Palihim siyang nanaog ng bahay at tumungo sa gubat na kinahihimlayan ng kanyang ina. Nasa paanan ito ng malaking puno ng balete. Habang nasa puntod, naalala ni Basilio ang kanyang mga napagdaanang hirap sa mga nagdaang panahon. Nang mamatay ang kanyang ina, nilisan niya ang San Diego upang magpaalila at makapag-aral sa Maynila. Ngunit maraming beses siyang nabigo. Mabuti na lamang at natagpuan niya si Kapitan Tiago na taga-San Diego rin. Kinuha siyang utusan at pinayagang makapag-aral sa San Juan de Letran. Sa kabila ng pang-aalipusta ng ibang tao sa kanyang payak na pananamit, nagtapos siyang may markang sobresaliente at mga medalya. Inilipat siya ni Kapitan Tiago sa Ateneo Municipal kung saan nag-aral siya ng pagkabatsilyer at pinuri ng kanyang mga propesor. Dalawang buwan na lamang, matatapos na niya ang Medisina. Mapapakasalan na rin niya si Juli.