Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

Filipino

2
Unang Markahan Modyul 2
IKalawang Linggo

SDO TAGUIG CITY AND PATEROS


Paunang Salita
Para sa tagapagdaloy:
Ang modyul na ito ay pinagtulungang dinisenyo, nilinang at sinuri ng mga
edukador mula sa pambulikong paaralan upang gabayan ang gurong tagapagdaloy
na matulungang makamit ng mag-aaral ang pamantayang itinakda ng Kurikulum ng
K to12 habang kanilang pinanagumpayan ang pansarili, panlipunan at pang-
ekonomikong hamon sa pag-aaral.
Ang tulong-aral na ito ay umaasang makauugnay ang mag-aaral sa
mapatnubay at malayang pagkatuto na mga gawain ayon sa kanilang kakayahan.
Naglalayon din itong matulungan ang mag-aaral upang makamit ang mga
kasanayan sa ika-21 siglo habang isinasaalang-alang ang kanilang mga
pangangailangan at kalagayan.
Bilang tagapagdaloy, inaasahang bibigyan mo ng paunang kaalaman ang
mag-aaral kung paano gamitin ang modyul na ito. Kinakailangan ding subaybayan at
itala ang pag-unlad nila habang hinahayaan silang pamahalaan ang kanilang sariling
pagkatuto. Bukod dito, inaasahan mula sa iyo na higit pang hikayatin at gabayan ang
mag-aaral habang isinasagawa ang mga gawaing nakapaloob sa modyul.
Para sa mag-aaral:
Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin
nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan.
Hangad din nitong madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.
Ang mga sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:
1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat.
2. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.
3. Obserbahan ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga gawain at
sa pagwawasto ng mga kasagutan.
4. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang pagsasanay.
Kung sakaling ikaw ay mahirapang sagutin ang mga gawain sa modyul na ito,
huwag mag-aalinlangang konsultahin ang inyong guro o tagapagdaloy. Maaari ka rin
humingi ng tulong kay nanay o tatay, o sa nakatatanda mong kapatid o sino man sa
iyong mga kasama sa bahay na mas nakatatanda sa iyo. Laging itanim sa iyong
isipang hindi ka nag-iisa.
Umaasa kami, sa pamamagitan ng modyul na ito, makararanas ka ng
makahulugang pagkatuto at makakakuha ka ng malalim na pang-unawa sa kaugnay
na mga kompetensi. Kaya mo ito!

1
Alamin Natin

Magandang araw! Kumusta ka na? Handa ka na bang


magsimula para sa mga bago mong aralin?
Narito ang iyong mga gawain sa Filipino para sa linggong ito.
Handa ka na bang matuto at tuklasin ang panibagong kaalaman
na matutuhan?
Pagkatapos ng modyul na ito ay inaasahang maisasagawa
mo ang layuning:
1. Nagagamit ang mga magagalang na pananalita sa
angkop na sitwasyon. F2WG-IIIa-g-1

Subukin Natin

Magandang araw sa’yo! Lubos


akong natutuwa at naisagawa mo
ang mga gawain sa unang aralin.
Ngayon naman ay pagsikapan
mong gawin nang may tuwa ang
mga inihanda kong gawain sa
ibaba.

Panuto: Iguhit sa loob ng kahon ng bawat bilang ang masayang


mukha kung tama ang salitang ginamit sa pagtatanong ng
lokasyon, pagtanggap ng paumanhin, at paghingi ng pahintulot.
Malungkot na mukha naman kung ito ay mali.
1. “Maaari po bang malaman kung saan ang
palengke?”
2. “Pinapatawad na kita.”
3. “Hello, sino po sila?”
4. “Maaari po bang pumila ng tuwid.”
5. “Maraming salamat po.”

2
Aralin
Magalang na Pananalita
2 sa Angkop na Sitwasyon

Balikan Natin

Tayo na’t magbalik-aral!

Panuto: Lagyan ng tsek (√) ang kahon na nagpapahayag


ng paggalang sa kausap.
1. Gagamit ng po at opo.
2. Makikinig sa nagsasalita.
3. Sisigawan ang kausap.
4. Nakangiti bumati.
5. Hindi papansinin ang kausap.
Tuklasin Natin

Ngayon naman ay may panibago


akong kuwentong inihanda para sa
iyo. Alam kong iyo itong
magugustuhan. Simulan mo na ang
iyong pagbabasa!

Si Francisco Magalang
ni Penielle Joy Antonio

Sa isang malayong bayan ay may isang batang kilalang-


kilala. Siya ay si Francisco Magalang. Kinagigiliwan siya ng lahat
dahil sa magandang asal na pinapakita niya sa lahat ng

3
makasalubong niya. Tuwing umaga si Francisco ay pumupunta sa
bahay ng Lola Fina niya upang mag floorwax ng sahig nito. Mga
ilang kanto pa ang lalakarin bago makarating sa bahay nito. Sa
paglalakad marami siyang nakakasalubong na mga tao.
"Magandang araw po Aling Flor!", bati ni Francisco sa nagtitinda
ng masarap na French Fries sa kanilang lugar. "Magandang araw
din Francisco, magiliw na bati ni Aling Flor. “Makikiraan po Mang
Fred", magalang na sabi ni Francisco pagdaan sa bahay ng
hermano mayor ng bayan. “Sige lang Francisco, sabihan mo pala
ang nanay mo isasali kita sa sagala para sa nalalapit na Flores de
Mayo," ang sabi nito. "Salamat po ng marami tiyak matutuwa ang
Nanay ko!" sabay ngiti ni Francisco. Nagpatuloy siya sa
paglalakad, hanggang sa makarating na sa bahay ni Lola Fina.
"Kumusta po Lola Fina?" sabay kuha ng kamay ng kanyang Iola at
nagmano rito. "Pinabibigay po ng Nanay, Lola,” sabay abot ng
Fried Chicken sa Iola niya. "Salamat apo, halika saluhan mo ako
at kumain tayo," sabi ng Lola. "Sige po Lola para may lakas po
ako mamaya pag nag-floorwax at nagbunot ng sahig," ang sabi
ni Francisco. Nagkatinginan ang mag-Iola at nagtawanan.
(mula sa Penielle Joy Antonio (2019), Si Francisco Magalang,
teacherfunfiles.blogspot.com/2019/05/maikling-kwento-si-francisco-magalang.html)

Nasiyahan ka ba sa iyong
binasa? Tingnan natin kung ano
ang iyong natatandaan tungkol
dito.

Bilugan ang titik ng tamang sagot.


1. Sino ang batang magalang?
A. Francisco
B. Jose
C.Juan
2. Ano ang magagalang na pananalitang sinabi ni
Francisco?

4
A. “Magandang araw po”
B. “Walang anuman”
C.“Pasensiya na po”
3. Saan pumupunta si Francisco tuwing umaga?
A. Bahay ni Lolo Jose
B. Bahay ni Lola Fina
C.Bahay ni Lola Gloria
4. Sino-sino ang nakasalubong ni Francisco papunta
sa kanyang Lola Fina?
A. Aling Nena, Mang Hermano
B. Aling Flor, Hermano Mayor
C.Aling Nida, Herman
5. Bakit siya kinagigiliwan ng mga tao sa kanilang
lugar?
A. Dahil sa matalino sa klase
B. Dahil sa magaling sumayaw
C.Dahil sa magandang asal
Talakayin Natin
Mahalaga bang gumamit ng
magagalang na pananalita sa
pakikipag-usap? Tingnan natin kung ano-
ano ang mga magagalang na
pananalita ang iyong natutuhan at
matututuhan pa.
Mga Magagalang na Pananalita sa Paghingi ng
Pahintulot:
“Maaari po ba…”, “Pahiram po…”, “Makikiraan
po…”, “Puwede po bang…”, “Kung maaari po sana…”
Mga Magagalang na Pananalita sa Pagtanggap ng
Paumanhin:

5
“Pinapatawad na kita…”, “Huwag mong alalahanin
iyon…”, “Hayaan mo na…”, “Ayos lang…”, “Okey
lang…”, “Wala iyon…”
Magalang na Pananalita sa Pagtatanong ng Lokasyon:
“Maaari po bang malaman kung saan?”
Pagyamanin Natin

May mga inihanda akong gawain


sa ibaba, alam kong kayang-kaya
mo itong sagutan.
Magsimula ka na!

Pagsasanay 1
Panuto: Basahin ang bawat pahayag. Tukuyin ang
angkop na paggamit ng magagalang na pananalita.
Isulat sa patlang ang titik ng tamang sagot.

A. Pagbati B. Pasasalamat C. Pagtatanong


D. Paghingi ng pahintulot E. Pagtanggap ng paumanhin
_____1.“Walang anuman, hindi naman po sinasadya.”
_____2.“Maaari po ba akong maglaro sa labas?”
_____3.“Sino po ang hinahanap ninyo?”
_____4.“Magandang hapon po.”
_____5.”Salamat sa lapis na ipinahiram mo.”
Pagsasanay 2
Panuto: Salungguhitan ang mga magagalang na salitang
ginamit sa pangungusap.
1. “Salamat sa laruang ibinigay mo sa akin.”

6
2. “Pakiusap, huwag po sana nating tapakan ang
damo.”
3. “Paalam mga kamag-aral, ingat sa pag-uwi!”
4. “Ella, maaari ko bang mahiram ang pambura mo?”
5. “Pasensiya na Inay, hindi ko po sinasadyang
mahulog ang baso.”
Pagsasanay 3
Panuto: Bilugan ang titik ng tamang sagot.
1. Aalis na ang iyong Tatay papasok sa opisina, ano
ang iyong sasabihin sa kanya?
A. “Paalam na po Itay.”
B. “Pasensiya na po Itay.”
C.“Maaari po ba Itay?”
2. Nasagi mo ang pitsel na may lamang tubig, nakita
ka ng Nanay mo. Ano ang iyong sasabihin?
A. “Paalam na po Nanay.”
B. “Pasensiya na po Nanay.”
C.“Maaari po ba Nanay?”
3. Nagpasalamat sa iyo ang iyong kaibigan dahil
tinulungan mo siya sa kanyang takdang-aralin. Ano
ang iyong sasabihin?
A. “Pasensiya na kaibigan.”
B. “Walang anuman, kaibigan.”
C.“Paalam, kaibigan.”
4. Binigyan ka ng iyong Ate ng bagong laruan. Ano
ang iyong sasabihin?
A. “Pasensiya na Ate.”
B. “Walang anuman, Ate.”
C.“Maraming salamat, Ate.”

7
5. Magpapaalam ka sa iyong Nanay na pupunta ka sa
kaarawan ng iyong kaklase. Ano ang iyong
sasabihin?
A. “Maaari po ba akong pumunta sa kaarawan ng
aking kaklase?”
B. “Maari po ba akong pumunta sa simbahan?”
C.“Maari po ba akong pumunta sa paaralan?”
Tandaan Natin

Alamin naman natin kung ano


ang natutuhan mo sa aralin.

May iba’t ibang magagalang na pananalitang


ginagamit sa iba’t ibang sitwasyon. Gamit din ang mga
salitang ito, naipadarama ang paggalang sa kapwa at
ang pagiging mapagkumbaba na nagpapakilala ng
magandang katangian ng mga Pilipino.

Isabuhay Natin

Panuto: Basahin ang sitwasyon at isulat ang iyong


kasagutan sa malinis na papel.
1. Natapakan mo ang paa ng iyong kaibigan ng hindi
sinasadya. Ano ang sasabihin mo?
2. Gusto mong lumabas ng silid-aralan ngunit nasa
pintuan ang iyong guro at ang kanyang kausap. Ano
ang sasabihin mo?
3. Naiwanan mo ang iyong lapis sa bahay, kailangan
ninyo ito sa klase. Ano ang sasabihin mo sa iyong
kaklase upang ikaw ay makahiram?

8
4. Tinulungan mong magbuhat ng mga aklat ang iyong
guro. Nagpasalamat siya sa iyo. Ano ang isasagot
mo sa kanya?
5. Gusto mong magtanong kung saan makikita ang
parke. Ano ang sasabihin mo?

Tayahin Natin

Panuto: Punan ang patlang ng tamang magagalang na


salita na makikita sa loob ng kahon.

A. maaari po ba D. pasensiya na po
B. maraming salamat po E. walang anuman po
C. paalam

Isang araw, hindi mahanap ni Erika ang palengke.


Habang naglalakad ay may nakasalubong siyang isang
matandang Ale, agad niya itong nilapitan at nagtanong.
“Ale, magandang umaga po, __________ akong humingi ng
tulong?” Sige, ano ang maitutulong ko sa iyo iha?” sagot
ng Ale. “Saan po rito ang papuntang palengke?” “Ah!
Ayun ba, iha lumakad ka ng diretso at lumiko ka pakanan
sa unang kanto at doon mo makikita ang palengke.”
“__________ sa inyong tulong at _________ sa abala Ale.”
“_________ iha,” sagot ng Ale. “Sige po, _________ na po.”
Gawin Natin

Panuto: Sumulat ng limang pangungusap gamit ang


angkop na magagalang na pananalita sa paghingi ng
pahintulot.

9
REPLEKSIYON
Ako’y nasisiyahan sa _____________ ng
araling ito tungkol sa _______________.
Marami akong natutuhan kagaya ng
____________ na maaari kong ___________
sa aking mga ____________. Nakatutuwa
ang mga ginawa na mga ____________
sa kuwento na nagsilbing
_______________ sa akin.

Sanggunian
A. Aklat

Luz S. Almeda et.al (2013) Ang Bagong Batang Pinoy –


Ikalawang Baitang Filipino: Rex Book Store Inc.
Grace Urbien-Salvatus et.al (2013) Mother Tongue- Based
Multi-lingual Education: Rex Book Store Inc.
Jocelyn L. Lagarto (2017), Yamang Filipino-Batayan at
sanayang Aklat sa Filipino: Rex Book Store Inc.
Mary Ann C. Escoto et.al (2018) Baybayin Paglalayag sa
Wika at Pagbasa: Rex Book Store Inc.
B. Internet
Penielle Joy Antonio (2019), teacherfunfiles.blogspot.com
Pinoy Edition (2020), pinoyedition.com/mga-pabula/

10
Development Team of the Module

Writers: MA. ZARINA C. MAGALIT


Editors:
Content Evaluator:
MYRZELLE YANEZA
MONALIZA D. CABALLERO
Language Evaluator:
SHEILA MARIE D. ABONIN
DONNABEL F. BALANTAC
Reviewer: DR. JENNIFER G. RAMA
Illustrator: MICHAEL M. ALCANTARA

Layout Artist:
Management Team: DR. MARGARITO B. MATERUM, SDS
DR. GEORGE P. TIZON, SGOD Chief
DR. ELLERY G. QUINTIA, CID Chief
DR. JENNIFER G. RAMA, EPS - FILIPINO
DR DAISY L. MATAAC, EPS – LRMS/ALS

For inquiries, please write or call:

Schools Division of Taguig City and Pateros Upper Bicutan Taguig City

Telefax: 8384251

Email Address: sdo.tapat@deped.gov.ph

11

You might also like