Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 15

LUNES

Mga Tauhan:

LEANDRO – 62 taong gulang, lalaki

CARMEN – 65 taong gulang, babae

Tagpuan:

Sa isang fastfood restaurant sa isang mall sa Cubao.

Oras/Panahon:

Kasalukuyang Panahon. Lunes. Hapon.


Puno ang fastfood
restaurant, wala ng
bakanteng mesa. Sa
isang mesa, makikitang
mag-isang kumakain
si LEANDRO. Lalapit
si CARMEN sa mesa ni
LEANDRO at magtatanong.

CARMEN

Pwedeng maki-share?

Ituturo ni LEANDRO ang


bakanteng upuan sa harap
niya at tatango. Kukunin
ni LEANDRO ang sombrero
at payong na nakapatong
sa bakanteng upuan. Uupo
si CARMEN sa bakanteng
upuan. Magpapatuloy sa
pagkain si LEANDRO.

CARMEN

Nanood ka rin?

LEANDRO

Oo.

CARMEN

Anong pinanood mo?

LEANDRO

Yung kina Stallone.


CARMEN

Ah, action. Ako, yung bagong pelikula ni Bea Alonzo. Gustong-


gusto ko yung batang yun. Napakaamo ng mukha. Kaya naman pag
umiyak na siya, madadala ka na rin at maiiyak ka na rin para sa
kanya.

Hindi sasagot si LEANDRO


at tatango lang. Mag-
uumpisa ng kumain si
CARMEN. Matatapos ng
kumain si LEANDRO at
magpapaalam.

LEANDRO

Mauna na ko sayo a.

CARMEN

Ay, o sige.

Tatayo si LEANDRO.
Isusuot niya ang
sombrero. Maiiwan
niya ang kanyang
payong. Lalabas siya.
Magpapatuloy lang sa
pagkain si CARMEN. Maya-
maya ay babalik si
LEANDRO.

LEANDRO

Yung payong ko, naiwan ko.


CARMEN

Malakas na ba ang ulan sa labas?

LEANDRO

Oo e. May parating na bagyo sabi sa balita.

CARMEN

Napanood ko nga sa TV yun kanina. Hindi nga ko pinayagan ng anak


kong lumabas. Tumakas lang ako.

Matatawa ng bahagya si
LEANDRO. Uupo si LEANDRO
sa bakanteng upuan sa
harap ni CARMEN.

CARMEN

Ah, bakit kayo natatawa?

LEANDRO

Wala. Pareho kasi tayo. Hindi rin ako pinayagan ng pamangkin ko.
Tumakas lang din ako.

CARMEN

Isang beses lang naman kasi mag-Lunes sa isang linggo diba?


Inaabangan ko talaga ang pagdating ng Lunes. Nasubukan mo na ba
yung manood ng sunod-sunod? Noong bago pa lang itong senior ko,
at nalaman kong may libreng sine para sa mga senior citizens
tuwing Lunes, ang dalas ko mag-movie marathon sa mall! Pero
mga hanggang tatlong pelikula lang kasi sumasakit na rin ang
likod at leeg ko pag masyado ng matagal na nakaupo. Alam mo na.
Tumatanda na.

LEANDRO

Movie marathon.

CARMEN
Oo, sabi ng apo ko, yun daw ang tawag sa sunod-sunod na panonood
ng pelikula. Nasubukan mo na bang mag-movie marathon?

LEANDRO

Hindi pa. Pa-isa-isa lang ako kung manood. Isang sine lang sa
isang linggo, masaya na ko. Pero simula nung nagka-senior ako,
hindi pa ko nakakamintis. Tuwing Lunes nandito talaga ako.

CARMEN

Pareho tayo! Ako rin, wala pa kong absent sa libreng pa-sine ni


Mayor tuwing Lunes.

LEANDRO

Para pala tayong parang pumapasok ulit sa eskwela.

CARMEN

At tayo yung mga bibong bata na kailangan perfect attendance.

Bahagyang tatawa si
LEANDRO. Matatawa na rin
si CARMEN.

LEANDRO

E bakit parang ngayon lang kita nakita rito? Sabi mo, wala ka
pang absent.

CARMEN

Ngayon lang ako dito sa mall na to. Doon ako sa kabilang mall
talaga nagsi-sine. Mas malapit kasi yun sa amin. Kaya lang,
tumakas nga lang ako diba? E pag dun ako, baka sunduin ako dun
bigla.

Patlang.
LEANDRO

Mahilig ka talaga sa pelikula?

CARMEN

Oo, sobra. Gusto ko kasi talagang mag-artista noon. Hindi lang


halata, syempre puro kulubot na ko ngayon, pero patok ang beauty
ko noon, wag ka. Nagkaroon na ko ng break noon. Sa Sampaguita
Pictures. Kaya lang, nabuntis ako. Ayun, naudlot.

LEANDRO

Pwede pa naman, a.

CARMEN

Pwede pa naman ang alin?

LEANDRO

Pwede ka pang mag-artista. Maganda ka pa rin naman hanggang


ngayon.

CARMEN

Ikaw naman! Bolero ka pala.

LEANDRO

Hindi a. Sinasabi ko lang kung ano ang nakikita ko.

CARMEN

Ay, sus. Salamat! Pero matanda na ko, dadalhin ko na lang sa


kabilang buhay ang pangarap kong mag-artista.

LEANDRO

Alam mo, habang may buhay, may pag-asa. Hindi ba’t uso na ang
indie films ngayon? Pwede ka run!

Patlang.
CARMEN

Ikaw? Bakit mahilig ka rin sa pelikula?

LEANDRO

Pangarap ko kasi noon maging direktor.

CARMEN

Aba! Bagay pala tayo. Ako, artista. Ikaw, direktor. Gumawa na


lang kaya tayo ng sarili nating pelikula!

Magtatawanan ulit sina


LEANDRO at CARMEN.
Mas malakas at mas
komportable na ang
tawananan at hagikhikan
ng dalawa ngayon.

CARMEN

E anong nangyari?

LEANDRO

Naudlot rin.

CARMEN

Nabuntis ka rin?

LEANDRO

Hindi!

CARMEN

E bakit naudlot?

LEANDRO

Kinailangan ko kasing patakbuhin yung negosyong naiwan ng tatay


ko noon. Panganay kasi ako. Bata pa ang mga kapatid ko noon nung
namatay yung tatay namin. Buong buhay ko napunta na sa negosyo.
Kinalimutan ko na lang yung pangarap kong maging direktor.

CARMEN

Pero hindi basta-bastang nakakalimutan ang mga pangarap.


Naisasantabi lang madalas. Alam mo na, kailangang unahin ang
pamilya. Pero lalabas at lalabas din kung ano ang talagang gusto
natin. Tingnan mo tayo, kung kelan tayo tumanda, ngayon pa tayo
madalas mamasyal sa mall at mag-sine!

LEANDRO

Sabagay, may punto ka.

Tutunog ang cellphone ni


CARMEN at babasahin niya
ang text.

CARMEN

Yung apo ko nag-text, nagagalit na raw ang nanay niya, yun yung
anak ko. Hinahanap daw ako. Naku.

LEANDRO

Malapit ka lang ba rito? E yung asawa mo, hinahanap ka na rin


ba?

CARMEN

Biyuda na ko.

Maririnig nina LEANDRO


at CARMEN ang malakas na
buhos na ulan.

CARMEN

Naku, bumuhos pa lalo ang ulan.


Magri-ring ang cellphone
ni CARMEN at sasagutin
niya ito.

CARMEN

Anak, o, sorry na. Oo, nandito ako ngayon sa Gateway. Pasensya


na. Palabas kasi yung kay Bea Alonzo. Alam mo naman at paborito
ko si Bea. Hindi na nga si John Lloyd ang partner niya dito e.
Pero maganda pa rin. Nakakaiyak. Iba talaga umarte si Bea. Oo,
anak. Hindi ko naman alam na may bagyo. Oo. Malakas na nga ang
ulan dito, anak. Ah, sige. Salamat. Sorry ulit. Okay lang ako.
Hintayin ko kayo rito. O, sige, sige. Ingat kayo. O, sige, sige.
Oo, sorry ulit, anak. Okay. Ba-bye.

Itatago ni CARMEN ang


cellphone sa loob ng
kanyang bag.

CARMEN

Anak ko yung tumawag. Susunduin daw ako rito. Ikaw ba? Malapit
lang ba ang inuuwian mo?

LEANDRO

Malapit lang. Diyan lang sa 15th Avenue yung bahay ng pamangkin


ko. Lakad lang, exercise na rin. Kaya lang malakas pa ang buhos
ng ulan.

CARMEN

Wala kang anak?

LEANDRO

Wala. Hindi na ko nakapag-asawa.

CARMEN

Pero nagkaroon ka naman ng kasintahan noon?


LEANDRO

Nung highschool. Pero puppy love lang yun.

CARMEN

Hindi ka naman… bakla?

LEANDRO

Hindi ah!

CARMEN

Sabagay, mahilig ka sa action movies. Uy, pasensya ka na, may


pagka-taklesa lang talaga ako minsan.

LEANDRO

Okay lang. Ganun talaga. Napagkakamalan talaga akong bakla. No


Girlfriend Since Birth eh.

CARMEN

Aba. Kanino mo natutunan yang no girlfriend, no girlfriend since


birth na yan?

LEANDRO

Sa apo ko sa pamangkin. Iba na talaga ang mga kabataan ngayon


no? Masyado na silang maraming alam na hindi natin alam. Minsan,
mahirap na silang intindihin.

CARMEN

Ganun talaga. Age gap. Magkaiba ng generation. Pero alam mo may


mga bagay naman na hindi namimili ng edad.

LEANDRO

Tulad ng?

CARMEN

Tulad ng… pag-ibig.

LEANDRO

(mapapangiti) Sabagay.
CARMEN

Pero nain-love ka naman na kahit isang beses sa buhay mo?

LEANDRO

Ewan ko. Hindi ko alam. Hindi pa ata.

CARMEN

Hindi nga?

LEANDRO

Napag-iwanan na ko ng panahon. Nung nagbiyahe ang huling tren


papuntang dambana, naubusan ako ng tiket, hindi ako nakasakay.

CARMEN

Alam mo masarap ang pakiramdam ng nagmamahal. Kahit anong


klaseng pagmamahal pa yan, tanga man o matalinong pagmamahal.
Wala kasing katulad yung ganung pakiramdam. Nakakalungkot na
hindi mo yun naramdaman. Kahit isang beses lang sa buhay mo.

Patlang.

LEANDRO

Pero-

CARMEN LEANDRO

Habang may buhay, may pag-asa. Habang may buhay, may pag-asa.

Sabay ulit na
magtatawanan sina CARMEN
at LEANDRO. Matitigil
ang tawanan nila nang
mag-ring ang telepono ni
CARMEN. Sasagutin ito ni
CARMEN.

CARMEN

Anak, o sige. Papunta na ko. Okay, sige. Lalabas na ko dito.


Okay, thank you. Ba-bye.

Itatago ulit ni CARMEN


ang cellphone niya sa
kanyang bag.

CARMEN

Naku. Nandyan na yung anak ko. Mauuna na ko ah.

LEANDRO

(iaabot ang kamay) Leandro nga pala.

CARMEN

Oo nga no! Kanina pa tayo magkausap, hindi pa pala natin alam


ang pangalan ng isa’t isa. (iaabot ang kamay) Carmen.

LEANDRO

Carmen.

CARMEN

Salamat sa pagsama sakin habang naghihintay ha, Leandro. Mauuna


na talaga ako. Naghihintay na sa labas yung anak ko.

Tatayo si CARMEN pero


pipigilan siya ni
LEANDRO.

LEANDRO
Ah, teka. Teka muna.

CARMEN

Bakit? Gusto mo bang sumabay? Pwede ka naming ihatid sa inyo.

LEANDRO

Ah, hindi. Ah, eh. Pwede ko bang. Pwede ko bang mahingi yung
numero ng cellphone mo?

CARMEN

Naku. Gusto kong ibigay sayo. Pero kasi. Hindi ko kasi kabisado
yung numero ko.

LEANDRO

Ganun ba?

CARMEN

Ah, ganito. Ilagay mo sa cellphone ko ang numero mo tapos


tatawagan kita. Pero alam mo, sa susunod na Lunes, nandito naman
ulit ako. Dito na ako manonood ng sine, hindi na dun sa kabilang
mall. Kasi dito, at least pwede kitang makakwentuhan pagkatapos
ng sine. Magkita ulit tayo dito sa susunod na Lunes ha? Kung
sakaling magkaiba ang panoorin natin at di tayo magkita sa
sinehan sa taas, hintayin mo ko rito ha.

LEANDRO

O, sige, sige. Sa susunod na Lunes.

CARMEN

O, pano, Leandro. Mauuna na ko.

LEANDRO

Sige, ingat. Sa Lunes na lang.

Aalis si CARMEN. Uupo si


LEANDRO. Patuloy pa rin
ang buhos ng ulan.
Hihintayin ni LEANDRO
ang pagtila ng ulan.
Didilim ang paligid. At
sa pagliwanag muli,
makikita nating nakaupo
si LEANDRO sa parehong
upuan sa fast food
restaurant. Iba na ang
suot na damit. Wala ng
ulan, pero maghihintay
pa rin siya. Didilim
muli ang paligid. At sa
pagliwanag muli,
makikita nating nakaupo
ulit si LEANDRO sa
parehong upuan sa fast
food restaurant. Iba na
naman ang suot na damit.
Maghihintay pa rin si
LEANDRO. Sa pangatlong
pagkakataon, didilim
muli ang paligid. Ilang
segundo lang, liliwanag
muli ang kapaligiran.
Makikita ulit natin sa
huling pagkakataon si
LEANDRO, na nakasuot ng
iba na namang kasuotan,
na nakaupo at
naghihintay pa rin.
Didilim muli ang
paligid. At sa huling
pagbabalik ng liwanag,
makikita natin ang
bakanteng upuan, wala na
ang nakaupo at
naghihintay na si
LEANDRO. Makikita nating
dadating si CARMEN, na
nakapustura pero may
dala ng tungkod at
marahang uupo sa
bakanteng upuan at
maghihintay.

TELON.

You might also like