Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

ANG KORONA NG NASYONALISMO

SA TINUBUANG LUPA: PAGRAMPA NG WIKA

SA PANAHON NG ELEKSIYON

Isang Repleksyong Papel

na iniharap kay Prop. Ricamela Palis

Bilang Pagtupad sa Kahingian ng Asignaturang

Fil 40: Wika, Kultura, at Lipunan

Ni:

Pillas, Jobert D.

Fil 40 THR-2

AA in Malikhaing Pagsulat sa Filipino

Unibersidad ng Pilipinas – Diliman

OKTUBRE 2023
Ngayong paparating na naman ang eleksiyon marami na
namang mga magsasabing kandidato nang ganito: “Mahal ko ang
bayan. Mahal ko kayo!” Subalit, paano nga ba natin tunay na
masusukat ang kanilang mga salita na animo’y nagpapakita ng
pagmamahal sa tinubuang lupa? Naalala ko agad ang katatapos
lang na isang pageant ang The Miss Philippines 2023.

Nasungkit ni Alethea Ambrosio, mula sa Bulacan, ang korona matapos magbigay ng


kasaysayan sa mundo ng pageantry dahil sa kaniyang maka-Filipinong pagtindig at pagsagot sa
katanungang, "What is the true identity of a Filipino and how do you intend to promote it to the world?”

Wika ni Ambrosio: “Para sa akin, tatlo ang


sumasagisag sa totoong pagkakakilanlan nating
mga Pilipino. Dahil tayo ay isang kapuluan at
mayroong iba't ibang etnisidad at lenggwahe. Iisa
ang ating wika. Pangalawa, ang ating kulay
kayumanggi na sumasalamin sa ating kasipagan
tulad ng mga magsasaka, babad man sa araw, at
babad man sa tubigan, masipag na nagtatanim at
nagiisa. At pangatlo, ang pagmamahal sa bayan.
Ang ating pakikipaglaban para sa ating kasarinlan
ay iisa.”

Sa gitna ng usapin ng Mandatory Reserve Officers' Training Corps (ROTC) na pinamumunuan


ng mayorya at patuloy na niraratsada sa konggreso at senado, may isang Alethea na tumindig at
nagbigay ng pagpapakahulugan sa nasyonalismo sa pamamagitan ng pagkakakilanlang Filipino. Una,
binigyang pansin ni Ambrosio ang wika bilang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Naging instrumento
niya ang wikang Filipino bilang midyum ng pagsagot sa naturang timpalak, at pinatuyan niya rito ang
kahalagan ng wika, hindi lamang sa identidad ng bansa kundi sa pagbibigay daan upang sipatin ng mga
Pinoy ang ganap na pagmamahal sa Pilipinas.

Sa ganitong pamamaraan, masasabi nating


mas mahalaga na pagtuunan pansin ng ating mga
mambabatas ang paglilinang sa ating wikang Filipino
bilang kasangkapan ng nasyonalismo ng mga
Pilipino, sa halip na pagpipilit sa MROTC na
nagpapakita ng hindi makatarungang pagsisiil sa
pang-akademikong kalayaan at karapatan ng
kabataang pumili na umaangkop sa kanilang
kakayahan. Tandaang mas makapangyarihan ang
pulbura ng wika kaysa sa bala ng mga baril. Gaya ng
tinuran ni Dr. Peregrino sa isang panayam, tulad ng
wika ng politika ito ay wika ng taumbayan. Ngayong panahon ng eleksiyon, natutunghayan natin ang
paggamit ng mga kandidato sa wika ng mamamayan
dahil dito sila bumubuo ng kaisipan upang mahikayat
ang mga botanteng sila ang piliin. Mahihinuha rito ang
malakas na papel ng wika sa paghubog ng
nasyonalismo; dahil nabibigyan ng pag-iisip ang mga
Pilipino na piliin ang tamang lider ng bayan. Nililinang
din nito ang bawat isa sa pag-iisip sa batayang nilalapit
sa pagmamahal sa bayan.

Makikita rin natin, sa kabilang banda, ang paggamit ni Alethea ng simbolismo para ipakita ang
pagkakakilanlang Filipino. Ang simbolismo ay tunay na mahalaga sa pagsipat ng nasyonalismo sa ating
bayan. Bagaman ito ay nakatali na at hindi na mababago, masasabing maaari pa rin itong maiugat ang
isang binhing pagtutubuan ng paggamit ng wika tungo sa pagbuka ng bulaklak ng pag-ibig sa bayan,
tulad ng ginawa ni Ambrosio.

Ang wika at simbolismo ay magkaugnay na pumapanday sa pagmamahal sa bayan, na ikatlong


pinunto ni Alethea. Sa patuloy nating pakikibaka sa mala-piyudal at mala-kolonyal na estado ng
Pilipinas, wika at simbolismo ang pinakanagiging mabisang paraan ng pagpapabagsak sa mga ito;
sapagkat una nitong itinutuwid ang baluktot na katwirang pilit na pinapasubo ng mga nasa tuktok ng
tatsulok na lipunan. At sa tulong ng pagpapayaman sa kultura ay mabubuhay nito ang wika at
simbolismong kapwa nakatali rito upang maipamalas ang ganap na nasyonalismo sa ating bayan.

Halimbawa nga sa panahon ng eleksiyon, ang kandidatong gumagamit ng wikang Filipino ay


dapat pa ring suriin; dahil hindi sapat ang salita kung walang paglakad ng mga satsat. Kaya malaki ang
din maitutulong kung makikita mo ang isang politikong may paggawa na sumisimbolo sa ating pagka-
Filipino; dahil ito ang huhubog sa pag-buo ng kaisipan kung tunay niyang mahal ang bayan at kaniyang
mga kababayan.

Tulad ng winika ni Andres Bonifacio, walang hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila sa pag-


ibig sa tinubuang lupa. Kaya nga, ang buwan ng Agosto ay hindi ritwal lamang ng pagbabalatkayo na
animo’y mahal ang wikang pambansa. Marapat na matuto sa sinimulang pagtindig ng mga tulad ni
Alethea Ambrosio na Pilipino sa isip, salita, at gawa. Ginagamit at nililinang wikang Filipino salig ng
mga simbolo at kulturang nakatali rito, kaalinsabay sa pagrampa ng bawat indibidwal sa korona ng
nasyonalismo sa bansa. Dahil ika nga, ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; ang sa Pilipino ay sa Pilipino. Kaya
suotin na nang permanente ang wikang Filipino habang rumarampa saan mang panig ng mundo; at
inaalembong ito hindi lang bilang pagkakakilanlan, kundi bilang isang simbolo ng pagpapakita ng
dalisay at dakilang pag-ibig sa tinubuang lupa! Higit pa rito, sa panahon ng eleksiyon matutuhan nating
tignan ang mga kandidato nang walang kolorete o make up na tulad ng pagpapaputi sa maitim nitong
pagnanasa, bakus sipatin nang mahusay ang natural nitong estetika sa kung sino ang tunay na
nagmamahal nang tama alang-alang sa bayan.

Sanggunian:

Acebuche, Y. Get to know Alethea Ambrosio, the new Miss Philippines 2023. Oktubre 25, 2023. Sinipi
mula sa PhilStar Life: https://philstarlife.com/celebrity/230752-get-to-know-alethea-
ambrosio-the-new-miss-philippines-2023?page=2.

GMA Integrated News. NTG: Panayam kay Jovy Peregrino, Assoc. Prof., Dept. ng Filipino at Panitikan
ng Pilipinas, UP. Agosto 23, 2012. https://youtu.be/DpVZ4oBS7JI?si=h6j-NB-W6dCpjrRR.

You might also like