Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 9

2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG

TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


Lesson 6
Aralin: ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO

I. Panimulang Nilalaman

I. Layunin:

A. Pamantayang Nilalaman

Nasusuri ang iba’t ibang uri ng binasang teksto ayon sa kaugnayan nito sa sarili,
pamilya, komunidad, bansa at daigdig

B. Pamantayang Pagaganap

Nakasusulat ng isang panimulang pananaliksik sa mga penomenang kultural at


panlipunan sa bansa

C. Pinakamahalagang Kasanayan sa Pagkatuto

Nagagamit ang mabisang paraan ng pagpapahayag: a. Kalinawan b. Kaugnayan c.


Bisa Sa reaksyong papel na isinulat

II. Nilalaman:

ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO


2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG
TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 6
Aralin: ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO

Konsepto ng Aralin
.

TALAKAYIN NATIN:

ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO

Lahat tayo ay gumagamit at nakagamit ng isang uri ng argumentasyon sa ilang


panahon ng ating buhay. Maaaring ginawa ito sa paghingi ng pahintulot sa ating mga
magulang upang payagan na makapunta sa isang lugar, paghingi ng karagdagang
sweldo sa pinapasukang trabaho, o kaya ay pakikiusap ng isa pang pagkakataon sa
isang minamahal na umaayaw na. Lahat na lang ng uri ng dahilan at patunay ay
ginagamit, makuha lamang ang gustong makamit. Maaaring hindi sumusunod sa
pormal na estilo ng pagmamatwid at pagtatalo ang ginamit upang matamo ang nais
makamit ngunit napatunayan ang pinakaepektibong mga paraan ng pagmamatwid sa
ilang pagkakataon. Ang mga napatunayang paraang ito ang muli at muling ginagamit
upang muli at muling makamtan ang hinahangad na "panalo sa mga ninanais.

Ang argumentasyon ay isang uri ng berbal, sosyal at rasyonal na gawaing may


layuning makumbinsi ang isang kritiko ng isang paksa o bagay upang makita at
tanggapin ang mga punto tungkol dito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga
proposisyon na nagpapatibay sa puntong ito. Ang tungkulin ng tekstong argumentatibo
ay ipakita ang mga asersyon gaya ng opinyon, teorya o haypotesis tungkol sa ilang
penomenon na mas tama at totoo kaysa ibinibigay o pinaniniwalaan ng iba.

Hindi madaling magkaroon ng kasanayan sa argumentasyon. Marami ang


naniniwala na basta may opinyon ang isang tao ay maaari na niyang pangatwiranan ito
ngunit madalas na magugulat na lamang sila. Mas marami ang sumasalungat dahil
hindi tama ang kanilang pagpapahayag ng lohika.

Ang tekstong argumentatibo ay nagpapakita ng pagbuo ng mga dahilan,


paggawa ng pagbubuod, paghugot ng mga kongklusyon, at paggamit ng mga ito sa
pinagtatalunan. Paggawa ito ng mga hinuha at proposisyon na hindi pa kilala o
tinatanggap na totoo mula sa mga pangyayari o alam na prinsipyo na tinatanggap o
napatunayang totoo. Nagpapakita ito ng proseso ng pangangatwiran mula sa alam o
hinihinuhang alam patungo sa hindi alam. Kung hindi ito magagawa ay walang
argumentasyon. Mayroon lamang asersyon, isang sanaysay ng hindi mapatotohanang
opinyon.

Maaaring hindi lubusang mapatutunayan ang puntong nais na isulong sa


argumentasyon. Kailangan lamang makumbinsi ang mambabasa na ang isinusulong na
punto ay may merito o halaga, na higit itong tama at kompleto kaysa ibang inihahaing
argumento. Ang mahalaga sa argumentasyon ay ang mga patunay, ang mga ebidensya
na magpapatotoo sa mga inihahaing puntos. Sa maraming pagkakataon ay maaaring
hindi manghikayat ang tekstong argumentatibo sa mambabasa na pumanig sa
pinapanigan o pinaniniwalaan ng sumulat dahil ang layunin ng teksto ay iharap ang
lahat ng ebidensya tungkol sa paksa na maaaring panig o kontra rito. Ang merito ng
argumentasyon ay nae mga patibay o patunay, ang mga ebidensyang magpapakita ng
lahat ng pania ng paksang pinagtatalunan. Karaniwang ipinakikita sa argumentasyon na
ang kabilang panig ay mga lumang impormasyon o hindi nasaliksik nang mabuti
Ipinakikita rin dito na ang mga pahayag ay mga katotohanang kulang o hind lubusan

Alam ng sumusulat ng tekstong argumentatibo na hindi sa lahat ng pagkakataon


ay sasang-ayon ang mambabasa sa panig niya sa pagtatapos ng argumentasyon, at sa
ilang pagkakataon ay hindi ito lubhang mahalaga sa sumulat. Mas mahalagang ang
argumentasyon ay may lohika at may mga puntong mapangatwiranan. Matapos
mabasa ang mga dahilan at rason ng panie ng sumulat, sapat na sa sumulat na
igagalang ng mambabasa ang panig niya kahit na hindi siya (ang mambabasa)
sumasang-ayon sa mga puntos ng sumulat dahil sa mga patunay at katotohanang hindi
mapasusubalian.

PAGKAKATULAD AT PAGKAKAIBA NG MGA TEKSTONG PERSUWEYSIB AT


ARGUMENTATIBO

Kadalasang ipinagpapalit din ang tekstong argumentatibo sa tekstong


persuweysib. Pareho itong may layuning kumbinsihin ang mambabasa na pumanig sa
sumulat ng teksto. Kahit na may maraming pagkakatulad ang mga tekstong
persuweysib at argumentatibo ay may malaki pa ring pagkakaiba ang dalawang ito. Ang
inaasinta ng tekstong persuweysib ay ang damdamin at emosyon ng mambabasa
samantalang ang tinututukan ng tekstong argumentatibo ay ang isip, kabatiran,
kaalaman at rason.

ANG TEKSTONG PERSUWEYSIB

Ang tekstong persuweysib ay sinusulat upang hikayatin ang mambabasa sa


pamamagitan ng pagtumbok sa kanilang emosyon. Karaniwang nagsisimula ang
sumusulat sa pamamagitan ng paghinuhang ang mambabasa ay hindi tama sa
kanyang mga pananaw at gagamitin niya ang tekstong persuweysib bilang paraan
upang ituwid o itama ang mga persepsyon nito. Karaniwang ginagamit dito ang
tradisyonal na ideya ng kung ano ang panlipunang tama at mali at ginagamit ang
mapusok at maapoy na damdamin ng mambabasa upang kumampi at umayon sa
sumulat sa kanyang mga pananaw,

Ginagamit sa tekstong persuweysib ang magkasalungat na mga pananaw ngunit


karaniwang hindi inilalahad ang pagsusuri sa dalawang punto, Sa halip ay sinisikap ng
sumulat na ihayag ang kanyang punto sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga
salita. Madalas na sinisikap nitong akitin ang mga personal na interes ng mambabasa,
tukuyin ang mga kombensyonal na paniniwala at iba pang kilala at palasak na
damdamin ng mambabasa na karaniwang tiyak sa isang partikular na grupo o pangkat.
Kabaligtaran ito ng karamihan sa mga tekstong argumentatibong kadalasang isinusulat
para sa lahat.

Ginagamit ng manunulat ng tekstong persuweysib ang mga emosyong pantao


kaysa mga datos na istatistiks sa paglalahad ng kanyang panig. Nakapokus ang
kanyang paglalahad sa empathy o paglalagay ng sarili sa sitWasyon at mapanghikayat
na mga salita sa pamamagitan ng pagsasalaysay na anekdotal o kaya ay mga
karanasang madaling makiisa ang mambabasa. Kadalasang inihahain sa teksto ang
gustong matamong pagbabago sa damdamin ng mambabasa bilang panalong
sitwasyong retorikal para sa sumulat at gayundin sa mambabasa.

Kadalasang inihahayag sa tekstong persuweysib ang kasalungat na panig at


agad itong itinatakwil sa simula pa lang na sinusundan ng kinakampihang panig ng
sumulat kasama ang mga dahilan at iba't ibang halimbawa. Sa pagtatapos ay
karaniwang hinihiling ng tekstong persuweysib sa mambabasa na "magbago ng
pananaw at sumama sa pinaniniwalaan ng sumulat ng tekstong persuweysib.

ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO

Hinihimay-himay ng manunulat ng tekstong argumentatibo ang lahat ng isyu at


elementong kasangkot sa paksang tinatalakay at ginagawan ito ng analisis sa lahat ng
bahagi at pagkatapos ay bubuo ng kongklusyong konsistent sa tesis ng papel. Sa
pagtatapos ng sanaysay na argumentatibo ay karaniwang ginagawan ito ng pag-uulit ng
lahat ng may kaugnayang patotoo at saka gagawa ng paggigiit na ang interpretasyon
ng sumusulat ang siyang totoo at tama.

May magkatulad na layunin ang mga tekstong argumentatibo at persuweysib.


Parehong layunin nilang makombinsi ang mambabasa na ang mga binanggit na patotoo
ay tumpak at makatwiran. Ang paraan ng pagkombinsi ang pangunahing pagkakaiba -
tumbok ng tekstong persuweysib ang emosyon at damdamin ng mambabasa
samantalang katwiran at analitikal na pagbusisi ang ginagawa ng tekstong
argumentatibo.
BASAHIN MO ITO:

Basahin ang sumusunod na halimbawa ng tekstong argumentatibo at tingnan ang


paraan ng pagkombinsi ng teksto sa paniniwala mo bilang mambabasa.

KALYESERYE
ALDUB, KULTURANG POPULAR AT ANG NAKA-HASHTAG NA POLITIKA NG
ATING PANAHON
nina Mykel Andrada at JC Sibayan

"ALDUB" SA BAHAY AT KLASRUM, palengke at opisina, FX at EDSA. "Sa Tamang


Panahon sa Facebook at Twitter posts, maging sa hirit ng mga politiko. Tinatawag na
"Lola Nidora" si Commission on Higher Education (CHED) Chair Patricia Licuanan.
"Rogelio" na ang tawag sa pulis man, sikyu o sundalo.

Labas sa studio at sa mga kahon ng telebisyon at internet, ano nga ba ang


nakikita, nararanasan at nalilikha ng manonood sa tinaguriang Kalyeserye? Sa
panahong inaakala ng ilan na heto na naman, nilalamon na naman tayo ng halimaw na
lohika ng kapital, ano nga ba ang partisipasyon ng manonood sa pag-usad ng noontime
narrative?

Hashtag

Sa akdang Critique of Everyday Life ni Henri Lefebre, pinag-aralan niya ang


sosyolohiya ng araw-araw na buhay, Sinubukan niyang ipaliwanag ang sosyolohikal na
dimensyon ng "libangan" at "pahinga" - mga bagay na inaasam ng tao, laluna ng sagad
sa trabaho at hikahos sa buhay. Magkaiba ang konsepto ng leisure batay sa sosyo-
ekonomikong katayuan sa buhay: cafe, sine, libro, amusement park, simpleng park,
radyo, telebisyon, Facebook, YouTube, tulog. Literal na pahinga.

Ang mga napanonood sa telebisyon ay iniluwal, sa pangunahin, ng ethos at


kapitalismo. Sa lenggwahe ng internet. Nakatala o naka-hashtag - pinagsama-sama,
pinagtagpi-tagpi - ang buhay ng bayan. Nangangahulugan ito na gaano man ka
progresibo o ka-reaksyonaryo ang nilalaman ng isang produktong itinelebisa tulad ng
kalyeseryeng AlDub ay nakapaloob na ito sa mundo ng kapital. Puhunan ang AlDub na
ikinakalakal sa manonood.

Sa kasaysayan ng telebisyon bilang kapital at kultural na produkto, naitakda ito


bilang libangan o aliw. Pinalilitaw nito na ang panonood ay payak na patunghay lamang
na ang manonood ay pasibong tagatanggap ng anumang mensaheng idinuduldol sa
kanya.

Ayon kay Lefebre. "leisure and world and private life make up a dialectical system, a
global structure we can reconstruct a historically real picture of man and the human at a
certain stage of alienation and disalienation."
Taliwas ang misnomer na ang manonood ay "abangers" lang o "taga-abang" lang,
tagasubaybay, tagatanggap lamang ng anumang kayamanan o basurang ihahain ng
telebisyon, sine at internet; ang masang manonood ay aktibong manlilikha ng teksto at
kahulugan.

Samakatuwid, sa Kalyeseryeng AlDub, may interpelasyon ang manonood yayakapin,


itatatwa o lilikha ng bago mula sa nasubaybayan - may kakayahang suriin ang kanilang
sitwasyon. Maaaring ilugar ang kanilang sarili sa loob ng palabas, o di kaya'y ilabas ang
sarili mula sa kinapapaloobang mga estruktura at espasyo.

Munting Teatro.

Street smart, ispontanyo at puno ng improbisasyon at inobasyon ang Kalyeserye. mga


kultural na dekonstruksyon ng espasyo ng telebisyon.

Sa katunayan, malapit sa konsepto ng street theater" ang AlDub - may konting script
pero mas maraming adlib, at literal na nasa kalye ang kalahati, habang ang kalahati ay
nasa studio. Ang split-screen sa telebisyon ay equibokasyon ng intextuaity ang
dalawang lunan ay napatatagpo sa pamamagitan ng teknolohiya ng kamera at
transmisyong elektroniko.

Kung tutuusin, alanganing teleserye, alanganing noontime show ang AlDub Madalas,
parang mahabang MTV ang 30-minutong segment na Ito dahil sa palitan ng mga
dubsmash nina Alden at Yaya Dub, at panaka-nakang pagsingit nina Lola Nidora,
Frankie (Jose Manalo) at Jimmy Santos.

Ang kultural na dekonstruksyon ay masisipat din sa mga sikolohikal linggwistikong


interbensyon ni Paolo Ballesteros. Dati'y mga susing salita lamang tulad ng "babala"
ang hinahanapan nila ng Ispontanyong katuwaan, isinisingit ni Paolo ang asawa ni?" sa
mga linya ni Lola Nidora tulad ng sa bag... asawa ni... sabog.

Sa mga neokolonya tulad ng Pilipinas, ang dekonstruksyon ay kultural na pag aangkin


din. May pag-aangkin sa pamamagitan ng pagbabago ng orihinal na pamagat na
Thinking Out Loud ni Ed Sheeran. Dahil chorus ng nasabing kanta ang dina-dubsmash
ni Alden, ang natatak sa manonood ay ang unang mga salita nito, Darling I na magiging
Dalingay sa improbišasyon ni Lola Nidora. Ang ganitong mga pag-aangkin o inobasyon
ay matutunghayan din sa iba pang politiko-kultural na aspeto ng bansa: habal-habal,
ispageti, impersonators, at sa mismong mga programa sa telebisyon.

Tamang Panahon

Split-screen ang pag-iibigan at pakikipagkomunikasyon. Ang pagkikita'y inaabangan,


hinahadlangan, inaantala, kaya higit pang kinapapanabikan. Ang sagot sa tanong na
kailan na magkikita sina Alden at Yaya.
Ito rin ang nagiging awtomatikong sagot sa lahat ng mga tanong. Kailan magkakaroon
ng electric fan sa klasrum? Kailan titigil ang pagbaha? Kailan magigising sa
katotohanan? Sa tamang panahon.

Ang kalyeserye ay gumagamit ng pormat at pormula ng hinahadlangang pagmamahal.


Itinuturo ng palabas, malay man o di-malay, na dayalektikal ang pagmamahal. Sa
panahon ng text at internet, hinahayaan ng Kalyeserye ang manonood na muling
paglimian ang pilosopiya ng pag-ibig.

Kontra-puntal sa metapisikal na konsepto ng pag-ibig ang inilalahad ni Lola Nidora:


"Ano 'to, nag sign lang, love na? Text-text lang, kayo na? Lahat ng bagay, nasa tamang
panahon." Dahil ang pag-ibig ay hindi lamang kilig o tadhana, kundi isang sosyo-
politikal at emosyonal na relasyong binubuo at pinatatatag.

Komedya ng mga Kamalian

May hibo ng political satire ang Kalyeserye, malay man o hindi. Kinailnisan,
kinatutuwaan, pinagtatawanan at minamahal ang tauhang si Lola Nidora (Wally Bayola).

Nirerepresenta ni Lola Nidora ang tiwall, matapobre, mukhang pera, bayolente, at


kurakot Ipinapamalas ni Lola Nidora ang sinasabi ni Mikhail Bakthin na camivalesque.
Sa karnabal, ang mga naghaharing uri na isinalarawan ay ineeksahera, pinagtatawanan,
binabato ng kamatis. Doon ay may temporal ngunit kolektibong kapangyarihan ang
masang inaapi na makaganti o makahanap ng hustisya, kahit sa simbolikal na arena
lamang.

Ang mga kalye sa Kalyeserye ay nagiging karnabal - espasyo upang ang abusado sa
katauhan ni Lola Nidora ay ating pinagtatawanan. Kasama sa nagpapalubha ng
katatawanan ay ang comedy of errors o komedya ng mga kamalian ng represibong
aparato ni Lola Nidora - ang mga bodyguard na Rogelio. Pare-pareho ng shades at
damit, kilos at hilatsa ang mga Rogelio, Pare-pareho ring dispalinghado. Madalas ay
Ispontanyo, sinasadya ng Rogelio na mag-epic fail ang masasamang plano ni Lola
Nidora.

Sa komedyang ito, ang trahedya ng nagahaharing uri - ang pagkaudlot at


pagkaunsyarni ng kanilang kasamaan ay ang tagumpay ng manonood.

Sa dulo, nasa ating manonood ang pagkatuto. Kailangan nating unawain na ang buhay
- ang totoong mga kalyeserye ng ating buhay - ay komedya, drama, satire, pangarap,
pag-asa. Ang mga tunggalian ay kasingkapal ng ating buhok o kasinlalim ng ating
buntong-hininga. 'Ika nga ni Lefebre, conflicts are not in the realm of thought alone, but
in everyday life." At naroroon, sa pagharap sa mga tunggalian, ang tunay na kalyeserye
ng bayan at sambayanan.

- Nasa KULE, CLASS STRUGGLE,


Opisyal na lingguhang pahayagan ng
UP - Diliman, Agosto 18, 2015, p. 6
2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG
TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 6
Aralin: ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO

Pagsasanay 1
Instruksyon: Gamit ang Venn Diagram paghabingin ang pagkakatulad at pagkakaiba
ng mga tekstong persuweysib at argumentatibo.
\

2ND Semester PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG


TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK
Lesson 6
Aralin: ANG TEKSTONG ARGUMENTATIBO

Gawain 3:
PERPORMANCE TASK

 Instruksyon: Gumawa ng isang Tekstong Argumentatibo batay sa napapanhong


paksa. Gawin ito sa isang bondpaper.

You might also like