Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG

TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


Lesson 5
Aralin: ANG TEKSTONG NARATIBO

I. Panimulang Nilalaman

I. Layunin:

A. Pamantayang Nilalaman

Nasusuri ang iba’t ibang uri ng binasang teksto ayon sa kaugnayan nito sa sarili,
pamilya, komunidad, bansa at daigdig

B. Pamantayang Pagaganap

Nakasusulat ng isang panimulang pananaliksik sa mga penomenang kultural at


panlipunan sa bansa

C. Pinakamahalagang Kasanayan sa Pagkatuto

Nagagamit ang mabisang paraan ng pagpapahayag: a. Kalinawan b. Kaugnayan c.


Bisa Sa reaksyong papel na isinulat

II. Nilalaman:

ANG TEKSTONG NARATIBO


2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG
TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 5
Aralin: ANG TEKSTONG NARATIBO

Konsepto ng Aralin
.

TALAKAYIN NATIN:

ANG TEKSTONG NARATIBO

Ang tekstong naratibo ay maaaring totoong nangyari o kathang-isip lamang na tinatawag bilang
fiksyon. Karaniwan itong nagsasalaysay o nagkukuwento. Katangian nito ang pagkakaroon ng sunod-
sunod na mga pangyayari. Karaniwang taglay nito ang mga elemento ng maikling kuwento katulad ng
balangkas o banghay, tagpuan at tauhan kahit na may iba pang elementong maituturing na likas sa
tekstong naratibo. May paksa ito at karaniwan ding may gusot o gulo na nagkakaroon ng solusyon sa
pagwawakas ng kuwento. Ang tekstong naratibo ay may simula, gitna at wakas.

Ang pangunahing layunin ng tekstong naratibo ay ang pag-aliw o paglibang sa bumabasa at


makuha ang interes nito sa binabasa. Ngunit maaari ring sulatin ang isang tekstong naratibo sa layuning
magturo o kaya ay magbigay ng impormasyon, o kaya ay baguhin ang saloobin o opinyong panlipunan
katulad ng nangyayari sa mga soap opera at drama at sa mga teleserye na ipinalalabas sa telebisyon na
may mga isyu at paksang panlipunan. Sa tekstong naratibo ay nagkakasunod-sunod ang mga pangyayari
sa iba't ibang panahon at lugar at lumulutang ang isa o higit pang mga suliraning nagkakaroon ng
paraang maresolba. Ang sumusunod na mga elemento ang karaniwang nasa tekstong naratibo.

1. Tagpuan. Nagsasaad ito kung kailan at saan nangyari ang naratibo.

2. Tauhan/Mga tauhan. Tampok dito ang mahahalagang tao o karakter sa kuwento

3. Panimulang pangyayari. Isang aksyon o pangyayari na nagpasimula sa isang suliranin.

4. Gusot o tunguhin. Ang puntong iniikutan ng kuwento na karaniwan ay nagtatampok sa suliraning


umiiral sa teksto.

5. Mga pangyayari. Isa o higit sa isang mga pagsisikap ng pangunahin o mga pangunahing karakter upang
matamo ang resolusyon ng gusot at maabot ang tunguhin ng kuwento.

6. Resolusyon. Ang kinahinatnan ng mga pagsisikap na matamo ang tunguhin o malutas ang gusot na
inikutan ng kuwento.
Kapag pinagsunod-sunod itong mga elementong kasangkot sa naratibo ay tinatawag itong story
map. Ang porma at salimuot ng story map ay depende sa katangian ng istruktura ng bawat naratibo at
sa preperensya o kagustuhan ng titser.

May maraming uri ng tekstong naratibo. Sakop nito ang mga nobela, maikling kuwento,
kuwento tungkol sa mga engkanto na tinatawag sa Ingles na fairy tales, kuwentong mga misteryo at
suspens, talaarawan o diary, pabula, salaysayin, mito, alamat, epiko, kuwentong bayan, fiksyon at di-
fiksyong historikal, dula, tula, balad o awit na nagsasalaysay, fiksyong pang-agham (science fiction) at
kahit balita o report sa pahayagan.

Taglay ng tekstong naratibo ang sumusunod na mga katangian.

1. Mga karakter o tauhang may mga tiyak na personalidad at katangian;

2. Kadalasang may dayalogong kasama sa kuwento na ang aspekto ng pandiwa ay nagbabago na


maaaring pangkasalukuyan o panghinaharap:

3. Gumagamit ng wikang deskriptibo upang makabuo ng mga imaheng magpapaigting ng kuwento sa


isipan ng mambabasa.

MGA DAPAT TANDAAN:


ANO ANG TEKSTONG NARATIBO?

Ang tekstong naratibo ay maaaring totoong nangyari o kathang-isip lamang na tinatawag bilang
fiksyon. Karaniwan itong nagsasalaysay o nagkukuwento. Katangian nito ang pagkakaroon ng sunod-
sunod na mga pangyayari. Karaniwang taglay nito ang mga elemento ng maikling kuwento katulad ng
balangkas o banghay, tagpuan at tauhan kahit na may iba pang elementong maituturing na likas sa
tekstong naratibo. May paksa ito at karaniwan ding may gusot o gulo na nagkakaroon ng solusyon sa
pagwawakas ng kuwento. Ang tekstong naratibo ay may simula, gitna at wakas.

BASAHIN LANG ITO:


Basahin ang sumusunod na mga halimbawa ng tekstong naratibo.

ANIM NA SABADO NG BEYBLADE


ni Ferdinand Pisigan Jarin

Unang Sabado ng paglabas niya ng ospital nang hilingin niyang magdiwang na ng kaarawan kahit
hindi pa araw para rito. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling huwag kalimutan ang
regalo at pagbati ng "Happy Birthday, Rebo!" Kailangang di niya malimutan ang araw na ito. Dapat
pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed toys, mini-
helicopter, walkie-talkie, crush gear, remote controlled cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang
paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat nang ito at marami
pang iba sa kanyang kaarawan. Sa kanyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa
araw.

Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng Beyblade kasama
ng mga pinsan.

Tatlong araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw galing sa trabaho.
Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang Beyblade
bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob ng kuyom na kamay o kaya'y sa loob ng kanyang bulsa. Ang
nakapagngangalit, unti unti na namang nalalagas ang kayang buhok. Subalit pinipilit pa rin niyang
maging malakas bagamat talagang di na kaya ng kanyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang.
Nakadudukot na rin siya ng matitigas na butil ng dugo sa gilid ng kanyang gilagid.

Sa labas ng aming tirahan, lubos kong ikinagulat nang tanungin niya ako habang nakasandal sa
aking braso.

"Tay, may peya a?" (Tay, may pera ka?)

Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon itong laman. Agad
akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot, naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na
tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kanyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis
agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nang
kami'y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na mga
kendi sa aming inupuan.

Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga
buhok. Sa kanyang muling pagkairita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang
mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang
bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang pagtatanghal, bagamat di
man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kanyang mga mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang
unti-unting t nawala.

Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na Sabado.
Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng Beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at
hingal sa kanyang pagsasalita. Kaya kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais
niyang sakyan. Ang maliliit na helikopter na tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal.
At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa ibaba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na
siyang nagyayang umuwi. Pagkauwi'y humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.

Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos
ng Pebrero pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kanyang
mga mata at pagtirik nito, ibinuga niya ang kanyang huling hininga.

Namatay siya habang tangan ko sa aking mga bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di
na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua'y pinakawalan na niya ang sunod-sunod
na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino.
Ikaanim na Sabado ng paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado na masisilayan siya ng mga
nagmamahal. Wala na ang Beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng
kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang
magpapaikot at iikot.

Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pag aaralang
tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.

Nasa https://m.facebook.com/notes/msihen-pitoy/anim-na-sabado-ng beyblade-ni-ferdinand-


pisigan-jarin/831128966914744/

________________________________________________________________________
Narito ang isa pang tekstong naratibo. Basahin at gawin ang hinihinging gawaing makikita sa hulihan ng
teksto.

BALKON
ni Luna Sicat

Biglang lumipad ang isang ibon sa sanga at sumama sa nagpapalakpakang mga pakpak.
Mahinang musika, tila sa malayo nanggagaling, palakas nang palakas, lumilipad, umaandap-andap,
hanggang sa dumapo sa isang lumang bahay, sa ikalawang palapag, sa balkon.

Nakaupo ang isang matandang lalaki sa tumba-tumba. Pinagmamasdan niya ang paglubog ng
araw. Walang kakurap-kurap.

Humina ang musika, naging isang bulong, Ang matanda'y nakainom na ng tatlong boteng beer.

Dumaan sa kalye ang mga batang pauwi na, galing sa eskuwela. Maliliksi ang kanilang mga kilos,
parang mga mayang tumutuka ng tinapay sa plasa. Matutunog ang kanilang mga halakhak, singgaan ng
bulaklak ng talahib na lumilipad sa hangin.

Nakakunot ang noo ng matanda, Nakatuon ang pansin sa sulok ng balkon.

Katulad ng isang salamangkerong nagbabaluktot ng kutsarang pilak, walang

kakurap-kurap ang kanyang titig.

Pumasok ang hangin sa kabahayan, isang mananayaw na nanunukso. Dumampi ang halik nito sa
kurtina, nahawi ang mukha ng bahay. Isang nangungulubot na mukha na puno ng lagda sa noo.
Nalalagas ang buhok. Uka-uka ang ngipin.

Kumuliling ang kuliling.

Hinawakan ng matanda ang kanyang noo, pinahid ang pawis doon. Sa kanyang pagpahid, binati
ng kanyang mga daliri ang mga gatlang pinalalim ng panahon.

Umikot ang mga ibong nagpapalakpakan ang mga pakpak, isang ikot lang sa buong kabahayan,
bago tuluyang nawala sa kung saan man.

Dumaan ang nagtitinda ng sorbetes at nagkumpulan ang mga bata rito.


Humigpit ang kapit ng matanda sa hawakan ng silyang kanyang kinauupuan. Umusti ang
kanyang mga ugat.

Kumuliling ang mga mumunting bubog sa kandelabrang nakasabit sa kisame. Sumayaw ang mga
alikabok sa muwebles.

Binulyawan ng matanda ang puting kuting na kumikiskis sa kanyang binti, at sa takot, napasiksik
ito sa ilalim ng sopa. Sakal-sakal ng matanda ang leeg ng bote ng beer.

Nanonood ang matanda sa dula ng mga aninong nakikita niya sa dingding Napapikit siya,
Kumakampay ang mga sanga at lumilikha ng galaw sa mga anino Piyano? May tumutugtog ba?
Nanatiling kimi ang piyanong matagal nang nakatanghod sa gitna ng silid, ang silid na malapit sa balkon.
Nanatiling kimi at itim na itim. Naninilaw na ang teklado

Ngayong hapong ito, may isang piyesang nakahain sa tapat ng teklado. Nakasipit nang mahigpit
ang piyesa.

Lumingon ang matanda sa piyano, Nakakita siya ng mga daliring tumutugtog. Kay-kinis ng balat
ng kamay. Kay-hahaba ng mga daliri. Matimyas na halakhak, ang klink ng mga basong nag-uumpugan.
May humawak ng kamay niya. Kay-lambot ng palad. Hindi ka naglalaba, ano?

Umiling siya, at naamoy niya ang halimuyak, wala siyang maisip ipaparis doon. Siguro, katulad ng
unang hininga ng isang sanggol. Sa ibaba ng balkon, nagwawalis si Nene. Tumigil siya sandali sa kanyang
ginagawa at dinukot niya ang kaha ng Alhambra at posporo sa bulsa ng kanyang kupas na daster.
Nagsindi siya ng isa. Dumura muna siya bago niya isinaksak ang sigarilyo sa bibig. Patingkayad siyang
umupo, bumubungisngis.

Naalala niya ang ikinukuwento sa kanya ng kanyang itay, isa sa mga bibihirang pagkakataon,
kung paano siya binugahan ng usok ng tabako nang akalain nilang lahat na siya'y ipinanganak nang patay.
Nagkikisay siya sa banig at bumunghalit ng isang napakalakas na uha.

Tiningala niya ang balkon at nakita niya ang kanyang itay. Naudlot ang bungisngis, napalitan ng
isang tunog na hawig sa impit ng isang asong bahag ang buntot. Pinitik niya ang abo ng sigarilyo sa linya
ng mga langgam na dumaan. Natutuwa siya kapag ginagawa niya iyon. Iniisip niya na lumilikha siya ng
ambon na abo, Nagkawatak-watak ang linya, at nagkaligaw-ligaw ang mga langgam. Pinitik-pitik niya ang
mga gumagapang na langgam sa kanyang binti. Nakagat siya ng isa, dalawa. Masakit, medyo mahapdi.
Kinakamot niya ang mumunting kagat nang makita niyang may mga nakakalat na punit-punit na papel.
Pinulot niya ang ilang piraso. Tiningnan niya muna ang bawat isa, parang nangingilala ng mukha.
Nakakita siya ng luntian. Isang hardin? Ang balkon, ang mga puting barandilya. Puti, parang kulimlim na
ulap. Mga batik batik na pula. Mga bulaklak na namumukadkad. Isang braso. Kamay na magsalakop.
Maliliit ang mga hugis ng mga piraso, halatang pinunit ng mga kamay na mapaglimi sa galit.

Ang musikang kanina pa umaali-aligid sa buong bahay ay naupo na ngayon sa pasamano.


Tumango-tango na ngayon ang matanda, parang sumasang-ayon sa kausap. Maya-maya'y mahina na
itong humahagikgik.
Napatingala si Nene. May kung anong lindol ang nagpapayanig sa katawan ng matanda sa
balkon. Umuuga ang kanyang balikat, kumukumpas ang kanyang mga kamay. Mukhang tumatawa,
ngunit walang tunog na lumalabas sa bibig. Isang mapurol na hagikgik na kahawig ng tunog ng lababong
barado.

Dinampot niyang muli ang walis. Ipinukpok niya ang ulo nito sa lupa para pagpantayin ang
tingting. Habang nagwawalis, pinagmamasdan niya ang maliit na tumpok na kanyang nalilikha.

Krss, Krss. Isinama na rin niya sa tumpok ang mga sari-saring basura. Nakita niyang napasama
roon ang isang hinabing kokun at ibinukod niya ito mula sa tumpok. Ewan niya kung bakit.

Masakit sa mata ang usok.

Kumakapal ito ngunit patuloy siya sa paghahagis ng mga dahon at sari-saring basura upang silaban. Hindi
na niya inino pa kung ano ang sinasambit ng ama sa balkon.

Diniinan niya ang pagwawalis hanggang sa kumaskas nang mabuti ang tingting sa lupa at
makayod ito. Krss. Krss. Gusto niyang matabunan ng kaskas ng walis ang kung anumang monologong
sinasambit ng kanyang ama.

Kausap na naman ang nasira niyang ina. Krss. Krss. Isang monologong walang katapusan. Krss.
Krss. Ilang beses na niyang narinig ang monologong iyon. Tungkol sa pagtitig sa araw at buwan. Krss. Krss.
Krss. Madaling titigan ang buwan, mahirap titigan ang araw. Isang monologong nag-uumpisa sa mga
hagikgik na nauuwi sa sigaw. Krss. Krss. Sana matauhan na siya. Wala na si Inay. Krss. Krss. Krss. Mas
nauna pa yatang tubuan muli ng mga bulaklak ang bunganga ng isang bulkang sumabog kaysa tubuan
siyang muli ng pag-asa,

Lumalakas ang apoy at naluluha siya sa kanyang sinisigaan. Papunta na siya sa pinto ng bahay
nang marinig niyang sumisigaw ang ama niya. Tinatawag ang kanyang inay.

Nagtinginan ang mga kapitbahay. Dumungaw sa kanya-kanyang bintana. Namulaklak ang mga
bintana sa mga usyosong mata.

Nagmadaling pumasok si Nene. Hindi na rin niya pinansin ang mga matang tila sumugod sa
kanilang kabahayan. Wala na siyang naramdamang hiya. Minsan lang iyon mapo. Noong sumama sa
buwan ang kanyang inay at natagpuan nilang nagbigti ito sa balkon.

- Nasa Relasyon, Mga Kwento ng Paglusong at Pag-ahon, 1999


2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG
TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 5
Aralin: ANG TEKSTONG NARATIBO

Gawain 1: Paunang Pagtataya

Tala ng Gawain 1

Instruksyon: Batay sa sarili mong pagkaunawa, ano ang tekstong naratibo? Idetalye ito
gamit ang 20 salita.

_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
____________________________________________________________________________________________

_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
____________________________________________________________________________________________

_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________________________
2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG
TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 5
Aralin: ANG TEKSTONG NARATIBO

Pagsasanay 1
Instruksyon: Sagutin ang sumusunod na mga katanungan ayon sa nabasa ninyong
tekstong Anim na Buwan ng Beyblade.

1. Anong damdamin ang unti-unting namahay sa iyong puso nang mabasa mo ang
kuwento?

2. Tiyakin at isulat ang mga elementong makikita sa tekstong nabasa mo ayon sa


kahingian nito upang mabuo mo ang story map ng teksto.
a. Tagpuan:
b. Tauhan:
c. Panimulang Pangyayari:
d. Gusot o Tunguhin:
e. Mga Pangyayari:
f. Resolusyon:
\

2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG


TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 5
Aralin: ANG TEKSTONG NARATIBO

Gawain 3:
PERPORMANCE TASK

⚫ Instruksyon: Gumawa ng isang tekstong naratibo tungkol sa isang lugar na iyong


napasyalan noong wala pangpandemia. Gawin ito sa isang short bond paper.
2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG
TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 5
Aralin: ANG TEKSTONG NARATIBO

Gawain 2: Lingguhang Pagtataya

Tala ng Gawain 3

Instruksyon: Pagsunud-sunurin ang mga pangyayari ayon sa takbo ng kwento. Lagyan ng bilang ang
patlang ayon sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, ang 1 bilang pinakauna na susundan
ng 2, 3 at iba pa.

______Nagwawalis at nagsisiga si Nene.

______Dumaan ang mga batang galing sa eskwela.

______Sumisigaw ang matanda sa balkon.

______Naalala ng matanda ang asawang bata pa na magaling tumugtog ng piyano.

______Pumasok si Nene sa bahay.

______Nagsindi ng sigarilyong Alhambra si Nene,

______Kinagat ng mga langgam si Nene sa binti.

______Pinagmamasdan ng matanda ang mga anino sa dingding.

______Nakapulot si Nene ng mga pira-pirasong pinunit na larawan.

______Nagdungawan ang mga kapitbahay at pinanood ang matandang nagsisigaw.

You might also like