Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 9

Aralin 9 Ang Masamang

Kailangan
Dapat tahakin ang daang matuwid,
ngunit handa ba ang sarili na rito ay tumawid?

Kabanata 33: Ang Huling Katwiran


Kabanata 34: Ang Kasal
Kabanata 35: Ang Piging
Kabanata 36: Mga Kapighatian ni Ben Zayb
Kabanata 37: Ang Hiwaga

Kailan magiging makatarungan ang paggamit ng madugong pamamaraan?

395
Mga Layunin
1. Nabibigyang-kahulugan ang mahahalagang pahayag ng may-akda
2. Nasusuri ang estetikong katangian ng napanood na video
3. Naisasagawa ang angkop na pagsasatao ng mga tauhan sa nobela
4. Naisusulat ang paglalarawan ng mahahalagang pangyayari sa nobela
5. Nagagamit ang angkop at masining na paglalarawan ng tao, pangyayari, at damdamin

Bakit kaya napilitang magrebolusyon ang masa? Paano naisagawa at nagtagumpay


ang rebolusyong ito?

A. Bilugan ang salita sa hanay B na kasingkahulugan ng salitang nasa hanay A.

A B

tinipon Kailangang isang malaking pangkat ng mamamayan ang


pumunta sa EDSA kaya pinagsama ng mga mag-aaral ng
malalaking unibersidad sa Maynila ang kanilang puwersa.
ipangangalandakan Nanalo ng dalawampung milyong piso si Berto sa lotto
kaya malamang ay ipagyayabang niya ito sa kanyang mga
kapitbahay.

patnugutan Kailangan nating makausap ang lupon ng mga editor para


mapayagan tayong mailabas sa pahayagan ang ating
artikulong tumututol sa pasya ng pamahalaan.

396
eskopeta Maraming lumang baril ang nasamsam sa isang raid na
ginawa ng mga taga-NBI laban sa isang kilabot na kidnap-
for-ramson gang.
nilinlang Nahirapan ang pamahalaan na patunayan na niloko ni
Janet Lim Napoles ang gobyerno sa pork barrel na nakuha
nito mula sa mga politiko.

karibal Si Mark ang naging kaagaw ni Boyet sa pag-ibig ni Julieta.

B. Pag-usapan

Power is of two kinds. One is obtained by the fear of


punishment and the other by acts of love. Power based
on love is a thousand times more effective and permanent
than the one derived from fear of punishment.

– Mahatma Gandhi

Dalawa ang uri ng kapangyarihan. Isang nakamit dahil sa takot na maparusahan


at ang isa’y dahil sa gawa ng pag-ibig. Ang kapangyarihang dulot ng pag-ibig ay
higit na tumatalab at tumatagal kaysa nakuha dahil sa takot.

Sino si Mohandas Karamchand Gandhi? Ano ang dahilan ng kanyang katanyagan


sa buong mundo? Ano ang nais niyang sabihin sa pahayag na ito?

Kabanata 33
Ang Huling Katwiran

Inihanda na ni Simoun ang kanyang mga kagamitan sa pag-alis niya ng bansa


kasama ng kapitan heneral. Marami ang naniniwala na hindi siya mangangahas na
manatili dahil marami ang nais maghiganti sa kanya o ‘di kaya’y uusigin siya ng papalit
na bagong heneral.
Dumating si Basilio sa bahay ni Simoun. Ibang-iba na si Basilio. Payat at gusot
ang buhok at damit. Hindi na siya ang tulad ng anyong matalinong binata. Para siyang
bangkay na may matalim na paningin. Kahit si Simoun ay nagtaka sa itsura ng binata.
Ayon kay Basilio, siya’y naging masamang anak at kapatid. Nilimot niya ang
kamatayan ng kanyang ina, lalo na ng kanyang kapatid, kaya siya pinarurusahan ng
Diyos. At kaya siya narito kay Simoun ay upang sumanib sa balakin ni Simoun. Ang

397
pag-iwas sa kaguluhan ay nagdulot lamang sa kanya ng higit na kasawian. Nais na
niyang maghiganti!
Ang usapin ni Basilio ay usapin ng mga
sawimpalad, ayon kay Simoun. Kaya kakatigan sila
ng katwiran.
Nagtungo ang dalawa sa laboratoryo ni
Simoun. Sa mesa ay may nakapatong na kaakit-
akit na lampara na anyong granada. Ito ay may
sisidlan ng may isang litrong gas. Binuhusan ito ni
Simoun ng likido. Nabasa ni Basilio ang nakatitik
sa lalagyan ng likido—nitrogliserina. Ayon kay
Simoun, hindi ito ordinaryong dinamita dahil ito’y
tinipon na luha ng mga inapi. Hindi na makakibo
si Basilio. Nahintakutan sa nakita niyang posibleng
mangyari. Sinabi ni Simoun na ang ilawan ay gagamitin sa isang pista. Pagkaraan ng 20
minuto matapos itong sindihan, ang liwanag nito’y mangungulimlim at kapag ginalaw
ang mitsa ay sasabog ang lampara, kasunod ang mga supot ng pulbura sa buong
kabahayan at walang makaliligtas sa mga bisita ng kapistahan.
Sa plano ni Simoun, kukunin nila ang mga baril kay Quiroga at papatayin ang
kanilang mga kalaban. Papatayin din ang mga taong ayaw sumapi sa kanila, dahil kung
hindi ka kakampi, ikaw ay kaaway. Hindi na nagkaroon ng pagkakataon na mag-isip pa
si Basilio. Nais na lamang niyang maghiganti.

Kabanata 34
Ang Kasal

Ikawalo na ng gabi at naglalakad nang mag-isa si Basilio. Dalawang oras na lamang


ay sasabog na ang lampara ni Simoun. Naalala ni Basilio ang mga sinabi ni Simoun,
dadanak ang dugo, marami ang mamamatay. Sinalat niya ang baril na ipinahiram sa
kanya ni Simoun at naalala niyang pinagbawalan siyang lumapit sa kalye Anloague. Dito
na naghinala si Basilio, narito rin kasi ang bahay ni Kapitan Tiago. Naalala rin niyang
sa bahay ring ito magaganap ang selebrasyon ng kasalang Juanito–Paulita. Tinungo niya
ang lugar.
Nakita na niyang dumating ang bagong kasal sakay ng isang magarang sasakyan.
Nakaramdam ng pagkahabag para sa kaibigang si Isagani ang binata. Nais sana niyang
isama si Isagani sa kanya subalit alam niyang hindi papayag ang kaibigan sa ganoong
balakin. Hindi nanaisin ni Isagani na magkaroon ng maraming kamatayan. Hindi ito
magbabalak na maghiganti dahil hindi pa ito nakaranas ng kasawian na tulad ng sa
kanya. Inalala niya ang kabiguan niya sa pag-aaral, ang kanyang pagkakakulong, ang
nangyari kay Juli. Ninasa na niyang dumating ang oras na kanyang hinihintay, habang
hawak ang kanyang baril.

398
Nakita na niya ang pagdating ni
Simoun, sakay ng kalesa ni Sinong. Naisip
niyang malamang na kasunod na nito ang
kapitan heneral dahil ito ang ninong sa
kasal.
Naging magara ang dekorasyon ng
bahay na pinamahalaan ni Simoun ang
pag-aayos. Magagarang papel, aranya, at
mga bulaklak na pawang inangkat pa sa
ibang bansa. Nagmistula itong piging para sa mga diyos-diyosan. Sa asotea inilagay ang
mesa para sa dakilang panauhin at dito rin inilagay ang pinakamamahaling alak— handa
talagang gumastos si Don Timoteo Pelaez.

Kabanata 35
Ang Piging

Ikapito ng gabi nagsimulang magdatingan ang mga panauhin. Maaga sa


mga ito ang maliit na panauhin. Habang tumatagal ay mga mataas na ang tungkulin sa
lipunan ang nagdatingan. Lahat naman ay binati ni Don Timoteo sa kanilang pagdalo.
Kasama ni Donya Victorina ang bagong kasal habang nakikipagbatian at
nakikipagkamayan. Naroon na rin si Padre Salvi at ang kapitan heneral.
Samantala, pinanonood ni Basilio ang mga bisitang dumarating. Wala kasi silang
kamalay-malay na ito na ang huling gabi nila sa lupa. Naawa siya sa kanila. Kung
bigyan kaya niya ng babala ang mga ito?
“Ano ba ang pakialam ko,” bulong ni Basilio sa sarili, “pabayaang magbayad ang
mabubuti kasama ng masasama. Hindi ako taksil. Hindi dapat sirain ang pagtitiwalang
ibinigay sa akin ni Senyor Simoun. Higit na malaki ang utang na loob ko sa kanya.
Tinulungan niya akong ilibing ang aking ina… sinikap kong maging mabuti at payapa,
tiniis ko ang lahat ng pagpapahirap. Hindi ako nanggulo kailanman. Pero ano ang
nakuha ko? Tama na ito! Hayaang sumabog ang kanilang mga katawan!”
Nakita niya si Simoun, dala ang lampara. Kinabahan siya at nanlamig ang mga
kamay at paa. Nang tumigil si Simoun sa may hagdanan na tila nag-aalinlangan, tila
tumigil din ang kanyang paghinga. Subalit nagpatuloy si Simoun sa paglakad sa loob ng
bahay at nawala na sa paningin ni Basilio.
“Habang hindi siya bumababa, tiyak na wala pang panganib,” aniya sa sarili.
Nagkakasayahan pa rin ang mga bisita sa piging. Muling naantig ang kabutihang
loob ni Basilio. Nais niyang pumasok sa loob at bigyang-babala ang mga inosente.
Nalimot niyang muli ang kanyang pinagdaanan, si Juli, ang kanyang pamilya. Tinangka
niyang pumasok sa loob, subalit pinigil siya ng portero dahil na rin sa itsura niya. Nakita
niya si Simoun na bumaba at pumunta sa kalesa. Narinig niya itong inutusan si Sinong
na magmadaling pumunta sa Escolta.

399
Nasindak si Basilio sa natanto, malapit nang sumabog ang lampara. Pinilit niyang
magmadali sa pag-alis subalit tila hindi niya maigalaw nang mabuti ang kanyang mga binti.
Sinikap pa rin niyang makalayo hanggang mabangga niya ang isa pang binata. Si Isagani!
“Halika na, Isagani. Lumayo na tayo rito.”
Hindi kumibo si Isagani at patuloy na pinagmasdan ang piging.
“Sa ngalan ng Diyos, Isagani, lumayo na tayo rito!”
“Bakit ako lalayo? Bukas ay iba na siya,” malungkot na tugon ni Isagani.
“Nais mo bang mamatay? Isagani, makinig ka, sasabog na ang bahay na iyan. Ang lahat
ng usyosong nasa tabi ng bahay na iyan ay tiyak na malilibing sa guho nito. Umalis na tayo,
huwag tayong mag-aksaya ng panahon!”
“Sasabog?” nagtatakang tanong ni Isagani.
“Oo. Nakikita mo ba ang maliwanag na lamparang iyon? Maya-maya’y manghihina ang
ilaw nito. Iyon ang lampara ng kamatayan. At dahil puno rin ng pulbura ang buong bahay ay
walang makatatakas, kahit na mga daga.”
“Ayoko! Mananatili ako rito at pagmamasdan ang aking pag-ibig. Bukas ay iba na siya,”
malungkot na pagtutol ni Isagani.
Iniwan na ni Basilio si Isagani.
Patuloy sa pagtanaw si Isagani sa dating kasintahan. Naalala niya ang sinabi ni Basilio.
Nagtaka at nag-alinlangan. Totoo kaya ang sinasabi ng kaibigan? Naalala niya ang itsura ni
Basilio na takot na takot. Baka totoo ngang sasabog ang buong kabahayan at mamamatay
ang lahat ng nasa loob nito… kasama si Paulita…
Nilimot niya ang selos… ang pagkalungkot. Nag-isip ng paraan upang mailigtas si
Paulita.
Samantala, may ipinapasa ang mga panauhin na kapirasong papel na may nakasulat na
bantang:
Mane Thecel Phares
Juan Crisostomo Ibarra
“Sino si Juan Crisostomo Ibarra? Ito’y isang masamang biro!” sambit ng kapitan
heneral.
“Masama nga ang birong iyan,” tugon ni Don Custodio, “Ipinirma sa papel ang
pilibusterong ilang taon nang patay.

400
“Sedisyoso!”
Sinikap hanapin ni Padre Irene ang nagbiro subalit ang nakita niya ay si Padre
Salvi na namumutlang nakaupo sa kanan ng kondesa. Nakatitig sa papel na may banta,
naaalala ang pangyayari sa perya.
“Padre Salvi, ano ang nangyayari sa inyo? Kilala ba ninyo ang sulat na iyan?”
tanong ni Irene.
“Sulat nga niya iyan, sulat iyan ni Ibarra!” sindak na tugon ni Salvi.
“Ipagpatuloy na lang natin ang kasiyahan,” utos ng heneral.
“Tinimbang ka ngunit kulang. Hindi naman siguro nangangahulugan ang Mane
Thecel Phares na papatayin tayong lahat ngayong gabi?” tanong ni Don Custodio.
Walang nakakibo. Nagdilim ang paligid.
Napansin ng Heneral na namatay na ang lampara.
“Padre Irene, itaas mo na ang mitsa ng lampara nang muling
lumiwanag.”
Sa sandaling iyon, bago pa nakalapit si Padre Irene sa
ilawan, isang anino ang kagyat na nakapasok, itinulak ang
bawat maraanan. At dahil sa pagkabigla ng mga panauhin,
nakuha nito ang lampara, tumakbo sa asotea, at inihagis ang
lampara sa ilog. Nanatiling madilim sa bahay.
“Magnanakaw! Magnanakaw!”
“Madali, rebolber! Barilin ang magnanakaw!”
Subalit higit na mabilis ang anino. Bago pa makapagpaputok, nakatalon na ito
sa ilog.

Kabanata 36
Mga Kapighatian ni Ben Zayb

Pagkabatid sa buong pangyayari, kagyat na umuwi si Ben Zayb at sinimulang


sumulat ng artikulong hindi pa nababasa sa bansang Pilipinas. Ipangangalandakan niya
ang kabayanihan ng kapitan heneral, mabuting pamamaalam ito para sa kataas-taasan.
Nagsulat siya at nagbura, nagbawas at nagdagdag dahil kailangang makuha ang buong
katotohanan—ito pa naman ang layunin ng isang peryodistang tulad niya. Pinuri niyang
mabuti ang ikinilos ng mga bisita sa piging.
At tinapos ang artikulo sa pahayag na ito: “Hayaan nating umalis ang matapang
na mandirigma na buong husay na namahala sa bansang lubos sa kalamidad. Manatili
tayo rito upang igalang ang kanyang alaala, sumunod sa kanyang dakilang batas, at
ipaghiganti ang masasamang tangka laban sa kanya.”
Ipinadala niya ito agad sa patnugutan. Subalit sa kasamaang palad ay hindi ito
maaaring ilathala. Ipinagbawal pala ng kapitan heneral na pag-usapan o banggitin
lamang ang anumang ukol sa pangyayari kagabi.

401
“May gumawa sana ng krimen bukas o makalawa,” bulong ni Ben Zayb.
At may dumating ngang balitang
maaaring isulat. May sumalakay daw sa
pahingahan ng mga prayle sa Pasig. May
nakuha raw na dalawang libong piso ang
mga tulisan. Nakipaglaban ang kura,
subalit nakatakas ang mga tulisan at
naiwang sugatan ang isang relihiyoso at
dalawang utusan.
Gumalaw ang guniguni ni Ben
Zayb. Gagawin niyang bayani ang kura na sa pagtatanggol ay nagkasira-sira ang isang
silyang ginamit laban sa mga tulisan. Gagawin niyang kuwarenta o singkuwenta ang
mga tulisang lumusob. Magbabanggit din siya ng iba’t ibang armas tulad ng rebolber,
eskopeta, sable, at iba pa. Palalakihin niya ang nanakaw na salapi pati na rin ang
kalubhaan ng mga nasugatan.
Masayang pinuntahan ni Ben Zayb ang pinangyarihan. Laking gulat niya nang
ang makita niyang kura ay si Padre Camorra. Dito pala pinapahinga ang prayle matapos
magawa ang kalokohan sa Tiani. Siya rin pala ang relihiyosong nasugatan—may
kaunting sugat sa kamay at bukol sa ulo. Tatlo lang rin pala ang mga tulisan at bolo ang
ginamit na sandata. Limampung piso lang ang nanakaw.
“Hindi maaari ito, kailangang marami ang magnanakaw. Hindi ninyo alam ang
inyong sinasabi!” ani Ben Zayb.
“Bakit hindi ko malalaman, punyemas!” hirit ni Camorra.
Muling nagtalo ang dalawa. Subalit naputol ito dahil may dumating na balitang
nagsalita na raw ang mga magnanakaw. Isa sa mga tulisan ni Matanglawin (Kabesang
Tales) ang kumausap sa kanila na looban ang mga kumbento at bahay ng mayaman.
Na dapat silang magtiwala dahil pinamamahalaan sila ng isang Espanyol na matangkad,
kayumanggi ang kulay, at matalik na kaibigan ng heneral.
Isinalaysay na wala raw dapat ikatakot. May darating pa raw silang mga kakamping
artilyero. Ang hudyat daw ay isang malakas na putok. Ngunit walang narinig na putok.
Inakala tuloy ng mga tulisan na sila ay nilinlang lamang ng Espanyol. Umatras na ang
ilan. Ang iba’y nagsibalik sa bundok. Balak nilang maghiganti sa Espanyol na dalawang
beses na silang niloko.
Hindi pinaniwalaan ang salaysay ng mga tulisan sa paglalarawang si Simoun ang
namuno sa kanila. Si Simoun naman ay hindi matagpuan sa bahay niya. Maraming
bala at pulbura ang natagpuan sa bahay nito kaya nagmukhang totoo ang mga paratang.
Si Don Custodio ay naghanda na ng kasong ilalaban kay Simoun.

402
Kabanata 37
Ang Hiwaga
Ito ang naging paksa ng usapan ng lahat palihim nga lamang. Sa bahay ng
mayamang pamilya Orenda ay ito rin ang paksa sa kuwentuhan. Malungkot na nakikinig
si Isagani at ang pamilya Orenda sa kuwento ng platerong si Chichoy.
Nagtungo kasi si Chichoy sa bahay ni Don Timoteo upang magdala ng isang
pares ng hikaw para sa bagong kasal, ang nadatnan niya ang paggiba ng kiyosko na
naging komedor sa gabi ng piging. Nabigla siya sa kanyang nakita—punong-puno ng
sako ng pulbura ang sahig, dingding, ilalim ng mesa, at ang loob ng mga upuan.
“Sino kaya ang naglagay ng mga pulbura?” tanong ni Kapitana Loleng.
“Iyan ang hindi maipaliwanag ninuman,” tugon ni Chichoy, “kahit si Don Timoteo
ay naguguluhan dahil sila pang dalawa ni Simoun ang namahala sa pag-aayos ng bahay.”
“Walang maaring gumawa nito kundi…” hirit ni Senyor Pasta na naroon din sa
bahay ng mga Orenda upang dumalaw, “kaaway ni Don Timoteo o karibal ni Juanito.”
“Magtago ka!” bulong ni Kapitana Loleng kay Isagani.
Ngumiti lamang si Isagani.
“Balisa nga akong umalis doon,” ani Chichoy, “isang sigarilyo lamang na mahulog
o matabig ang lampara, tiyak na wala na tayong kapitan heneral, arsobispo, at mga
empleyado. Ang lahat ng nasa pagdiriwang ay makikita na lamang nating abo… Ngunit
ipaaalam ko sa inyo ang aking nabalitaan, subalit kailangan ninyong ilihim. Alam ba
ninyo kung sino ang naglagay ng pulbura?”
“Ang mga prayle?!”
“Si Quiroga?!”
“Isang mag-aaral?!”
“Hindi,” tugon ni Chichoy, “nalaman ko mula sa kaibigan kong eskribyente na
ang naglagay raw ay ang alaherong si Simoun!”
Nagitla ang lahat.
“Alagad talaga ng diyablo ang Simoun na iyan!” ani Tiya Tentay.
Naalala uli ni Momoy ang pagkakaagaw sa lampara ni Simoun na noo’y
namamatayan ng ningas. Ayon naman kay Chichoy, tinataya raw ng mga
maykapangyarihan na ang regalong iyon ni Simoun ang siyang magpapasiklab sa
pulbura.
“Hindi ba nahuli ang magnanakaw?”
Humiwalay na sa mga nag-uusap si Isagani.
“Sayang!” bulalas ni Momoy. “Napakasama ng ginawa ng magnanakaw! Namatay
na sana ang lahat…”
“Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba” ani Isagani. “Kung alam lang ng
magnanakaw na iyon kung para saan iyon ay baka hindi niya gawin ang kanyang
ginawa… kahit ano ang mangyari, hindi ko nanaising mapunta sa kanyang katayuan.”
Saka nagpaalam si Isagani upang bumalik na sa kanyang tiyuhin.

403

You might also like