Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Modyul sa Pre-Bap

Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.


Pambungad na Panalangin
Ama naming Makapangyarihan, basbasan mo't patnubayan kaming nagkakatipon ngayon upang pag-
aralan ang mga turo ng iyong Simbahan. Loobin mo na maunawaan ng mga magulang, ninong at
ninang ang kahalagahan ng sakramento ng binyag at ang kanilang mga obligasyon sa mga batang
bibinyagan upang hubugin ang iyong mumunting mga anak sa buhay na hahantong sa piling mo sa
diwa ni Jesu-Cristo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos
ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Ang Pagbasa mula sa Salita ng Dios

Pagbasa mula sa Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


" Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa
lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa.
Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang
sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa
katapusan ng panahon.” (Mateo 28:18-20 MMB)
Ang Mabuting Balita ng ating Kaligtasan
Pagtalakay:
I. ANG SIMBAHAN: ATING INA AT TAGAPAGTURO (CCC. 168)
Itinatag ni Jesus ang kanyang iisang Simbahan (Mateo 16:18), ang kanyang katawan (I Cor. 12:20;
Col. 1:18) kung saan tayo ay mga kaanib (Rom. 12:4; I Cor. 12:12; 11:27). Sa kanya at sa kanyang
patuturo ay nararamdaman natin ang presensya ng Diyos. Binigyan sya ni Jesus ng misyon upang
gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa, magbautismo at magturo ng lahat ng aral ni Cristo na
dapat sundan ng lahat ng mga sumasampalataya. (Mateo 28:18-20). Hhindi maaring magturo ng mali
ang Simbahan dahil nangako ang Panginoong Jesus na kanyang pangangalagaan ang Simbahan mula
sa mga maling aral nang kanyang Sabihin: " Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang
nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa
akin. " (Lucas 10:26).
I.a) ANG SIMBAHAN BILANG SAKRAMENTO NI CRISTO
Ang mga sakramento ay panlabas na palatandaan (Visible sign) ng panloob na biyaya, na itinatag ni
Kristo upang magkaloob ng biyaya para makatulong sa ating pagpapakabanal bilang mga
Kristyanong naglalakbay pa dito sa lupa. Ito ay nangangahulugan ding banal na pagkilos, tanda,
pagtatalaga, sapagkat sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sakramento ay itinatalaga ng isang
Kristyano ang kanyang sarili kay Cristo. Ang mga sakramento ay selyo at palatandaan kung saan
tayo ay tinatatakan ng Espiritu Santo (Ephesians 1:13-14; 4:30). Ang mga sacramento ay daan ng
biyaya ng Diyos.
T. ANU-ANO ANG MGA SAKRAMENTO?
S.ANG MGA SAKRAMENTO AY PITO SA BILANG NA PINANGKAT SA TATLONG GRUPO:
A) Ang mga Sakramento ng Pagtanggap (Sacraments of Initiation)

1. Binyag- Ito ay mula sa salitang Griyego na Baptizo na nanganaghulugang paglulubog o di kaya ay


paghuhugas, sapagkat sa sakramentong ito ay nalilibing kasama ni Cristo at muling nabubuhay
kasama niya sa kaluwalhatian ng Ama upang lumakad sa isang bagong buhay (Roma 6:3-4). Ito ay
isang Sakramento kung saan tayo ay muling ipinapanganak sa isang panibagong buhay kay Cristo sa
pamamagitan ng muling pagsilang sa tubig at Espiritu (Jn. 3:3-5) Rom 10:17 “Kung pinutol ang ilang
sanga ng punong olibo, at ikaw na sangang ligaw ay idinugtong sa puno upang makabahagi sa katas
na nagmumula sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin
mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat, kundi ang ugat ang bumubuhay sa iyo. 19 Maaaring
sabihin mo, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.”. Ito ang pintuan ng Simbahan, ng
mga Sakramento at ng isang panibagong espituwal na pamumuhay (CCC 1213). Ang karaniwang
punong tagapagdiwang ng sakramentong ito ay ang Obispo, Pari o di kaya'y Diakono.
Ipinapahintulot na magbinyag ang isang layko sa kaso ng lubhang pangangailangan dahil sa nasa
bingit na ng kamatayan nag buhay ng bata o sanggol na di pa nabibinyagan. Kailangan lamang
ipanalangin ang tubig na gagamitin at ibuhos ito sa ulo ng bata habang binabanggit ang Batismal
Formula: " (Pangalan ng bata) Binibinyagan kita sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Amen."
2. Kumpil- Ang sakramentong ito ay iginagawad sa mga nakatanggap na ng sakramento ng Binyag.
Ang Sakramentong ito ay matatagpuan sa biblia (Gawa 8:14–17, 9:17, 19:6; Heb. 6:2) na
nangangahulugang pagpapatong ng kamay (ng Obispo) sa kukumpilan upang kanyang tanggapin ng
papatungan ng kamay ang Espiritu Santo. Pinagtitibay sa sakramentong ito ang ating pagiging anak
ng Diyos at ang ating kaugnayan kay Cristo at sa kanyang Simbahan mula nang tayo ay binyagan.
Pinapalakas tayo sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga kaloob (Isa 11:1-2; CCC 1831) at bunga
(Gal 5:22-23; CCC1832) ng Espiritu Santo. Sa papamagitan ng Sakramentong ito ay pinapatatag ng
Espiritu Santo ang kukumpilan upang maging sundalo ni Cristo na handang ipalaganap at
ipagtanggol ang kanyang pananampalatayang katoliko sa salita at gawa (Judas 1:3; I Ped. 3:15; CCC
1285).
3. Eucharistia- Ang Eucharistia ay nangangahulugang pasasalamat (Mat. 26:26-28; CCC 2637-2638).
Sa sakramentong ito ay inaala-ala at ipinahahayag natin ang paghihirap, kamatayan at muling
pagkabuhay ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito (I Cor. 11:23-26; CCC 1342-
1344, 1337). Ang sakramentong ito ay ang rurok ng ating pananampalatayang Kristyano (CCC
1224). Tinatanggap natin sa Eucharistia ang tunay na katawan at dugo ni Cristo, hindi simbolo
lamang. Tayo ay nakakatiyak dito dahil sinabi mismo ni Cristo: " ito ang aking Katawan" at "ito ang
kalis ng aking Dugo" (Mateo 26:26-28) kaya tayo ay nakatitiyak at lubos na sumasampalataya na sa
pamamagitan ng mga tapat at makapangyarihan ng Mesias, siya, siya mismo ay presente sa
Sakramentong ito hanggang sa kaliit-liitang muno ng hostia at kahulihulihang patak ng alak (Dogma
of Transubstantiation, Konsilyo ng Trent), bagamat nananatili ang tinapay at alak sa orihinal na anyo
at lasa nito. Si Cristo ay nangako na sinoman ang kakain at iinom sa kanyang katawan at dugo ay
may buhay na walang hanggan (Jn. 6:54). Hindi natin maaring tanggapin ang Katawan at Dugo ni
Cristo sa Eucharistia kung tao ay may mabigat o mortal na kasalanan, dapat suriin muna natin ang
ating sariling budhi at mangumpisal bago natin tanggapin si Cristo sa Eucharistia (I Cor. 11:27-32;
Didache 4:14, 14:1 [A.D. 70]), kailangang siya ay handang espirituwal bago sya tumanggap ng banal
na Komunyon. Ang pagtanggap ng pakikinabang na hindi pinaghandaan at pinagnilayan at
samantalang may kasalanang mortal ay isang mabigat na kasalanan (Sacrilege) kaya mas mabuting
mangumpisal muna bago tumanggap ng banal na pakikinabang.
B) Ang mga Sakramento ng Pagpapagaling (Sacraments of Healing)
4. Kumpisal- Tinatawag din itong Sakramento sa Pakikipagkasundo (2 Corinthians 5:18). Sa
sakramentong ito ay ating inaamin sa pari na pinagkalooban ng Simbahan ng karapatan upang
magpatawad ng mga kasalanan sa bisa ng kanilang ordinasyon (Mat 16:18-19; Jn 20:21-23; CCC
1495) ang ating mga nagawang mabibigat na kasalanan o Mortal sins. Ang sakramentong ito ay
naayon sa turo ng mga Apostol at ng mga unang Kristyano na nangungumpisal o nagpapahayag ng
kanilang mga kasalanan (Santiago 5:16; Didache 4:14). Ang Sakramentong ito ay nagtuturo sa atin
ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pag-amin ng ating mga kasalanan sa isang pari na katulad
nating makasalanan at nangangailangan ng awa at pagpapatawad ng Dios. Ang sakramentong ito ay
nagdudulot ng kapatawaran ng ating mga kasalanan at napapanumbalik ang ating ugnayan sa Diyos
at muli tayong nakakapamuhay sa biyaya ng Panginoon. Naipagkakasundo rin tayo sa Simbahan na
ating sinugatan dahil sa ating mga kasalanan. Naliligtas tayo sa walang hanggang kaparusahan na
bunga ng ating mga mortal na kasalanan (Eternal Punishment or Damnation to hell) sa halip ay
napapalitan na lamang ng panandaliang paghihirap sa purgatorio upang tayo ay linisin sa mga
kasalanang na ikumpisal na natin ngunit hindi lubos na napagsisihan (Temporal Punishment). Ito ay
nakakapagdulot ng kapayapaan ng budhi at karagdagang tibay ng pananampalataya upang
ipakipaglaban ito (CCC 1496). Kapag nakapangumpisal na ay maari nang tumanggap ng Banal na
Komunyon ang isang Katolikong Kristyano. Tinuturo sa atin ng Simbahan na dapat tayong
mangumpisal isang beses man lang sa isang taon (kung walang mabibigat na kasalanang nagawa).
5. Pagpapahid ng langis sa maysakit- Sa pamamagitan ng sakramentong ito ay pinalalakas ang
kaluluwa at katawan ng may sakit sa tulong ng biyaya ng panginoong Jesus na syang dakilang
tagapagpagaling ng mga may karamdaman. Sa Sakramentong ito ay ipinapanalangin ng sambayanan
ang may sakit sa pamumuno ng mga pari o matatanda ng simbahan upang pagkalooban ng Diyos ng
lakas ang may sakit at upang pawiin ang lahat niyang takot (Sant. 5:14-15). Ipinapatong ng Pari ang
kanyang kamay sa may sakit at pinapahiran ito ng langis bilang pagtulad sa halimbawa ni Jesus
(Lucas 4:40; Marcos 6:12-14) sabay ng pagdulog sa Espiritu Santo upang pumanaog sa maysakit
upang magkaloob sa may karamdaman ng kagalingan at pagbabasbas.Tintutulungan ng
sakramentong ito ang maysakit upang paglabanan ang mga tukso at takot sa kamatayan. Kung ang
maysakit ay loobin na ng Diyos na magpahinga sa hinaharap, inihahanda ng sakramentong ito ang
may karamdaman sa isang mabuti at mapayapang kamatayan.
C) Ang mga Sakramento ng Bokasyon/Paglilingkod (Sacraments of Vocation)
6. Pagpapakasal- Sa Sakramentong ito ay isang tipanan sa pagitan ng lalaki at babae (sa kanilang
pagpapalitan ng pangako) na sila ay magsasama sa buong buhay nila. Ang Panginoong Diyos mismo
ang nagtatag at unang nagsagawa ng sakramentong ito sa ating unang mga magulang, sina Adan at
Eva sa halamanan ng Eded (Gen. 1:27-28; 2:18,24). Ang pangunahing layunin ng Sakramentong ito
ay ang responsableng pagsusupling at pag-iisang dibdib ng lalake at babae sa pag-ibig. Ang
sakramento ng Matrimonio ay sumasagisag sa tapat at malinis na pag-ibig ni Cristo sa kanyang
Simbahan (Efe. 5:25). Naglalarawan ang sakramentong ito ng habang buhay na pagsasama ng mag-
asawa (Mat. 19:4-5) na kailan man ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao, dahil dito ay hindi natin
pinapahintulutan ang diborsyo (Marcos 10:9).
7. Ang Pagpapari- Sa sakramentong ito ay itinatalaga ang isang lalaki upang makabahagi sa
pagpapatuloy ng misyon ni Cristo na iniwan niya sa kanyang mga apostol na magpapatuloy
hanggang sa waka ng panahon, ito ay may tatlong antas: Obispo, pari at diakono (CCC 1536). Ang
sakramentong ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay at mga salita ng
pagtatalaga (1 Tm 4:14, 5:22) ng Obispo (Ang Tatlong Obispo ay sapat na upang makapag-ordena ng
isang pang Obispo. Ang Pari ay hindi nag-aasawa upang kanyang maibigay ang buong atensyon
(hindi hati) sa paglilingkod sa bayan ng Diyos (Mateo 19:12; I Cor. 7:35).
I.b) ANG MGA ATAS NG SIMBAHAN
1. Ang pagdalo sa Banal na Misa tuwing araw ng linggo at mga pistang pangilin (CCC 1388-9, 2042,
2043, 2177, 2180, 2185; 2187-8; 2192-3).
2. Ang pangungumpisal ng mga kasalanan kahit isang beses man lang sa isang taon (CCC 1457;
2042).
3. Ang pagtanggap ng Banal na Pakikinabang kahit isang beses lamang sa loob ng isang taon, higit
na lalo sa panahon ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon (Easter Season) (CCC 1389; 2042).
4. Magsagawa ng Pag-aayuno at pag-aabstinensya sa mga araw na itinakda ng Simbahan (CCC 2043;
2177).
5. Ang pagkakawang gawa at pagtulong sa mga pangangailangan ng Simbahan ayon sa iyong sariling
kakayahan (CCC 1351; 1387; 1438; 2043).
II. ANG MGA NAGAGAWA NG BINYAG
1. Napapawi ang kasalanang mana na ating minana sa ating mga unang magulang nang sila ay
lumabag sa utos ng Diyos na huwag kakain ng bungang ipinagbawal na nasa halamanan (Gen. 3). ito
ang tinukoy ni apostol Pablo nang sabihin niyang: " When Adam sinned, sin entered the world.
Adam's sin brought death, so death spread to everyone, for everyone sinned. " (Rom. 5:12 NLT).
Namana natin ang kasalanang iyon na nagbunga ng ating kamatayan kaya tayo ay ipinanganak nang
may kasalanang mana (Awit 51:5) na hinuhugasan naman at inaalis sa binyag (Tito 3:4-7) sa
pagsilang na muli sa tubig at Espiritu (Jn 3:3-7) sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may
salita (Efeso 5:25-27) na kung saan ay nalilibing tayong kasama ni Cristo sa binyag (Col. 2:11-15) na
sa atin ay nagliligtas (I Ped. 3:18-22). ang bautismo ay para sa lahat ng tao (Mateo 28:19-20), ito para
sa mga matatanda lalo na para sa mga sanggol at bata (Lucas 18:15-17) na sakop o kasali sa
ipinangako ng Dios (Gawa 2:39) ang kaligtasan (I Ped. 3:21).
2. Tayo ay nakakabahagi sa buhay ng Diyos. Ang Diyos ay walang hanggan, tayo ay nilikhang may
hangganan. Kaya ang biyaya ay ibinibigay ng Diyos ng walang bayad bilang regalo upang tao ay
makabahagi sa kanyang buhay sa kaharian ng langit (Efeso 2:8; Jn 1:12-18; 17:3; Rom 8:14-17; 2 Pet
1:3-4; CCC 1996), at ang biyayang ito na walang bayad na ibinibigay ng Diyos ay natamo natin nang
tayo ay binyagan (Jn 4:14; 7:38-39; 2 Cor 5:17-18; CCC 1999).
3. Tayo ay nagiging anak na ampon ng Diyos kung kaya't nagkakaroon tayo ng karapatang tumawag
sa Diyos na "Ama namin" (Gal. 3:26-27; Rom. 8:14-1; Gal. 4:4-7).
4.Tayo ay nagiging tahanan at templo ng Espiritu Santo (I Cor. 6:19-20), tinatatakan tayo ng Espiritu
Santo (Efeso 1:13) nang tatak na di na mabubura. Ginagabayan na tayo at nililiwanagan ng espiritu
santo, tinuturuan, binabago at pinagkakalooban niya ng kanyang mga kaloob at bunga (Isa 11:1-2;
Gal 5:22-23).
5. Tayo ay nagiging kaanib ng Simbahan na kanyang katawan (I Cor. 12:13; Col. 1:18; CCC 1213).
Kung saan naroroon si Cristo (St. Ignatius of Antioch, Ad Smyrn. 8,2:Apostolic Fathers,II/2,311.)
kung saan tinanggap ng simbahan ang kabuoan ng kanyang kaligtasan (UR 3; AG 6; Eph 1:22-23).
III.ANG MGA SIMBOLO AT BAGAY NA GINAGAMIT SA PAGDIRIWANG NG
SAKRAMENTO NG BINYAG
1. Ang paglalagay ng tanda ng Krus sa noo ng bibinyagan- Itinatatak sa bibinyagan si Cristo na
nagpapatunay na sya ay sa kanya. Ito rin ay sumasagisag sa biyaya ng pagliligtas ni Cristo na
kanyang isinagawa para sa atin nang sya'y mamatay sa Krus para sa ating katubusan (CCC. 1235).
2. Ang Tubig na pambinyag- Ito ay sumasagisag sa paghuhugas mula sa mga kasalanan at muling
pagsilang kay Cristo (Efe. 5:25-26; Tito 3:5; Jn. 3:5-6), ito ay larawan ng pakikipag-isa natin sa
kamatayan ni Cristo sa Krus (Roma 6:3-4). Ito ay larawan ng tubig ng bautismo na sa atin ay
nagligtas (I Ped. 3:21). Sa kasaysayan ng paglikha, makikita natin na ang tubig ay nilikha upang
manglinis at magbigay buhay: "ang Espiritu ng Dios ay kumikilos sa ibabaw ng tubig" (Gen. 1:2).
Nang dumating ang malaking pagbaha sa panahon ni Noeh, ang tubig ay naging tanda ng
pagwawakas ng kasalanan at pagpapanimulang muli ng kabutihan sa mga nilikha (Gen. 3; 1 Ped.
3:20). Ang mga Israelita ay tumawid sa dagat na pula at nakalaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto
(Exo. 14). Sa ilog ng Jordan ay binautismuhan si Jesus at nahayag bilang anak ng Diyos (Mateo 3:13-
17).
3. Paschal Candle- Ito ay sumusimbolo kay Cristo na ating liwanag (Jn 8:12) na kung saan tayo ay
dapat lumakad bilang mga tagasunod ni Cristo sa ating mga buhay (I Juan 1:7). Nawa tulad ng ningas
ng apoy mula sa kandila ng muling pagkabuhay, magningas nawa lalo ang ating pananampalataya sa
Diyos sa kabila ng mga pagsubok (I Ped. 3:7; Heb. 12:29). Ang mga bibinyagan nawa, tulad ni Cristo
na ating liwanag, ay maging mga asin at ilaw ng sanglibutan (Mat. 5:13-14).
4. Puting damit- Bakit puti? Dahil ang Puti ay simbolo ng kadalisayan (Awit 51:7; Mangangaral 9:8;
Dan. 7:9; Apoc. 19:7-8). Ang pagsusuot ng puting damit sa bininyagan ay nagpapakita na sya ay isa
nang bagong nilikha kay Cristo (Rom. 6:4). Ito ay nangangahulugan ding pagsusuot kay Cristo
(Roma 13:14).
5. Ang Langis ng Krisma- Ito ay sumisimbolo sa tatlong misyon ni Cristo bilang Hari (Heb. 1:2 cf
Awit 110:1; Dan 7:13-14), Pari (Heb. 1:3) at Propeta (Heb. 1:1 cf. Deut. 18:15-22) na kung saan ang
bibinyagan ay magiging kabahagi ni Cristo sa kanyang misyon. Makikita natin ANG
IV. ANG BINYAG: PAGTANGGAP NG MISYON
Nang binyagan si Jesus sa ilog ng Jordan ay nahayag at naganap ang kalooban ng Diyos (Mateo
3:13-15) at tinanggap nya mula sa kanyang Ama ang misyon upang ipangaral ang mabuting balita.
Dito rin bumaba kay Cristo ang Espiritu Santo at ipinahayag ng Dios Ama na sya ay kanyang
bugtong at sinisintang Anak (Mateo 3:16-17). Si Jesus, kung paanong sinugo sya ng kanyang Ama,
gayun din naman, sinusugo din nya tayo (Jn. 20:21) at naging mga kabahagi ng kanyang misyon
bilang hari, pari at propeta nuong tayo ay binyagan. At ang misyong ito na kung saan ay naging
kabahagi tayo ay tatanggapin din ng ating mga anak na tatanggap ng sakramento ng binyag.
1. Hari- Tayo, bilang mga kabahagi ng pagkahari ni Cristo ay inaasahang maglilingkod kaysa ang
paglingkuran at ang ibigay ang sarili para sa kapakanan at kabutihan ng nakararami (Mateo 20:27-28;
Luke 22:27; 2 Cor. 8:9; Fil. 2:7; Tito 2:14).
2. Pari- Tayo, bilang mga kabahagi sa pagkapari ni Cristo at bilang tagapagmatian (I Tim. 2:1-5) ay
inaasahang mananalangin din at mamamagitan para sa lahat ng mga tao, lalong-lalo na para sa lahat
ng mga mananampalataya at maging para din sa mga namumuno sa pamahalaan. Bukod sa
pananalangin para sa ating sarili at para sa lahat, inaasahan din tayo na tulad ng ating pari na nag-alay
ng kanyang sariling buhay bilang sakripisyo (Jn 10:18) para sa atin na tinuring niyang mga kaibigan
(Jn. 15:13) nawa'y matuto ring mag-alay ng sakripisyo para sa iba (Awit 51:17; Roma 12:1; Heb
13:15, 16).
3. Propeta- Tayo, bilang mga kabahagi sa pagkapropeta ni Cristo at tulad ng mga naunang propeta na
nagpatotoo tungkol sa pagdating nya (Lucas 24:27; Jn. 5:39-40; Heb. 2:3) ay inaasahang tulad nya na
nagpatotoo tungkol sa paghahari ng Diyos (Mateo 4:17) ay magpatotoo din naman tungkol sa
mabuting balita na ating tinanggap (Gawa 4:18-21; 5:32; 1:18; 2:32; 9:5-6; 22:14-15; 23:11; 26:16)
sa pamamagitan ng ating pamumuhay bilang mabubuting Kristyano sa pamamagitan ng pagsunod sa
mga halimbawa ni Cristo (I Ped. 2:21).
T. ANO ANG OBLIGASYON NG MGA MAGULANG SA KANILANG MGA ANAK NA
PABIBINYAGAN?
S. Tandaan ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay biyayang nagmula sa Diyos (Awit
127:3). Kaya tungkulin ng mag-asawa ang mahalin at arugain at palakihing maayos ang kanilang
anak (Tito 2:4), ang bigyan ito ng kaukulang disiplina (Kaw. 23:13-14; 29:17;22:15) sa tamang
paraan at hindi sa pagmamalupit (Col. 3:21). Tungkulin ng ama ng tahanan ang sustentuhan ang lahat
ng pangangailangan ng kanyang pamilya (I Tim. 5:8). Tungkulin ng mag-asawa ang magpakita ng
mabuting halimbawa sa kanilang anak at ang asawang babae sa pagpapasakop sa bawat mabuting
desisyon ng kanyang asawa (Efe. 5:33). At higit sa lahat, ang palakihin at gabayan ang bata sa maka-
Diyos at Kristyanong Katolikong pamumuhay (Deut. 6:1-3; Kaw. 22:6; Awit 78:5-7; Deut. 11:18-19;
efe. 6:2-3).
T. AANO NAMAN ANG TUNGKULIN NG MGA NINONG AT NINANG?
S. Ang isang pares ng ninong at ninang ay sapat na (Canon Law no.873) hindi kailangang marami.
Ang maaring kunin na ninong at ninang ay yaong mga katoliko lamang at hindi galing sa ibang
pangkating pananampalataya, gulang 16 taon pataas na nakatanggap na ng sakramento ng kumpil at
banal na komunyon (Canon Law 874.1).
Tungkulin ng mga ninong at ninang na tuangan ang mga magulang sa paggabay at pagpapalaki sa
bata sa isang kristyanong katolikong pamumuhay kung sakaling wala ang mga magulang. Hindi ang
layunin ng pagkuha ng ninong at ninang ay upang may maraming magbigay ng pamasko sa bata
kundi upang gabayan ito sa kanyang paglaki at tiyaking lumalaki itong mananampalatayang
kristyano.
V. ANG RITO NG SAKRAMENTO NG BINYAG (Sanguniin ang Collecto Rituum)
VI. PANGKALAHATANG TAGUBILIN
Pangwakas na panalangin
Ama naming Mapagmahal, amin nang natapos ang pag-aaral sa mga turo ng iyong Simbahan, loobin
mong kaming mga nagturo at nakinig ay makatupad sa iyong kalooban, at nawa ang mga magulang,
ninong at ninang ay magsilbing huwaran sa mga munti mong anak sa isang tapat na Kristyanong
pamumuhay. Gabayan mo po sa kanilang paglaki at pagsibol ang mga batang bibinyagan upang
maging mga mabibisang kaanib ng iyong sambayanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesu-
Cristo kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

You might also like