Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 15

"HINDI NAMIN INABUTAN SI BOTONG":

Ang mga Makabagong Pintor ng Angono sa Mata ng Iskolar ng Bayan

PINAL NA PAPEL NA IPINASA KAY

Prop. Ligaya Tiamson-Rubin


Departamento ng Filipino
NI

Ma. Jocelyn C. Bordador


BA Komunikasyong Pangbrodkast
2002-19716

BILANG PAGSASAKATUPAD SA MGA HINIHINGI NG KURSONG

FILIPINO 25 –TFV
(TF 11:30 am-1:00 pm)

SA

Ikatlo ng Oktubre, sa taong 2003

"HINDI NAMIN INABUTAN SI BOTONG"*


*Hango sa paksa ng isang exhibition ng mga makabagong pintor ng Angono noong Oktubre 1993.

Pokus: Ang mga Makabagong Pintor ng Angono sa Mata ng Iskolar ng Bayan

I. Panimula
A. Tungkol sa May-Akda
B. Kahalagahan ng Proyekto

II. Maikling Kasaysayan ng Paglilikha sa Angono, Rizal


A. Sinaunang Dibuho sa mga Yungib ng Rizal

B. Carlos "Botong" V. Francisco, Alamat ng Sining

III. Mga Makabagong Pintor ng Angono


A. Angono Ateliers Association (AAA) at Angono Junior Ateliers' Association
(AJAA)
1. Maikling Kasaysayan
2. Ang Pagsanib ng Surrounded By Water Artist Group sa AJAA
3. Mga Kasapi ng AJAA at SYB

B. Iba Pang Makabagong Pintor

C. Estilo ng mga pintor ng kasalukuyan


1. Sa paglalarawan ng Angono
2. Sa paglalarawan ng mga damdamin
3. Sa komposisyon, porma (form), paggamit ng kulay, anatomya ng
katawan, at iba pang estilo ng pagguhit at pagpipinta

IV. Konklusyon

V. Bibliyograpiya at Sanggunian

I. Paunang Salita
A. Tungkol sa May-Akda
Si Ma. Jocelyn Bordador ay ipinanganak noong ika-17 ng Marso, 1984, kina Wilfredo
Bordador at Norie Cortez. Siya ang pangalawa sa tatlong magkakapatid na babae, at
siya ay kilala sa bansag na "Joy." Mula sa murang edad, naturuan niya ang kanyang
sariling sumulat at gumuhit, na parehong kinahihiligan pa rin niyang gawin
magpahanggang ngayon. Bukod dito, mahilig rin siyang umawit, umarte, tumalumpati
sa entablado, lumagi sa internet, at – kung may magtuturo sa kanya – umindayog.
Una siyang nag-aral sa Operation Brotherhood (OB) Montessori sa Dasmariñas
Village, Lungsod ng Makati ngunit agad siyang nilipat sa Poveda Learning Centre (ang
dating Institucíon Teresiana) sa makasaysayang kalsada ng EDSA upang makasama
ang kanyang mga kapatid. Sa Poveda siya nagtapos ng grade school at ng high school.
Habang siya ay nag-aaral, sinanay niya ang sarili sa pagsulat sa pamamagitan ng
pagsali sa mga pahayagan ng kanyang paaralan, at sa pagsulat ng mga artikulo para
sa Chalk (isang magasing inilalabas ng ABS-CBN Publishing kada buwan) at sa
Youngblood ng Philippine Daily Inquirer. Noong 1998, sumali siya sa kauna-unahang
patimpalak ng Kabataang Sanaysay sa Pilipino ng Carlos Palanca Memorial Awards for
Literature, kung saan ang kanyang piyesa ay nagkamit ng pangatlong gantimpala.
Sa kasalukuyan, si Joy ay nasa pangalawang taon sa kolehiyo. Ang kurso niya
ay BA Komunikasyong Pangbrodkast at pumapasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas.

B. Kahalagahan ng Proyekto
Sa buhay ng tao, may mga bagay na dapat ipawalang-bahala at kalimutan. May
mga kinakailangang ipaalam at alalahanin. Kasama sa mga ito ang kultura at ang
kabihasnan kinalakhan niya. Dahil bumibilis ang pag-usad ng daigdig, tumitindi rin ang
pangangailangang alagaan ang mga ito. Lalo na kung ang kultura at kabihasnang na
pinatutungkulan ay ang kultura at ang kabihasnang Pilipino. Lalo na kung isasama rito
ang munting bayan ng Angono, sa lalawigan ng Rizal, na tinaguriang "bukal ng sining."
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang ating kultura ay nanganganib na masawi. Dahil
malugod nating tinatanggap ang mga impluwensiyang mula sa iba't ibang bahagi ng
mundo, lumalawak ang ating nalalaman at nagiging pananaw rito. Gaya ng unti-unting
pagbababagong-anyo ng Angono upang maging isang munting lungsod, nagbabago rin
ang Pilipinas. Sa isang banda, nakabubuti ito para sa kapakanan at ikauunlad ng ating
bansa, na napag-iiwanan nang ibang mga bansa sa Asya kung ekonomiya at antas ng
kabuhayan ang pag-uusapan. Ngunit sa kabilang dako, kinakalimutan na natin ang
"sariling atin."
Wala nang nalalabing panahon. Kung magbubulag-bulagan pa rin tayong mga
tinaguriang "iskolar ng bayan" sa pangyayaring ito, mawawala ang bukal ng ating
pagkakakilanlan sa ating alaala at sa ating daigdig. Kapag nagkaganoon, ano pa ang
matitira sa atin? Ano na ang mangyayari sa atin?
Oras na upang bigyan natin ng halaga ang ating dunong, ang ating kaalaman,
ang ating talento, ang ating mga sining. Panahon na upang itakda ang lahat ng ito
upang hindi tayo mangalimot, upang makinabang rito ang mga susunod pa sa atin.
Ngunit kinakailangang magsanay at mag-ensayo, at isang paraan ng pagsasanay at
pag-eensayo sa pananakda ay ang pagsulat ng maiksing papel.

II. Maikling Kasaysayan ng Paglilikha sa Angono, Rizal


Ang Angono ay bahagi ng probinsya ng Rizal. Sa katagalan ng panahon, ang bayang
ito ay naging tanyag na para sa kanyang mga mamamayan, na malaon nang nagkamit
ng mga parangal dahil sa kani-kanilang mga hilig at talento sa sari-saring sining gaya
ng pag-uukit, pagsusulat, pag-aawit, pagbubuo ng musika, at pagpipinta. Isa nang
patunay nito ang mga yungib na makikita sa bulubunduking humahati sa mga bayan ng
Angono at Binangonan, na may itinatagong mga petroglyphs o mga guhit ng halaman at
hayop. Dahil natuklasan ang mga ito ng Alagad ng Sining na si Carlos "Botong"
Francisco ng Angono, iginigiit ng mga taga-Angono na ang mga yungib ay bahagi ng
Angono datapwa't ipinagpipilitan rin ng mga taga-Binangonan, na natatangi rin sa
sining-biswal, na ang mga ito ay matatagpuan sa kanilang bayan. Sa ngayon, ang mga
yungib ay nasa pangangalaga ng Museong Pambansa (National Museum).
Si Carlos Modesto "Botong" V. Francisco ay pinupuri ng mga taga-Angono, at ng
sari-saring mga pintor, iskultor at kritiko bilang isang "dakilang muralista na may
ginintuang pinsel." Siya ay ipinanganak na pangalawa sa apat na anak noong.ika-apat
ng Nobyembre sa taong 1912, isang Linggo. Ang kanyang ama, si Felipe Francisco, ay
isa sa apat na anak ni Tan Guey, isang ganap na Tsinong nakatira sa Santa Cruz,
Maynila, ngunit walang bahid ng pagka-Intsik si Botong (maitim ang kanyang balat).
Mula sa kanyang kabataan, marami ang nagpapatunay sa kanyang kabaitan,
katapangan, kahalagahan para sa lahat ng nilalang, at sa madalas na pagpapahinga at
pagmumuni-muni sa harap ng Laguna de Bay. Sa kabila ng mga gawaing ito, na
itinuturing "katamaran" ng ibang mga kritiko, napakabilis niyang magtrabaho ayon sa
mga saksi at kakilala (ilang oras lang ang gagastusin niya sa pagpipinta; sa
pagdidisenyo para sa mga palabas, sapat na ang kalahating-oras).
Sinasabing siya rin ay may kakayahang masulyapan ang hinaharap, na ayon di-umano
kay Nene (asawa ni Botong) ay siyang dahilan kung bakit panatag si Botong sa harap
ng nagbabantang kamatayan. Pumanaw si Botong noong ika-31 ng Marso sa taong
1969; ipinagkaloob sa kanya nang posthumous ang parangal na "Pambansang Alagad
ng Sining" noong 1973.

III. Mga Makabagong Pintor ng Angono[1]


Para sa isang munisipalidad na may 65,000 mamamayan, mga humigit-
kumulang ng 50 ay practicing visual artists sa Angono ngayon. Kapag sinabing "visual
artist," pinag-uusapan ang mga taong nakikibahagi sa pagpapalaganap at
pagdadalubhasa sa kontemporaryong sining biswal sa Pilipinas, na binubuo sa Angono
ng mga pintor at eskultor. Karaniwang natutuklasan ng mga taga-Angono ang kanilang
kakayahan sa pagpinta bago pa man sila pumasok sa mga paaralang sekundaryo,
ngunit ang karamihan sa kanila ngayon ay nakapag-aral at nakapag-ayos ng kani-
kanilang mga estilo ng pagpinta sa mga kolehiyo gaya ng Unibersidad ng Santo Tomas
(UST) sa Maynila at Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Lungsod ng Quezon.
Ang Angono Ateliers Association (AAA) ay binuo upang magsama-sama ang mga pintor
at iskultor ng Angono para sa layuning iangat ang antas ng kanilang kaalaman at
karunungan sa kanilang mga sining. Si Botong Francisco ay may pagnanasang iumbok
ang artistikong imahen ng Angono sa mundo ng sining sa pamamagitan ng pagbuo nito,
ngunit pumanaw siya bago matupad ang kanyang panaginip. Noong panahong iyon,
kakaunti pa lang ang mga visual artists na may karanasan at kakaunti rin ang mga
nagbabalak na pumasok sa larangan ng sining sa Angono, at hindi nila naisip na
magpangkat upang bumuo ng isang art association. Sa taong 1975, ang Municipal
Council ay nakiusap sa kanila upang magtayo ng isang exhibit para sa ika-anim na
pagpupugay ng pagpanaw ni Botong. Maraming sumagot sa panawagan at sumali sa
gawaing ito sapagkat ito ang kauna-unahang beses na nagsama-sama ang lahat sa
kanila. Dahil sa kanilang personal na kagustuhan (lalo na upang gamitin ang
organisasyon bilang daan sa pagkakatanyag), sila-sila mismo ang nagkumpol noong
1975 gamit ang pangalang ibinansag ni Botong, ang AAA.
Nagdaos ang mga kasapi ng AAA ng halalan para sa mga opisyal na
manunungkulan sa loob ng isang taon. Ang iskultor-pintor na si Dominador “Doming”
Tiamson ang siyang unang pangulo nito. Nang matapos ang termino ni Tiamson, si
Jose "Pitok" Blanco naman ang naging pangulo ng samahan. Ngunit bunga ng
matinding alitan, nagkagulo sa AAA hanggang, sa wakas, nagpasa ng irrevocable
resignation si Blanco at ang mga Atelier na malapit sa kanya. Matapos tumiwalag, binuo
nila ang Angono Artists Association, na mahigpit na kalaban ng naghihirap na Ateliers.
Dito muli pumasok ang kakayahan ni Doming, na hinalal muli bilang pangulo
nang makaalis na ang pangkat nina Blanco, kahit na may mga kasapi ng AAA na hindi
sang-ayon sa kanyang pagkapangulo. Walang-sawa namang gumanap sa
katungkulang ayusin at buhayin muli ang AAA si Doming hanggang sa magkasakit siya
sa puso noong 1979. Nang ipinagpatuloy ni Nemiranda ng sinimulan ni Doming, inayos
niya ang ugnayan ng mga Ateliers sa isa't isa. Sa panahon rin niya nagkasundo ang
Angono Ateliers at Angono Artists. Dumami ang mga idinaraos na seminar, workshop,
on-the-spot sketching sessions, group shows, regular na pagpulong at iba pang mga
gawaing ikabubuti para sa kanilang pagsasanay bilang mga artist. Dahil rito, hindi
nakapagtatakang naging pangulo ng AAA nang anim na beses si Nemiranda.
Nang maging popular ang mga Ateliers sa kabataan, nagpasya ang mga Ateliers na
bumuo ng isang organisasyong kukupkupin ng mga mas matatandang miyembro ng
orihinal na AAA. Dito, tuturuan ang mga batang mahilig at marunong sa sining, lalo na
sa pagpipinta, kahit pa man hindi sila mga kamag-anak ng mga Ateliers o ng mga
bantog na pintor at iskultor. Mayroon silang mga group exhibits gaya ng AAA, at kapag
sa tingin ng mga nakatatandang kasapi ng Ateliers ay husto na ang kanilang
kasanayan, maaari na silang tumaas ng antas hanggang sa magiging kasapi na rin sila
ng mismong AAA. Tinawag nila itong Angono Junior Ateliers' Association (AJAA).
Sa kasalukuyan, aktibong kasapi ang AAA at ang AJAA sa Rizal Artist
Federation (RAF), isang samahan kung saan si Nemiranda ang isa sa mga pasimuno.
May mga kasapi ng AAA na sumali na rin sa Philippine Association of Figure Artists
(PAFA) pagkatapos magsanay sa mga sining ng pagpinta at pag-ukit.
Ang "Surrounded By Water" naman ay isang samahang binuo ng mga kabataang
pintor na magkakabarkada sa Angono noong ikalawa ng Nobyembre, sa 1988; ang una
nilang pangalan ay "Organization of Young Artists." Una silang nakilala na "SYB" nang
sila ay nagpalabas ng exhibit na "Hindi Namin Inabutan si Botong" noong Oktubre sa
taong 1993. Sila ang nagtayo ng Surrounded By Water Gallery sa kahabaan ng Edsa,
ngunit (tila marahil sa masamang lagay ng ekonomiya, na nagpapahirap sa pagpinta at
sa pangangalaga ng mga larawan at galeriya) napilitan silang isara ito nang wala pang
sampung taon. Karamihan sa kanila ay kasapi rin ng AJAA, at ang huli nilang
eksibisyong pangkatan ay ang "HUDYAT: Muling Pagsibol," na ginanap noong
Nobyembre 2000 sa Nemiranda Arthouse II, Angono, Rizal.

A. Mga Kasapi ng Angono Junior Ateliers Association (AJAA) at ng Grupong


Surrounded By Water
Ipinanganak si Arnaldo “Atoy” H. Apostadero noong ika-13 ng Hulyo, 1962, sa
Binangonan, Rizal bilang panganay nina Tranquilino Apostadero at Edorina Harabe.
Yumao si Tranquilino noong 1967, at dahil dito lumipat ang pamilya Apostadero sa
Lungsod ng San Pablo, Laguna. Pumasok si Atoy sa unang baitang ng Mababang
Paaralan ng Fule Almeda, sa nasabing lungsod, isang taon pagkatapos nila lumipat rito.
Napansin ang angking talento ni Atoy nang manalo siya sa isang paligsahan sa
pagguhit sa paaralan noong 1970, at mula noon ay nakikipagpaligsahan siya sa iba’t
ibang mababang paaralan sa lungsod. Subalit napilitan siyang maghanapbuhay sa mga
tindahan makaraan ng dalawang taon para sa kapakanan ng kanyang mahirap na
pamilya. Nang magkaroon muli sila ng pera at pagkakataon, nag-aral muli si Atoy,
ngunit pumasok siya sa Mababang Paaralan ng San Roque sa San Pablo. Nang
magkatrabaho ang ina niya sa Rizal, lumipat muli sila, ngayon naman sa Angono, kung
saan namumuhay ang mag-anak na Apostadero mula noong 1974 hanggang sa
kasalukuyan. Sa wakas, sa Mababang Paaralan ng Angono siya nagtapos, at saka
naging mag-aaral naman siya ng Pribadong Mataas na Paaralan ng Angono (Angono
Private High School), kung saan naging kasapi siya ng Art Club.
Una niyang nakilala ang Angono Ateliers noong 1976, nang makita niya ang kanilang
taunang art exhibit. Dahil dito, nagsimula siyang gumuhit nang black-and-white gamit
lamang ang lapis at papel. Sumali siya sa AAA Annual Art Competition sa 1977 at sa
mga art classes nina Vicente Reyes at Pitok Blanco; ang huli ang nagkaloob sa kanya
ng scholarship grant noong 1978. Ginamit niya ito, kasama ang tulong na iniabot nina
G. at Gng. Turiano Concepcion, nang pumasok siya sa Pambansang Unibersidad
(National University).. Nagsanay si Atoy sa pagpipinta kay Nemiranda noong 1985, at
tinulungan pa niya ito sa pagtatapos ng mural na pumapalibot sa Shrine of Our Lady
Queen of Peace (na mas kilala bilang EDSA Shrine dahil ito’y itinayo bilang paggunita
sa EDSA People Power I) na pinamagatang “From Tarmac to Edsa.”
Naging kasapi ng AAA si Atoy noong 1980 bilang coordinator, at nag-umpisa siyang
magpinta nang on-the-spot gamit ang watercolor. Simula noong 1983, kasali na siya sa
mga group exhibits ng mga Angono Ateliers, gaya ng "Angono Ateliers" sa Rear Room
Gallery, Manila Garden Hotel; “Filipino Identity Through Art” sa Garden Gallery,
Lungsod ng Makati; "Iba’t Ibang Kulay ng Angono" sa Gallery Bleue, Rustan's Mall,
Lungsod ng Makati, at marami pang iba. Kasapi rin siya ng PAFA at ng RAF simula
noong 1986, habang hinalal siyang pangulo ng Angono Youth Artists makaraan ng
dalawang taon at ng mismong AAA noong 1988 at 1998. Sumali rin siya sa on-the-spot
painting sessions ng Tuesday Group sa Waling-waling, Boracay.
Si Jovito V. Andres, o "Jovy," ay naging bahagi ng mundong ito noong ika-14 ng
Disyembre sa taong 1966 sa Angono. Nagtapos siya ng BA Painting sa UST noong
1988, kung saan first runner-up siya sa isang paligsahan rito (500 Years of Dominican
Service), at habang nag-aaral pa siya ay sumali na siya sa AAA at sa mga group exhibit
nito. Subalit mas nakilala si Jovy sa kanyang unang solo exhibit sa Le Soufflé Bar and
Restaurant sa Lungsod ng Makati (dalawa pa lang ang natatanghal niya sa
kasalukuyan). Gaya ni Atoy, tinulungan niya si Nemiranda sa paggawa ng mural sa
EDSA Shrine, at naging pangulo rin siya ng AAA (noong 1995). Bukod dito, nagtrabaho
rin siya bilang artist sa tindahang Gift Gate, at lumabas ang kanyang mga larawan sa
kalendaryo ng Magnolia (isang tatak ng mga pagkain at inumin na binebenta ng San
Miguel Corporation) noong 1995.
Ipinanganak si Nicanor J. Blanco, Jr. sa Angono noong ikatlo ng Oktubre noong
1964. Ngunit ang palayaw na ipinagkaloob sa kanya ng mga magulang na sina Nicanor
D. Blanco Sr. at Estrellita J. Blanco ay “Dino.” Sa anim na taong gulang, ipinamalas niya
ang kanyang talento sa pagguhit gamit ang mga pigurang panrelihiyon bilang paksa.
Isang taon makaraan ang kanyang pagtatapos sa Mababang Paaralan ng Angono
noong 1976, nagkamit siya ng isang parangal mula sa Angono Ateliers Art Competition.
Gaya ng karamihan sa mga taga-Angono, nagmula rin siya sa Angono Private High
School, at gaya ng karamihan sa kanyang mga kapwa pintor sa kasalukuyan, nag-aral
siya ng pagpipinta sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) sa taong 1980. Ngunit
lumipat siya sa Philippine School of Interior Design sa Lungsod ng Makati makaraan ng
tatlong taon, at noong exempted na siya sa halos lahat ng kanyang mga aralin, doon pa
siya tumigil nang tuluyan sa pag-aaral. Sa 1986, nagsimula siyang magtrabaho bilang
in-house interior designer para sa isang bantog na kumpanya, at pagkatapos ng
dalawang taon ay naging design consultant siya rito. Sa kanyang paghahanap-buhay,
nakasama muli niya ang AAA, at tuluyan siyang sumapi sa kanilang Angono Junior
Ateliers Association (AJAA). Nang umunlad siya sa pagpipinta, ginaya niya si Jose
Blanco at nagbitiw na rin siya sa trabaho upang sanayan ang sarili sa kanyang
kinagigiliwang sining. Sumali siya sa mga group exhibits ng AJAA at AAA, at noong
taong 2002 tinanggap siya sa AAA.
Malaki ang ekspektasyon ng lahat kay Carlos "Totong" G. Francisco II, sapagkat dala
niya ang pangalan ng kanyang lolo na si Carlos "Botong" Francisco, ang Pambansang
Alagad ng Sining sa Pagpinta. Samantala, kahit na magkapangalan ang dalawa,
makikita na sa palayaw pa lamang ang kani-kanilang mga pagkakaiba. Kung si Botong
ay natanyag sa paggawa ng mga mural tungkol sa mga pangyayaring naganap sa
kasaysayan at sa daloy ng pang-araw-araw na buhay sa lumang mala-lalawigang
Angono, si Totong na kanyang apo naman ay kilala sa pagpinta ng nararamdaman ng
mga mamamayan ng "bagong" Angono sa pamamagitan ng mga abstract na larawan.
Si Norberto "Ambhet" B. Lugtu ay ipinanganak sa Lungsod ng Makati noong ika-
26 ng Disyembre, 1970, at siya ay nagtapos ng BS Criminology sa Unibersidad ng
Maynila, ngunit dumadaloy ang mga sining ng pagpinta at pag-ukit sa kanyang dugo.
Nagsimula siya mula sa Junior Ateliers noong 1993, kasabay ang una niyang pagsali sa
group exhibit ("Alay Kay Maestro"), at sa 1996 umangat ang kanyang antas upang
maging ganap na Atelier. Matagal na niyang kilala si Carlos "Totong" Francisco, ang
apo ni Botong, at naging kasama rin siya ng pangkat na Surrounded By Water. Sa
taong kasalukuyan, kasama niya si Totong sa dalawang exhibition, na ang pinakahuli
ay ang "Modes + Phases" sa ArtLokal Gallery, Cityland Megaplaza, Lungsod ng Pasig.
Apat na taon pa lamang si Orville R. Tiamson nang una siyang magpinta, na
hindi nakapagtataka sapagkat pintor ang kanyang ama (may sariling art gallery ang
kanilang pamilya sa Angono). Nagtapos siya sa Mababang Paaralan ng Angono noong
1978, at tumuloy sa mataas na paaralan ng Kolehiyo ng San Beda sa Maynila noong
1982. Nag-aaral siya ng BA Painting sa Kolehiyo ng Fine Arts sa UST, kung saan siya
nagtapos noong 1986. Sa katagalan ng kanyang pag-aaral, napagkatuwaan nila ng
kanyang mga kapatid at pinsan na lumikha ng mga larawan, na lihim namang itinago ng
kanyang "Auntie Lily" (ang manunulat at propesor na si Ligaya Tiamson-Rubin) upang
iregalo kay Orville sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo. Hindi nakakahon sa pagpipinta
lamang, naging stage consultant siya noong 1988 para sa "Search for Miss Angono
Private High School." Naging production designer at technical director siya sa mga
pagtatanghal sa entablado (gaya ng "Three of a Kind: The First Flight") at sa simbahan
ng San Clemente sa Angono (lalo na tuwing Sabado de Gloria). Gumanap na rin siyang
art consultant, art editor (para sa MEGA Magazine), aktor at dramatista. At hindi niya
pinalampas ang musika at panulaan: sa maikling pelikulang "Tito's Wedding" at sa mga
art performance ni Jean Marie Syjuco, siya ang musical scorer; sa ibang banda,
kasama niya ang mga dumadalaw sa Club Dredd (na matagal nang sarado ngayon) sa
Lungsod ng Quezon upang magpakitang-gilas sa panunula, sa pagsasadula ng mga ito,
at sa pagsasamusika ng kanyang mga nararamdaman.
Si Charlie o "Che" Val ay panlima sa walong anak nina Jesus at Felicidad Val,
ipinanganak noong ika-25 ng Hunyo sa 1970, at nakatira sa ngayon sa 13B Kalye
Tanguile, Carebi Subdivision, Angono, Rizal. Ang una niyang sinalihang group
exhibition pinamagatang “Alay Kay Maestro,” na idinaos sa Angono Municipal Gym
noong 1993. Naiiba siya sa lahat ng mga pintor sa Angono dahil siya lamang ang
gumagamit ng kahoy na opal (opal wood) bilang kambas, na unang ipinakita sa publiko
sa kanyang pangalawang group exhibition, “Alay Kay Tandang Juancho.” Sa 1995,
sumali siya sa isang seminar at restoration painting convention sa Museong Pambansa,
habang sa sumunod na taon hanggang 1997 ay abala siya sa iskultura sa proyektong
Layok Bataan, na pinamunuan ni Nemiranda. Nakapagkumpleto rin siya ng isang basic
printmaking course na itinanghal ng PAP sa Angono noong ika-15 hanggang 16 ng
Setyembre sa 2001. Gusto niyang mamuno sa foreign market sa mga susunod na
taon.
Sina Katrina "Keiye" Miranda (anak ni Nemiranda) at Rommel "Wire" Tuazon ay kapwa
mga taga-Angono na nag-aral sa Kolehiyo ng Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas.
Naging matalik na magkaibigan ang dalawang masisining na estudyante hanggang
humantong ito sa kanilang kasal, at ngayon sila ay sinasabing isa sa mga
pinakamaganda at pinakamatagumpay na mag-asawang manlilikha sa bayan ng
Angono. Bukod sa pagpipinta ay nagsusulat rin sila tungkol sa kanilang sining.

B. Iba Pang Makabagong Pintor


Bukod sa panganay na anak na si Katrina "Keiye" Miranda, may tatlong anak
pa ang bantog na si Nemesio "Nemi" Miranda Jr. na nagpipinta rin. Ang pangalawang
anak, si Zarah Jane, ay magaling sa pagpipinta ng mga still life. Si Paul Greco naman
ay nag-aral sa Kolehiyo ng Fine Arts sa UST, mahilig magpinta ng mga hugis-isda at
mga hayop na mula sa karagatan, at nakikipagtagisan ng galing sa mga paligsahan sa
Angono kung saan siya minsan ang panalo. Si Don Nemesio III naman ay nanalo ng
unang gantimpala sa UN International Poster Competition noong 1998. Kasama ang
ama, ang ate na si Keiye, at ang bunso na si Franchesca, nakapagtanghal na sila ng
eksibisyon bilang isang pamilya sa Miranda Traveling Family Exhibit sa Athens, Greece,
at Canberra, Australia sa dekada 1990.
Ang magkakapatid na Balagtas ay mga anak ni Angelito "Lito" Balagtas ng
Gagalangin, Tondo. Subalit, dahil lumipat ang nakatatandang Balagtas sa Angono,
silang lahat ay lumaki na roon na parang lokal na ang turing sa kanila. Nagsimula ito
nang sumali ang Cubist na si Lito, sa AAA noong 1975, kung saan naging pangulo siya
noong 1986, at sa PAFA noong 1991. Sa kanyang mga anak, si Bernie ang pinaka-
aktibo sa mga gawaing pampulitika at panlipunan sa Angono: noong minsan lang,
hinalal siyang barangay-tanod (barangay captain?), at nanalo pa siya sa Cooperative
Union of Rizal spot competition. Si Bernie rin ay nakakuha ng scholarship grants mula
sa tatlong organisasyon at mula sa iskultor na si Ed Castrillo, at dahil dito siya ay
naging iskolar sa kolehiyo at sa unibersidad. Nagtapos siya ng kursong drafting sa
Technologial Institute of the Philippines (TIP) at ng kursong Certificate in Fine Arts sa
UP. Nanalo siya sa 12 art competitions na nasa level pa lamang ng mga taga-
probinsya, kung saan wala halos nag-aaral nang pormal na pagpipinta. Samantala
naman, si Arthur ay naging aktibo sa grupong Gintong Sining sa kanyang paaralan.
Nakapagtapos siya ng BA sa UST, at nagtrabaho muna bilang textile designer. Sa
kasalikuyan, isa siya sa mga naging pinuno ng Junior Ateliers. Tungkol naman kay
Eugene, nanalo ang anak na ito ni Lito ng unang ganitmpala nang dalawang beses sa
poster-making contest ng Parokya ng San Clemente at sa spot painting competition sa
Mababang Paaralan ng Juan Sumulong. Nakuha rin ni Eugene ang pinakamalaking
premyo nang manalo siya sa spot competition ng AAA. Ang huling anak, si Mark, ay
nagkamit ng unang gantimpala sa regional spot mural competition sa San Jose,
Batangas, naging finalist sa pampitong International Exhibit of Children's Paintings sa
Athens, Greece noong 1997, at nanalo ng pitong awards sa kanyang pangalan mula sa
iba't ibang pagtatanghal ng sining sa iba't ibang rehiyon.

C. Estilo ng mga pintor ng kasalukuyan


Malaki ang pinagkaiba ng mga naunang henerasyon ng mga pintor sa siglong ito
sa mga sumunod sa kanila. Isang malaking bahagi rito ang unti-unting pagbago ng
Angono mula sa isang tanawing rural. Gaya ng ibang mga bayan sa mga lalawigan ng
Pilipinas, pinasok na rin ang Angono ng kaunlarang maka-siyudad at maka-Kanluran,
gaya ng pagsasatayo ng mga subdivision at malalaking pamilihan na hindi natural sa
bayan ng Angono. Dahil nagiging ganap na bayan ang Angono, nawawala na ang mga
dating palayan at palaisdaan na siyang pinakamahalagang katangian ng bayan at siya
ring inspirasyon ng mga mamamayan nito. Ayon sa mga nangangalaga ng kapaligiran,
nakasasama ang uri ng kaunlarang dumadaloy hindi lamang sa Angono kundi na rin sa
mga nakatira rito, sapagkat kapag nawala na ang mga puno, lawa, at lahat ng yamang-
likas ng Angono, malaong mawala rin ang pagkakakilanlan, kultura at kabihasnan nila.
Ngunit mayroon ding nagsasabi na nakabubuti ito lalo na sa mga makabagong pintor –
kapag nawala na ang kapaligirang rural, mawawala na rin sa kanila ang bahid ng estilo
ng pagpinta nina Tandang Juancho, Botong, Pitok Bunggan, Nemiranda at iba pa.
Mapipilitang ilabas ng mga pintor ang kanilang mga nadarama, paniniwala at pananaw
sa ibang paraan liban sa pagsasalarawan ng mga naggagandahang tanawin.
(Nakatutuwang isipin na si Tandang Juancho Senson ay mapamahiin, tulad ng kanyang
mga ka-edad sa bayan ng Angono. Ayon sa artikulong sulat ng taga-Angonong si
Ligaya Tiamson-Rubin, maski sa pagyayari ng mga imahen ay nananaig pa rin ang
kanyang mga paniniwala, gaya ng kahalagahan ng hininga ng tubig upang manatili ang
tibay at kulay ng mga imaheng ito. Sa kasalukuyan, binubuhat pa rin ang mga ito tuwing
prusisyon sa Angono; maaari kayang mawala ang tibay at ganda ng mga makabagong
likha dahil sa kawalan ng paniniwala sa mga pamahiing tulad nito?)
Isa pang mahalagang pagkakaiba ng mga pintor noon at ngayon ay ang
kanilang mga paksa. Noong kapanahunan ng mga "alagad ng sining", ang kagandahan
ng buhay sa probinsya, ang mga katutubong alamat, at ang mga magagandang epekto
ng pagkakakilanlan sa sarili bilang Pilipino sa panahong lumalaganap ang pagkamaka-
Amerikano ang karaniwang puno't dulo ng kwento sa likod ng mga larawan. Samantala,
ang kahirapan, kalungkutan, galit at mga emosyong nadarama ng sangkatauhan ang
nananaig sa mga larawan ng mga pintor ngayon. Ang magkakambal na pangyayaring
ito ay buhat marahil ng pagkawalan ng mga mailalarawang tanawin at ng pagkalimot sa
mga alamat na parehong dulot ng pagdating ng (Kanluraning) kaunlaran sa Angono.
Ang estilo ng pagpipinta sa Angono ay hindi na rin limitado sa "estilong Angono" na
ipinakilala ni Botong Francisco. Dahil sa impluwensiya ng mga guro ng pagpipinta sa
mga paaralan at unibersidad, at sa impluwensiya ng mga taga-Angonong nakapag-aral
ng panibagong estilo mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig, unti-unti na ring nawawala
ang paglalarawan ng mga damdamin sa pamamagitan ng mga tanawin at mga
katutubong alamat. Nagiging popular sa mga visual artist ng Angono ang estilong
abstrak (abstract), kung saan naipapahayag ang mensahe ng pintor hindi sa
paglalarawan ng lugar, bagay o tao kundi sa paglalarawan sa kahit anong mapag-
isipang ilagay sa larawan, maging ito ay bahagi ng katawan o simpleng linya at tuldok
lamang. Kung lugar, tao o bagay ang inilalarawan ng isang abstract artist, hindi
nagkokorteng lugar, tao o bagay ang kanyang paksa: sa isang estilo ng abstrak, ang
Cubism (pagguhit sa paraang hugis-kahon), magmumukhang mga kahon na may iba't
ibang korte at kulay ang mga ito. Dahil hindi limitado ang paglalarawan sa paraang
abstrak, karaniwang makulay at matingkad ito. Sa kasamaang-palad, ngayon pa
lamang nasasanay at humahanga ang mga konserbatibong Pilipino sa makabagong uri
ng sining na nabanggit. Makikita sa kasaysayan ng paglilikha ng mga pinta sa Angono
na si Nemiranda ang isa sa mga responsible para rito.

Sa buwan ng Setyembre, may mga batang pintor sa Angono na nagtanghal ng


isang eksibisyon sa ArtLokal Gallery sa Cityland Megaplaza, Lungsod ng Pasig, na
pinamagatang “Modes + Phases.” Dito, matatagpuan ang mga larawang gawa nina
Jovy Andres (ang magkapares na panel na "Woman with Flower" at "Man With Guitar"),
Dino Blanco ("Resurrection" at "Pamatid-Uhaw"), Totong Francisco (ang magkapares
na “Portion I” at “Portion II”), Ambhet Lugtu ("Fish Vendor" at "Woman with Guitar"),
Che Val ("Sa Kalinga ni Ina" at "Santan Flowers"), at marami pang iba.
Bagama’t nilapat sa kahoy na board ang "Portion I" habang sa canvas naman ang
"Portion II," ginamitan ng mga itim at pulang pinturang acrylic ang dalawa upang
ipahayag ang pananaw ni Totong sa mga kababaihan at sa buhay na siyang mga paksa
nito. Pinamagatang "portion" (bahagi) ang dalawa sapagkat iba't ibang bahagi lamang
ng katawan ang inilalarawan at hindi ang buong katawan, gaya ng likod at kadibdiban
ng kababaihang walang saplot (sa "Portion I") at ang prominenteng mga braso at binti
na nakikita habang ang tao ay nasa fetal position ("Portion II"). Dahil sa matingkad na
pula ng mga background, sa magulo at mala-graffiti na paggamit ng kulay itim sa
pagdibuho sa pigura ng tao, at sa katawang puti na may mga patak-patak na pula
(dugo?), masasabing ang mga gawa ni Totong ay naglalarawan ng desperasyon sa
buhay. Kung ang mga sugat na dulot sa mapait na pagkawagi sa buhay ang paksa ng
una, ang paksa ng pangalawa naman ay ang.kawalan ng pag-asa ng taong mabuhay.
Malaki ang pinagkaiba ng mga larawan ni Totong sa mga pintura ni Che. Dahil sa
canvas na gawa sa opal wood, sadyang ipinapaalala sa utak ng nagmamasid ang
dating lagay ng Angono at ang dating kagandahan nito. Sadyang napakasaya at
napakatahimik ang lahat "Sa Kalinga ni Ina," kung baga ipinapahiwatig ni Che ang
panatag na damdamin ng mag-ina. Ngunit kung titingnan nang mabuti, may kakaibang
hugis na lumilitaw malapit sa ulo ng mag-ina. Ang hugis ay bilog at ipininta gamit ang
kulay puti, subalit butas-butas. Maaaring ipinapahiwatig ng bilog na ito na mayroong
mga ulap at mga dahon na nasa himpapawid (ang lahat ng nabanggit ay inilalarawan
ng mismong canvas) na nanghaharang sa sinag ng araw (o buwan?) na parang may
banta. Sa paanan ng larawan, may dalawang kalapati, na tila nagpapaalala sa atin ng
ating tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa daigdig na ating ginagalawan.
Samantala, ang "Santan Flowers" naman ay isang halimbawa ng Impressionist still-life,
kung saan tutuldok-tuldok lamang ang ginagamit upang ipakita ang isang buong
larawan ng isang bagay (sa kasong ito, mga bulaklak na nasa plorera). Kakaunti lang
ang mga kulay ng pinturang oil na ginamit rito – asul, luntian, rosas, dilaw at biyoleta.
Tulad ng unang larawan, may bahagyang kabalintunaang ipinasok si Che rito: kahit na
magaganda at namumulaklak ang mga santan, ang isa ay nahulog na mula sa kanyang
tangkay. Maaaring panghihinayang sa nasayang na pagkakataon ang paksa nito.
Itinatalakay naman ng "Resurrection" ni Blanco ang Katolisismo na binahiran ng
kanluraning kultura. Sa isang banda, lahat ng mga inilarawan rito (ang guwardiyang
Romano sa kanan ng larawan, si Hesukristo sa gitna, at ang isa di-nakikilalang tauhan
na nakasuot ng pang-itaas na may mahabang manggas) ay mestiso ang hitsura, at tila
nga parang kinopya lamang sila sa mga iniukit na imaheng ginagamit sa mga altar ng
tahanan at mga simbahan. Mapapansing makisig ang katawan ng Poon, at dahil sa
kawalan ng pang-itaas, mapapansin rin na ang kanyang sugat sa dibdib ay nasa
kanyang kanan (ayon sa Mabuting Balita, dapat nasa kaliwang bahagi ng dibdib ang
nasabing sugat). Parang buhay at nanlilisik ang kanyang mga mata, tila may hinahanap
dahil hindi sila nakatuon sa nagmamasid. May dala rin siyang heraldry banner sa likod,
na mapapansing parang pumupunta sa "likod" ni Hesus, pabalik sa libingan na kanyang
pinanggalingan. Ang kakatuwa pa rito ay inilarawang yari sa pulang ladrilyo ang
pinaglibingan ni Hesus (ayon din sa Mabuting Balita, nakasilid ang kanyang bangkay sa
loob ng tatlong araw sa isang yungib na may malaking batong nakaharang sa bungad).
Samantala naman, ang dalawang nakapaligid sa kanya ay nasa "harapan (foreground)"
niya at sinusubukan nilang tumalikod at magtago sa kahit anong paraan. Mapapansing
galit ang guwardiya habang hinaharangan niya ang kanyang pangingin gamit ang
kanyang kalasag; naiirita naman ang hitsura ng isang lalaki, na may kunot na buhok at
nakataas na braso bilang pananggalang. Parang inilalarawan ng dalawa ang pagkapoot
ng karamihan sa pakikialam ng mga pari at relihiyoso sa pang-araw-araw na buhay ng
madla. Parang nilalaro ng larawan ang ating pananaw tungkol sa relihiyon, lalo na sa
Katolisismo, at nananadyang magtanong nang " Talaga bang katulad natin si Hesus?
Tama ba ang labis na pagdasal at pananampalataya? Kailan nga ba masasabing sobra
na ang ginagawa nating pagdedeboto?" Mabuti na lang at mas magaan ang
pakiramdam ng isa pang larawan ni Dino, kung saan may isang masayang batang lalaki
na naghihiwa ng buko habang nakatingin ang kanyang kalarong lalaki na parang
nasasabik na sa pag-inom nito. Mabusisi sa detalye ng damit ang pintor rito, sapagkat
halos wala nang buhay ang mga mata nila ngunit ang kanilang mga kasuotan ay parang
nagmumukhang totoo. Maganda ang pagkakagawa, may focal point (o lugar kung saan
magtatagal ang mga mata ng tumitingin) dahil sa maayos na pagkakapinta sa damit,
datapwa't parang "masikip" ang larawan, dahil halos hindi magkasya ang mga bata sa
mala-bintanang larawan.
Isa lang ang lumabas sa utak ng may-akdang ito nang makita niya ang mga
larawan ni Ambhet: stained glass. Bakit? Dahil sa pagsasapintura … parang may guhit
muna ng lapis ang larawan, pagkatapos nang nakalagay na ang pinaka-"punto" nito ay
lalagyan pa ng iba't ibang linya ang larawan. Ang lumalabas ay katulad sa mga
nakikitang bintanang stained glass: hindi pantay ang pagkakapintura ng mga hugis,
ngunit makikita pa rin naman ang orihinal na larawan. Mapapansin ito sa kanyang mga
likha kahit anong medyum at materyales ang kanyang gamitin (sa "Fish Vendor,"
pinturang oil sa kahoy o board; sa "Woman with Guitar," oil sa canvas).
Parang stained glass rin ang mga ipininta ni Jovy, subalit ito ay dulot ng mga
maaliwalas na kulay ng pinturang gamit niya. Mayroon ding pagka-Impressionist ang
mga ito dahil mga tulduk-tuldok ang bumubuo sa kumpletong larawan. Ang babaeng
may bulaklak ay isang kaakit-akit na morenang taga-bukid, na elegante kung tumayo at
umayos (hawak niya ang tangkay ng bulaklak na parang tangkay ng baso ng alak na
matagal na pinaasim sa ibang bansa). Sa kabilang dako, ang lalaking may gitara ay
makisig ang tindig kahit na marilag (at may pagkababae) ang kanyang hitsura, at
anyong manghaharana pa. Mahiyain sila kung ngumiti ngunit naaantig pa rin ang puso
at damdamin ng nagmamasid sa mga larawang ito. Buhay na buhay ang mga ito, na tila
ba parang tunay na tao ang tinitingnan dahil sa kanilang pustura na parang kumikilos,
kahit na malayo ang kanilang mukha sa mukha ng mga tunay na tao.
Ang mga ito ay iilan lamang sa mga likha ng mga kabataang pintor ng Angono.
Bagama't hindi nagkaroon ng pagkakataong kumalap ng mga larawan ang may-akdang
ito, sa masining na paglalarawan gamit ng mga salita ay makita sana ng mambabasa
ang angking galing ng bagong henerasyon ng mga pintor sa Angono, Rizal.
IV. Konklusyon
Sa paningin ng manunulat na ito, mahalaga ang kontribusyon ng mga makabagong
pintor ng Angono. Unang-una, ipinalalawak nila ang sakop ng bayang Angono sa
larangan ng mga sining, bilang mga tagapagdala ng apoy na nagliliyab para sa
pagpapalaganap ng sining-biswal. Pangalawa, dahil sila ang makabagong henerasyon
ng mga pintor, lalo pa nilang ipinatatanyag ang Angono dahil sila ay kinikilalang mga
pintor na nagmula sa bayang ito. Pangatlo, bagama't taga-Angono nga sila,
dinaragdagan nila ng bagong dimensyon ang kanilang pagkamaka-Angono:
samantalang ang lumang bayan mismo ng Angono ang siyang naging paksa ng mga
nauna sa kanila, ang kanilang nadarama, napag-iisipan at napagkukuro-kuro tungkol sa
kasalukuyan at hinaharap ng kanilang sining at ng kanilang bayan ang siya namang
paksa ng henerasyong ito. Alam nilang hindi na maaaring balikan ang kapanahunang
panay lawa at kabukiran ang Angono, ngunit alam din nilang kailangan pa ring ilarawan
ang buhay at diwa ng mga mamamayan nito, kahit sa ibang paraan. Ayon sa sinulat ng
mag-asawang Wire at Keiye (Miranda) Tuazon, "Nakahain sa mga kabataang pintor
ngayon ang hamon ng bukas."
Sa panig ng manunulat na ito, ang akdang iminamasid ng mambabasa ay
isinulat unang-una para sa kapakanan ng mga henerasyong susunod, na maaaring
mawalan ng pagkakataong pumasok sa mga galeriya at humanga sa mga sining-biswal
dahil sa katagalan ng panahon (na nakakasira sa mga materyales sa paglilikha) at sa
kawalan ng pondo at interes na pangalagaan ang mga sining at mga likhang-sining na
ito. Isa pang dahilan sa paggawa ng papel na ito ay ang pagtala ng kasaysayan at
kultura, lalo nang sa bayan ng Angono, na dapat manatiling buhay kahit sa alaala dahil
sa mahalagang kontribusyon nito sa larangan ng kontemporaryong sining-biswal sa
Pilipinas. Ang huling katuwiran kung bakit isinulat ang artikulong ito ay upang ihayag
ang pangangailangang hindi lang masaklaw sa Angono ang pagtatala ng kasaysayan at
kultura na siyang uri ng pangangalaga sa lugar na ito sa mga datos ng kasaysayan at
kultura, kundi para na rin sa iba't ibang mga lugar sa Pilipinas, na kailangan ding bigyan
ng kaukulang kahalagahan at pangangalaga upang makilala at manatili sila sa
pambansang kamalayan ng mga Pilipino.
Nakagawa na nang unang hakbang ang manunulat na ito sa pamamagitan ng pagsulat
ng isang munting papel tungkol sa Angono. Umaasa niya, at ang mga taong tulad niya
na may pagmamahal at pagmamalasakit sa Inang Bayan, na balang araw marami ang
susunod sa kanya at gagawa ng mga munting papel na maaaring gumanap sa
mahalagang gawain na pagpapanatili sa kultura at kabihasnan ng Pilipinas. Huwag lang
nating pagmasdan at hayaang mawala ang ating mana mula sa nakaraan na maaaring
hawak ang ating pagka-Pilipino sa hinaharap.

V. Bibliyograpiya

A. AKLAT

Duldulao, Manuel D. A Century of Realism in Philippine Art. 2nd revised ed. Lungsod ng
Quezon: Legacy Publishers, 1992.

Duldulao, Manuel D. Twentieth-Century FILIPINO ARTISTS. Manila, Pilipinas: Reyes


Publishing, Inc. at Shenzhen, Republika ng Tsina: Toppan Publishing, parehong
1993.

Guillermo, Alice G. Seryeng Blanco: BLANCO (unang aklat) at BLANCO: The Family of
Artists (pangalawang aklat). Ipinalimbag nina Menardo R. Jimenez at Felipe Y. Liao
kasama ang Vera-Reyes Inc., sa Manila, Pilipinas at ng Toppan Publishing
Company sa Hong Kong, Republika ng Tsina, noong 1987 (unang aklat) at
1991 (pangalawang aklat).
Navato-Camacho, Leonarda. 100 Years, 100 Artists: An Expression of the Filipino Soul.
Manila: SBA Printers, Inc., 1998.

Tiamson-Rubin, Ligaya G. Seryeng Angono, Rizal: Art Capital ng Pilipinas (unang aklat)
at Bukal ng Sining (pangalawang aklat). España, Manila: UST Publishing House,
2003.

Art Series: Kayumanggi – Biographies of Philippine Visual Artists. ed. Jane Stangi.
Lungsod ng Quezon: Peso Book Foundation, 2000.

Botong; Alay at Alaala (aklat para sa isang exhibition ng mga mural ni Carlos V.
Francisco na pinamagatan rin nito). Manila: Alcor Printing Company at Sentrong
Tagapag-ugnay para sa Sining Biswal ng Sentrong Pangkultura ng
Pilipinas
(Coordinating Center for the Visual Arts of the Cultural Center of the
Philippines, o CCVA-CAMP), 1989.

Hudyat: Muling Pagsibol (aklat para sa isang exhibition ng mga batang pintor ng
Angonong pinamagatan rin nito). Lungsod ng Pasig: Design for Industry, 2000.

B. LATHALAIN (Mga ARTICLE mula sa mga AKLAT, MAGAZINE at JOURNAL)

Samson, Ditas R. "The Beauty and the Bounty: Angono Recalled and Reinterpreted."
Mula sa Pananaw 4: Philippine Journal of Visual Arts / Luzon, 2002. Lungsod ng
Quezon: National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Office of the
President, Republika ng Pilipinas, 2002. p. 17-26.

Tiamson, Carlos G. "Singing sa Bayan ng Angono." Mula sa Seryeng Angono, Rizal:


Mga Talang Pangwika at Pangkasaysayan (pangatlong aklat). ed. at akda ni Ligaya
G. Tiamson Rubin. España, Manila: UST Publishing House, 2003. p. 164-171.

C. INTERNET

Villareal, Melo/Tayabas Interactive. "Rizal Province, Philippines." Lakbay-Pilipinas.


Huling binago noong 2002. Nakalap sa tahanang Bordador noong ika-12 ng Agosto,
2003. <http://www.lakbay-pilipinas.coms.ph/travel_rizal.html#>

Nemiranda. Nakalap sa tahanang Bordador noong ika-9 ng Hulyo, 2003.


<http://www.kaveny.com/sampaguita/mirandaw.html>

"Angono Ateliers Association." Mababasa lahat sa Angono Ateliers Association. Huling


binago noong 2003. Nakalap sa Skwela CyberCafé noong ika-30 ng Agosto, 2003.
<http://www.ateliersph.com/>

Northern California Angono Association (NoCAA). "Angono: Art for the Day … and a
little sustenance," "Angono International" at "History of Angono." Mababasa lahat sa
NoCAA: Welcome to Angono International. Huling binago noong 2002. Nakalap
sa Skwela CyberCafé noong ika-31 ng Agosto, 2003.
<http://www.geocities.com/angono_1930>

"Antipolo." Philippines Travel Center, Huling binago sa pagitan ng 1999 at 2003.


Nakalap sa tahanang Bordador noong ika-12 ng Agosto, 2003.
<http://www.philtravelcenter.com/philippines/>

D. SANGGUNIAN

1. Mga Taga-Angono:
a. Ditas R. Samson, curator ng Ayala Museum (Ayala Museum, Ground
Floor, Makati Stock Exchange, Ayala Avenue corner Makati Avenue, Lungsod
ng Makati)
b. Patti S. Mallari, Marketing Division, Ayala Museum (Ayala Museum,
Fourth Floor, Glorietta 2, Ayala Center, Lungsod ng Makati)
c. Lilibeth (Kolehiyo ng Arte at Literatura, Bulwagang Rizal, Unibersidad ng
Pilipinas, Diliman, Lungsod ng Quezon)

2. Mga tauhan ng Lopez Memorial Museum (Lopez Memorial Museum, Ground


Floor, Gusaling Benpres, Exchange Road corner Meralco Avenue, Ortigas
Center, Lungsod ng Pasig)

3. Ara (ArtLokal Gallery, Room 8 Lower Ground Floor, Cityland Megaplaza,


Ortigas Center, Lungsod ng Pasig)

[1] (*Dahil sa pagkasira ng ibang datos na nakalap mula sa internet, hindi nailagay ang kumpletong
impormasyon tungkol sa mga kasapi ng AAA at AJAA. Humihingi ng pasensya ang may-akda.)

You might also like