Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

KAS 1

Nananalamin sa Takilya

Masasabing mapagmulat ang pelikulang “Gomburza” hindi lamang dahil ikinwento nito
ang mga detalye sa kasaysayan na hindi itinuro sa paaralan, kung hindi dahil binigyang diin din
nito ang mga pang-aalipustang naranasan ng mga Pilipino noong panahon ng Kastila. Sa aking
panonood, hindi ko naiwasang maalala ang aming mga natalakay sa KAS 1 dahil pamilyar ang
ilang mga tauhan at mga pangyayaring tampok sa pelikula. Nakasentro ang pelikula sa mga
sekular na pari o mga Pilipinong pari. Sa KAS 1, natalakay namin ang grupo ng mga paring ito,
kasama si Padre Pedro Pelaez at ang kanyang tagasunod na si Padre Jose Burgos. Bokal si Padre
Pelaez sa karapatan ng mga Pilipinong pari sa kanilang mga parokya. Maiuugnay ko ang pag-
angkin ng mga prayle sa mga parokya ng mga Pilipino pari sa pag-angkin ng mga Kastila sa
katutubong lupa ng mga Pilipino upang pakinabangan ito. Lumabas din sa pelikula ang lindol na
pumatay kay Padre Pelaez na nagpaalala sa akin sa sinabi ng aming propesor na maging ang mga
kalamidad ay may kakayahang baguhin ang takbo ng kasaysayan. Natalakay din namin ang
pagdating ni Gobernador-Heneral de la Torre at kanyang mga liberal na reporma na hindi naman
nagtagal dahil agad din naman siyang napalitan. Makikita rito ang “political cycle” ng
pagbabago ng mga polisiya sa pagbabago ng administrasyon na binigyang diin ng aming
propesor sa aming mga diskusyon. Nagpataw ng hindi makatarungang pagbubuwis sa mga
Pilipinong sundalo kaya naman sila ay nag-alsa “Cavite Mutiny” na nagbigay-daan sa paghuli at
paggarote sa taltong paring martir. Ang kaganapan naman na ito ang naging mitsa sa mas
malaking rebolusyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa kabuuan, nakita ko sa pelikula kung paano
tumawid ang isang pangyayari tungo sa isa. Natalakay namin sa KAS 1 ang pagiging “causal” ng
kasaysayan at napatunayan naman ito ng pelikula.

Puno ang pelikula ng mga kapana-panabik na eksena at mga pangyayari tungkol sa ating
kasaysayan na nakitaan ko ng mga pagkakatulad sa kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Nagbukas ang pelikula sa usapan ng tatlong paring sina Padre Pelaez, Padre Burgos at Padre
Gomez ukol sa pag-angkin ng mga prayle sa kanilang mga parokya. Maiuugnay ito sa patuloy na
pagkuha ng pamahalaan at ng mga korporasyon sa mga ninunong lupa ng mga katutubo. Ang
pagtawag kay Padre Pelaez bilang pilibustero dahil lamang pinaglalaban niya ang karapatan ng
kapariang Pilipino ay tulad ng pagtawag sa mga aktibista o sa kahit sino mang lumalaban para sa
karapatan bilang mga terorista o mga komunista. Matapos mamatay ni Padre Pelaez, siniraan
siya ng pamahalaan upang pahinain ang kanyang impluwensya. Sa politika ng Pilipinas, talamak
pa rin ang ganitong pagpapakalat ng maling impormasyon gamit ang mga “trolls” upang
pababain ang kredibilidad ng isang politikal na personalidad. Sa isang eksena, lumiban ang
grupo ng mga kabataang iskolar bilang pag-aalsa para sa sekularisasyon ng edukasyon. Tulad
nito ang pagkasangkot ng kabataan sa pakikibaka para sa karapatan ng mga Pilipino. Agad na
natinag ang pagkilos ng mga iskolar nang inaresto si Buencamino upang pahinain ang kanilang
hanay. Nangyayari pa rin ang ganitong mga pagdakip sa mga taong naninindigan para sa
kanilang mga karapatan bilang pagbabanta pa rin sa kanilang mga hanay. Ang biglaan at
malaking pagbabago mula kay dela Torre tungo kay Izquierdo ay muli nagpapakita ng ikot ng
politika sa mga pagbabago-bago ng administrasyon na nagbubunga ng pagbabago ng takbo ng
politika at ng bansa. Sa pagpasok ng bagong gobernador-heneral, nagpataw siya ng buwis na
hindi makatarungan. Makikita rito ang hindi pantay-pantay na pagtrato sa mga Pilipino na
hanggang ngayon ay umiiral pa rin sa ating lipunan. Kung noon ay naiiba ang pagtrato base sa
lugar ng kapanganakan, ngayon ay base na ito sa kakayahang pinansyal. Dahil sila ang
pangunahing naapektuhan, nag-organisa ang mga sundalo upang ipaglaban ang kanilang mga
karapatan. Maiuugnay ko ito sa malawakang pagkilos ng mga sektor ng lipunan para sa kanilang
mga karapatan. Isang magandang halimbawa ay ang pagkilos ng mga tsuper bilang pagtutol sa
PUV Modernization Program. Sinamantala ng pamahalaan ang pag-aalsa upang arestuhin si
Padre Burgos, Padre Zamora at Padre Gomez. Sa kanilang paglilitis, masasabing hindi
makatarungan ang proseso dahil hindi binigyang pagkakataon ang tatlong paring ipaglaban ang
kanilang sarili. Katulad ng pangyayaring ito ang pagdakip sa mga political prisoners, pagkatha
ng mga ebidensya laban sa kanila at pagkulong sa kanila nang walang tamang paglilitis. Sa isang
eksena, nagtunggali si Paciano at ang kanyang ama tungkol sa pagdakip sa ina ng kanilang
tahanan. Makikita ang pagkakaiba ng kanilang opinyon. Gusto ni Paciano na ipaglaban ang
kanilang ina habang ang kanyang ama ay tutol dito at mas gustong manahimik na lamang. Ang
eksena ito ay magandang repleksyon ng pagkakaiba ng pananaw ng nakababata at mas
nakatatandang henerasyon. Madalas ang kabataan ay maraming sinasabi tungkol sa mga
ginagawa ng gobyerno habang sinasabi na lamang ng mga nakatatanda na “sumunod na lang
tayo.”

Sa kabuuan, ang naratibo ng Gomburza ay isang repleksyon ng kalagayan ng lipunang


Pilipino. Mahabang panahon na ang lumipas mula nang kitilin ang buhay ng tatlong paring
martir ngunit tila wala pa ring nagbago at parehong mga bagay ang nagaganap sa kasulukuyan.
Kaya naman, mahalaga ang produksyon ng mga makasaysayang mga pelikula hindi lamang
upang payabungin ang larangang ito, kung hindi para ipamulat sa mga Pilipino ang pinagdaanan
ng ating mga bayani noon. Bilang mga manonood naman, nawa’y manood tayo ng mga ganitong
mga pelikula hindi lamang para maaliw, kung hindi para matuto at mamulat sa mga nangyari at
nangyayari. Manood tayo hindi lamang para tayo’y matuwa, kung hindi para tayo’y makaalala.

You might also like