MODYUL_1_ARALIN_3

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

Central Luzon State University

Science City of Muñoz 3120


Nueva Ecija, Philippines

Instruksyong Modyular sa Kursong


BAFIL 3009 MALIKHAING PAGSULAT

Modyul 1
Aralin 3 MGA SANGKAP NG MAIKLING
KWENTONG FILIPINO

Pagtatampok sa Aralin ( Overview )

Ano-ano ang mga uri ng tauhan?

Paano bumuo ng isang karakter?

Ano ang lunan at panahon sa kuwento?

Paano sumulat ng lunan at panahon?

Paano sumulat ng epektibong diyalogo?

Ilan lamang iyan sa mga tanong na tiyakang sasagutin ng modyul na ito.


Halina’t basahin ang kabuuan nito upang maging ganap ang iyong pag-unawa
hinggil sa Malikhaing Pagsulat.

1
I. Paglalahad ng mga Layunin ( Objectives )
1. Nakabubuo ng karakter.
2. Naipapakita ang lunan at panahon sa kuwento.
3. Nakasusulat ng epektibong diyalogo.
Matapos ang aralin, inaasahang maisasagawa ng mga mag-aaral ang sumusunod:

II. Pagtalakay sa Aralin ( Discussion )

Anumang sangkap na pinagsama-sama hanggat magkakaugnay ang isa’t isa,


tiyak na makalilikha ng isang awtput na maganda. Sa talakay na ito, iisa-isahin ang
bawat sangkap ng maikling kwento.

A. TAUHAN AT KARAKTERISASYON
Mahalaga sa isang kwento na maituturing na “buhay” ang mga tauhan
mo. Nagiging higit na kapani-paniwala ang mga tauhan kung angkop ang mga
katangiang ilalakip mo sa kanila mula sa kilos,kaisipan at pananalita.

Tauhan
Tinutukoy nito ang personalidad na inilalarawan, kinakatawan at inilalahad
sa kuwento. Ito ang itinuturing na tagapagsalita sa isang katha.
Karakterisasyon
Tinutukoy nito ang proseso ng pagkalikha, pagpapaunlad, pagbibigay-katangian,
at ang pagganap ng isang tauhan.

2
Klasipikayon ng mga Tauhan

 Flat Character – ang mga tauhang sumasailalim sa anumang


pagbabagong emosyon o pag-unlad. Ang tauhang ito ay kadalasang
tinatawag na estereotipo, one-dimensional o two-dimensional at kulang sa
kasalimuotan ang personalidad.
 Round Character – nagtataglay ng masalimuot at realistikong hulmahan
ng emosyon at ugali. Buong-buo at nagtataglay ito ng samu’t saring
katangian at ugali. Maituturing na three-dimensional ang ganitong tauhan.
Kung ang flat na tauhan ay hindi nagbabago at hindi umuunlad, ang
round na tauhan ay nagbabago, umuunlad, tumatalino, nasasaktan,
nagtatanda, at natututo sa kaniyang mga tunggaling nakakaharap.

Uri ng Tauhan

1. Protagonista – ito ang itinuturing na pangunahing tauhan o ang bida.


2. Antagonista – ito ang kalaban o pantapat na tauhan sa protagonista. Ito ang
negatibong tauhang hahamon sa bida. Tinatawag din itong kontrabida.
3. Pantulong na Tauhan (minor) – katuwang ang mga tauhang ito sa galaw ng
kuwento o sa kilos ng tauhan.
4. Punto-de-bista ng tauhan – ito ang tauhang nagsasalaysay ng mga
pangyayari sa kuwento.

E. ANG TAGPO: LUNAN AT PANAHON

Sa anumang kwento, mahalaga ang tagpuan sapagkat ito ang nagiging piping-saksi
sa mga pangyayaring iikutan ng kwento. Nakadaragdag sa kasiningan ng kwento
ang tamang paggamit ng tagpuan. Nagagawa nitong makatotohanan ang isang

3
pangyayari at madalas nakakapagpatipid ito sa paggamit ng mga salita sa loob ng
kwento.

Tagpo
- Tinutukoy ng tagpo ang Lunan (kung saan nagaganap) at Panahon (kung kailan
nagaganap) ang pinangyayarihan ng naratibo o galaw sa akda. Nagsisilbing
tuntungan, ugat, at kaligiran ng isang katha ang elementong ito.
- Tinutukoy ng lunan ang mga pinakapayak na detalye tulad ng klima o uri ng
panahon tulad ng tag-init o tag-ulan, ang mga kagamitan sa paligid, ang palamuti sa
tahanan, at ang arkitektura at disenyo ng isang pamayanan.

Mga tungkulin ng Lunan

 Ang lunan sa kuwento ay nagsisilbing ring pang-akit sa mga mambabasa.


 Sa pamamagitan ng tagpo, maipapakita ang pagbabago at pagsulong ng mga
pangyayari.
 Ang lunan ay maaaring batay sa tunay at realistikong lugar.
 Ang lunan ay maaaring likha o dulot ng imahinasyon ng manunulat.
 Maaari ring lumikha ng lunan batay sa matalinong pagsusuri sa nakaraan at
kasalukuyan ng lipunan.

Halaga ng Tagpo sa Pagsusulong ng Kuwento

 Ang tagpo ay kasangkapan upang maipakita ang mga pisikal na pangyayari sa


kuwento.
 Ang tagpo ay nagpapatipid sa mga gagamiting salita sa kuwento.
 Nabibigyan ng mga tagpo ang may-akda ng laya na mabisang matalakay ang
mga makulay at mataas na bahagi at damdamin sa kuwento.
 Ang mga tagpo ang nagtatakda ng makasining na baha-bahaging pagsulong ng
kuwento.

4
F. DIYALOGO

- Kumbersasyon, pag-uusap, at palitang-kuro sa pagitan ng dalawa o higit pang


tauhan sa anumang naratibo ang diyalogo. (UP Diksiyonaryong Filipino 2001)
- Itinuturing itong elementong kumbersasyonal sa mga likhang naratibo o
dramatiko. (Merriam Webster’s Reader’s Handbook 1997)
- Ito ang mga linya, salita, o pahayag na binibigkas ng mga tauhan sa kuwento,
nobela, at sa iba’t ibang anyo ng dula sa entablado, telebisyon, radyo, at pelikula.
Ipinapahayag ng diyalogo ang sinasabi ng isang tauhan. Ito ang mga tinig na
maririnig sa katha. Kilala rin ito sa tawag na “salitaan”. (Duque 2004)
- Sinasabing tauhan ang ugat ng diyalogo. “Ang paraan ng pagsasalita ng tauhan
ay nagmumula sa kaniyang mga katangian.” (Rene O. Villanueva, 1994)

Mga tungkulin ng Diyalogo mula kina Eugene Evasco et.al

1. Binubuo ng diyalogo ang tono at damdamin ng isang katha.


2. Naglalaan ito ng mga panimulang impormasyon sa katha.
3. Inilalantad ng diyalogo ang pagkatao ng tauhan at ang motibasyon nito sa loob
ng naratibo.
4. Nakalilikha rin ang diyalogo ng malapit na ugnayan ng tauhan at ng mambabasa.
5. Isinusulong ng diyalogo ang galaw ng kuwento o naratibo.
6. Nakabubuo ng tunggalian at nakadaragdag sa suliranin ng protagonista ang mga
diyalogo.
7. Nakatutulong ang diyalogo para ipaalala sa mambabasa ang ilang detalye
maaaring nalimutan na niya sa daloy ng pagbabasa.
8. Nakatutulong din ang diyalogo para magbigay-pahiwatig sa mga dramatikong
pangyayari.

5
9. Nakatutulong ang diyalogo bilang mainam na panimula o pagpapaningas ng
interes ng bumabasa.
10. Nakalilikha ang diyalogo o wika ng tauhan sa karakterisasyon.
11. Sa pamamagitan din ng diyalogo, maaaring magpasok ng pagpapatawa ang
manunulat sa loob ng kaniyang akda.
12. Sa pamamagitan din ng diyalogo, naipakikita ng mangangatha ang mensahe,
layunin, at kuwento sa halip na direktang pagsasabi lamang.

Teknikal na Paraan sa Pagsusulat ng Diyalogo mula kina Eugene Evasco et.al

1. Ipaloob sa panipi ang buong diyalogo. Halimbawa:

“Paano ba magsulat ng diyalogo?” usisa ng mag-aaral.


“Ganito. Madali lamang,” sabi ng guro.

2. Gumamit ng kuwit para ihiwalay ang diyalogo sa tag line (ang mga salita para
tukuyin kung sino ang nagsasalita) Halimbawa:

“Makikita ninyo ang kuwit sa pagtatapos ng pahayag na ito,” sabi ng guro.

3. Ang tuldok, kuwit at iba pang batas ng pangunahing pangungusap ng diyalogo


ay nakapaloob sa mga panipi. Halimbawa:

“Ganito ba ang dapat gawin?” tanong niya.


“Oo, dapat nasa loob ng mga panipi ang tuldok.”
“Pati na rin ang kuwit,” sabad ng propesor.
“Ngayon, alam ko na!”

4. Gagamitin ang kuwit kapag hahatiin ng tag line ang isang pahayag sa dalawa.
Isinasagawa ito para magkaroon ng dramatikong epekto ang isang diyalogo.

6
Halimbawa:

“kuwit ang dapat nating gamitin,” payo ng guro, “kung sakaling hahatiin sa
dalawa ang isang pahayag sa diyalogo.”

5. Upang makita ang panipi sa loob ng isang pahayag, gumamit ng single


quotation. Halimbawa:

“Nabasa mo na ba ang kuwentong ‘Tata Selo’ ni Rogelio Sicat?” pabulong niyang


tanong sa akin sa loob ng silid-aklatan.

6. Gawing pahilis ang mga internal o paloob na diyalogo. Halimbawa nito ang mga
pahayag ng kinakausap ng tauhan sa kaniyang sarili. Halimbawa:

Nais na niyang maluha sa dami ng dapat tapusin. Tambak na tambak ng mga papel
at aklat ang kanilang mesa. Magagawa ko ba ito? Usig niya sa sarili. Ano ba ang
dapat kong unahin?Ang problema kasi’y hindi ako marunong humindi. Sabihin ko na
kaya sa kaniyang hindi ko matatapos ang proyekto namin? Magagalit kaya siya?
Ngayon lang naman ako humiling ng extension..Sana, pagbigyan niya ako. Kung
ginawa ko lang talaga ito nang mas maaga.

7. Kapag ang pahayag ay dalawa o mahigit pang talata, huwag itong isasara sa
isang panipi (end quotation). Sa halip, isara ang pahayag sa pinakahuling
pahayag ng isang tauhan.

8. Tandaan na kapag isinara ang isang pahayag, ang susunog na pahayag ay pag-
aari na ng ibang tauhan. Halimbawa:

“Akin ang pahayag na ito kasi isinara na ng isang panipi,” sabi ni A.


“ito nama’y aking-akin,” tugon ni B.

7
9. Magsimula ng bagong talata kapag nagpapalit na ang nagsasalitang tauhan.
Halimbawa:

“Ako ang nagsasabi nito,” sabi ni Juan.


“Ako naman ang nagpapahayag nito,” wika ni Maria.

10. Magsisimula sa malaking titik ang nakapaniping diyalogo. Halimbawa:

“Malaking titk dapat ang simula nito!” sabi ng aklat.

11. Kapag nahati ang pahayag sa pamamagitan ng speech line o tag line,
magsisimula na ito sa maliit na titik. Halimbawa:

“Dapat tandaan,” payo ng guro, “na maliit na titik ang simula ng ikalawang
bahagi ng pangungusap na ito.”

12. Nahihiwalay ang diyalogo sa katawan ng prosa sa pamamagitan ng bagong


talata o kaya’y sa isang kuwit. Halimbawa:

Nakapagpasiya na si Paolo sa kaniyang nais sa buhay, “Mag-aaral na akong


magsulat. Gusto kong malathala. Gusto kong mabuhay nang walang-hanggan.”

13. Tiyakin batid ng mambabasa ang nagsasalita ng kuwento. Dapat ipakilala ng


may-akda kung sino ang nagsasalita sa bawat pahayag. Huwag pauli-ulit ang
pagbanggit kung sino ang nagsasalita kapat ito’y natukoy o naipakilala na sa
dakong simula ng eksena.

14. Gumamit ng tamang batas sa pagsulat ng diyalogo.

8
15. Huwag magsayang ng diyalogo. Piliin lamang kung kailang hahayaang magsalita
ang tauhan. Dapat ay may kabuluhan ang kaniyang sasabihin. Huwag gagawing
madadal ang tauhan nang walang kaugnayan sa kuwento.

16. Iwasan ang labis na pagpapaliwanag o eksposisyon sa diyalogo.

17. Gumamit ng mga pahayag na nagsasalaysay para maipamalas ang kasalukuyang


ginagawa, iniisip, o kalagayan ng tauhan.

18. Hayaang maging natural ang pagsasalita ng mg tauhan. Maaaring gumamit ng


maiikling pangungusap at ng mga contraction sa mga salita para makuha ang
tamang tunog ng tunay na pagsasalita

Pagpapalawak sa Aralin

Upang higit na lumawak ang iyong kaalaman sa aralin, iminumungkahing


magbasa ng ilang mga akdang maikling kuwento o dagli na makikita sa internet. Ang
pagbabasa ay mahalagang kasanayan na magpapaunlad bilang manunulat.

III. Pagtataya sa mga Natutuhan (Assessment)

Upang matiyak na ganap mong nauunawaan ang paksang tinalakay,


magpapadala ng liham ang guro kalakip ang papel na naglalaman ng ilang katanungan
hinggil sa araling ito.

Talasanggunian

MGA SANGGUNIAN:

9
AKLAT

50 Kwentong Ginto ng 50 Batikang Kwetista Aklat 1. 1998. Pedrito I. Reyes,


Editor. ADMU Press. Quezon City

Belvez, Paz M. et. al . 2006. Panitikan ng Lahi.. Rex Bookstore. Manila


Mendoza, E. C et.al. 1998. Ang Panitikang Filipino Noon at Ngayon. Jireh
Bulakena Press Inc. Bulacan

PAMANA Sining ng Pagkukwento at Pagbigkas ng Tula. Pa M. Belvez.


2003.Rex Bookstore. Manila City.
Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya at Praktika. Bernales, Rolando A. at
Patrocinio Villafuerte. 2008.

Piling Maikling Kwento 1939-1992. Genoveva E. Matute. 2008. Ateneo De


Manila, University Press, Quezon City

PALIHAN Hikayat sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat. 2008. Eugene Y.


Evasco. C&E Publishng, Inc.. Quezon City

Sakit ng Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis. The University of the


Philippines Press Diliman, Quezon City

ELEKTRONIKO
Marasigan, Teo. Ang Pagkabuhay na Muli ng Dagli. wordpress.com. (Sinilip
noong 4 Agosto 2016)

Gurley, Jason. Flash What? A Quick Look at Flash Fiction. writing-world.com.


(Sinilip noong 2, September 2016)

10
Manuel, E. Arsenio at Magdalena Avenir Manuel. Dictionary of Philippine
Biography, tomo ikatlo. Lungsod Quezon: Filipiniana Publications, 1995, mp.
377-379.

Tolentino, Rolando B. at Aristotle J. Atienza, mga patnugot. ‘’Ang Dagling


Tagalog, 1903-1936.’’ Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.
Web. (Sinilip noong 10 October 2016)

Rodriguez, William. Mga Kwentong Dagli sa Nagmamadaling


Panahon. blogspot.com. (Sinilip noong 20 Oktubre2016)

https://tl.wikipedia.org/wiki/Deogracias_Rosario Sinilip noong Oktubre 28, 2016


http://evdumlaosanaysay.blogspot.com/2011/01/anotasyon-ng-kuwentong-aloha-
ni.html sinilip noong Oktubre 25, 2016

https://tl.wikipedia.org/wiki/Deogracias_Rosario Sinilip noong Oktubre 28, 2016


http://evdumlaosanaysay.blogspot.com/2011/01/anotasyon-ng-kuwentong-
aloha-ni.html sinilip noong Oktubre 25, 2016

11

You might also like