Tunog ng yabag ng mga paa, katahimikang bumabalot sa bawat kuwadra sa
kadahilanang masyado pang maaga, habang mag-isa kong tinatahak ang malaking espasyo ng bawat pasilyo at walang sawang pinagmamasdan ang bawat tanawing nadaraanan. Ito ang nakasanayan ko tuwing umaga, pagpasok sa eskwela. Ngunit ngayon tila ba may kakaiba.. Tunog ng martilyo ang umaabot sa aking tenga, mga ingay mula sa pagpuwersa ng mga lakas, tanaw na tanaw ko rin ang mga taong tila ba nagbabayanihan sa pagbuhat ng nagbibigatang mga materyales para sa konstruksiyon ng isang bagay. Nagtaka ako bigla, ano ba ang kanilang ginagawa? Alas sais ng umaga, habang tinatahak ko ang pasilyo patungo sa aming silid- aralan, natatanaw ko ang nagtitimpunang mga trabahante na may pamilyar na istrukturang sinisimulang itayo – silid-aralan. Alam kong hindi na bago o kataka-taka ang pagpapatayo ng panibagong pasilidad ngunit ng marinig ko ang balita at nasilayan mismo ng aking mga mata ang pruweba ay tila lumundag ang buong kalamnan ko sa tuwa. Paniguradong hindi lang ang ako ang nagalak dahil kung titingnan ang saan mang sulok ng paaralan ay masisilayan ang mga ngiti at matang nadagdagan at nabuhayan ng pag-asa. Sino ba naman ang hindi matutuwa, hindi ba? Saksi ako sa mga mag-aaral at gurong walang mga sariling silid-aralan na sa labas na lamang nagsusumikap may maituro lamang, dahil sa kakulangan ng pondo para sa pagpapatayo ng panibagong pasilidad. Sila’y nagsumikap na magturo at makinig ng hindi nakapalibot ang isang parisukat, ang apat na sulok na silid. Ngunit, balewala ang ingay sa paligid. Balewala ang hamong hatid ng panahon para sa mga mithiing nais nilang marating. Dagdag pa rito, ang nagsisiksikan at naglalakihang bilang ng mga estudyante sa loob ng isang silid-aralan. Init. Ingay. Ito ang sitwasyong kadalasan nilang bukambibig. Ngunit, ngayon wari ko’y unti- unti ng huhupa ang hinaing ng mga tinig na nag-iingay ng may dahilan, ng may kabuluhan. Ika 22 ng Pebrero, taong 2024, isinagawa na ang Groundbreaking Ceremony para sa panibagong tayong pasilidad sa Can-avid National High School sa tulong ni Congressman Marcelino “Nonoy” Libanan. Ang lahat ay nagkasiyahan, nagkamayan, nagpasalamatan, nagkantahan, sayawan, at ang hindi makakalimutang paunang basbas para sa panibagong tayong biyaya. Kay ganda ng salubong ng taon, kay gandang regalo para sa mga estudyante’t guro na puno ng determinasyon. Ang panibagong silid-aralan ay hindi lamang basta silid-aralan, ito ay isang senyales na may pag-usad na nagaganap. Dito naipapakita na may ginagawa ang mga nakaatang lider ng bayan upang maipalagay sa maayos na estado ang kanilang mga nasasakupan. Ito rin ang simbolo na may iba pa palang hindi nagbubulag-bulagan sa kahirapan kahit nasa tuktok na sila ng buhay; na may ginagawang aksiyon upang matugunan ang isa sa mga pinaka kailangan ng mga kabataan – ang pag-aaral. Kasabay ng pagtayo ng panibagong silid-aralan, ay ang pagtayo rin ng mga kabataan upang isulong ang buhay na nais nilang mapasakamay. Kasabay ng pagtayo ng panibagong silid-aralan, ay ang pag-alab ng mga puso’t damdamin ng bawat mag- aaral. Kasabay ng pagtayo ng panibagong silid-aralan, ay ang pagbuo ng panibagong ala-ala at istorya. Kasabay ng pagtayo ng panibagong silid-aralan, ay ang pagkabuhay muli ng mga pag-asa at pangarap na minsan ng nabalewala at nakaligtaan. Kasabay ng pagtayo ng panibagong silid-aralan, ay ang pagpapatibay sa pundasyon upang walang epekto ang anumang kalamidad na dumaan dito. Kung ang parisukat na silid-aralan ay may pundasyon, ang parisukat na ito naman ang nagsisilbing matibay na pundasyon sa makabuluhang misyon na sinusulong ng bawat kabataan sa kasulukuyang panahon. Parisukat, ang pundasyon ng bawat pangarap.