopotamia

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

KABIHASNAN NG MESOPOTAMIA

(Iraq: Where Civilization First Began)

MESOPOTAMIA
 Galing sa salitang Griyego na Mesopotamos na ang ibig sabihin ay sa pagitan ng ilog
Meso: pagitan
Potamos: ilog
 Lupain sa pagitan ng dalawang ilog: Ilog Tigris at Ilog Euphrates
 Isa sa pinakauna at pinakamatandang kabihasnan na natuklasan sa buong mundo.
 Ito ay matatagpuan sa Kanlurang Asya, at sa kasalukuyang panahon ay kilala ito bilang bansang Iraq.
 Tinawag rin itong Fertile Crescent dahil sa pagkakaroon nito ng matabang lupain na hugis kalahating
buwan. Ang regular na pag-apaw ng ilog Tigris at ilog Euphrates ay nagdudulot ng baha na nag-iiwan ng
banlik o silt na naging dahilan kung bakit mataba ang lupain ng Mesopotamia.
 Tinagurian rin ito bilang Lundayan ng Sibilisasyon (Cradle of Civilization) dahil ito ang unang lugar
kung saan unang umusbong ang unang sibilisasyon sa buong mundo.

Kultura:
Sa kabila ng iba’t ibang imperyo at sibilisasyon na namuno sa Mesopotamia, ang pangunahing tali na
nagbuklod sa kanilang lahat ay ang kanilang kultural na pamana. Ang mga Sumerian ang nagsimula ng
tradisyong kultural na ito sa pamamagitan ng pagtatag ng Sumerian Languange na ginamit rin ng mga
Akkadians, at sistema ng pagsusulat sa tablet clay. Sa pamamagitan ng pagsusulat, naitala nila ang kanilang
kasaysayan na nagbigay daan para magkaroon ng pagunlad at para maipasa ang kanilang kaalaman at
kultura sa mga susunod na henerasyon. Lumikha rin sila ng mga literatura bilang bahagi ng kanilang
kultura. Isa ang Epiko ni Gilgamesh sa kanilang naisulat, ito ang pinakamatandang epikong tula sa buong
mundo.
Lumikha rin ang mga tao sa Mesopotamia ng mga istruktura o templo gaya ng Ziggurat, tinayo nila ito para sa
kanilang mga Diyos at para dito gawin ang ritwal.

Sibilisasyon at Imperyo:
 SIBILISASYON NG SUMERIAN
- Ang Sumerian ang pinakaunang sibilisasyon na umusbong sa Mesopotamia noong 3500 BCE.
- Ang bawat estado rito ay pinamumunuan ng mga pari o hari.
- Sila din ay kilala sa pagsamba at pagsunod sa mga Diyos ng kalikasan.
- Sila rin ay tinatawag na “sag-giga” o “black headed” dahil sa kulay ng kanilang mga mata at buhok.
- Ang Sumer ay pinamunuan ng mga hari at pari na tinatawag na gobyernong teokrasya.
- Si Haring Gilgamesh ay isa sa mga tanyag na hari sa Sumer. Siya ay kalahating tao at kalahating Diyos.
Mayroon siyang angking lakas at katalinuhan. Isa siya sa pinaka tanyag na hari dahil sa kanyang
pakikipag laban ngunit siya din ay malupit sa kanyang nasasakupan. Ngunit sa huli, nagawa niyang mag
bago at pinalago niya ang ekonomiya at imprastraktura.

Ambag/Kontribusyon:
1. CUNEIFORM
- Ito ay unang sistema ng pagsulat na ginamit ng mga Sumerian.
- Ito ay gawa sa putik na hinulma at pinatigas at pagkatapos ay inukitan ng mga simbolo gamit ang
maliit na sinsel na gawa sa kahoy o bakal.
- Ang salitang cuneiform ay hango sa salitang Latin na “cunneus” o ang kombinasyon ng mga wedge
na ginagamit na tanda nito.
- Ito ay mahalaga dahil ito ang unang paraan ng pagsulat noong unang panahon at isa ito sa
kasaysayan ng bansa at kasama ito sa pagkakakilanlan ng bansa.
2. GULONG
- ginagamit bilang pottery wheel o gulong panggawa ng mga kasangkapan o kagamitang gawa sa putik
tulad ng paso at palayok
- Isa pang gamit ng gulong ay sa kariton para sa pagdadala ng mga bagay na may kabigatan.
3. LUNAR CALENDAR
- Ito ay ginagamit ng mga Sumerian upang malaman ang panahon kung kailan mag-aani o mag
tatanim.
- Ito ay may 12 na buwan at 354 na araw.
- Ginagamit din ito upang matukoy ang galaw ng kalangitan o astronomikong pangyayari.
4. TANSO
- pag gawa ng mga kasangkapan.
- Ginagamit rin ito sa paggawa ng mga armas at mga palamuti.
- Sumerian ang pinaka unang gumamit, nagmina at nagbago ng hugis nito.
5. ZIGGURAT
- Dito ginagawa ang pagsamba at mga ritwal ng mga pari.
- Ang Ziggurat ay ang templo ng mga Sumerian.
- Dito sumasamba at nagaalay ang mga Sumerian.
- Sa Ziggurat madalas namamalagi o nakatira ang hari o pari dahil ito rin ay tahanan ng mga diyos at
diyosa.
- Ito ay kadalasang sentro ng bawat lungsod estado at ito ay pinalilibutan ng mga tahanan at
pamilihan na siya namang binabakuran ng mga matataas na pader upang maprotektahan ang isang
lungsod laban sa mga bandido.

Pagbagsak:
Dahil sa pag hina at pag kakawatak-watak ng mga Sumerian ay sinamantala ito ni Sargon the Great at
ng kanyang hukbo. Isa-isa niyang nilupil ang bawat lungsod-estado ng Sumer at noong 2300 BCE, tuluyan
nang napasakamay ni Sargon ang buong Sumer.
 IMPERYONG AKKADIAN
Simula:
Ang Imperyo ng Akkadian ay pinaniniwalaang pinakaunang imperyo na itinatag sa buong mundo.
Ang Akkad ay isa sa mga lungsod-estado ng Sumer na pinamumunuan ni Sargon I. Dahil napapansin ni
Sargon ang paunti-unting paghina ng Sumer, kaya nilusob niya rin ito ng paunti-unti hanggang sa
mapasakamay niya na ng buo ang Sumer at itinatag bilang imperyo. Ito ay nagsimula noong 2300 BCE
hanggang 2100 BCE. Ang Imperyong Akkadian ay isang makapangyarihang imperyo. At sa ilalim ng
pamumuno ni Sargon, ang Imperyong Akkadian ay malaki at sapat na matatag upang ipakilala ang mga
pampublikong serbisyo

Kontribusyon:
1. KALESA o CHARIOT
- Ito ay kanilang ginagamit na sasakyan para sa pakikidigma para sa mabilisang pag-atake.
- kanila rin itong ginagamit bilang transportasyon.
- Ginagamit rin nila ito sa parada habang nakasakay ang namumuno.
- Ang ganitong klaseng sasakyan ay tanging mga hari o mayayaman lamang ang nakakagamit.
2. POSTAL SYSTEM
- Ito ay isang sistema ng pagpapadala ng mga sulat mula sa isang lugar patungo sa isang lugar.
- Ang sulat ay nakaukit sa clay tablet kung saan ito ay binabalutan ng clay envelope.
- Meron itong selyo, address, at pangalan ng nagpadala at ng tatanggap.
- ang ganitong uri ng pagpapadala ng sulat sa panahon nila ay hindi basta-basta mabubuksan ng
kahit sino, at tanging yung tatanggap lamang ang maaaring makapagbukas nito sapagkat walang
ibang paraan para mabasa ang mensahe kundi basagin ang clay envelope.
3. KALSADA
- Maraming kalsada ang itinayo sa imperyo para mas mapabilis ang paglalakbay, at para mas
mapabilis rin ang pakikipagkalakalan.
4. SISTEMA NG BUWIS
- Lahat ng mamamayan sa imperyong ito ay nararapat na magbayad ng buwis sapagkat
mapaparusahan ang sinumang hindi magbibigay.
- Sinasabi rin na patas ang pagbabayad ng buwis dito dahil kahit ang mayayaman ay dapat na
magbigay.
- Ang dalawang paraan ng pagbibigay ng buwis ay una, ang pagbibigay ng mga pagkain o mga
kagamitan. Kadalasan ay mayayaman ang nakakapagbigay ng mga ganito. At ang isang paraan pa ay
ang sa pamamagitan ng trabaho. Kung ikaw ay mahirap, kailangan mong magtrabaho para sa buwis.
Maaaring pwede kang gumawa ng templo, kalsada, pader, at marami pang iba.

Pagbagsak:
Nang mamatay si Sargon ay naging mahina ang imperyo. Ang mga namumuno o mga nahihirang na
hari ay hindi naipanatili ang dating kalakaran at kaayusan. Dahil dito, bumagsak ang ekonomiya ng Akkad.
Ang kalakalan ay bumaba, at sumabay pa ang tagtuyot na nagdulot ng paghihirap sa kanilang mga
mamamayan. Dahil dito, nag karoon ng lakas ng loob ang mga Gutian o mga Barbaro na nakatira sa bundok
Zagros na sakupin aang Akkadian. Dito na tuluyang bumagsak ang Imperyong Akkadian na nahati sa
dalawang bahagi na napunta sa Assyrian at Babylonian.

 IMPERYONG BABYLONIAN
Simula:
Nang bumagsak ang Imperyong Akkadian, dalawang kaharian ang nagsimulang umangat, iyon ay ang
Babylonia at Assyria. Ang kahariang Akkadian ay kinuha at tinirhan ng mga Amorites (Ang Amorites ang
sinaunang grupo ng tao na naging bahagi ng kasaysayan ng Babylonian empire. Sila Ang pangunahing grupo
ng mga naninirahan sa rehiyon ng Mesopotamia). Ito ang imperyong muling nagtagumpay na pag-isahin ang
rehiyon ng Mesopotamia. Ang lungsod ay nagsimulang umangat sa kapangyarihan noong 1894 BC nang si
Haring Hammurabi ay umupo sa trono. Siya ay isang makapangyarihang lider na nagnanais na pamunuan
hindi lamang ang lungsod ng Babilonya kundi pati na rin ang mas malawak na teritoryo. Kinilala ang
Babylonia bilang pinakamaunlad at malakas na emperyo sa buong Mesopotamia. Ang imperyong ito ay
tinagurian rin bilang isang advanced civilization dahil marami silang naiambag na nagagamit pa rin sa
kasalukuyang panahon.

Kontribusyon:
1. CODE OF HAMMURABI
- Ito ay isang koleksyon ng 282 na mga patakaran, naitatag ang mga pamantayan para sa mga
pakikipagugnayan sa komersyo at nagtatakda ng multa at mga parusa upang matugunan ang mga
kinakailangan ng hustisya.
- Ang pangunahing ninanais ng Code of Hammurabi ay ang "Mata sa mata, at ngipin sa ngipin" na
kung saan ang bawat kasalanan na magagawa ay may kaakibat na mas dobleng parusa. Ngunit
hindi lahat ng tao ay natratong mabuti ng batas dahil noong mga panahong iyon, trinato ng batas
ang mga alila bilang pag-aari at hindi bilang tao.
2. ALAHAS
- Kilala ang mga Babylonian sa galing ng paglikha ng mga alahas mula sa maliliit hanggang sa
malalaki gaya ng singsing at kwintas. Sila ang unang gumamit ng magagandang bato at metal para
makabuo ng mga alahas.
3. MATEMATIKA
- Sa matematika, ang mga Babylonian ay nagtagumpay sa pagsusuri ng mga numerong abstrakto at
pagbuo ng sistema ng numerasyon.
- Gumamit sila ng Base 60 o pagbibilang mula 1 hanggang 60 para sa kanilang numerasyon, na kilala
rin bilang sexagesimal.
- Kasama rin ng matematika ang astronomiya na sa pamamagitan ng galaw ng araw, buwan, at bituin
ay napabuti nilang sukatin ang oras.
Pagbagsak:
Nang mamatay si Hammurabi ay ipinagpatuloy ng mga anak niya ang pamumuno. Ngunit hindi sila kagaya
ng kanilang ama na malakas at magaling na lider. Unti-unting bumagsak ang Babylonian at naging dahilan
ito para sila ay mapasailalim sa Assyria, mga Kassite at Elam. Ngunit matapos ang ilang taon, sinakop na ito
ng mga
Assyrian.

 IMPERYONG ASSYRIAN
Simula:
Sinakop ng mga Assyrian ang Babylonia nang tuluyan na itong humina at hindi na kaya pang
ipagtanggol ang teritoryo. Ang mga Assyrian ang kauna-unahang pangkat na nakabuo ng epektibong sistema
ng pamumuno sa imperyo. Sila ay mahusay sa pakikidigma at itinuring bilang pinakamalupit na tao sa
sinaunang panahon dahil sila ay itinuturing na pinakamalupit na imperyo dahil sila ay brutal, agresibo, at
mabagsik pagdating sa digmaan. Wala silang pinipiling oras, edad, at kasarian. Mahilig rin silang
makipagdigmaan dahil ang nais nila ay mapalawak ang kanilang nasasakupan. Katulad ng mga naunang
imperyo, marami ring namuno dito at ang isa sa mga pinakatanyag na hari ay si Haring Ashurbanipal, ang
huling dakilang hari sa Assyria. Kilala rin siya sa pgiging matagumpay sa mga taktika.

Kontribusyon:
1. ARMAS
- Ang mga Assyrian ay mahusay sa paggawa ng mga armas na ginagamit nila sa digmaan. Sila ang
unang imperyo na gumamit ng bakal sa paggawa ng mga armas dahil mas matibay ang mga ito.
- ang tipikal o kadalasan nilang ginagawa ay ang espada at punyal.
2. TAKTIKA
- Dahil kilala ang mga Assyrian sa pakikidigma, sila ay mahusay rin pagdating sa taktika sa
pakikidigma. Ito ang dahilan kung bakit madalas ay sila ang nagwawagi sa mga digmaan.
- Sa hukbong Assyrian, ang pagkakalagay ng mga sandata at tropa ay nakabatay sa ranggo ng mga
sundalo. Ang mga mandirigmang may espada ay nasa mababang ranggo at sila ang mga sundalong
panglupa. Ang mga mandirigmang may sibat ay may mas magandang armas at proteksyon. Sila ay
mahuhusay na sundalo na labis na magaling lumaban. Ang cavalry kasama ang mga karwahe ay
ang mga elit na sundalo ng militar at sila ang nangunguna sa mga hanay ng maraming labanan.
3. TELESKOPYO
- Sa agham naman, sa Assyrian nagmula ang unang teleskopyo gamit ang batong tinatawag na
Nimrud Lens.
- Gamit ang teleskopyong ito, sila ay nagtala ng kanilang kaalaman tungkol sa mga naganap na
eclipse.
- Ngunit ang nimrud lens na ginamit ng mga Assyrian bilang teleskopyo ay nananatiling misteryo dahil
ayon sa ilang archaeology, hindi raw sila kumbinsido na sa panahon ng Assyrian nagmula ang
unang teleskopyo dahil sa kalidad ng lens na nabanggit, ang Nimrud Lens. Sapagkat ang ganitong
uri ng lens ay maaari raw gamitin bilang magnifying glass o pangdekorasyon.
4. LIBRARY OF ASHURBANIPAL
- Itinayo sa kapital ng Assyria, ang Nineveh.
- Ang aklatang ito ay naging sentro ng kaalaman sa buong Mesopotamia.
- Ito ay ipinatayo ni Ashurbanipal dahil sa kanyang pagnanais na magkaroon ng kopya ng lahat ng
mga akdang isinulat sa rehiyon, sumulat siya sa iba’t ibang mga lungsod at sentro ng pagkatuto sa
buong Mesopotamiya upang magpadala sa kanya ng mga kopya ng kanilang mga sulatin.
- Ito ay naglalaman ng mahigit sa 30,000 na clay tablets at fragments na naglalaman ng iba’t ibang
uri ng teksto at kasama rito ang Epiko ni Gilgamesh.

Pagbagsak:
Tuluyang bumagsak ang kapangyarihan ng Assyria nang namatay si Ashurbanipal dahil hindi
napangalagaan ng mga sumunod na mga pinuno ang kanilang nasasakupan at dumalas ang pagkakaroon ng
pag-alsa. Noong mga panahong tuluyan nang bumagsak ang imperyo ng Assyrian, unti-unti namang
lumakas ang mga Chaldean sa katimugang bahagi ng Babylonia.

 IMPERYONG CHALDEAN
Simula:
Ang Chaldean ay ang huling imperyo na tinatag sa Mesopotamia at ito ay kilala rin bilang isang
Bagong Babylonya o Neo-Babylonian. At ang Chaldean ay galing sa salitang Semitiko na “Kaldu” o
“Kalduhu” na tumutukoy sa mga nakatira sa Chaldea. Ang mga Chaldean rin ay pinaniniwalaang nagmula
sa lahi ni Aphraxad na anak ni Shem (Genesis 10:22).
Ito ay nagsimula taong 625 BC pagkatapos nilang pabagsakin ang Imperyo ng Assyria sa pangunguna
ni Haring Nabopolassar. Ngunit nang mamatay ito ay pinalitan siya ng kaniyang anak na si Nebuchadnezzar
II. Nang dahil sa kanya ay yumaman ang kanilang imperyo. Marami siyang naipatayong mga imprastraktura
na talaga namang kakikitaan mo ng karangyaan.

Kontribusyon:
1. ETEMENANKI
- ANg ibig sabihin ng Etemenanki ay Pundasyon ng langit at lupa
- Ito ay isang ziggurat o templo para sa kanilang Diyos na si Marduk. Si Marduk ay diyos ng paglikha
at ang patron na Diyos sa lungsod ng Babylon.
- Ang templo na ito ay ginagamit para sa pagsamba at sa mga ritwal.
- Ang Etemenanki ay naugnay sa Tore ni Babel na nabanggit sa Bibliya dahil posible na ito ang
tinutukoy sa Bibliya. Ngunit magkaiba ang dalawang ito. Ang Etemenanki ay isang totoong
istruktura na mayroong konkretong ebidensya ng pagkakaroon nito sa sinaunang Neo-Babylon na
ginagamit sa pagsamba, habang ang Tore ni Babel ay isang kuwento mula sa Bibliya na mayroong
simbolikong kahulugan at hindi tiyak kung ito ay mayroong pisikal na katumbas sa kasaysayan. Ang
kuwento ng Tore ni Babel ay naglalaman ng mga aral tungkol sa kayabangan ng tao at ang pagkalito
ng mga wika

2. ISHTAR GATE
- Isang malaking tarangkahan na kanilang itinayo para sa kanilang Diyos na si Ishtar (Kilala rin bilang
Inanna o Diyosa ng Digmaan)
- Ito ay kulay asul at may mga iba’t ibang disenyo na hayop na nakaukit sa pader katulad ng leon,
dragon, at toro.
- Ang pagtatayo ng Ishtar Gate ay hindi lamang para sa praktikal na layunin ng proteksyon at
seguridad ng lungsod kundi pati na rin para ipakita ang yaman, sining, at arkitektura ng Babilonya
sa ilalim ng pamumuno ni Nebuchadnezzar II.
- Ito rin ay nagsilbing isang simbolikong pasukan para sa mga ritwal at selebrasyon.
3. HANGING GARDEN OF BABYLON
- Ito ay pinagawa ni Nebuchadnezzar II para sa kanyang asawang si Amytis dahil nangungulila ito sa
mga berdeng tanawin at bundok noong kanyang kabataan upang magbigay ng isang oasis sa
disyerto.
- Ang mga harding ito ay puno ng mga kakaibang puno at halaman, na lumikha ng isang artipisyal na
bundok.
- Ang mga hardin ay sinasabing winasak ng mga lindol. Gayunpaman, may mga debate sa kasaysayan
kung ang Hanging Gardens ay talagang umiral, dahil walang direktang ebidensyang arkeolohikal na
natagpuan para patunayan ang kanilang eksistensya.
4. ASTRONOMIYA
- Ang mga Chaldean ay kilala bilang mga “Stargazers of Babylon” dahil sa kanilang pagkahilig sa
pag-aaral ng mga bituin at konstelasyon.
- Sila ay nagtala ng galaw ng mga bituin at konstelasyon, at naniniwala sila na ang mga ito ay may
impluwensya sa buhay at kapalaran ng tao.
- Ang mga Chaldean ay gumamit ng malalaking observatory para sa pagmamasid sa mga celestial na
katawan at naitala nila ang impormasyon tungkol sa mga siklo ng mga bituin at planeta.
- Isa sa mga pinakamahalagang ambag nila sa astronomiya ay ang pagbuo ng konsepto ng zodiac
sign at horoscope.

Pagbagsak:
Nang mamatay si Nebuchadnezzar II ay mahihinang hari na ang sumunod at namuno sa kanya. Sila
ay mas pinagtuunan ng pansin ang karangyaan, kasaganaan, at kasiyahan kaysa sa pagprotekta ng kanilang
kaharian. Naging dahilan ito para sila ay lusubin at sakupin ng mga Persiano. Sinakop sila ng mga Persiano
sa pangunguna ni Haring Cyrus the Great. Pagkatapos ng pagbagsak ng Chaldean Empire sa kamay ng mga
Persiano, ang Mesopotamia ay naging bahagi ng Imperyong Achaemenid o Imperyong Persiano. Ang
Imperyong Persiano ay nagpatuloy na mamuno sa Mesopotamia hanggang sa pagdating ng mga Griyego sa
ilalim ni Alexander the Great, at kalaunan ay ang mga Romano.

You might also like