Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Central Luzon State University

Science City of Muñoz 3120


Nueva Ecija, Philippines

Instruksyong Modyular sa Kursong


BAFIL 3009 MALIKHAING PAGSULAT

Modyul 1
Aralin 1 ANG MALIKHAING PAGSULAT
AT MAIKLING KUWENTO

Pagtatampok sa Aralin ( Overview )

Ano ang Malikhaing Pagsulat?

Kaligirang pangkasaysayan ng Maikling Kuwento

Ilan lamang iyan sa mga tanong na tiyakang sasagutin ng modyul na ito.


Halina’t basahin ang kabuuan nito upang maging ganap ang iyong pag-unawa
hinggil sa Malikhaing Pagsulat.

I. Paglalahad ng mga Layunin ( Objectives )

Matapos ang aralin, inaasahang maisasagawa ng mga mag-aaral ang sumusunod:

1. Naipapaliwanag ang kahulugan ng malikhaing pagsulat.


2. Natutukoy ang katuturan at halaga sa lipunan ng Malikhaing Pagsulat.
3. Nailalahad ang mga kaisipang nakapaloob sa masining na pagsulat ng maikling kuwento
at nasusuri ang kalakasan at kahinaan nito gayundin ang ugnayan ng mga elemento sa
isa’t isa sa pamamagitan ng pagtuklas sa mga bagay na naoobserbahan at nararanasan
sa paligid tungo sa kanilang ganap na pagkatuto.

1
II. Pagtalakay sa Aralin ( Discussion )

Sa unang baitang pa lamang ng elementarya, isa sa mga


pangunahing kailangan matutuhan ng mga mag-aaral ay ang pagbasa at
pagsulat. Lagi’t lagi, magkaakibat ang dalawang kasanayang ito.
Tinuturuan ang mag-aaral na kumilala ng mga kulay, hugis, at titik sa
alpabeto. Sa pagiging pamilyar sa mga ito, kalaunan ay tinuturuan tayong
sumulat sa pamamagitan ng pagsunod o paggaya sa mga titik na nakasulat
sa aklat o pisara. Sa tahanan, matiyaga tayong ginagabayan ng mga
magulang upang magpatuloy sap ag-aaral ng wastong pagbasa at
pagsulat. At dito tayo nagsimulang matutong sumulat.

May iba’t ibang uri ng pagsulat, at isa na nga rito ay ang


malikhaing pagsulat. Kaiba ito sa teknikal na pagsulat o akademikong
pagsulat.

Ang teknikal na pagsulat o akademikong pagsulat ay naglalayong


tumalakay ng isang paksa, magbigay ng mga impormasyon o datos, at
magbigay ng kaalaman. Halimbawa nito ay ang mga artikulo sa dyornal,
report, tesis o disertasyon, akademikong sanaysay at marami pa.

Sa kabilang banda, ang malikhaing pagsulat naman ay naglalayong


magbigay ng aliw sa mga mambabasa, pumukaw sa damdamin, magbigay
ng aral, at tulungan ang mambabasa na maunawaan pa ang mga bagay-
bagay at pangyayari sa kaniyang paligid o sa lipunang kaniyang
ginagalawan.

Kung titingnan sa diksiyunaryo, ang salitang “malikhain” ay


nangangahulugang “may katangiang pansining” at “may katangian o talino
sa paglikha”. Sa makatuwid, malaking bahagi ng paglikhang ito ay
nagmumula sa malaraong pag-iisip o imahinasyon ng manunulat.

Ngunit tatandaan palagi na hindi lamang ito basta pagsulat ng


malikhain. Bawat manunulat ay may kaniya-kaniyang layunin o dahilan ng
pagsulat. Isa marahil dito, bukod sa pang-aliw sa mambabasa, ay ang
layuning magmulat sa realidad ng lipunan.

2
Sa pagsulat, marami sa mga mambabasa ay nahuhumaling sa
maikling kuwento, bukod sa katangian nitong mas maigsi kaysa nobela,
madaling nahuhumaling ang mga tao sa biglaan o mabilis na pagpihit ng
eksena at paghantong sa rurok o katapusan ng kuwento.

Kaya’t marami ang nahuhumaling magsulat ng maikling kuwento.


Ngunit mahalaga bilang manunulat na unawin o balikang muli ang
kasaysayan nito. Ano ng aba ang kasaysayan ng maikling kuwento sa
Pilipinas?

KAHULUGAN, KAHALAGAHAN AT KALIKASAN NG MAIKLING


KUWENTO

Madalas naitatanong natin sa ating mga kausap o kaibigan ang


ganito,”Ano ba ang nangyari? Sino ba ang kasama? Saan? Bakit daw
ginawa iyon? Bakit kailangan mong ikuwento yan? Nakatatakot naman!
Bakit daw? Nakatatawa naman yan!”…ilan lamang yan sa mga tanong at
kataga na may kaugnayan sa kuwento at pagkukuwento.

Ano ba ang kuwento? Ano ang maikling kuwento?

Maraming pakahulugan ang iba’t ibang manunulat, mananaysay at


kwentista sa salitang ito. Inilahad ng UP Diksyunaryong Filipino 2001 na
ang kuwento ay nagbuhat sa salitang Kastila na cuento na
nangangahulugang, “anumang salaysay na nakalimbag o hindi”. Ayon
naman kina Lucero et. al (1994), kilala ito sa mga Cebuano at Ilonggo
bilang suliganon, “salita” sa Pampango at “sarita” naman sa mga Iloko
gayundin na tinatawag itong katha o likhang salaysay.

Sa kabilang dako, ang Maikling Kuwento (MK) ay maikling uri ng


katha na umiinog sa iisang tema, tinatalakay ang piling mga tauhan at
bihira ang kilos o aksyon. Madalas na tinalakay nito ang isang pangunahing
pangyayari, tunggalian, tauhan at mayroong resolusyon o pagwawakas at

3
batay pa rin kay Dalisay(2006), ito ang anyong pampanitikan na
pinakamatanda at pinakamaunlad.

May iba’t ibang pakahulugan naman ang ilang manunulat


tungkol sa maikling kuwento:

Sa aklat nina Mendoza et.al (1998), ang katangian ng maikling


kuwento ay nakabatay sa bawat panahon kung kailan ito nasulat.
Tinutukoy ang maikling kuwento bilang isang kathang pampanitikang may
sariling kaanyuan at kakanyahan.May mataas na uri ang maikling kuwento
na hinango sa tunay na buhay ng may-akda. Katangi-tangi rin ang anyong
ito ng tuluyan sapagkat para itong sulyap lamang na nagaganap. Mabilis
ang pagsasalaysay dahil matipid ito sa paggamit ng mga pananalita. Halos
ganito rin ang pagpapakahulugan ni Edgar Allan Poe, kanluraning
manunulat, para sa kanya ang maikling kuwento ay maikli at nababasa
lamang sa isang upuan, may binubuong banghay ukol sa protagonista at
may layuning makalikha ng isang kakintalan.

Inilahad naman sa aklat nina Belvez, et.al (2006) na


karaniwang tinatawag na maikling katha ang maikling kuwento. Sangay ito
ng salaysay na may iisang kakintalan gayundin na may isang madulang
bahaging tinatalakay, isang pangunahing tauhang may mahalagang
suliranin at kakauntian ng iba pang tauhan, may isang mahalagang tagpo
at may mabilis na pagtaas ng kawilihan.

Madalas din itong naihahalintulad sa nobela ngunit malaki ang


kaibhan nito sa una. Higit na nangangailangan ng mahabang oras ang
paglikha at pagbasa ng nobela kaysa sa maikling kuwento.

KASAYSAYAN
Tulad ng maraming bagay sa mundo, ang maikling kuwento ay may
prosesong pinagdaanan bago ito natawag sa pangalan nito.

4
Mababalikan sa kasaysayan na mayroon na tayong sariling panitikan
bago pa man ang pananakop dahil dito tiyak na may malaking gampanin
ang mga panitikang-bayan sa pag-unlad ng maikling kuwento. Batay sa
aklat nina Belvez et.al (2006), nag-ugat ang maikling katha o maikling
kuwento sa mitolohiya (katipunan ng iba;t ibang paniniwala
kinapapalooban ng mga diyos at diyosa at mga espiritu); alamat
(salaysaying nagpasalin-salin na tumatalakay sa posibleng pinagmulan ng
bagay, tao o lugar); kuwentong bayan (salaysaying binuo at isinalin ng
taumbayan na nagiging batayan para sa kabutihan) at pabula (salaysaying
mga hayop ang pangunahing tauhan na may pangunahing magbigay-aral
sa mga mambabasa).Halos ganito rin inilahad nina Evasco at Ortiz (2008)
at idinagdag nila na ang epiko (salaysay sa anyo ng berso na tumatalakay
sa pag-ibig at pakikipagsapalaran) ay isa rin sa posibleng pinag-ugatan ng
maikling kuwento. Inilahad din sa aklat nina Arrogante (2007) na ang
maikling kuwento ay maaring nagsimula sa tinatawag na dagli.

Ano ba ang dagli?

DAGLI

Maituturing itong salaysay sa isang sanaysay dahil nagtataglay ito ng


mga ilang sangkap ng maikling kuwento, ipinalalagay rin itong “misteryong
salaysay. Sa aklat ni Arrogante (2001) tinukoy ang dagli bilang ugat ng
kuwento. Ito ay mga sitwasyong may mga tauhan ngunit walang aksyong
umuunlad at mga paglalarawan lamang. Ito ay dagling nangangaral.

Ipinalalagay na ang dagli ay isang anyong panitikan na maituturing


na maikling maikling maikling kuwento at sinasabing lumaganap ito sa
Pilipinas sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano.

Bukod sa hindi malinaw kung anong tiyak na panahon nabuo o


nakilala ito, sinasabi rin ng mga manunulat noon n wala ring tiyak sa
angkop na haba para masabing dagli ang isang akdang pampanitikan.

5
Subalit sinasabing kinakailangang hindi ito aabot sa haba ng isang maikling
kuwento.

Binanggit ni Teodoro Agoncillo na mula sa pag-aaral ni Rolando


Tolentino, nagsimula ang dagli taong 1902 at tumagal ito ng halos tatlong
dekada. Samantala, inilahad naman ni E. Arsenio Manuel naman na
umusbong ang instantaneas, tawag sa dagli na karaniwang mababasa sa
mga pahayagan noon, noong panahon ng mga Kastila.

Tinukoy rin ang dagli na kasangkapan ng mga kalalakihan upang


iparamdam o ipaalam sa kanilang napupusuan ang kanilang damdamin
gayundin na ginagamit ito upang ilahad ang kanilang makabayang
ideolohiya.

Tulad ng anupamang bagay sa mundo, ang dagli ay may


pinagdaanan o pinagdadaanang proseso ng pag-unlad bago pa ito naging
batayan ng maikling kuwento. Batay sa
http://fil.wikipilipinas.org/index.php/Dagli (huling sinilip noong Enero
3,2017):

“Sa obserbasyon ni Tolentino, nagpapalit-palit ang anyo ng dagli mula sa harap na pahina ng
mga pahayagan hanggang sa maging nakakahong kuwento sa mga tabloid o tampok na
kuwento (feature story) sa mga kolum, pangunahing balita (headline) sa pahayagan, at
telebisyon. Aniya, “natransform na ang dagli, hindi na ito tinawag na dagli at nagkaroon na ng
ibang lehitimong pangalan at katawagan—anekdota, slice-of-life, day-in-the-life, at iba pa—at
lehitimasyon (pagpasok ng ganitong uri ng kuwento sa media).”
Samantala, sa kontemporaryong panahon,karaniwang napagkakamalang katumbas ng flash
fiction o sudden fiction sa Ingles ang dagli. Nguni't ayon sa panayam kay Dr. Reuel Molina
Aguila, naunang magkaroon ng dagli sa Pilipinas (1900s) bago pa man nagkaroon ng
katawagang flash fiction na umusbong noong 1990s.

Noong 2007, lumabas ang antolohiyang “Mga Kuwentong Paspasan” na


pinamatnugutan ni Vicente Garcia Groyon. Taong 2011 naman nang
mailathala ang “Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kuwentong
Pasaway, Paaway at Pamatay)” ni Eros Atalia kung saan, ayon sa blogger

6
na si William Rodriguez, tinatalakay ang “samu’t saring pangyayari sa
lipunan sa paraang madaling unawain dahil simple lang ang paggamit ng
wika.” Inilathala naman nitong Mayo 2012 ang koleksyon ng mga dagli ni
Jack Alvarez na may pamagat na "Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga"
na ayon kay Aguila: "Naiangat ni Jack Alvarez ang dagli sa isang sining ng
paglikha ng malaking daigdig mula sa maliit at partikular na karanasan…
Isang makabuluhang kontribusyon ito sa panitikan ng bansa."

Pasingaw at diga ang iba pang katawagan sa dagli noon. Sa


kanluranin, si Earnest Hemingway ang nakapagtala ng unang uri na ito.

Pagpapalawak sa Aralin

Upang higit na lumawak ang iyong kaalaman sa aralin, iminumungkahing magbasa ng


ilang mga akdang maikling kuwento o dagli na makikita sa internet. Ang pagbabasa ay
mahalagang kasanayan na magpapaunlad bilang manunulat.

III. Pagtataya sa mga Natutuhan (Assessment)

Upang matiyak na ganap mong nauunawaan ang paksang tinalakay,


magpapadala ng liham ang guro kalakip ang papel na naglalaman ng ilang katanungan
hinggil sa araling ito.

Talasanggunian

MGA SANGGUNIAN:
AKLAT

50 Kwentong Ginto ng 50 Batikang Kwetista Aklat 1. 1998. Pedrito I. Reyes,


Editor. ADMU Press. Quezon City
Belvez, Paz M. et. al . 2006. Panitikan ng Lahi.. Rex Bookstore. Manila
Mendoza, E. C et.al. 1998. Ang Panitikang Filipino Noon at Ngayon. Jireh
Bulakena Press Inc. Bulacan

PAMANA Sining ng Pagkukwento at Pagbigkas ng Tula. Pa M. Belvez.


2003.Rex Bookstore. Manila City.

7
Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya at Praktika. Bernales, Rolando A. at
Patrocinio Villafuerte. 2008.

Piling Maikling Kwento 1939-1992. Genoveva E. Matute. 2008. Ateneo De


Manila, University Press, Quezon City

PALIHAN Hikayat sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat. 2008. Eugene Y.


Evasco. C&E Publishng, Inc.. Quezon City
Sakit ng Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis. The University of the
Philippines Press Diliman, Quezon City

ELEKTRONIKO
Marasigan, Teo. Ang Pagkabuhay na Muli ng Dagli. wordpress.com. (Sinilip
noong 4 Agosto 2016)

Gurley, Jason. Flash What? A Quick Look at Flash Fiction. writing-world.com.


(Sinilip noong 2, September 2016)

Manuel, E. Arsenio at Magdalena Avenir Manuel. Dictionary of Philippine


Biography, tomo ikatlo. Lungsod Quezon: Filipiniana Publications, 1995, mp.
377-379.

Tolentino, Rolando B. at Aristotle J. Atienza, mga patnugot. ‘’Ang Dagling


Tagalog, 1903-1936.’’ Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.
Web. (Sinilip noong 10 October 2016)

Rodriguez, William. Mga Kwentong Dagli sa Nagmamadaling


Panahon. blogspot.com. (Sinilip noong 20 Oktubre2016)

https://tl.wikipedia.org/wiki/Deogracias_Rosario Sinilip noong Oktubre 28, 2016


http://evdumlaosanaysay.blogspot.com/2011/01/anotasyon-ng-kuwentong-aloha-
ni.html sinilip noong Oktubre 25, 2016

https://tl.wikipedia.org/wiki/Deogracias_Rosario Sinilip noong Oktubre 28, 2016


http://evdumlaosanaysay.blogspot.com/2011/01/anotasyon-ng-kuwentong-
aloha-ni.html sinilip noong Oktubre 25, 2016

You might also like