FILMJ-17-Kabanata-3

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

Ang modyul na ito ay naglalaman ng mga

aralin sa deskriptibong pag-aaral ng wikang


Filipino sa lebel ng ponolohiya,
morpolohiya, semantiks at sintaks.

Modyul sa
FILMJ 17
PAGTUTURO NG FILIPINO SA ELEMENTARYA II

Ruzel B. Espino-Paller, MAED-Filipino


Guro

Vision
To be a leading university in science and technology by 2022

Mission
The University shall provide quality, relevant, and responsive scientific,
technological and professional education and advanced training in
different areas of specialization; and shall undertake research and
extension services in support to socio-economic development of
Antique, the Filipino nation, and the global community.
KABANATA 3
PANITIKAN: MAKABULUHAN AT MAKATAONG PAGTUTURO

Ang pagpaplanong pampagtuturo ay hindi nagtatapos pagkaraang madesisyunan ng


guro ang nilalaman at maiayos ang pagkakasunod-sunod nito. Kailangan ding pag-isipan ang
mga tiyak na pagkatuto nan ais niyang ipaangkin sa mga mag-aaral bilang bunga ng isang
pagtuturo. Ang ganitong kalagayan ay naglulundo sa paghahanda at pagbubuo ng mga
layuning pampagtuturo. Ang mga lyuning pampagtuturo ay magsisilbing pamatnubay sa
paghahanda at pagbabalak ng aralin at iba pang pagpaplanong pampagtuturo.

PAGTATALAKAY

ANO BA ANG PANITIKAN?

Si Dr. Jose Villa Panganiban ay may magandang pag-aaral na pansemantika ng


salitang panitikan. Ang salitang panitikan, aniya, ay binubuo ng pang- na unlapi, ng salitang-
ugat at ng -an na hulapi. Nagiging pan- ang pang- kung inuunlapi sa salitang nagsisimula sa
mga titik na d, l, r, s at t. Karaniwan ding kinakaltas ang titik na t kung saklaw ng tuntuning
nabanggit. Kaya't sa halip na pangtitikan ay nagiging panitikan na ang katumbas sa Ingles ay
literature at literatura sa Kastila. Ang salitang titik ay litera sa Latin, letra sa'Kastila at letter sa
Ingles na mga salitang-ugat ng kanilang panumbas na salita sa panitikan.

ANG PAGBASA NG PANITKAN


Ang pagbasa ng panitikan ay hindi lamang nakapokus sa proseso ng pagkuha ng
kahulugan ngunit kasangkot din dito ang pagbuo ng kahulugan. Ang nakukuhang
pagpapakahulugan sa teksto ng isang mambabasa ay katimbang ng dating alam na nakalagak
sa isipan at maayos na nakaimbak ayon sa kategorya. Ang taglay ng mambabasa ay ang
kanyang mga karanasan— tuwiran o di tuwiran man (hal. Natamo sa pagbabasa at
pagkakahantad sa midya). Ang mga babasahing ito'y nagbibigay sa mambabasa ng kaisipan
at sensitibong pananaw sa mga pangyayari, tauhan at mga sitwasyong inilalahad. Nagagawa
rin ng mga taglay na karanasan o dating alam ng mambabasa na maunawaan, kalugdan at
mapahalagahan ang isang akdang pampanitikan
Sabi ni Rushdie (1990), bawat isa sa atin ay may taglay na 'laybrari' na imbakan ng
mga walang kaayusan ang pagkakabuo. Ang mga kwentong ito'y maaaring magbago at
maging bagong bersyon o di kaya nama'y maaari itong idugtong sa iba pang kwento at
maaaring kaiba sa naunang kwento. Ang mag-aaral na may taglay na maraming karanasan ay
inaasahang magkakaroon ng higit na pag-unawa at pagkalugod sa daigdig ng imahinasyon na
nililikha ng mga akdang panitikan. Samakatuwid, ang pagbabasa ng panitikan ay hindi lamang
nakatuon sa pag-unawa ng isang teksto. Sa pagbabasa ng isang akda, lumilikha ang isang
mambabasa ng isang daigdig na bunga ng dalawang imahinasyon—ang imahinasyon ng
mambabasa at may akda.
PROSESO SA PAGBASA/PAG-AARAL NG PANITIKAN
Ayon kina Cooper at Purves (1973) may walong pamaraan o prosesong ginagamit ang
mga mag-aaral sa pagbabasa/pag-aaral ng panitikan:
1) Paglalarawan- Magagawa ng mag-aaral na maipahayag sa sariling pangungusap, pasalita,
o pasulat man ang tungkol sa kanilang binabasa.
2) Pagtatangi- napag-uuri ng mag-aaral ang mga seksyong binasa, hal. Pagkilala ng genre,
pagkilala sa may akda, at pagtukoy sa kaisipan o tema ng binasang akda.
3) Pag-uugnay- nagagawa ng mag-aaral na maiuugnay ang mga sangkap na ginamit sa isang
akda.
Halimbawa: Bakit may bilang ang mga talatang bumubuo sa kuwentong “Uhaw ang
Tigang na Lupa” ni Liwayway Arceo?
Bakit palaging sinasambit ang salitang “mabuti” sa “Kuwento ni Mabuti” ni Genoveva
Edroza-Matute.
4) Pagsusuri- puspusang ipinaliliwanag at pinangangatwiranan ng mga mag-aaral ang
temang nais ibabahagi ng may akda sa kanyang mambabasa.
Halimbawa: Ano ang ibig sabihin ng pamagat ng dulang “Moses, Moses” ni Rogelio
Sikat.
Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa dayalogo ng mga tauhan, sa
pagpapaliwanag sa mga simbolo at maging sa pagsapo sa tunggalian. Sa bahaging ito’y
makatutulong nang malaki ang kaalaman ng guro sa paglalapat ng mga teoryang
pampanitikan na kanyang napag-aralan.
5) Paglalahat- magagawang mailapat ng mag-aaral ang kanyang natutuhan buhat sa akda sa
pagbabasa ng iba pang akda. Katulad rin ito ng paglalapat ng mga kasanayang natutuhang sa
panitikang Filipino sap ag-aaral ng panitikang Ingles, maging ito’y tula, dula, maikling kuwento,
sanaysay o nobela.
6) Pagpapahalaga- karaniwang ginagawa pagkatapos basahin ang isang akda. Ngunit hindi
tuwirang itinuturo ang pagpapahalaga lilitaw ito sapagkat hitik na hitik sa pagpapahalaga ang
panitikan.
Upang magkaroon ng direksiyon ang pagtuturo ng pagpapahalaga sa panitikan, binanggit ni
Alcantara (1987) ang sumusunod na mga tagubilin o patnubay:
1. Dapat tanggaping lahat ang sagot ng mag-aaral sa tanong ng guro. Hindi siya dapat
naghuhugsga na ginagamit ang pamantayang galing sa sarili;
2. Hinihikayat niya ang pagbibigay ng iba’t ibang sagot sapagkat batid niyang walang
lubos na tama o maling sagot sa tanong na pagpapahalaga;
3. Ginagalang niya ang Karapatan ng mga mag-aaral kung nais nilang lumahok o hindi
sa talakayan;
4. Ginagalang niya ang bawat sagot ng mga mag-aaral;
5. Ginaganyak niya ang bawat mag-aaral na sumagot nang may katapatan;
6. Nakikinig o nagtatanong siya upang malinawan ang nais na mabatid ng mga mag-
aaral;
7. Iniiwasan niya ang pagtatanong na magbibigay ng pagkabahala sa mga mag-aaral;
at
8. Nagtatanong siya nang may pagmamalasakit sa kalooban ng mag-aaral.
7) Pagtataya- napapahalagahan ang kagalingan, kabutihan o kapintasan ng isang bahagi/uri
ng panitikan. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga tiyak na pamantayang sinusunod sa
pormalistiko o estitikong pagsusuri gaya ng pinaglalakip ng mga paraang ginagamit ng may-
akda sa pagpapalutang ng mga sangkap o anyo ng kanyang isinusulat, sa lalim ng kanyang
tema o pilosopiya, gayon din ang kanyang pananaw(vision) bilang isang alagad ng sining.
8) Paglikha- pinakatampok sa proseso ng pagbabasa/pag-aaral ng panitikan dahil mahalaga
dito ang masigasig na pamamatnubay ng guro upang makalikha ang mga mag-aaral ng
sariling kuwento, sanaysay, tula o dula.

MGA DULOG SA PANITIKAN


Naniniwala ,ang maraming kritiko at dalubhasa na maraming paraan ng pagbabasa sa
teksto. Maraming teorya ng panitikan. Maraming pagpapakahulugan at interpretasyon ang
maaaring gawin kahit na iisang teksto lamang ang binabasa. Maraming aspekto na taglay ang
mga teksto bukod sa kuwento at aral na napupulot dito na karaniwang pokus lamang sa pag-
aaral ng panitikan.
Sa lawak ng pagtuturo ng panitikan ay may iba’t ibang pagdulog na maaaring gamitin
ang guro.

MORALISTIKO
Sinusuri o tumatalakay sa pagpapahalagang ginamit. Pinapahalagahan ang moralidad,
disiplina, at kaayusang nakapaloob sa akda.
Ayon sa maraming kritiko, hindi sapat na maipakita at mapatunayan kung bakit at
paano naging masining at malikhain ang isang akda. Dapat ay ipakita ang pamantayang moral
na nakapaloob sa akda. Sa pagdulog moralistiko, pinag-aaralan ang panitikan at may
pagtatangkang gamitin ito bilang instrumento ng pagbabago ng tao at ng lipunan. Hindi sapat
na ilahad ang panitikan bilang salamin ng buhay kundi manapa'y sa isang malikhain at
masining na kaparaanan ng manunulat ay maipakita ang mga kaisipang moral, ang halaga
ng tao, ang kanyang karangalan at kadakilaan. Sa pag-aaral ng akda ay naroroon ang
moralistikong pananaw at binigyang diin ang layuning dakilain at pahalagahan ang
kabutihan at iwaksi ang kasamaan. Ngunit huwag ipagkamali na sa pag-aaral ng akda na
ginagamitan ng pagdulog moralistiko ay sapat nang itanong ng guro ang "anong aral ang
nakuha sa akda." Dapat alamin na hindi nilikha ang masining na panitikan upang mangaral
lamang at lantarang "ituro" sa mambabasa ang wasto at dapat asalin o ugaliin. Hahamunin ng
isang mabuting guro ng panitikan ang mga mag-aaral na matamang magsuri at magtimbang-
timbang ng lakas at kahinaan, ng tatag at karupukan ng tao sa harap ng mga pagsubok sa
kanyang pakikipagtunggali sa buhay. Ang talakay sa dulog moralistiko ay nakatuon sa
bisa ng panitikan sa kaasalan, kaisipan at damdamin ng tao. Sa pamamagitan ng dulog na
ito, naisasakatuparan ang isang mahalagang tungkulin ng panitikan ayon kay Ruskin, i.e. itaas
ang ating pagpapasya o panlasa upang makaabot sa kinikilalang matapat at tumpak sa tunay
na buhay.

SOSYOLOHIKAL O HISTORIKAL
Mahihinuha ang kalagayang panlipunan nang panahong kinatha ang panitikan.
Ang sining ay nagsisimula sa kabuuan, di sa kawalan. Sa mga kritikong gumagamit ng
pwersa ng kasaysayan, mataman nilang pinag-aaralan ang kaugnayan ng may-akda sa
kanyang milieu (kapaligiran o panahon) at kung paano ito tumutugon sa pangangailangan o
mga suliranin nito. Sa paningin ni Scott (1965), hangga't "mapananatili ng panitikan ang bigkis
nito sa lipunan, ang pamaraang sosyolohikal, mayroon man o walang panghikayat ng isang
tiyakang teorya, ay magpapatuloy na magiging malakas o mabisang puwersa ng kritisismo."
Ang tradisyon, halimbawa ng pakikisangkot ng mga nobelistang Püipino sa kanilang
kapaligiran ay masasalamin magbuhat ldna Rizal, Lope K Santos, Faustino Aguilar, Amado V.
Hernandez, Lazaro Fransisco, kina Edgardo Reyes, Rogelio Sikat, Liwayway Arceo, Eduardo
Drillon at Lualhati Bautista (Reyes, 1982). Ito'y mainam na gamitin sa pag-aaral at pagsusuri
ng panitikan o akdang pumapaksa sa mga karanasan ng tao sa iba't ibang kalagayang
panlipunan, pampulitika, pangkultura at pangkabuhayan. Hindi lamang ang mga elemento ng
akda ang pagtutuunan ng pansin sa pag-aaral kundi manapa'y higit na pansin ang iuukol sa
ugnayang sosyo-kultural, politikal at kapamuhayan at damdamin, asal kilos, reaksyon dito ng
tao. Sinasabing ang panitikan ay masining na pagpapahayag ng damdamin, asal at gawi ng
tao batay sa mga kapaligirang sosyo-kultural at panitikan din ang makapangyarihang lakas na
may bahaging ginampanan sa pal(ikipag-ugnayang sosyo-kultural.

SIKOLOHIKAL
Makikita ang takbo ng isip ng may katha, antas ng buhay, paninindigan, pinaniniwalaan,
pinahahalagahan at mga tumtakbo sa isipan at kamalayan ng may akda.
Ang sikolohikal na pagdulog ay maituturing na isang susi sa pag-unawa sa mga paraan
ng sining, sa mga nakakubling layunin ng mga manlilikha at mga motibo ng mga tauhan sa
isang akda. Tinatalakay sa mga akda ang mga damdaming namamayani sa mga tauhan
gaya ang pagmamahal, paghanga, pagdakila, gayundin ang mga negatibong damdamin
ng pangamba, takot, galiț pagkabigo at iba pa. Mahalagang masuri ang mga emosyon at
makilala ang tunay na katauhan ng indibidwal. Sa kaisipang Freudian, sinasabing patuloy
na hahanap-hanapin ang nakagawian na o paulit-ulit na kilos o ng tao. Diyan naglulundo ang
pagkalinang ng damdaming emosyunal at diyan din umuusbong ang mga suliraning
sikolohikal. Sa dulog sikolohikal, malakas ang tulak na ibinibigay ng mga kaisipang inilahad ni
Freud hinggil sa pagkalinang na emosyunal ng isang tao. Sang-ayon kay Freud ang bukal na
mayamang_guni-guni ng tao, ng kanyang kaisipan at mga mulaan at sanhi ng kanyang asal at
kilos ay naroroon na at nakaimbak sa bahagi ng isipang di namamalayan (subconscious). Si
Freud ang nagpakilala ng kaisipang Oedipus complex mula sa dula ni Sophocles na Oedipus
Rex. na pagkakaroon ng kakatwang damdamin/pagmamahal ng anak na lalaki sa kanyang
ina. Ngunit sa maayos at normal na paglaki at pagkakaisip, naglalaho ang ganitong pagnanais,
humahanap ang bata (o ngayon ay bagong tao na) ng ibang pag-uukulan ng ganitong
damdamin at nalilinang ang malusog na pagkatao.

PORMALISTIKO

Sa dulog na ito'y pinagtutuunan ng pansin sa katha o akdang pinag-aaralan ang mga


elementong bumubuo sa katha. Madaling maipapaliwanag ang kabuuan ng mga akda kung
ang mga elementong taglay lamang ng akda ang higit na pinag-uukulan ng pansin.
Pormalistiko ang dulog ng pag-aaral ng isang akda kung inihihiway ang akda sa buhay o
pangyayaring kinasasangkutan ng may-akda, pangkasaysayan man o panlipunan. Ayon kay
Soledad Reyes, “sa paggamit ng pormalistikong pagdulog ay napagtutuunan ng pansin
ang mga detalye at bahagi ng kwento upang itanghal ang pagiging masining at
malikhain ng komposisyong ito." Tinatalakay ang magagandang pagkakauguay-ugnay ng
mga bahagi ng katha—ang tema, ang tauhan, ang tagpuan at ang pagkakasunodsunod ng
mga pangyayari sa dulog pormalistiko.

HUMANISMO
Ang mga tao ang sentro ng daigdig at binibigyang pansin ang kakayahan o
katangian ng tao sa maraming bagay.
Binibigyang-diin ng humanistiko o makataong kritisismo ana pagpapahalagang
napapaloob sa panitikan. Pinalulutang nito ang kadakilaan, kagitinğan (o ang mga
kabaligtarang katangian) ng tao sa kanyang pagharap sa larangan ng buhay. Halimbawa, sa
mga nobela ni Lazaro Fransisco, lalo na sa "Ama” at Maganda Pa ang Daigdig, ang
pagmamahal sa kapwa tao at pagkatakot sa Maykapal ang lagi niyang pinaiiral. Si Lualhati
Bautista, isang feminista, ay nagsisikap ibahin ang tradisyong ginagalawan ng Pilipinas. Siya
ay naghihimagsik na maging kasiping o kapiling lamang ng kabiyak, ipinaglalaban niya ang
kanyang karapatan at kaganapan bilang isang nilalang na kapantay ng isang lalaki, gaya ng
masasalamin sa Dekada '70 at Bata, Bata, Paano ka Ginawa? Samantala, sa kanluraning
panitikan, iginigiit lagi ni Hemingway na ang tao'y di magagapi ng mga puwersang malawak at
malaki sa kanya, tulad ng paninindigang isinisiwalat sa mga trahedyang Griyego.

ISTAYLISTIKO (STYLISTICS)
Isang magandang pamaraan sa pagsusuri sa istilo at mga devices na ginagamit ng
awtor ang pagdulog istaylistiko. Sa dulog na ito, maaaring suriin ang wikang ginagamit ng
awtor (kolokyal, pormal, balbal, at iba pa); ang paningin o pananaw ng pagkakasulat ng akda
(unang panauhan, ikatlong panauhan, at iba pa); ang paraan ng paglalarawan ng tauhan at
ganapan ng kilos; ang mga tayutay na ginagamit; at iba pang mga prosodic devices na
makapagpapayaman ng kahulugan tulad ng tono, diin, antala at haba sa pagbasa ng mga
salita.

MARXISMO
Pinapakita ang pagtutunggali o paglaban ng dalawang magkasalungat na puwersa.
Halimbawa: Malakas at mahina, mayaman at mahirap, kapangyarihan at naaapi.

FEMINISMO
Maaaring tingnan ang imahen, pagkakalarawan, posisyon at gawain ng mga babae sa
loob ng akda at maaaring ilantad ang mga de kahong mga imahen ng mga babae sa akda.
Layon nitong labanan ang anumang diskriminasyon, exploitation, at operasyon sa kababaihan.
Ang Feminismo ay isang pagbalikwas sa patriarkal na sistema ng lipunan na ang lalake
ang may kontrol ng lipunan, na ang papel na ginagampanan ng babae'y tagasunod lamang sa
lalake sa lahat ng larangang kultural gaya ng relihiyon, pamilya, pulitika, ekonomiya, lipunan,
batas, sining (Mendiola, 1991). Sa pagdulog na ito binibigyang pansin ang sumusunod: 1) ang
mga manunulat na babae at ang kanilang kakayahang lumikha ng mga obra; 2) mga dahilan
kung bakit sila kulang sa pansin; at 3) ang kanilang mga akda—ang tono, larawang-diwa,
kalagayan, wikang nagtataglay ng sensibilidad at iba pa.
Halimbawa:
Babae Kami

Babae kami
Hindi makinang
Lalaruin, huhubaran
Bibihisan, ikukulong
Hindi pagkaing
Sa mesa ihahain
Babalatan, hihimayin

EKSISTENSIYALISMO
Binibigyang-diin ang bahagi ng akda na nagpapakita ng mga paniniwala, kilos at gawi
ng tauhan. Ang tao ay may malayang pagpapasya para sa kanyang sarili upang mapalutang
ang pagiging indibidwal nito at sa gayon ay hindi maikahon sa lipunan.
KLASISISMO
Pinapahalagahan ang katwiran at pagsusuri. Ang layon ay katotohanan, kabutihan at
kagandahan. Malinaw, marangal, payak, obhetibo, magkakasunud-sunod at may hangganan.

ROMANTISISMO
Binibigyang halaga ang indibidwalismo, rebolusyon, imahinasyon at likas. Pagtakas
mula sa realidad o katotohanan. Nagpapakita ito ng pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa,
bayan at iba pa.

REALISMO
Ang katotohanan ang binibigyang-diin at may layuning ilahad ang tunay na buhay.
Pinapaksa ang kalagayan na nangyayari sa lipunan tulad ng kurapsyon, katiwalian, kahirapan
at diskriminasyon. Madalas rin itong naka pokus sa lipunan at gobyerno.

PAANO ANG PAGTUTURO NG PANITIKAN

1. Panitikan ang dapat ituro at hindi ang kung ano pa man.


2. Ang panitikan ay nagbibigay hugis sa mga bunga ng makabuluhang karanasan ng tao.
3. Isanib ang pagtuturo ng panitikan sa ibang aralin sa kurikulum.

MGA MUNGKAHING ISTRATEHIYA SA PAGTUTURO NG AKDANG PAMPANITIKAN


Makabubuting unawain na hindi tuwirang "maituturo" o "rnatututuhan ang panitikan:
mararanasan ito. Sa pag-aaral ng isang akda, tungkulin ng guro na iparanas sa mga mag-
aaral ang akda. Dapat kinikilala ng guro na may sariling pagtanaw sa akda ang bawat mag-
aaral. Ito'y maaaring gumulat, magbigay-sigla o di kaya'y magbigay-galak sa kanya. Ngunit
hindi sapat ang mga karanasang ito upang ganap na malaman ang kabuuan ng akda.
Kailangang makabuo ang bumabasa ng makabuluhang kamalayang hatid ng karanasan.
Pagkatapos "maranasan" ng mag-aaral ang akda, ano pa ang ating maaaring ituro?

ANG PAGTUTURO NG MAIKLING KATHA


Nagbigay si Sage (1987) ng mga mungkahing gawain sa pagtuturo/pagaaral ng maikling
katha.
1. Kilalanin/hanguin sa mga karanasan ng mag-aaral ang dating alam sa pamamagitan ng
pagkukwento
o pakikinig nila bago talakayin ang akda (pre-reading activity).
2. Maging holistic o ganap ang pagtatalakay ng akda sa pamamagitan ng pagmamasid ng
mga ugnayan sa mga aspekto ng kwento (Halimbawa: Pansinin ang diyalogo at kaugnayan
nito sa kapaligiran at panahon sa "Nagmamadali ang Maynila" ni Serafin Guinigundo.)
3. Isaalang-alang ang natural na daloy ng kuwento bilang patnubay sa pagtuturo nito. Ito ba'y
kwento ng tauhan? tagpuan? simbolo? katutubong kulay?
4. Magbigay ng sapat na kaligirang talakay bago pag-aralan ang kwento. Tungkol sa
bokabularyo? kultura? mga idyomatikong pagpapahayag? haba ng pangungusap? estilo ng
pagkakasulat at iba pa.
5. Patnubayan ang mag-aaral (tungkol sa kung paano at kailan dapat basahin ang kwento). a.
Maaaring pumili ng bahagi ng kwento na babasahin nang malakas upang mapasimulan
ang pagtalakay (para bang binibigyang-diin ang key moment o climax ng kwento). b.
Hayaang basahin ng mag-aaral ang kwento ng dalawa o mahigit pang ulit upang masuri at
mabigyan ito ng malalim na kahulugan.
6. Ipaliwanag ang katuturan ng mga terminong pampanitikan upang mapagaanang diskusyon
(Halimbawa: punto de bista, epiphany o pagkamulat, interior monologue).
7. Ipakita o ipadama sa mag-aaral ang matulaing bahagi ng isang akda (masusumpungan kay
Macario Pineda, Sikat, Matute, at iba pang katulad na awtor).

ANG PAGTUTURO NG TULA


Masalimuot at mahirap ang pagtuturo ng tula dahil sa may iba itong istruktura o kayariang
balangkas. Ano ang implikasyon nito sa pagtuturo? Dapat mabatid ng guro ang sumusunod
tungkol sa isang tula.
• Ang bawat tula ay may angking iwing katangian at kabuuan. Lumilikha ito ng
sariling daigdig.
• Malaya ang makata na baguhin ang istruktura ng pangungusap. May lisensya
siyang gawin ito.
• Gumagamit ang tula ng bawat jargon o talasalitaan.
• Isipin at unawain ang tula sa iba’t ibang dimension; biswal, pandinig, pandama,
panlasa, at iba pa.
• Ang ganda ng tula ay napapabayong ng iba’t ibang pagpapakahulugan. Sino ang
may tamang interpretasyon? Depende ito sa karanasan, kasanayan, katalinuhan,
saloobin, pagkawili at pamaraan o pagdulog ng guro.
• Ang magandang pagbasa ng tula (ang tulad ay tulad ng musika) ay
makapagpapagaan ng pagtuturo nito.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga patnubay sa pagtuturo ng tula:


1. Pagganyak at pagpukaw sa marangal na damdamin
- Ang pagpukaw ng marangal na damdamin ay nag-aangat sap ag-iisip tungo sa
isang mataas na layunin at pagpapahalaga sa buhay.
2. Ang pagbibigay ng malikhaing guniguni
- Kailangang makita sa ating guniguni ang mga larawang likha ng makata upang
mapukaw ang ating damdamin. Kailangang maantig ang lahat ng ating pandama,
paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy at pakiramdam.
3. Ang pagkakaroon ng marangal na diwa
- Kailangang taglayin ng tula ang marangal at makatotohanang paksa upang
makapukaw ng magagandang damdamin at makaguhit ng larawan sa guniguni.
4. Ang pagtataglay ng tula sa isang magandang kaanyuan
- Ito ay nauukol sa pamamaraan ng makata sa pagbuo ng kanyang tula. Ito ay
nauukol sa paggamit ng tugma, sukat, aliw-iw at mga piling-piling salita.
5. Mahahalagang tayutay
- Ito ay nauukol sa pananagisag (symbolism) ng makata, gaya ng pagwawangis
(metaphor), pagtutulad (simile), panawagan (apostrophe), pagsasatao
(personification).

ANG PAGBASA NG TULA


Upang maging magaling ang pagbasa o pagbigkas ng tula, narito ang ilang mungkahi at mga
paliwanag:
A. Paraan
1. Wastong paghinga
2. Ang tinig ay kailangang sa dayapram nanggagaling
3. Wastong “pagpupukol” nito sa nakikinig
4. Katamtamag lakas ng tinig
B. Uri at Sangkap ng Tinig
1. Lakas. Dapat ito ay timplado. Hindi iyong nagpapalahaw.
2. Uri ng tinig
a. Ang lakas ng bulong (whispering force). Nagpapahiwatig ng malaking takot,
pangamba.
o Palihim na pagsasalita: “Ito ba ang aking mapapala?”
o Kahinaan ng aking katawan: “Kung sadyang wala akong pag-asa, magtitiis
ako!”
b. Ang inimpit na lakas (suppressed force). Ito ay nasa pagitan ng pabulong at
katamtamang lakas.

Kay tagal ng gabi!


Ang guniguni ko’y tila nagmamaktol
Sa hapong ang takbo’y napakahinahon
Kung may pakpak sana’y pilit sasalubong
Sa dilim na wari’y aayaw dumaong

3. Ang taas ng tono ng tinig (pitch of voice)


a. Karaniwang tono- nagpapahiwatig ng malamig na damdamin/ng malaking galit
Pagkagalit:

Ito ba ang lupang aking aangkinin


Na tira-tirahan ng apoy at talim?
Ito ba ang manang aking bubungkalin
Sa sambuntong ako at nagngangang libing?

Panlalamig:

Paalam na, itong Pilipinas


Paalam na Ina, itong nasa hirap
Paalam, Paalam, Inang walang habag
Paalam na ngayon, katapusang tawag

b. Pataas na padulas (upward slide)- nagpapahayag ng alinlangan o ng pagkagulat.

Ano ka? Ano kayo? Sino tayo?


Sabi nila’y Pilipino…
Ugat natin ay silangan
Galing doon sa malayo…

c. Pababang padulas (downward slide) – nagpapahayag ng kapangyarihan at


pagsusumikap.

O mutyang Liwayway, nagkatagpo tayong


Sa akin ang lungkot, ligaya s aiyo;
Kung ang bayani ko’y siyang bayani mo
Bunga ng ligaya’y pagsaluhan ninyo.
4. Ang lundo (wave) ng tinig.

Si Brutus
Ay marangal na
tao.

5. Ang bilis ng pagbigkas ay may kaugnayan sa damdamin ng tula – Binibigkas nang


mabilis, may mataas na tono at malakas na tinig ang bahagi ng tulang may mapusok
na damdamin. Mabagal, mahina at mababang tono naman sa bahagi ng tulang may
malungkot na damdamin.
Halimbawa:

a. Malungkot
At ako’y tumuloy…pinto ng mabuksan,
Mata’y napapikit sa aking mamasdan;
Apat na kandila ang nangagbabantay;
Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;
Mukhang nakangiti at nang aking hagkan;
Para bang sinabi “Irog ko, paalam!”

b. Mapusok na damdamin

Ito ba ang lupang aking aangkinin


Na tira-tirahan ng apoy at talim?
Ito ba ang manang aking bubungkalin
Sa sambuntong ako at nagngangang libing?

ANG PAGTUTURO NG SANAYSAY

Tandaan na ang sanaysay ay binabasa, inuunawa at nilalasap. Upang makuha ang


linamnam, binabasa ang kabuuan ng sanaysay, hinahango ang pangunahing larawan o
pangunahing kaisipan. Pagkatapos ay babasahing muli, sa pangalawang pagkakataon na
hindi na kasimbilis ng unang pagbasa nang sa gayo’y mangunguyang mabuti, masipsip ang
katas. Sa unang pagbasa, nakatutulad ang isang mambabasa sa isang panauhin sa isang
tahanan na tumatawag pa lamang ng “tao po”. Sa ikalawang pagbasa para na siyang
nakatuloy sa loob ng tahanan, unti-unti nang nabubuo sa pangmalas ang kaanyuan ng loob na
unti-unti ring nagkakaroon siya ng pagpapahalaga. At habang nagtatagal siya sa loob ng
bahay, napapalagay ang kanyang loob sapagkat nadama na niya nag init ng pagtanggap at
magiliw na pakikipag-usap at pagtuturing ng kausap.
Kung may pagpapahalaga na at kawilihan ang guro sa sanaysay, maaari niya itong
ituro.
Aaakayin ang mga mag-aaral kung paano nila mapapahalagahan ang isang partikular
na sanaysay.
1. Tiyaking may kahandaan na sila sa gawaing pagpapahalaga. May sanligang
kabatiran ba sila kung bakit isinulat ng awtor ang sanaysay. Ang mga mahihirap na
salita sa loob ng sanaysay ay kailangan munang pag-aralan
2. Ipabasa ang buong sanaysay at hanapin ang pangunahing diwa o kaisipan.
Ipabasang muli ang sanaysay, at tuklasin ang kaisipang taglay ng bawat talata.
Alamin ang pagkakaugnay ng kaisipan ng bawat talata.
3. Maaari ding pagawain ang payak na balangkas ang klase at sa tulong ng balangkas
na ito ay lagumin ang diwa ng binasa. Hingan ng reaksyon ang klase batay sa
kaisipang nakalahad sa sanaysay. Akayin ang mga mag-aaral na makabuo ng sari-
sarili nilang palagay at pagkukuro hinggil sa paksang tinalakay sa sanaysay. Narito
ang ilang mungkahing patnubay:
§ Pagbasa ng sanaysay para sa pangkalahatang impresyon. Akayin ang
mag-aaral na mapansin ang sumusunod: Ang tono ng pagsasalita, anong
salik ng wika ang nagbibigay ng ganoon at ganitong impresyon? Sino ang
parang kinakausap sa sanaysay? Ano sa palagay mo ang nag-udyok sa
awtor upang sulatin ang sanaysay?
§ Pag-unawa sa nilalaman. Bahagi sa pagtuturo ng sanaysay ang mga
gawaing talakayan, pagpapaliwanagan, pakikipagtalo. Magandang bunga
ng talakayan ang pagbuo ng mga mag-aaral at ng kanilang guro ng
palagay.

Maraming iba-ibang paraang magagamit sa pagtuturo, tulad ng pagbabalangkas sa


suliranin, pagsasanib ng paksa sa tunay na buhay, pagpapasulat ng reaksiyon. Maaari ding
gumamit ng semantic webbing, paraphrasing, imagining, valuing, panel discussion, information
mapping at iba pa.

Kung pamilyar naman o di pormal naman ang sanaysay na pinag-aaralan, maaaring


kunin sa pag-aaral ang mga sumusunod:
1. Ang pangunahing diwa o sentral na ideya
2. Ang paraang ginamit sa paglalahad
3. Ang iba pang inilahahd na kaisipan
4. Ang estilo ng manunulat
5. Ang kayarian ng sanaysay

You might also like