Umaga ng Disyembre, ang bapor tabo ay naglalakbay sa liko-likong daan ng Ilog Pasig papuntang Laguna. Sakay nito sina Simoun Donya Victorina, Don Custodio, Benzayb, Padre Salvi, Padre Sibyla, Padre Camorra, at si Padre Irene. Tanging si Donya Victorina lamang ang ginang na kasama ng mg Europeo. Laman ng pag-uusap ng mga ginoo ang pagpapatuwid ng Ilog pasig at ang mga gawain ng Obras del Puerto. Nagbahagi ng idea si Simoun at iminungkahi na maghukay ng isang tuwid na daan mula sa pagpasok at paglabas ng Ilog Pasig. Hindi naman sumang-ayon dito si Don Custodio, aniya’y malaking pera ang gagamitin dito at maraming bayan ang masisira, dagdag pa niya kung saan daw kukunin ang pambayad sa mga mangaggawa. Ang sagot ni Simoun ay gamitin ang mga bilanggo at bihag sa paggawa nito, at kung kukulangin man ay sapilitang pagawain ang lahat ng taong naninirahan doon ng walang bayad. Maaari itong magbunga ng himagsikan, tugon naman ni Don Custodio. Sa halip, pilitin na mag-alaga ng mga pato ang lahat ng mga naninirahan malapit sa Ilog. Sa gayon ay lalalim ang lawa sa paghukay nila ng susong pagkain ng mga ito. Salungat rin naman dito ang Donya dahil dadami ang balot na pinandidirihan niya. Ano ang isyung panlipunan? - Pagmamalupit sa mga tao. Bakit ito ang iyong nakita? - Nakita ko ito dahil sa mungkahi ni Simoun na gamitin ang mga bilanggo at bihag o ang mga taong naninirahan doon sa paghuhukay sa ilog ng walang bayad. Ano ang aral na nakuha mo? - Matutong mag-isip ng mas maganda at mas mabuting ideya para sa ikabubuti ng lahat. Bakit ito ang aral na iyong kinuha? - Dahil ang aral na ito ay kailangan upang mas mapaigi pa natin ang pagdedesisyon natin sa buhay. Buod ng Kabanata 2 : Sa Ilalim ng Kubyerta Ang karamihang sakay ng bapor ay nasa ilalim ng kubyerta. Lahat ng kagamitan at kargamento ay doon inilalagay kaya naman masikip ito para sa mga pasahero. Kabilang sa mga naroon ay sina Basilio na nag-aaral ng medisina at si Isagani na isang makata na nagtapos sa Ateneo at higit na mas bata kaysa kay Basilio. Kausap nila si Kapitan Basilio at tungkol naman sa Akademya ng Wikang Kastila ang kanilang pinag-uusapan. Sinabi ni Basilio na magbibigay ito ng salapi, ngunit ang magtuturo ay kalahating Pilipino at kalahating Kastila. Ayon kay Kapitan Basilio ay hindi ito magtatagumpay, ito’y hindi sasang-ayunan ni Padre Sybila. Sa pag-alis ni Kapitan Basilio ay nabanggit naman ni Isagani na ipinapahanap ni Donya Victorina sa kaniya ang asawa nitong si Don Tiburcio de Espadaña, na ito pala ay nagtatago doon sa bahay ng kaniyang tiyuhin na si Don Florentino. Ilang sandali pa ay bumaba si Simoun mula sa ibabaw ng Kubyerta at lumapit ito sa dalawang magkaibigan. Ipinakilala ni Basilio si Isagani kay Simoun at sinabing hindi sila magkababayan ngunit hindi magkalayo ang kanilang bayan. Itinanong ni Simoun kay Isagani kung may katotohanan nga bang naghihirap ang kanilang bayan. “Hindi kami bumibili sapagkat hindi namin ito kailangan,” ang nagdaramdam na sagot ni Isagani. Ipinaliwanag naman ni Simoun na wala siyang masamang hangarin sa kaniyang katanungan, ang alam lamang niya’y ipinamamahala ng mga prayle at Pransiskano ang simbahan sa mga paring Indio kapag dukha ang isang bayan. Kalaunan ay ininyayahan ni Simoun ang dalawa sa pag-inom ng serbesa, ngunit tumanggi ang dalawa. Aniya’y sinabi umano ni Padre Camorra na kaya tatamad tamad at lalamya lamya ang mga Pilipino ay dahil palainom ng tubig at hindi ng serbesa. Sinagot ito ni Isagani, aniya, “kahit ang tubig ay matabang, ay naiinom, napapawi ang bisa ng alak at pumapatay ng apoy; kapag pinaiinit ay nagiging singaw, kapag pinagalit ay nagiging malawak na dagat, at minsa’y nagwasak sa buong mundo.” Dahil sa pagiging mapusok ni Isagani, idinaan na lamang sa biro ni Basilio ang pag-uusap na iyon. Natawa na lamang si Simoun at sinabing hahanapin pa ang makina at mabuti pang inumin na lamang niya ang kaniyang serbesa. Noon din ay walang paalam na umalis si Simoun. Ipinagtataka ni Basilio ang padalus-dalos na pagsagot ni Isagani kay Simoun. Sinabihan niya ito at ipinagtapat din naman niya na siya raw ay natatakot kay Simoun. Ilang sandali pa’y dumating ang isang utusan at ipinapatawag daw si Isagani ng kaniyang amaing si Padre Florentino. Ano ang isyung panlipunan? - Hindi patas na pagtrato sa lahat. Bakit ito ang iyong nakita? - Dahil ang mga may mababang estado sa buhay ay pinapasakay lamang sa ilalim ng kubyerta na kung saan ang mga kagamitan mga bagahe at ang makina ng bapor ay naroon, kaya’t ang mga pasaherong naroon sa ilalim ng kubyerta ay nasisikipan at naiinitan sa singaw ng dami ng tao at ng makina. Ano ang aral na nakuha mo? - Maging mas maingat tayo sa pagsasagot sa isang tao lalo na kung ito ay hindi natin kakilala. Bakit ito ang aral na iyong kinuha? - Dahil mas maipabubuti pa nito ang ating pakikipag kapwa tao sa ating mga kapuwa.
Buod ng Kabanata 3 : Ang mga Alamat
Naabutan ni Padre Florentino na nagtatawanan ang mga tao sa itaas ng kubyerta. Pinag- uusapan ng mga pari ang pagkamulat ng mga Pilipino at pag-uusig sa mga bayarin sa simbahan. Kalaunan ay dumating naman si Simoun. Aniya, sayang raw at hindi niya nakita ang mga dinaanan ng bapor. Wala daw kwenta sa kanya ang alinmang pook na kanyang makikita kung wala rin namang alamat ang mga ito. Kaya naman sinimulang isalaysay ng Kapitan ang alamat ng Malapad-na-Bato. Ang sabi ng Kapitan, ito daw ay banal sa mga katutubo noon bilang tahanan ng mga espiritu. Nang tirahan daw ito ng mga tulisan ay nawala ang takot sa espiritu, sa halip ay nasalin sa mga tulisan ang takot. Nabanggit ng Kapitan ang alamat tungkol kay Donya Geronima at inanyayahan na si Padre Florentino ang magsalaysay ng alamat. May magkasintahan umano sa Espanya at ang lalaki ay naging arsobispo sa Maynila. Nagbalatkayo daw ang babae, sinundan ang kasintahan sa Maynila at hinihiling na sundin nito ang pangako na magpakasal sila. Ngunit may ibang naisip ang arsobispo. Sa halip na pakasalan ay itinira niya ang babae sa isang yungib na malapit sa llog Pasig. Nagandahan si Benzayb sa alamat. Nainggit naman si Donya Victorina at gusto ding manirahan sa kweba. Tinanong ni Simoun si Padre Salvi, "Sa inyong palagay, hindi ba higit na mainam ay ilagay sa isang beateryo tulad ni Sta. Clara?" Sinagot ng pari ang tanong ni Simoun at sinabing hindi daw siya makakahatol sa mga ginawa ng isang arsobispo. Upang mabago naman ang kanilang usapin ay isinalaysay ang alamat ni San Nicolas na nagligtas sa isang Intsik sa pagkamatay sa mga buwaya. Naging bato diumano ang mga buwaya ng dasalan ng Intsik ang santo. Nang daanan ng bapor ang lawa ay nagtanong si Benzayb sa Kapitan kung saan banda doon napatay ang hindi niya maalalang pangalan kung Guevarra, Navarra o Ibarra. Itinuro naman ng Kapitan kung saan. Sa tubig ay naghanap pa ng bakas si Donya Victorina ng pagkamatay kahit labingtatlong taon na ang nakalilipas mula ng mangyari iyon. Ayon kay Padre Salvi, nakasama daw ng ama ang bangkay ng kanyang anak. Dagdag naman ni Benzayb, iyon daw ang pinakamurang libing. Kaya naman nagtawanan ang iba. Namutla naman si Simoun at walang kibo. Ipinagpalagay na lamang ng Kapitan na nahihilo ito dahil sa paglalakbay. Ano ang isyung panlipunan - Pang-aabuso ng mga nasa simbahan Bakit ito ang iyong nakita? - Dahil pinag-uusapan ng mga prayle ang pag-uusig sa mga bayarin sa simbahan. Ano ang aral na nakuha mo? - Magbasa o mangalap pa tayo ng maraming kwento kwento o mga alamat upang mas lumuwag pa ang ating kaalaman sa ating mga kapaligiran. Bakit ito ang aral na iyong kinuha? - Dahil sa ating pang araw araw na pamumuhay, lahat ng mga nasa paligid natin ay maaaring mayroon itong alamat kaya mas mapapabuti na lamang na malaman natin kung saan ito nanggaling kahit na gawa gawa o kathang isip lamang ang mga ito at upang mayroon din taying maibahaging kwento sa ating mga kaibigan, mahal sa buhay, at pati na rin sa ating mga kapwa.
Buod Kabanata 4 : Kabesang Tales
Si Tandang Selo na umampon noon sa gubat kay Basilio ay matanda na. Ang anak nitong si Kabesang Tales ay isa nang Kabesa de Baranggay. May tatlo itong anak, sina Lucia, Tano, at Juli. Namatay si Lucia at ang kanyang asawa dahil sa malaria. Sina Tano at Juli na lamang ang buhay. Yumaman na sila dahil sa tiyaga. Nakisama si Kabesang Tales sa namumuhunan sa bukid at nang makaipon ng kaunti ay nagbungkal ng lupa sa gubat. Nang maipagtanong na walang may-ari sa naturang lupa ay ginawa niya itong tubuhan. Inisip din niyang pag-aralin na sa kolehiyo si Juli upang mapantay kay Basilio na kasintahan nito. Nang umunlad ang bukid ay inangkin ito ng mga prayle at pinagbayad ng buwis si Kabesang Tales. Tinaasan ng tinaasan ng mga pari ang buwis at nang 'di na kinaya ng Kabesa ay nakipag-asunto ito sa mga prayle. Dinala ni Kabesang Tales sa korte upang maayos ang problema. Ngunit natalo ang Kabesa dahil nasa ilalim ng impluwensya ng mga prayle ang gobyerno. Nang tuluyan nang hindi makabayad ng buwis si Kabesang Tales ay ipinaglaban pa rin niya ang lupa sa pamamagitan ng pagbabantay dito. Sa kanyang pagbabantay ay nagdala siya ng baril na kinumpiska ng prayle. Sumunod ay itak naman ang kanyang dinala ngunit ipinagbawal itong muli ng mga pari. Sa huli ay palakol na lamang ang dinala ng Kabesa sa pagbabantay. Kalaunan ay dinakip ng mga tulisan si Kabesang Tales dahil may perang nakita sa kanya at nakakapagbayad ng abogado para sa kaso niya. Ipinatubos naman siya sa halagang 500. Upang may maipantubos sa ama ay ibinenta ni Juli ang kanyang mga alahas liban sa bigay ng kanyang nobyo na isang laket na pagmamay-ari ni Maria Clara. Nang hindi nagkasya ang perang pantubos ay namasukan siyang katulong sa tahanan ni Hermana Penchang. Bisperas noon ng Pasko kaya kinabukasan ay maninilbihan na siya bilang isang alila. Dahil sa pangyayaring ito ay hindi na nakapag-aral si Juli. Masalimuot naman ang naging panaginip ng dalaga ng gabing iyon. Ano ang isyung panlipunan - Pang-aabuso sa kapangyarihan. Bakit ito ang iyong nakita? - Dahil sa pag-angkin ng mga prayle sa malagong bukid ni Kabesang Tales at sa hindi makatarungang pagkapanalo ng mga ito sa korte. Ano ang aral na nakuha mo? - Kung may tiyaga may nilaga. Bakit ito ang aral na iyong kinuha? - Dahil kung gusto mong umangat at mamuhay ng mapayapa ay kailangan mo muna itong pagtiyagaan at paghirapan upang makamit ang iyong mga hinaing at mga pangarap.
Buod Kabanata 5 : Ang Noche Buena ng Isang Kutsero
Gabi na noon at kasalukuyang inililibot ang pamaskong prusisyon sa mga lansangan ng San Diego nang dumating si Basilio. Nalimutan ng kutserong si Sinong ang kanyang sedula kaya't ito’y kinakailangang bugbugin muna ng mga guwardiya sibil. Pagkatapos ay napag-usapan nila ang imahen ni Metusalem, ang pinaka-matandang taong nabuhay sa mundo. Kasunod nito ay idinaan ang mga imahen ng tatlong Haring Mago. Dahil dito, naalala ni Sinong si Haring Melchor na kayumanggi ang balat. Itinanong ng kutsero kay Basilio kung nakawala na ang kanang paa ni Bernardo Carpio na naipit sa kabundukan ng San Mateo. Pinaniniwalaan kasi na hari ng mga Pilipino si Bernardo Carpio na makakapagpalaya diumano sa bayan. Pagkaraan ay nadaanan rin nila ang ilang mga imahen, ang huli sa mga ito ay ang imahen ng birheng Maria na tila malungkot. Nahuli muli si Sinong dahil hindi niya namalayang namatay na ang ilaw ng kanyang kalesa. Sa pagkakataong ito ay dinala na sa presinto ang kutsero kaya bumaba na lamang si Basilio at naglakad. Sa paglalakad ni Basilio ay napansin niya na wala masyadong parol ang mga bahay at tahimik ang karamihan maliban sa bahay ni Kapitan Basilio na puno ng kaligayahan. Nakita niya dito ang alperes, ang kura, at si Simoun. Nakarating din si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiyago kung saan siya ay binati ng mga katiwala. Ikinuwento ng mga ito kay Basilio ang tungkol sa mga pangyayari sa bukid kung saan maraming namatay na hayop at katiwala at sa balitang nadakip si Kabesang Tales, ang ama ng kanyang nobyang si Juli. Dahil sa mga nakakalungkot na mga balitang ito, biglang tumahimik, nawalan ng gana si Basilio at tuluyang huminto sa pagkain at nag-isip ng malalim. Ano ang isyung panlipunan? - Hindi makatarungang batas. Bakit ito ang iyong nakita? - Dahil sa maliit lamang na kasalanan ng isang taong walang kapangyarihan, lubos na ang kaparusahang ipinapataw rito. Ano ang aral na nakuha mo? - Huwag kalilimutan ang bagay na mahalaga lalo na kung ito ay ikapapahamak mo. Bakit ito ang aral na iyong kinuha? - Kailangan nating alalahanin ang lahat ng bagay na mahalaga sa atin, dahil kung ito ay ating nakalimutan ay baka hindi lamang bagay ang mawawala saatin kung hindi pati ang mahal natin sa buhay.