ASDFGHIKJHGFDSA

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 20

Pagsisiyam sa Karangalan ng

Mahal na Birhen ng Santo Rosario

UNANG ARAW

Panginoon kong Hesukristo, Diyos na totoo at tao namang


totoo, gumawa at sumakop sa akin, pinagsisisihan kong
masakit sa tanang loob ko ang dilang pagkakasala ko sa
Iyo, na ikaw nga ang Diyos ko, Panginoon ko at Ama ko,
na iniibig kong lalo sa lahat, nagtitika akong matibay na
matibay na di na ako muli-muling magkakasala sa Iyo, at
nagtitika naman akong magkukumpisal ng dilang
kasalanan ko. Umaasa akong patatawarin Mo rin alang-
alang sa Iyong Mahal na Pasiyon at pagkamatay Mo sa
Krus, dahilan sa akin. Siya nawa.

Panalanging Gagawin sa Araw-araw

O maawaing Birhen! O mairuging Ina! O katamis-tamisang


Maria, aliwa’t takbuhan ng mga maksalanan, taga
pamagitan sa Diyos at sa mga tao! O lubhang mapalad na
sasakyang sumaklolo sa mundong napahamak sa lalong
masamang pagkalubog sa pinakadagat ng kasalanan! O
maningning na bahaghari ng kapayapaan, na nag-bigay
katapusan sa mga paglalaban ng lupa’t langit, at
pinapagkasundo Mo ang Diyos na pinagkasalanan at ang
nangagkasalang anak ni Adan! O kalapating kalinis-
linisan, na sa pagdadala ng sangang mayabong ng lalong
mabangong oliba ay nagbalita Ka ng kapayapaan dito sa
bayang kahapis-hapis! O Inang mahabaging, na sa
pagkakita Mong nagugumon ang mundo sa lusak ng
dilang masasamang asal, at malapit nang mapahamak sa
laki ng matuwid na kagalitan ng pinagkasalanang Anak
Mong si Hesus ay ipinahayag Mo sa Iyong debotong si
Domingong anak sa hinirang ng Iyong puso ang lalong
magaling na gamot, matibay na kuta at tiwasay na
sakdalan ng Santisimo Rosaryo, na siya mandin ang
ikinapagbago ng buhay ng mga bayang Kristiyano, at
ikinapagkamit ng tawad sa lalong katakutakot at napupuot
na Hukom! Ipagkaloob mo sa amin , O Inang lubhang
mahabagin, na sa kabagsika’t karapatan nitong kagaling-
galingang debosyon ay matuto kaming magpayapa sa
nagniningas na puot ng ating Diyos at Panginoon, at sa
isang mataimtim na pagsisi at marapat na
pagpepenitensiya’y mapawi ang mga kasalanang
nakapagpapapukaw ng Kaniyang galit sa amin, at
makapagsauli kami sa Kanyang mahal na grasya’t
kalugurang Ama: at kung kami’y makapagkamit ng
patawad sa masintahin Mong Anak, at mamamahay sa
Kanyang mahal na puso’t maging dapat naman naming
marinig yaong mapalad na bendisyon o pagpapala:
Magsiparini Kayo, mga pinagpala ng Aking Ama’t Ama
naman niyo, at inyong tanggapin ang kahariang
nahahanda sa inyo mula ng lalangin ng Diyos ang mundo:
magsiparini kayo, mga pinagpala ng Aking Ina’t Ina naman
ninyo at inyong kamtan ang ligayang panonood sa
karikitdikitan Niyang mukha at ang maningas na pag-ibig
sa inyo ng katamis-tamisan Niyang puso sa
kaluwalhatiang walang hanggan. Siya nawa.

Panalangin sa Unang Araw


(IKA-28 NG SETYEMBRE)

Aba, Ginoong Maria, mahal na ibon sa Paraiso: aba,


kalapating walang kasinlinis, na naglihi lalang ng Diyos
Espiritu Santo sa Ikalawang Persona na nagkatawang tao
sa lubos na ligaya ng puso Mo: aba, Esposang
malumbay,na nagpanangis sa di maulatang hirap ng
mahal na Pasyon ng Iyong Hesus: aba, Birheng lubhang
mapalad na naglihi’t di nasiraan ng kalinisan ng pagka-
Birhen, hindi nagdalang sakit sa pagdadalang tao at hindi
nagdamdam ng hirap sa panganganak: aba, Inang kaibig-
ibig, na hindi nadapuan ng anumang kasalana’t hindi
narapatan ng ating mga pagdurusa. Sa kabagsikan nitong
mga Aba Ginoong Mariang ibinati namin sa Iyo’y iligtas
Mo kami sa mga kahirapa’t karalitaang ipinamana sa
buong kainapuhan niya ng kauna-unahang ina nating
salaring si Eva: palitan Mo po, ng kapatawaran ang
pananangis sa kasalanan at gantihin Mo ng kaluwalhatian
ang pagtitiis ng kaparusahan. Siya Nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Katapusang Panalangin sa Araw-araw

O kagaling-galingang Diyos na dahil sa malaking pag-ibig


Mo sa amin ay ipinagkaloob Mo ang bugtong na Anak Mo
at nang sa pamamagitan ng Kaniyang buhay, pagkamatay
at pagkabuhay na mag-uli ay magkamit kami ng
kabuhayang walang hanggan! Idinadalangin po namin sa
Iyo na kaming nagninilaynilay ng mga misteryo ng
pagtubos sa amin na nalalaman sa Santisimo Rosaryo ng
kamahal-mahalang Birheng Maria’y matutong maglingkod
sa Kaniya ng buong sinta’t kababaan ng loob at nang
kung kami’y sumunod sa mga magagaling na
halimbawang ibinigay sa amin ni Hesus at ni Maria ay
makamtan naman naming ang ganti’t biyayang
ipinapangako nitong dalawang Mag-Ina, lalung-lalo na ang
grasyang idinaraing naming dito sa pagnonobena; at saka
naman ang isang magandang kamatayan at nang kami’y
magkapagpuri sa Kanila kasama ng mga anghel
magpasawalang hanggan. Siya nawa.
DALIT

Araw-araw ay sumaya ng matamis na ligaya.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Malaking kapangyarihan nitong Trinidad na mahal siyang


nagtanim ng Rosal Tribunal ng kaawaan, Sa ganitong
kamahalan Birhe’y sambahi’t luhuran.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Aming utang Inang tuna yang pag-ibig Mong mataman


kaya po handa na naman bating kapakumbabaan, ang
Ave, ipagdiriwang, wikang pang-alis ng lumbay.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Tao’t anghel ay magpisan, Ave, awiti’t idangal dalit na


kinalulugdan ng mga taingang banal at ang dimonyong
kaaway nailag sa gayong diwang.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)


Sa sinapupunang mong banal doon nagkatawang tao
dahilang ipinarito kahinayangan sa tao, Rosal kang sakdal
ng bango nangayupapang totoo.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Ang Rosal at tronong mahal nagdala ng Rosang hirang sa


malaking kabanguhan ay magmumula ngayong araw
Prekursor ay napawian dating salang orihinal.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Ipinanganak si Hesus ninyong Inang maalindog gamut at


siyang sumakop sa sala nating tibobos, dahilan sa
pagkalunos nitong mag-Inang sing-irog.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Ipinasok sa Simbahan ang Rosang bango ay sakdal at


inihain ang buhay tubos na kapangakuan. Ama’y napawi
ang lumbay at ang galit ay naparam.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)


Tatlong araw na nawalay ang Anak na kaibigan di
masabing kalumbayan. Birhen ang Iyong dinamdam,
pagdalangin ay mataman nawili sa Iyong kamay.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Yaong bulaklak na ibig dugo ang ipinawis kulay pa’y


kahapis-hapis sa sala namin ay bihis nang mapayapa ang
init sa Diyos na pagkagalit.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Yaong mukhang pinagtampal nitong Korderong timtiman,


hinampas ng walang bilang, hinalay at pinatungan,
hanggang sa Krus namatay nagtiis, at kaawaan.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Roseo Kordero ang tawag niyong si Bernardong liyag ang


sa Ina nama’y Rosas sa mundo’y ipinahayag, kaya Siya
nagging lunas gamut sa sala ng lahat.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Buhay sa Rosa aurora, si Hesus araw sa ganda, nang


Siya’y mabuhay na pang-aliw Mo po sa, Señora, Rosas
ang nakakapara ng dibdib Mong guminhawa.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Nagdamit ng bulaklak nang sa langit paitaas, ang nagging


pinto’y ang sugat na papasukan ng lahat, sa tulong Mo
Birheng liyag mararating nami’t sukat.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Ang Rosaryo’y siyang simbahan nitong mapagbigay-


buhay sa puso nating mamahay nang datnin ang
kaaliwan, pulang kolor kung pagmasdan, Rosas ang
siyang kabagay.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Sa langit, kinoronahan luwalhati’t di maisinsay sa mundo’y


di malimutan at pintakasing matibay, awa’y hindi mabilang
sa taon’y ibinibigay.

(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

Araw-araw ay sumaya ng matamis na ligaya.


(Dasalin ng buong sinta ang Rosaryo ni Maria.)

ANTIPONA

O magandang palad na Ina, Birheng kalinis-linisan,


luwalhating Haring Reyna sa mundo! Ipagkaloob Mo po
ang Iyong mahal na tulong sa lahat ng nagsisipagdiwang
ng kapistahan ng Iyong Santisimo Rosryo.

V. Haring Reyna na Santisimo Rosaryo, kami’y


ipanalangin Mo.
R. Nang kami’y maging dapat magkamit ng pangako ni
Hesus.

PANALANGIN

Diyos at Panginoon naming, ang bugtong na Anak Mo’y


siyang ikinapagkamit naming ng kagalinga’t kabuhayang
walang hanggan sa pamamagitan ng Kanyang
pagakakatawang-tao, pagkamatay at pagkabuhay na
maguli: ipagkaloob Mo po sa aming nagninilaynilay nitong
Santisimo Rosaryo ni Ginoong Santa Maria, ng kami’y
matutong umalinsunod sa mga magagaling na aral na
doo’y itinuturo sa amin, at gayon din naman magkamit
kami ng mga grasya’t biyayang ganting ipinangako sa
amin alang-alang kay Hesukristong Panginoon naming, na
kapisan Mo’t ng Espiritu Santong nabubuhay at naghahari
magpasawalang hanggan. Siya nawa.

V. Tayong mga taong kahabag-habag.


R. Pagpalain ng dalwang Mag-Ina.

Panalangin sa Ikalawang Araw


(IKA-29 NG SETYEMBRE)

Aba, Ginoong Maria, karikit-dikitang liwayway, na sa


panganganak Mo sa lalong masinag na araw ng
katuwirang si Hesus ay niliwanagan Mo itong aming
madilim at nagpipighating lupa. Mariang karagatan ng
madlang kapaitang tiniis Mo sa gitna ng mga matataas na
daluyong ng mahal na Pasion: Mariang Haring Reyna’t
Panginoon ng lahat, na pinataas na lalo sa tanang kinapal,
nang patungan Ka ng Santisima Trinidad ng korona ng
pagkahari ng langit at lupa. Aba, Maria na talang
maliwanag sa dagat, durungawan sa Paraiso, pinto sa
kabuhayang walang hanggan: liwanagan Mo kami, O
maningning na bituin! At sa masinag na ilaw ng iyong
Santisimo Rosaryo’y pawiin Mo ang makamamatay na
kangit-ngitang nagdidilim sa mga mata ng aming loob,
palitan Mo ng kapaitan ng pagpepenitensiya ang
kaligayahang iniaalay sa amin nitong magdarayang
mundong nagpapahulog sa amin sa kasalanan. Ay
yayamang tinatanganan Mo ang setro ng pagkahari sa
lupa’t sa langit ay isauli Mo itong mga pinapanaw na anak
ni Eva sa kaligayahang walang hanggan sa langit. Siya
nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ikatlong Araw


(IKA-30 NG SETYEMBRE)

Aba, Ginoong Maria, napupuno Ka ng grasya: puno


ng grasya ang kalinis-linisan Mong sinapupunang
tinatahanan ng May-lalang ng lahat ng grasya; puno ng
grasya ang mahal mong pusong mapalad na sisidlan ng
kapuspusan nng mga grasya; puno ng grasyng
pinakikinabangan ng mga Santos at ipinamamahagi
naman sa mga makasalanan. Puno ng grasya’t sa
kapununan Mo’y nagmula ang pagtubos sa amin at
inaasahan naming ang ganting walang hanggan.
Tulungan Mo kami, O Inang puno ng grasya! At alang-
alang sa kamahalan ng Aba Ginoong Mariang ibinabati sa
Iyo ng Arkanghel, at sa mga misteryo ng Iyong Santisimo
Rosaryo’y Makita naming muli ang mahalagang hiyas ng
mahal na grasyang nawala sa amin dahilan sa kasalanan,
at itong landas na lupa ng aming mga kaluluwa’y luminis
sa mga tinik ng masasamang ugali at magsuot ng marikit
na damit ng mga kabanalang kristiyano. Siya nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ika-apat na Araw


(IKA-1 NG OKTUBRE)

Aba, Ginoong Maria, napupuno Ka ng grasya, ang


Panginoong Diyos ay sumasa-Iyo: simasa-Iyo nga dahil sa
lubos na pagkakaisa ng loob Mo’t ng kalooban ng Diyos;
sumasa-Iyo dahil sa totoong pakikiratig sa katawan Mo sa
pagkapersona ng Anak ng Diyos; sumasa-Iyo dahil sa
mataimtim na pagkakaibigan Ninyong Mag-Ina, at ang
Anak Mo’y Anak din ng Diyos! Ang Panginoon Diyos ay
sumasa-Iyo, parang mapagmahal na Panginoon sa
Kaniyang pinakamamahal na alipin, parang masintahing
Esposo, parang mabait at masunuring Anak na Kaniyang
iginagalang at iniibig na Ina. O kataas-taasang Haring
Reyna! Yayamang nasasa-Iyong mahal na kamay ang
kapangyarihang walang hanggan ng Diyos ay ipagkaloob
Mo sa amin, na sumasaamin naman ang kamahl-
mahalang Anak mong si Hesus; suma-saamin nga sa
isang tutuong pagkabago ng aming mga puso’t loob, at sa
marapat na pagtanggap naming ng kaniyang kasantu-
santusang Katawa’t Dugo sa Santisimo Sakramento. Siya
Nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ikalimang Araw


(IKA-2 NG OKTUBRE)

Aba, Ginoong Maria, napupuno Ka ng grasya, ang


Panginoong Diyos ay sumasa-Iyo bukod kang pinagpala;
pinagpala Ka nga, sapagkat Ikaw lamang ang hindi
naramayan ng mga sumpa’t parusa ng Diyos sa lahat ng
ibang mga babaeng anak ni Eva, at Ikaw lamang ang hindi
nagdamdam ng anumang hirap sa mapalad at
maluwalhating panganganak Mo; pinagpala Ka sapagkat
Ikaw lamang ang sumaklolo sa kapahamakan ng buong
kainapuhan ni Adan sa harap ng Ating Diyos at
Panginoon; pinagpala Ka, sapagkat Ikaw lamang ang
nagyurak ng ulo ng kaaway nating prinsipe sa kadiliman:
pinagpala Ka, sapagkat hindi Mo inalumana ang buhay
Mo, nang Makita Mo ang dalamhati’t kapighatian ng mga
anak ni Adan: pinagpala Ka sapagkat nagsuson-suson Ka
ng mga awa Mo sa amin; ang mga awa ng mga
misteryong naganap dito sa mundo, na Iyong pinagpisan
ng Santong Rosaryo Mo. O mahal na Señora! Ipagkaloob
Mo po sa aming nangagdarasal ng Iyong Rosaryo ang
isang lubos na pananalo at pagtatagumpay sa mundo, sa
dimonyo at sa mga lamang bayan; ipagkaloob Mo naman
sa Santa Iglesyang Ina natin ang isang puspos na
pagtatagumpay sa kanyang mga kaaway, ang pagkapawi
ng mga enerhiya, ang pagkakasundo’t pagkakaisa ng mga
Punong Kristiyano. Siya Nawa.
(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang
kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ika-anim na Araw


(IKA-3 NG OKTUBRE)

Aba, Ginoong Maria, napupuno Ka ng garsya, ang


Panginoong Diyos ay sumasa-Iyo, bukod kang pinagpala
sa babaeng lahat: sa lahat ng babae, sapagka’t Ikaw na
mag-isa’y nakapagkamit ng tanang kagalingang kinamtan
ng isa’t isa sa kanila: lalo na sa lahat ng babae, sapagka’t
Ikaw ay tanging hinirang sa kanilang lahat: lalo sa mga
birhen, sapagka’t Ikaw lamang ang unang naghain sa
Diyos ng kalinisan ng pagkabirhen: lalo sa mga may
asawa, sapagka’t Ikaw lamang ang naglihi’t di nasiraan ng
pagkabirhen; lalo na sa mga balo’t sapagka’t Ikaw lamang
ang naghain ng Anak Mong sarili, na Anakin Mong kaming
mga kahabag-habag na anak ni Eva: lalo Kang pinagpala
sa babaeng lahat sapagka’t Ikaw lamang ang bukod na
hinirang na maging Ina ng Makapangyayari sa lahat at
pinaluklok Kang Haring reyna sa kanan ng sinisinta Mong
Anak. Ilingap Mo sa amin, mahal na Señora, iyang mga
mata Mong maawin, at ibuhos Mo ang kapunuan ng Iyong
awa sa mga saliwang palad na anak ni Adan, ibangon Mo
ang nangahahapay, patatangin Mo ang mga mahihinang
loob, aliwin Mo ang mga nangalulumbay, tulungan at
idaing Mo ang lahat ng babaeng may loob sa Diyos. Siya
nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ikapitong Araw


(IKA-4 NG OKTUBRE)

Aba, Ginoong Maria, napupuno Ka ng grasya, ang


Panginoong Diyos ay sumasa-Iyo, bukod kang pinagpala
sa babaeng lahat, pinagpala naman ang Anak Mong si
Hesus: mapalad nga ang bungang ibinigay sa mundo ng
kalinis-linisan Mong tiyan, parang lupang malinis sa mga
tinik ng kasalanan; pinagpala nga ang bungaing
ipinagkaloob Mo sa amin; amin na nga, sapagka’t inihain
Mo sa Diyos at sa kamatayan alang-alang sa amin at amin
nga sapagka’t inihain Mo sa kalbaryo sa pagtubos sa amin
at amin naman, sapagka’t mula sa langit ay ipinakikita
Mong nanininta sa aming mga pinapanaw dito sa baying
kahapis-hapis. Mapalad ang bungang nanggaling sa
paraiso ng halamanan ng kalinis-linisa’t birhen Mong tiyan:
mapalad ang bungang pinitas sa punong kahoy ng Santa
Krus at nakagaling sa aming kaluluwa: mapalad ang
bunga Mong naghatid sa Iyo sa langit, nang mapuspos
ang ligaya ng mga lumuluwalhati roon. Idinadalangin pa
naming sa Iyo, O kalinis-linisang Birhen! Na patikimin Mo
kami ng masarap at mahalagang bunga ng Iyong mahal
na sinapupunan, at kung aming matikman dito ang
Kanyang katamisan sa magaling na pagninilaynilay ng
mga misteryo ng Iyong Santo Rosaryo ay mananamnam
naming lubos ang maligayang piging sa kaluwalhatian ng
langit. Siya Nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ikawalong Araw


(IKA-5 NG OKTUBRE)

Aba, Ginoong Maria, Napupuno Ka ng grasya, ang


Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod Kang pinagpala
sa bababeng lahat at pinagpala naman ang Anak Mong si
Hesus; pinagpala nga si Hesus na bungang magaling sa
Iyong kalinis-linisang sinapupunan: sa Iyong
sinapupunang buhay na kabang pinagtaguan ng mana ng
magmula sa kaluwalhatian: sa Iyong sinapupunan malinis
na sisidlang pinagsahuran ng maginhawang hamog na
galing sa langit: saIyong sinapupunang mahal na biril, na
pinagtaguan ng alalong mahalagang marikit na halamang
pinamutihan ng masamyong bulaklak na rosas at liryos,
rosa na lalong puspos ng kalinisa’t kabanguhan sa gitna
ng mga tinik ng mga dalita’t hirap sa mahal na Pasyon ng
sinisinta Mong Anak, at liryos na marilag sa ningning ng
maluwalhating pagkabuhay na maguli. Ipagkaloob Mo sa
amin, O Inang kaibig-ibig, na kami nama’y maging dapat
na magdala sa mahal Mong Hesus sa aming mga puso’t
loob, at sa paraan ng isang maningas na pagsisisi’t
pagbabalik-loob sa Kaniyang Kamahala’y magkamit ng
Kaniyang mahal na grasya’t kabuhayang walang hanggan.
Siya nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

Panalangin sa Ikasiyam na Araw


(IKA-6 NG OKTUBRE)

Aba, Ginoong Maria, Napupuno Ka ng grasya, ang


Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod Kang pinagpala
sa bababeng lahat at pinagpala naman ang Anak Mong si
Hesus:si Hesus na ibinalita sa Iyo ng Arkanghel na si San
Gabriel: si Hesus na nagkatawang tao sa Iyong
sinapupunang Birhen: si Hesus na Ipinanganak Mong
Ilaw, Gamot at Kagalingan sa mundo: si Hesus na
ipinagsigawang Hari ng mga hudyo: si Hesus na
napadakip sa kanila alang-alang sa pag-ibig Niya sa atin:
si Hesus na namatay sa Krus sa pagtubos satin: si Hesus
na nabuhay na mag-uli: Hesu na umakyat sa langit at
naluklok sa kanan ng Diyos Ama, at nagputong sa Iyo ng
korona ng pagka-Haring Reyna ng lupa’t at langit: si
Hesus na namagitan sa Diyos Ama, nang kami ay
papagkamtin ng Kaniyang kaluwalhatian: ang buong
Hesus, O mahal na Señora! Ang iniaalay naming sa Iyo
dito sa Santisimo Rosaryo; tanggapin Mo po, parang
haing kinalulugdang lubos ng Iyong puso, at gantihan Mo
naman itong aming alay sa Iyo ng pagkakaloob sa amin
ng biyayang hinihiling n gaming puso’t ikinatatapos
naming nitong pagnonobena. Santa Maria, sakdal awa’t
pag-ibig, Ina ng Diyos at Ina naman naming! Ipanalangin
Mo kaming mga anak Mong makasalanan ngayon sa
buhay na ito, nang kami’y makapagkamit ng grasya’t
kapatawaran, at sa oras naman ng aming pagkamatay
nang kami’y magkamit ng kabuhaya’t kaluwalhatiang
walang hanggan. Siya Nawa.

(Humingi ang isa’t isa ng kaloob o biyayang ibig niyang


kamtan sa pamamagitan ng Mahal na Birhen: at nang
lalong pakinggan ay magdasal ng tatlong Aba Ginoong
Maria, at tatlong Luwalhati pakundangan sa apat uri ng
mga Misteryo ng Santisimo Rosaryo.)

You might also like