SI-PINGGOY-PINGGAN

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

SI PINGGOY PINGGAN

May-akda at Gumuhit
DEVIN CHRISTIAN P. REY

Sabado ng umaga, maagang nagalmusal ang pamilya nina Pinggoy. Aalis kasi ang kanyang mga magulang na si
Nanay Nata at Tatay Timoy upang maghanapbuhay. Si Pinggoy at ang kanyang nakababatang kapatid na si
Didoy ang tanging naiiwan sa bahay.
“O Pinggoy, anak, ikaw na muna ang maghugas nitong mga pinagkainan natin at baka tanghaliin pa kami ng
tatay n’yo!” ang bilin ng kanyang ina pagkatapos nilang kumain. “Opo nanay,”ang sagot ni Pinggoy.
“Kuya, sabi ni Nanay ay ikaw ang maghuhugas ng pinagkainan ngayon,” ang sabi ni Didoy kay Pinggoy. “Di
ba ako ang naghugas kagabi, kaya ikaw naman para matuto ka,” sagot ni Pinggoy. “Kuya, hindi ko pa kaya.
Hindi ko pa abot ang lababo. Baka matumba lamang ako at mabasag pa ang mga pinggan,” ang naiiyak na
pinggan,” ang naiiyak na sagot ni Didoy.
Laging ganito ang sitwasyon ng magkapatid kapag pinaghuhugas ng pinggan. Laging iniuutos ni Pinggoy ang
gawain sa kanyang nakababatang kapatid. Nauuwi ito sa pagtatalo o pagaaway kaya minsan napapagalitan sila
ng kanilang magulang.
Magtatanghali na nang dumating ang kanilang magulang. Laking gulat ng kanilang nanay nang makitang hindi
pa nahuhugasan ang mga pinagkainan. “O, bakit hindi kayo naghugas ng mga pinagkainan? Ano bang ginagawa
n’yo?” naiinis na tanong niya sa mga anak.
Sa halip, na sumagot, muling nagtalo at nagturuan ang magkapatid. “Haaay, ako na lang ang maghuhugas para
makapagluto na rin ako ng tanghalian natin,” ang sabi ni Nanay Nata sa mga anak. Kahit pagod, siya na rin ang
naghugas ng mga pinagkainan.
Pagkatapos kumain, ay muling inutusan ni Nanay Nata si Pinggoy na maghugas ng pinagkainan. Sumunod
naman si Pinggoy, subalit halos magiba ang kanilang sahig sa tindi ng pagdadabog nito.
Kinagabihan, masayang naghapunan ang mag-anak. “O Timoy, kumusta na ang pagkokopra ninyo? Maibebenta
na ba?” tanong ni Nanay Nata sa asawa. “Hindi pa nga eh. Baka bukas pa at tatapusin pa namin ang pagbabalat
ng niyog,” ang sagot naman ni Tatay Timoy.
“O Pinggoy, ikaw na muna ang maghugas ng mga pinagkainan at talagang pagod kami ng tatay n’yo,” utos ni
Nanay Nata sa anak. Ngunit sa halip na sumunod, iniutos ito ni Pinggoy sa kanyang kapatid. Muli silang
nagtalo.
“Hay naku, lagi na lang kayong nagaaway kapag pinaghuhugas kayo ng pinagkainan. Mabuti pa kumuha na
lamang kayo ng dahon o kaya ay bao at doon kayo kumain!” ang naiinis na sabi ni Tatay Timoy. Kahit pagod
napilitan naman si Nanay Nata na maghugas ng mga pinagkainan.
Habang mahimbing na natutulog ang mag-anak, biglang nagising si Pinggoy nang marinig niya ang boses na
tumatawag sa kanya. “Pinggoy! Pinggoy! Pinggoy!” Laking gulat niya nang makita ang isang babae sa kanyang
harapan.
“Sino ka? Ano ang ginagawa mo dito?”
“Ako ang Diwata ng mga Pinggan. Dahil hindi mo sinusunod nang tama ang iniuutos ng iyong magulang
tuturuan kita ng leksyon.” Ngunit hindi ito pinaniwalaan ni Pinggoy. Sa halip, nahiga siya at natulog.
Nang magising si Pinggoy, may kakaiba siyang naramdaman sa kanyang katawan. “Bakit ba hindi ako
makatayo? Hindi ko rin maramdaman ang mga kamay at paa ko?” nagtatakang tanong ni Pinggoy sa sarili.
Napatingin siya sa isang salamin na malapit sa kanilang higaan at nagulat siya sa kanyang nakita.
“Aaaaaaaaahhhh….! Anong nangyari sa akin?” Naalala niya ang sinabi ng diwata. “Totoo pala ang sinabi niya.
Paano na kaya ako makakabalik sa dati kong katawan at anyo?” ang tanong ni Pinggoy sa sarili habang
umiiyak. “Tatay, Nanay, Didoy! Tulungan n’yo po ako!” nagmamakaawang sigaw ni Pinggoy.
“Kuya, nasaan ka na ba? Kakain na tayo ! Saan kaya nagpunta itong si Kuya, eh ang aga-aga pa?” nagtatakang
tanong ni Didoy sa sarili habang hinahanap ang kapatid.
Nakita ni Didoy ang isang pinggan malapit sa kanilang higaan. “Bakit kaya may pinggan dito? Eto talagang si
Kuya, hindi na nga naghuhugas ng mga pinagkainan ay nag-iiwan pa ng pinggan sa may higaan,”sabi pa ni
Didoy. Dinala niya ito sa kusina at isinama sa ibang pinggan.
“Didoy, ako ito ang Kuya mo. Tulungan mo naman ako. Isinumpa ako ng isang diwata!” pakiusap ni Pinggoy
sa kapatid. Kahit anong pagsigaw at pakiusap ni Pinggoy ay hind siya naririnig ng kanyang kapatid at
magulang.
Labis ang naging pag-aalala ng kanyang pamilya nang malaman nila na nawawala si Pinggoy. “Pinggoy anak,
nasaan ka na ba? Bumalik ka na dito,” ang malungkot na sabi ng kanyang nanay. “Nanay, Tatay, Didoy, narito
po ako sa kusina. Isa na po akong pinggan, tulungan n’yo po ako!” ang malungkot na tawag ni Pinggoy.
Walang ibang mautusan ang kanyang magulang sa paghuhugas ng pinggan. Hanggang sa nagkasakit ang
kanyang nanay. Hindi na nito maigalaw ang braso at kamay, dahil sa paghuhugas ng kamay kahit pagod. Si
Didoy ay naaksidente nang minsang pilitin nitong maghugas ng mga pinagkainan.
Labis ang kalungkutan at pagsisisi ni Pinggoy sa kanyang mga maling nagawa. “Dapat pala ay sinusunod ko
nang tama ang mga iniuutos sa akin lalo na ang paghuhugas ng mga pinagkainan. Dapat pala hindi na ako
nakikipag-away at nagdadabog kapag inuutusan ako. Patawarin n’yo po ako,” sambit ni Pinggoy sa kanyang
sarili habang umiiyak.
Dahil sa labis na kalungkutan ni Pinggoy, hindi niya namalayan na gumugulong na pala siya at malapit nang
mahulog sa sahig mula sa lababo. Aaaaaaahhhhhhhh……….!
“Hoy, Pinggoy, bakit ka sumisigaw? Tumayo ka na diyan at kakain na tayo. Aalis muli kami nang maaga ng
tatay mo papunta sa bundok upang makapagbenta na ng kopra!” sabi ni Nanay Nata kay Pinggoy. Laking
pasasalamat ni Pinggoy. “Hay salamat po, Panginoon, panaginip lamang pala ang lahat. Isang napakasamang
panaginip na ayaw kong mangyari,” sambit ni Pinggoy sa sarili.
“Nanay, ako na po ang maghuhugas ng mga pinagkainan natin. Ako na rin po ang mag-iigib, maglilinis, at
tutulong sa iba pang gawain dito sa bahay,” ang sabi ni Pinggoy.
“Aba, mabuti naman, Pinggoy. Ano ba ang nakain mo at bigla kang nagkaganyan?” nagtatakang tanong ni
Nanay Nata kay Pinggoy. “Ay iyon pong nilagang kamote na nahukay ni Tatay kahapon sa bundok.
Hahahahah!” pagbibirong sabi naman ni Didoy. At masayang nagtawanan ang buong pamilya.
Mula noon ay natutunan na ni Pinggoy na sumunod ng tama sa mga tuntunin at mga inuutos ng mga magulang
sa tahanan lalo na sa paghuhugas ng pinggan. At ito ay hindi na nila naging problema kaylanman.

You might also like