8 Modyul - Ang Wikang Filipino Sa Mga Isyung Lokal

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 17

MODYUL 8

ANG WIKANG FILIPINO SA MGA ISYUNG LOKAL

PANIMULA

Tinalakay sa mga nakaraang modyul ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa

produksiyon ng kaalaman sa iba’t ibang larangan. Inaasahang nabigyan mo ng higit na

pagpapahalaga ang gamit ng pambansang wika sa pagtuklas at paglinang ng

kaalamang lokal at katutubong kaalaman, at ang kakayanan nitong magamit sa mga

akademikong diskurso gaya ng disiplinang iyong pinag-aaralan.

Sa modyul na ito, masusulyapan mo ang lunan ng wikang Filipino sa gitna ng mga

isyung kinakaharap ng lipunan sa kasalukuyan. Ang modyul na ito ay magsisilbing

kapwa hamon at gabay tungo sa ibayong pagpapahalaga sa Filipino bilang wikang

nagbibigay-halaga sa pagkakaiba-iba ng mga etnolinggwistikong pangkat, nang sa

gayon ay maging daan upang magbigkis ang mga ito tungo sa pagbuo ng isang

nagkakaisang kabansaan.

MGA LAYUNIN SA PAGKATUTO

Matapos ang modyul na ito, inaasahan na ikaw ay:

1. Makapagpapaliwanag ng kaugnayan ng wikang Filipino, mga wikang banyaga, at

usapin ng pagkamakabayan;

Page 1 of 17
2. Makapagpapakita ng kamalayan sa kahalagahan at kasalukuyang kalagayan ng

mga wika sa Pilipinas at ang papel na ginagampanan ng mga ito tungo sa

pagpapaunlad ng wikang pambansa; at

3. Makatutukoy ng mga kongkretong ambag ng wikang Filipino sa pagpapaalab ng

pagkamakabayan at pagpapahalaga sa lahat ng wika sa Pilipinas.

1.0 Ang Wikang Filipino, Wikang banyaga, at Usapin ng Pagkamakabayan

Malayo na ang narating ng wikang Filipino mula nang mabuo ito noong ika-20 siglo.

Noong una, ang pagkakatatag ng Filipino bilang wikang pambansa ay naglalayong pag-

isahin ang kapuluang binubuo ng libu-libong pulo na tahanan ng daan-daang pangkat

etniko na nagsasalita ng iba’t ibang wika at diyalekto. Sa pagkakaroon ng pambansang

lingua franca, masasalamin ang adhikain ng bayan na makabuo ng isang bansa na may

iba’t ibang kultura at wika ngunit nagkakaisa.

Ngunit, sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang katayuan ng Ingles bilang lingua franca

sa bansa, bukod sa Filipino. Halimbawa, malimit na sinasabing kapag napupunta sa

Cebu ang isang tagapagsalita ng Filipino, ay gagamitan siya ng Cebuano o Ingles sa

pakikipag-usap, at hindi Filipino. Kapag nakikisalamuha sa mga banyaga, Ingles din

ang ginagamit sa pakikipag-usap, at nasa kamalayan ng marami na ang mga Pilipino ay

magaling mag-Ingles kung kaya naging sentro ng call center industry at maging ng

social media ang Pilipinas.

Page 2 of 17
Upang lalo mong maipaliwanag ang kaugnayan ng wikang pambansa, mga wikang

banyaga, at ambag ng mga ito sa usapin ng pagkamakabayan, tunghayan at isagawa

ang Gawain 1 sa ibaba.

Gawain 1 (60 minuto)

Panoorin ang clip na pinamagatang UKG: Robin Padilla nagsermon sa isang kontestant

ng PGT na inilathala ng ABS-CBN News sa Youtube

URL: https://www.youtube.com/watch?v=V7350LaRPZg

Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

Page 3 of 17
1. Tama ba ang pakikitungong ipinamalas ni Robin Padilla sa kontestant na

Koreano?

2. Ano ang iyong opinyon sa kontestant na Koreano, yayamang nakapamalagi na

siya nang 10 taon sa Pilipinas subalit hindi pa rin marunong mag-Filipino? Ano

ang ipinahihiwatig ng hindi pagkatuto ng Koreano ng wikang Filipino (kung ganito

man ang kalagayan niya), sa kabila ng matagal na pamamalagi sa Pilipinas?

3. Ano ang iyong palagay sa pag-uugnay ng paggamit ng wikang Filipino sa

pagiging makabayan ng isang Pilipino?

Talakayan

Naging usap-usapan ang tila pagsesermon ni Robin Padilla sa isang Koreano na

kontestant sa palabas na [Pilipinas’] Got Talent. Idinidiin ni Padilla na dahil

nakapamalagi na ang Koreanong kontestant nang may 10 taon sa Pilipinas, ay dapat

lamang na natuto na siyang mag-Tagalog [Filipino].

Ang sermon ni Padilla ay hindi lamang sa Koreano, sapagkat pinalawig niya ito sa

pagtalakay ng pagmamahal sa wika bilang pagmamahal sa bansa. Sinabi niya na kung

siya nga ay nag-aaral ng wikang sinasalita sa isang lugar na pinupuntahan niya, dapat

ay ganoon din ang mga banyaga sa pagdating sa Pilipinas. Mahihinuha rin ang

panawagan niya sa mga Pilipino na kung may dumarating na banyaga sa kanilang lugar

ay limitahan ang paggamit ng Ingles, at bagkus pilitin (o hikayatin) sila na aralin ang
Page 4 of 17
wikang Filipino. Para kay Padilla, ang pagtangging gamitin ang Ingles (o anumang

wikang banyaga), at sa halip ay gamitin ang Filipino, sa pakikipag-usap sa loob ng

bansa, ay siyang tanda ng pagmamahal sa bayan.

Malinaw ang pagtatalaban ng pagiging ‘hospitable’ at ‘makabayan’ sa diskursong ito na

inihatid ng video clip sa itaas. Masasabing aspekto ng pagkamakabayan ang

pagmamahal sa wika sa pamamagitan ng paggamit nito. Ngunit sa kabilang banda, ang

pagkatuto ng ibang wikang banyaga, gaya ng Ingles, ang siya ring nagbigay-kakayahan

sa mga Pilipino na lumaganap sa iba’t ibang panig ng daigdig at ipahiram naman ang

dala-dala nilang wika, ang wikang Filipino, na masasalamin sa mataas na bilang ng

tagapagsalita nito sa ibang bansa at pagpasok ng ilang salita sa internasyonal na

inilathalang diksiyonaryo, gaya ng Oxford English Dictionary.

2.0 Ang Wikang Filipino at iba pang mga Wika sa Pilipinas

Bagaman makikita ang pagiging buhay ng wikang pambansa hindi lamang sa loob ng

Pilipinas kundi maging sa ibang dako ng mundo, hindi dapat isantabi ang kasalukuyang

kalagayan ng iba pang mga wika sa bansa. Sa pinakahuling pag-aaral, sa bawat

dalawang linggo ay may isang wika sa mundo ang tuluyang naglalaho. Sa Pilipinas,

may apat na wika ang nakatala na bilang extinct: Dicamay Agta (Isabela), Villa Viciosa

Atta (Abra), Ayta Tayabas (Quezon), at Katabaga (Quezon). Dahil dito, itinatag ang iba’t

Page 5 of 17
ibang organisasyon gaya ng Endangered Voices Project ng National Geographic upang

maisalba ang di-kanais-nais na sitwasyong pangwika sa iba’t ibang panig ng daigdig sa

pamamagitan ng mga gawaing makapagpapanatili (preservation) o

makapagdodokumento (archiving) man lamang ng mga wikang nanganganib nang

tuluyang mabura sa kasaysayan.

Upang lalo kang mamulat sa kahalagahan at kasalukuyang kalagayan ng mga wika sa

bansa, gayundin ang papel na ginagampanan ng mga ito sa pagpapaunlad ng wikang

Filipino, tunghayan at isagawa ang Gawain 2 sa ibaba.

Gawain 2 (60 minuto)

Panoorin ang video clip na pinamagatang Philippines moves to save dying languages

na inilathala ng Al Jazeera English sa Youtube. URL:

https://www.youtube.com/watch?v=4d3hpN5FILU

Page 6 of 17
Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na artikulo:

• Thirty endangered languages in the Philippines na isinulat ni T.N. Headland

• “Other” Philippine languages in the Philippines in the third millennium na isinulat

ni J.S. Quakenbush

• A long fight begins to save Philippine languages na isinulat ni A. France-Presse

at inilathala sa Rappler

• Chasing the last speakers of a dying tongue na isinulat ni R.L.M. Malabonga at

inilathala sa PhilStar

Page 7 of 17
Maghanda sa talakayan sa klase sa pagsagot sa mga sumusunod na katanungan:

1. Ano ang kasalukuyang estado ng mga wika sa Pilipinas, maliban sa Filipino at

iba pang major na wika?

2. Nakatutulong ba ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual

Education sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng mga bernakular?

3. Ano ang epekto ng pagkamatay ng isang wika?

4. Ano ang papel na ginagampanan at kailangang gampanan ng wikang Filipino sa

pagpapanatili ng linguistic diversity sa Pilipinas?

Talakayan

Itinuturing na “Babel’s Paradise” ang Pilipinas dahil sa mataas na bilang ng mga wikang

umiiral sa isang maliit na sukat ng lupa (kung ikukumpara sa mga naglalakihang bansa

na may kaunting bilang ng wika lamang). Natatangi ang bansa pagdating sa larangan

ng linggwistiks sapagkat hitik ito sa impormasyon at datos na magagamit sa pagbuo ng

pangkalahatang kabatiran ukol sa kalikasan, kayarian, at pag-uugnay-ugnay ng mga

wika. Malimit na tinutumbasan ng biodiversity ang linguistic diversity sa isang lugar —

i.e. ang mga lugar na may mataas na biodiversity ay kadalasang siya ring may mataas

na bilang ng iba’t ibang wikang katutubo roon. Ang pagkawala ng isang wika ay gaya na

rin ng pagkawala ng isang species ng hayop o halaman. Kaya naman maraming

advocacy linguist ang nagsisikap na mapigilan ang tuluyang paglaho ng mga

endangered na wika o yaong nanganganib na tuluyang mawala.

Page 8 of 17
Maraming salik ang nag-aambag sa paghantong ng isang wika sa estadong

endangered o extinct. Ang pagpasok ng isang gahum na wika ay maaaring maging

dahilan upang tuluyang hindi gamitin ng pamayanan ang kinagisnan nitong wika.

Halimbawa, hindi na ganoon kainteresado ang mga magulang na Maranao sa Quiapo,

Maynila na ituro ang bernakular sa kanilang mga anak, yayamang tinatanaw nila ang

posibilidad na sa Maynila na rin lalaki at makikipamuhay ang kanilang mga anak. Ang

ilan naman ay dahil sa itinuturing na mas prestihiyoso ang lingua franca na ginagamit

doon, kung kaya kusa na silang lumilipat ng ginagamit na wika, gaya ng makikita sa

mga Sama sa konteksto ng ‘mas nakaaangat’ na etnolinggwistikong pangkat ng Tausug

sa Mindanao.

3.0 Ang Wikang Filipino at ang Multilingwal na Edukasyon

Bilang pagtugon sa panawagang igalang ang karapatan ng bata na matuto sa kaniyang

kinagisnang wika, ipinatupad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education

(MTBMLE) sa Pilipinas. Ito ay naglalayon ding pataasin ang antas ng pagkatuto ng mga

bata sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang mother tongue, na magbibigay-daan

upang mas madaling maunawaan ang mga konsepto sa iba’t ibang asignaturang

kanilang pinag-aaralan, gaya ng science at math.

Gayunman, umusbong ang ilang mga puna hinggil sa bagong patakarang ito.

Sinasabing ang pananaliksik na isinagawa ay sa isang liblib na lugar kung saan

Page 9 of 17
karamihan ay monolingguwal. Bumabangon ang mga suliranin kaugnay ng MTBMLE sa

mga lugar na itinuturing na melting pot o hugpungan ng mga tao mula sa iba’t ibang

lugar at may kani-kaniyang wikang kinagisnan. Dahil dito, mahirap ang lohistikal at

pinansiyal na pagpapatupad ng nasabing panukala dahil kailangang bigyang-puwang at

tanggapin ang lahat ng mga mag-aaral, anuman ang etnolinggwistikong pangkat na

kanilang kinabibilangan. May ilan ding nagsasabing tila pinapatay nito ang wikang

pambansa dahil naisasantabi diumano ang pagkatuto nito sa loob ng silid-aralan. Ito ay

ilan lamang sa mga usaping kailangang himayin at pag-usapan upang mapayaman pa

ang pagpapaunlad ng patakarang MTBMLE sa isang multilinggwal at multikultural na

bansa gaya ng Pilipinas.

Ang Gawain 3 sa ibaba ay magbibigay sa iyo ng ibayong pagdalumat sa kasalukuyang

kalagayan ng ibang mga wika sa Pilipinas, partikular sa usapin ng edukasyon. Nilalayon

ng mga gawain na makatukoy ng mga kongkretong ambag ng wikang Filipino sa

pagpapaalab ng pagkamakabayan at pagpapahalaga sa lahat ng wika sa Pilipinas.

Gawain 3 (60 minuto)

Basahin ang mga analytical review na isinagawa ng UNESCO at pinamagatang

Enhancing learning of children from diverse language backgrounds: Mother tongue-

based bilingual or multilingual education in the early years. URL:

http://unesdoc.unesco.org/images/0021/002122/212270e.pdf

Page 10 of 17
Basahin din bilang dagdag na sanggunian ang artikulong pinamagatang Mother tongue

instruction in Lubuagan: A case study from the Philippines at ang report na

pinamagatang The Language of Learning: Mother Tongue-based Multilingual Education

in the Philippines.

Maghanda sa talakayan sa klase sa mga tanong na ito:

1. Bakit ipinatupad ang Mother Tongue-based Multilingual Education (MTBMLE) sa

bansa?

2. Paano maihahambing ang MTBMLE sa pinalitan nitong sistemang bilinggwal?

3. Anu-ano ang kalakasan at kahinaan ng pagpapatupad ng MTBMLE sa

sistemang pang-edukasyon sa bansa?

4. Ano ang papel na ginagampanan ng wikang pambansa sa pagpapairal ng

MTBMLE?

Talakayan

Ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTBMLE) ay isa sa mga

pangunahing makinarya upang palaganapin ang pagpapahalaga sa bernakular sa

pamamagitan ng paggamit nito bilang medium of instruction sa mga unang taon ng

estudyante. Maliban sa pinakamainam ang pagkatuto ng mag-aaral sa wikang kaniyang

kinagisnan, nais ding patunayan ng sistemang pang-edukasyon na ito na ang lahat ng

wika ay pantay-pantay sapagkat lahat ay maaaring gamitin sa anumang konteksto gaya

ng akademikong diskurso o talakayan sa loob ng silid-aralan. Gayunman, kinakailangan

pa ng ibayong pagpapaigting sa MTBMLE sapagkat sa kasalukuyan, iilang wika pa

Page 11 of 17
lamang ang ganap na nagawan ng materyales para sa pagtuturo. Ang umiiral na lingua

franca sa lugar ang ginagamit na panturo sa mga estudyante, gaya ng makikita sa

Baguio, kung saan Ilokano ang wikang panturo sa kabila ng mataas na linguistic

diversity sa lugar, lalo na ng mga wika sa Cordillera.

Para sa maraming Austronesianist, itinuturing ng mga tagapagsalita ng mga wikang

Austronesyano (kung saan kabilang ang mga wika sa Pilipinas) na karangalan

(achievement) ang pagkatuto ng isa pang wika. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing na

multilingguwal ang Pilipinas, bukod pa sa multikultural nitong kalagayan. Karamihan,

kung hindi man lahat, ay nakapagsasalita o nakaiintindi ng dalawa o higit pang wika at

nagagamit ang mga wikang ito sa pakikipagtalastasan sa loob at labas ng pamayanan.

Ang pagkakabuo ng wikang Filipino bilang wikang pambansa ay nakasandig sa

pananaw na ang pambansang lingua franca na ito ay magiging mapaglangkap, i.e.

magbibigay-kakayanan sa marami, kung hindi man lahat, ng mamamayan ng bansa na

makalahok sa pambansang diskurso, at nang sa gayon ay makabahagi sa pagbuo ng

mga pambansang pagpapasya. Malaki kung gayon ang papel na ginagampanan ng

Filipino sa pagpapanatili at pagpapaunlad ng lahat ng wika ng bansa, at vice versa.

Samantala, ang pagsaksi sa paglaganap at pagpapahalaga sa Filipino sa loob at labas

ng bansa ay magbubunsod din naman ng pagpapahalaga sa bernakular: nag-aambag

ang huli sa pag-unlad ng Filipino sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga salita – at

bagong kaalaman at kamalayan – mula sa mga katutubong wika. Ang

Page 12 of 17
pagpapahalagang iniuukol sa bernakular na sumasalamin sa pagpapahalaga sa ugat at

kinagisnan ng bawat Pilipino ay hahantong sa pagpapahalaga sa kabansaan sa

kabuuan.

PANGWAKAS

Malayo na ang narating ng wikang Filipino mula nang itatag ito ng Saligang-Batas

bilang wikang pambansa. Ang patuloy na paglalathala ng mga pananaliksik at mga

bagong tuklas na kaalaman sa iba’t ibang disiplina gamit ang wikang ito, maging ang

paggamit nito sa mga diskursong pambansa ang sakop ay nagpapatunay na ang

Filipino ay may kakayahang pasanin ang diwa, kasaysayan, at kamalayan ng buong

bansa. Ang malawak na paglaganap ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng daigdig ay

nagbigay-daan din upang mapansin sa global na antas ang Filipino, kung kaya kahit sa

malalayong lugar at sa iba’t ibang lahi ay lumalaganap din ang paggamit nito. Sa

katunayan, ilang salita na rin mula sa Filipino ang napaloob sa internasyonal na

publikasyong pandaigdig ang sirkulasyon, patunay lamang na pumapasok na sa

kamalayan ng global na komunidad ang wikang pambansa ng Pilipinas.

Gayunman, hindi dapat isantabi ang nanganganib na pagkawala ng ibang mga wika sa

Pilipinas. Kailangang makaagapay ng mga tinaguriang “minority” na wika ang pag-unlad

ng Filipino, yayamang hindi naman subtractive ang pagkatuto ng dalawa o higit pang

wika. Ibig sabihin, kung matuto ng isang bagong wika ay hindi dapat malimutan at

tuluyang iwan ang bernakular o kinagisnang wika, sapagkat maliban sa nakakintal na

Page 13 of 17
ito sa isip ng tao (sang-ayon sa mga teorya ng language acquisition), ang bernakular

ang pinakamabisang behikulo ng kolektibong alaala, karanasan, at kasaysayan ng

kulturang kinagisnan, na siya namang isasalin sa susunod na salinlahi. Ang bansang

gaya ng Pilipinas ay may kakayanang mapanatili ang mataas na linguistic diversity nito

sapagkat likas na sa mga mamamayan nito ang maging multikultural at multilingguwal.

Ito rin ang patuloy na ipinakikintal sa mga kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral

sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaunlad ng transpormatibo at culturally-

responsive na sistema ng edukasyon.

SANGGUNIAN

Mga artikulo at aklat

Atienza, Monico. “Ang Pulitika sa Paggawa ng Palisi ng Wika.” Mga Piling Diskurso sa

Wika at Lipunan, inedit nina Pamela Constantino at Monico Atienza, University of

the Philippines Press, 1996.

Ball, Jessica. “Enhancing learning of children from diverse language backgrounds:

Mother tongue-based bilingual or multilingual education in the early years.”

Analytical review commissioned by the UNESCO Education Sector, UNESCO,

2011. URL: http://unesdoc.unesco.org/images/0021/002122/212270e.pdf

Page 14 of 17
Headland, Thomas. “Thirty Endangered Languages in the Philippines.” Work Papers of

the Summer Institute of Linguistics, University of North Dakota Session. vol. 47,

SIL International, 2003.

Llaneta, Celeste Ann Castillo. “The Language of Learning: Mother Tongue-based

Multilingual Education in the Philippines.” The Forum, vol. 11, no. 2, March-April

2010. URL: https://mlephil.wordpress.com/2010/05/06/the-language-of-learning-

mother-tongue-based-multilingual-education-in-the-philippines/

Nettle, D. at S. Romaine. Vanishing Voices: The Extinction of World’s Languages.

Oxford University Press, 2000.

Quakenbush, J.S. “Other” Philippine Languages in the Third Millennium.” Philippine

Journal of Linguistics, vol. 29, nos. 1-2, 1998, pp. 1-22.

Walter, Stephen L. at Diane E. Dekker. “Mother tongue instruction in Lubuagan: A case

study from the Philippines.” SpringerLink/International Review of Education, vol.

57, 2011. URL: https://mlephil.wordpress.com/2011/12/02/mother-tongue-

instruction-in-lubuagan-a-case-study-from-the-philippines/

Mga newsclip

Cruz, A.C. “Language and Culture.” National Commission for Culture and the Arts,

http://ncca.gov.ph/subcommissions/subcommission-on-cultural-

disseminationscd/language-and-translation/language-and-culture/. Naakses 24

Enero 2018.

Page 15 of 17
France-Presse, A. “A Long Fight Begins to Save Philippine Languages.” Rappler,

https://www.rappler.com/nation/4537-a-long-fight-begins-to-save-philippine-

languages. Naakses 24 Enero 2018.

Malabonga, R.L.M. “Chasing the last speakers of a dying tongue. PhilStar,

http://www.philstar.com/news-feature/2015/01/23/1415967/chasing-last-speakers-

dying-tongue. Naakses 24 Enero 2018.

Mga video clip

“Philippines moves to save dying languages.” YouTube, in-upload ng Al Jazeera

English, 1 Hulyo 2012, https://www.youtube.com/watch?v=4d3hpN5FILU.

“UKG: Robin Padilla nagsermon sa isang kontestant ng PGT.” YouTube, in-upload ng

ABS-CBN News, 15 Enero 2018,

https://www.youtube.com/watch?v=V7350LaRPZg.

Mga karagdagang babasahin

Almario, Virgilio S. Filipino ng mga Filipino. Anvil Publishing, Inc., 2009.

Arao, Danilo. Kon(tra)teksto: Pag-uungkat, Pag-uulat at Pagmumulat. Central Books at

DLSU Publishing House, 2012.

Bonifacio, Andres. Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog. Isang tula.

Constantino, Renato. The Miseducation of the Philippines. Foundation for Nationalist

Studies, 1987.

Page 16 of 17
Cruz, Romeo. “Ang Nasyonalismo at Wika.” Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan,

inedit nina Pamela Constantino at Monico Atienza, University of the Philippines

Press, 1996, pp. 3-9.

David, Randolf S. “Politika ng Wika, Wika ng Politika.” Daluyan Journal, vol. VII, nos. 1-

2, 1996, pp. 19-28.

De Quiros, Conrado. “Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan.”

Daluyan Journal, vol. VII, nos. 1-2, 1996, pp. 29-35.

Gonzales, Andrew. Language and Nationalism: The Philippine Experience Thus Far.

Ateneo de Manila University Press, 1980.

Hernandez, Amado V. “Ito Ba ang Ating Demokrasya?” Magkabilang Mukha ng Isang

Bagol at Iba Pang Akda ni Amado V. Hernandez, inedit ni Rosario Torres-Yu,

University of the Philippines Press, 1997.

Lumbera, Bienvenido L. “Ang Wikang Katutubo at ang Kamalayang Filipino. Writing the

Nation / Pag-akda ng Bansa. University of the Philippines Press, 2000, pp. 96-104.

Lumbera, Bienvenido L. “Bakit Hindi Paksaing Filipino.” Diliman Review, vol. 41, no. 2,

1993, pp. 32-33.

Mooney, Annabelle, et al. Language, Society and Power: An Introduction. Routledge,

2010.

Paz, Consuelo J. “Nationalization of a Language: Filipino.” www.sealang.net,

http://sealang.net/sala/archives/pdf8/paz1996nationalization.pdf. Naakses 27

Disyembre 2013.

Tolentino, Delfin, Jr. “Pambungad: Ang Paggugumiit ng Filipino sa Bayan ng mga

Inglesero.” Daluyan Journal, vol. VII, no. 3, 1996, pp. 1-10.

Page 17 of 17

You might also like