Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

PAANGKAS

Alam ko, alam ako… may sarili kang biyahe

sa buhay at gayon din ako;

Ngunit ang pakiusap, sa iyong paglalakbay

ay iangkas mo ako,

Dahil ano mang layo ang marating,

kung hindi ka naman kapiling,

Hindi ganap ang aking Ligaya,

tagumpay ko ay hungkag din!


HUMAYO KA

Humayo ka, mahal ko,


doon sa lupaing ibayo.
Isa-isa mong tuparin
ang mga pangarap mo.
Dito, asahan mo,
gayon din ang gagawin ko
Habang aking tinitiis
ang pagkakawalay sa iyo;
Sapagkat, ang tagumpay mo’y
tagumpay ko na rin.
Ang aking tagumpay ay
iyong tagumpay nga rin…
Sa dulo ng paglalakbay,
magkaiba man ang tahakin,
Tiyak ko, ang isa’t isa’y
may ngiti nating tatanawin…
SABAT NI INSOMIA

Kung maaari nga lamang

na lagi kang kapiling,

Aking pagdalaw ay gagabi-gabihin.

Ipagpaumanhin ang madalas

kong pagdating,

Ako’y sadya kasing mapanibughuin.

Batid ko, batid ko, si Antok ang nais mo,

Kaya pasasaan ba, magpaparaya rin ako.

Sa ngayon, hayaang ika’y kaulayawin ko

Kahit pa batid kong iyong kinasusuklaman

Ang dumilat sa dilim nang magdamagan…


PUYAT
(kay Antok)

Kagabi, hindi kita pinagbuksan ng pinto,

Di pinansin ang mararahang katok mo…

Dangan kasi, kailangang magsunog ng kilay,

Unawain mo sana, minsang paglalamay.

Ngayon, tirik na tirik man ang araw,

Hinihintay-hintay ko ang iyong pagdalaw.

Ngunit, tila ikaw ay biglang nagtampo

Tila paghihiganti ang pagdaramot mo

At sa paghihintay, ngayo’y bibiguin ako…


PUYAT
(tugon ni Antok)

Ni katiting, hindi ako nagtampo.

Nauunawan ko ang iyong dahilan

Kahit sa bawat higop ng kape,

Ako’y halos iyong ipagtabuyan.

Paumanhin kung ngayon,

Bibiguin kita sa pag-aabang.

Taliwas kasi sa kagandahang-asal

Ang sumabay ng dalaw

Kay insomniang aking karibal…

You might also like