Ano Ang Paglalahad

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Ano ang Paglalahad?

Ang paglalahad ay nangangahulugang pagpapaliwanag. Ito ay isang pamaraan sa


pakikipagtalastasan na nagbibigay kaalaman o tumutugon sa pangangailangang pangkarunungan.
Layunin nitong makabuo ng pagpapakahulugan sa mga ideya, kaisipan, katotohanan at konsepto sa
isang malinaw, sapat at walang pinapanigang paraan. Dahil dito, kailangan ng pagsusuri at pagbibigay
linaw sa isang paksa bago magsagawa ng anumang uri o anyo ng paglalahad.

MGA PAMAMARAAN NG PAGLALAHAD


1. Pag-iisa-isa
Inaayos ang mga bahagi mula una hanggang huli ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari upang mas madaling maunawaan ang paglalahad.
2. Pagbabaha-bahagi
Sa pamamaraang ito, ang paksa ay pinagbubukod-bukod ayon sa mga bahagi bago punahin o
bigyan paliwanag.
3. Paghahambing at Pagtutumbas
Ang pamamaraang ito'y angkop na gamitin sa pagpapahayag ng kahigitan ng isang bagay sa iba.
4. Sanhi at Bunga
May mga pagpapaliwanag na nangangailangan ng pagpapakilala sa pinagmulan o ng sanhi at
bunga.
5. Pagsusuri
Ang pagsusuri ay ang pamamaraan ng paghihiwalay ng mga sangkap o bahaging bumubuo ng isang
bagay, konsepto, palagay, teorya, atbp. upang mapag-aralan ang bawat sangkap nito. Layunin nitong
ganap na maliwanagan ang kasalimuutan ng mga bagay-bagay, sanhi o layunin.
6. Pagbibigay Halimbawa
Nakakapagpalinaw din ng konsepto ang pagbibigay ng halimbawa. Malimit itong gamitin upang
mapangatwiran ang isang paniniwala o paninindigan upang ito'y maging kapanipaniwala.
7. Pagbibigay-kahulugan o Pagbibigay-katuturan (depinisyon)
Ito ang itinuturing na impetus (puwersa o lakas) ng isang paglalahad.
 May 2 uri ng depinisyon: Maanyo at Pasanaysay
a. Katuturang Maanyo (formal definition)
Tatlong salik ng katuturang maanyo
1. Pananalita/Term-ito ang salitang binibigyan ng kahulugan
2. Kaurian- ang uri na kinabibilangan ng salita
3. Kaibhan-katangiang taglay ng salita kaya ito naiiba sa ibang kauri nito.

Halimbawa:
Pananalita Ang tula
Kaurian Ay uri ng kathang pampanitikan
Kaibhan na karaniwang may sukat, tugma at talinghaga

1. Ang tula ay uri ng kathang pampanitikan na karaniwang may sukat, tugma at talinghaga.
2. Ang komunismo ay isang ideolohiya na ang kapangyarihan ay nasa pangangalaga ng pamahalaan.
3. Ang edukasyon ay isang paraan ng pagpapaalam sa isang tao ng bagong kaalaman o bagong
pagtingin.

b. Pasanaysay na katuturan (essay definition)


Ito ay pagbibigay-katuturan sa isang salita sa paraang pasanaysay kaya't mas malawak, mas
malalim at mas personal ang pagtalakay.
Halimbawa:
Ang pag-ibig ay isang damdaming kapag nasa puso ninuman ay nakagagawa ng di
kapanipaniwalang bagay. Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala nang mahal at dakila na
gaya ng pag-ibig.
Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang Maykapal, at ang kapwa tao
ay siya lamang mangyayaring maging sanhi ng pag-ibig, siya lamang ang makapagpapabukal sa loob
ng tunay na pag-ibig. Kung masama o matuwid ay ninanasa rin ng loob, hindi ang pag-ibig ang tunay
na siyang may udyok kundi ang kapalaluan at kasakiman.
Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga bayan ay hindi magtatagal at karakarakang mapapawi sa
balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang
dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis.
Ang tunay na pag-ibig ay walang iba kundi yaong maka-aakay sa tao sa mga dakilang gawa
sukdulang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan.
Ngunit ang kasakiman at ang katampalasan ay nag-aanyo ring pag-ibig kung minsan, at kung
magkagayon ay libu-libong marawal na kapakinabangan ang nakakapalit ng kapatak ng
pagkakawanggawa na magiging tabing pa mandin ng kalupitan at ang masakim na pag-iimbot. Sa
aba ang mga bulag na isip ay mararahuyo sa ganitong pag-ibig.
Ang pag-ibig wala na kundi pag-ibig na tanging binabalungan ng matamis na alaala sa nagdaan at
ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak na dagat ng ating mga kahirapan at pagkadusta, ang
pag-ibig ay siyang nagiging dahilan lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay.
- "Buhat sa Pag-ibig"ni Emilio Jacinto

Ilang karaniwang anyo ng paglalahad:


 Sanaysay
 Editorial
 Balita
 Proseso ng Pagsasagawa
 Ulat
 Pamumuna

I. Sanaysay
Ang sanaysay ay isang personal o impersonal, pormal o di pormal na uri ng literatura na
nagbibigay kalayaan sa awtor sa pagpili ng paksa, haba at istilong kanyang nais gamitin.
Si Michael de Montaigne ay nakilala sa genre ng literaturang ito dahil sa kanyang "essais" dalawang
bolyum ng sanaysay na sinulat niya tungkol sa buhay.

Paraan ng Pagsulat ng Sanaysay


a. Maanyo o Pormal na Sanaysay
Pinakapipiling mabuti ang mga pangungusap sa paraang ito at ang paksa ay di-pangkaraniwan.

b. Malaya o di-pormal na sanaysay


Ito'y ipinahahayag sa paraang nakikipag-usap, masigla, nagpapatawa ngunit kababanaagan ng
magandang kalooban kaya't napapalapit sa mambabasa.
Halimbawa
1. Ito ang Ating Gobyerno ni Rosenda Dizon Tumangan
2. Ang Tungkulin ng Kabataan sa Gitna ng Krisis Pangkabuhayan ni Imelda P. De Castro
3. Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto

II. Editoryal/Pangulong Tudling


Ito ang kuro-kuro, damdamin, palagay ng isang patnugot hinggil sa mga bagay na may kaugnayan
sa lipunan, pulitika, sining, relihiyon o iba pang napapanahong paksa. Madalas, nauukol ito sa pananaw
niya hinggil sa isang salita.

Tatlong Bahagi ng Editoryal


1. Panimula - naglalaman ang panimula ng paksa o isyu, suliranin o kalagayan na tatalakayin.
Karaniwang ito'y batay sa balita o isang pangyayari na kung tawagin ay news peg.
2. Katawan - ang katawan ay nagpapaliwanag, o naglalahad ng paksa o isyu sa malinaw at payak na
paraan. Nagbibigay ito ng pagsusuri, tala, pangyayari, o halimbawa na tumutulong sa layunin ng
editoryal.
3. Pangwakas - naglalagom o nagbibigay-diin ito sa diwang tinatalakay.

Mga Uri ng Editoryal


1. Nagpapakahulugan-ipinaliliwanag ang kahalagahan o kahulugan ng isang balita, kalagayan, o ideya.
2. Nagpapabatid-ipinapaalam ang isang pangyayari, ang kahalagahan o ilang kalituhang bunga ng
pangyayari.
3. Pumupuna at Nagmumungkahi ng Pagbabago-nagbibigay ng puna sa isang kalagayan, sa isang
tao, o sa isang paraan ng pag-iisip. Naglalayong makuha ang paniniwala ng iba at makapagbunsod ng
pagbabago.
4. Nagpaparangal at Nagbibigay-puri -Binibigyang halaga dito ang taong may kahanga-hangang
nagawa, o maaaring pagpaparangal sa isang namayapa na may pambihirang kabutihang nagawa.
5. Nagpapahalaga sa Natatanging Araw-Ipinaliliwanag ang kahalagahan ng mga natatanging okasyon.
6. Nanlilibang-Naglalayong makalibang at nasusulat sa paraang di pormal, masaya, at karaniwang maikli
lamang.

III. Balita - anumang pangyayari bago o di pangkaraniwan ay balita. Nasasakop nito ang lahat ng bahagi
ng mundo. (N-North o Hilaga, E-East o Silangan, W-west o Kanluran, S-South o Timog). Pangunahin
nitong sinasagot nito ang mga tanong na: Sino, Ano, Kailan, Saan, at Paano.

Halimbawa
Baguio squad, humataw sa taekwondo

LINGAYEN, Pangasinan – Humataw ang nagtatanggol na kampeong Baguio City kahapon nang halos
walisin ang mga nakatayang ginto sa taekwondo sa ginanap na 2012 POC-PSC Batang Pinoy Northern
Luzon qualifying leg sa Pangasinan Training and Development Center dito.

IV. Proseso, Pamamaraan, Pagsunod sa Panuto


Proseso ang mga hakbang na dapat isagawa ayon sa pagkakasunod-sunod upang maisagawa ang
isang bagay, proyekto o gawain. Ipinaliliwanag sa proseso ang mga hakbang kung paano naging ganoon
ang isang bagay o kaya'y ang mga hakbang kung paano isinasagawa ang isang gawain o proyekto.
Ginagaawa ito sa pamamagitan ng kronolohikal at detalyadong pagpapaliwanag.

Narito ang ilang mahahalagang panuntunan upang makatulong sa pagbibigay ng malinaw at


madaling maunawaang direksiyon:

1. Huwag magbibigay ng direksiyon kung talagang hindi alam.


2. Simulan ang pagbibigay ng direksiyon kung saan naroon ang nagtatanong.
3. Ilahad ang bawat hakbang ayon sa pagkakasunod-sunod.
4. Sabihin o gamitin ang salitang kumanan o kumaliwa sa halip na patimog o pahilaga. Maraming tao ang
wala o kakaunti ang pandama sa direksiyon (no sense of direction).
5. Banggitin ang anumang bagay na magsisilbing palatandaang malapit sa pook na patutunguhan.
6. Kung mahirap hanapin ang pook, ikrokis o iguhit ito.
7. Ipaulit sa tao ang direksiyon upang makatiyak na nauunawaan ang sinabing direksiyon.
8. Tandaan na ang pinakamadaling daan ay hindi nangangahulugang maganda. Pumili ng
pinakasimpleng daan kahit malayo ngunit madali namang sundan.

Halimbawa

Kakaibang Paraan ng Paghahanda ng Pancit Canton


1. Magbukas ng maraming pancit canton.
2. Ihiwalay ang sahog at ang pancit.
3. Magpakulo ng tubig.
4. Ilagay ang pancit canton sa isang malinis at malaking supot.
5. Buhusan ng pinakulong tubig ang pancit canton.
6. Kapag malambot na ang pancit canton ay butasan ang isang bahagi ng supot upang dito lumabas ang
tubig.
7. Kapag wala nang tubig ang pancit canton ay ibuhos ang mga sahog-mantika at spices.
8. Ihalo ang sahog sa pancit canton sa pamamagitan ng mabilis na pag-alog sa supot.
9. Kapag pare-pareho na ang kulay ng pancit canton ay maaari nang ihain ang pancit canton. 10. Buksan
ang supot at ilatag sa mesa at katukin ang mga kasama upang makisalo sa pagkain ng masarap na
pancit canton.

V. Siyentipiko at Espesyal na Ulat


Ito ang paglalahad na isang proyekto, resulta ng isang eksperimento o bunga ng isang pag-aaral.
Ito'y sinusulat sa paraang pormal. Subalit kung minsan ay ginagawang simple at magaan ang mga
pananalita upang kaakit-akit basahin.

Halimbawa

"12 Little Things Every Filipino Can do to Help Our Country,"ni Alexander Lacson. Isinalin sa Filipino ni
Nilda B. Bendalan

1. Sumusunod sa batas-trapiko. Maging masunurin sa batas.


2. Humingi ng resibo sa anumang binibili o binabayaran.
3. Iwasang bumili ng mga ismagel. Bumili ng sariling atin.
4. Magsabi nang mabuti tungkol sa bansa sa pakikipag-usap sa kapwa, lalo na sa mga banyaga.
5. Igalang ang mga namamahla sa trapiko, mga pulis at mga sundalo.
6. Huwag magkalat. Itapon nang maayos ang mga basura. Magbukod. Magresaykel. Magtipid.
7. Suportahan ang inyong simbahan.
8. Gawin ang tungkulin tuwing eleksiyon.
9. Bayaran nang wasto ang iyong manggagawa.
10. Magbayad ng buwis.
11. Magpaaral ng iskolar lalo na ang mga batang mahihirap.
12. Maging mabuting magulang. Turuan ang mga anak na sumunod sa batas at mahalin ang sariling
bayan.

VI. EBALWATIV/REBYU
Ang pagsulat ng literatura ay isang mabigat na gawain at nangangailangan ng isang espesyal na
abilidad. Sa pagsulat ng tula, kwento, dula o nobela, importante na tingnan ang mga lenggwahe.
Mahalaga na sa ebalwativ o rebyu ng mga ito, hindi nanghuhusga. Huwag sabihing mas magaling, mas
maganda o kapana-panabik ang isang tao kaysa sa isa.

Mga Bahaging susuriin sa isang Pelikula

1. Disenyo o Set- dito makikita ang tagpuan ng bawat eksena.


2. Sinematograpiya-dito makikita ang katugmaan ng ilaw/pag-iilaw sa bawat eksena.
3. Dulang pampelikula- dito makikita ang kabuuang istorya sa loob ng pelikula
4. Editing- dito makikita kung tama ang pagkakasunod-sunod ng bawat eksena.
5. Timpla ng musika at tunog- dito maririnig kung tugma ang musika at tunog sa bawat eksena.
6. Acting- dito makikita kung paano nagampanan ng bawat artista ang kanilang tauhan.

Mga Bahaging susuriin sa isang Tula


1. Pamagat
2. Pagsusuri sa morpolohiya ng tula
3. sukat at tugma ng tula
4. ang tauhan/persona ng tula
5. metapora at simbolismo ng tula

You might also like