Professional Documents
Culture Documents
Mark Joshua G. Manalili BSED Filipino 2-A
Mark Joshua G. Manalili BSED Filipino 2-A
Mark Joshua G. Manalili BSED Filipino 2-A
Manalili
KABABAIHAN AT KAGINOOHAN:
Nang nabubuhay pa ang Pangulong Quezon ay lagi nang naging isang biyayà
at kaluguran kong makilahok sa mga palatuntunang iniuukol sa pagdiriwang
sa araw ng kaniyáng pag-silang. Ngayóng walâ na siyá sa atin ay lalong malakí
ang aking nais na hilingín ang biyayà ring iyán, upang iukol sa kaibigang
yurnao ang paghahandóg ng iláng gunitain.
Noón unang itinatág ang Senado Pilipino. Inakalì ni Quezon na ang lider ng
pakikilahók ng pilipino sa pámahalaán ay dapat lumagáy na siyáng pangulo ng
mataás na kapulungang taga-pagbatás na itó, at sa ganyán ay kaniyáng
inihandóg sa akin ang panguluhán noón. Gayón man, pagkatapos ng
masusing pagsusurì, ay nagkaroón akó ng paniwalang salungát; kayâ
tinanggihán ko ang alók at.minabuti kong magpatuloy na Espiker ng
Kapulungan ng mga Kinatawán, at ipinalagáy ko noón (bagama’t inaakalà kong
malî, ayon sa ipinakilala ng mga pangyayari pagkatapos), na sa Kapulungan ng
mga Kinatawán dapat lumagáy ang patnubay ng bayan sa pámahalaán
sapagka’t siyáng kapulungang lalong kumakatawán sa bayan, at dahilán diyán
ay siyáng lalong magaláw sa lakás at takbó ng damdaming bayan. Si Quezon
noón ay nahalál na Pangulo ng Senado.
Ang kalagayang iyón, lalong maliwanag, ang katayuang iyón ng loob na handâ
sa pagkakasundô at pag-uunawaan, ay siyáng nagtulot sa aking ipagkaloob
kay Quezon ang aking ganáp na pagkatig sa mga sandaling kinakailangan
niyáng lubós itó. Magugunitang sanhî sa pagkakahiwaláy noóng 1922, ang
mga nasionalista ay nahatì sa halalan nang taóng iyón sa “issue” ng
“unipersonalismo” at “colectivismo.” Ang kinalabasán ng halalan ay hindî
maitatág ni Quezon ang Kapulungan ng mga Kinatawán kung sa pamamagitan
lamang ng mga boto ng “colectivista.” Marami sa aking mga kapanalig, sanhî
sa tinatagláy pa ang sakít ng pagdaramdam sanhî sa pagkakahiwaláy, ay
mahigpít na sumasalungát sa isáng pakikipagkasundô sa Pangulo ng Senado.
Ang kaniláng minamabuti ay isá pa ngang pakikipagkasundô sa mga
demókratang nagkaroon ng malakíng lakás sa halalang iyón. Maliwanag na
kung ang hahangarín namin noón ay maghigantí sa Pangulong Quezon at
ibagsák siyá, ang hakbáng na lalong marapat ay tanggapín ang mapilíng alók
ng mga demókrata na magtatág ng isáng pakikipagsangdugô sa kanilá, o
tumungo pa sa dako roón, gumawâ ng isáng paglalakip at magtatág ng isang
bagong lapian. Gayón man, ay inakalà kong ang lalong malinis, ang lalong
nababagay at ang lalong makabayan ay tumulong na ayusin ang mga pakpák
na sirâ ng Lapiang Nasionalista; kayâ, nilunod ang tuksó ng paghihigantí,
hindî dininig kundî ang tingig lamang ng inaakalà kong tungkulin ko sa haráp
ng pangkalahatáng kapakanán ng bayan, at tahasang lumagáy akó sa piling
ng pulutóng na mahinahon sa aking pangkát na umaayon sa isáng mulíng
pakikipagkasundò sa kaniláng dating mga kapanalig. Itó’y kagyát na nagbigáy
daan sa pagtatatág ng Kapulungan ng mga Kinatawán sa pamamagitan ng
paghahalal ng isáng Espiker na “colectivista” at ng bungang muling pag-aayos
ng Lapiang Nasionalista.
“Ang mga balabalaking aming binagtás sa loob ng mga taóng itó ay hindî
mulíng isasalaysay; nguni’t kung nililingón ko ang nagdaan at minamalas ko
ang mga pagsisikap na aming ginawâ upang maabot ang tinatangkang
patutunguhan, ay nagagalák akóng makitang sa katapusán ng mahabang
paglalakbáy ay makahaharáp kamí sa aming bayan, na nakatayô sa iisáng
tungtungan, na natupád ang aming mga pangakò, angkín ang matalik na
pagkakaibigan at pagtitinginang lalo pang malakí, at inaakalà kong nag-
aangkín pa ng patuloy na pagtitiwalà at pagkatig ng ating bayan.”