NA WIKA Lubhang marami na ang kaganapan naitala ng ating kasaysayan hinggil sa wikang pambansa. Ika nga’y dumaan na ito sa maraming proseso ng paghihimay-himay bago nito narating ang kayang kasalukuyang estado sa lipunan.
Tulad ng maraming wika sa daigdig , ito ay dapat na linangin ,
payabungin at paunlarin salig sa batayang kasalukuyan at ng henerasyon sa hinaharap.Marahil , nararapat lamang sabihin na kailangan na tayong umahon sa balon ng pagtatalo at pagtatagisan kung alin o anong wika ang dapat nating iluklok sa pedestal upang maging kasangkapan sa pag-unlad na panlipunan.
Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Saligang Batas na mayroon na tayong
wikang pambansa at ito ay Filipino. Isa sa pinakaefektibong tapagpalaganap ng kaalaman sa Filipino ay ang Sistema ng paaralan ( Gonzales 1998 : Badayos 1999). Dito itinuturo ang Filipino bilang isang wika at ginagamit itong midyum ng pagtuturo sa Filipino , Agham Palipunan , Edukasyon sa Pagpapalakas , Edukasyon sa Pagpapahalaga at iba pa. Ang pagiging efektiv at kabisaan ng Filipino ay dahil sa itinuturo ito sa kaligirang pabor sa wika. Bunga nito nagiging mabilis ang pagunlad ng wika . Kung gayon hindi matatawaran ang papel na gagampanan ng mga paaralan at akademya sa pagsasakatuparan ng mga hangarin na ito. Ang Filipino ay mabisang gamitin sa loob ng akademya sa iba’t ibang lebel o antas ng pagtuturo ng komunikasyon sa pamamagitan ng ipinatutupad na kurikulum at sistemang umiiral sa loob ng akademya. Batay sa maraming pananaliksik at pag-aaral na naisagawa na, hindi lamang iisang tao, grupo o institusyon ang nagpapatunay na talagang mabisang gamitin ang Filipino sa pagpapaabot ng mga kaalaman at karunungang dapat matutunan sa loob ng paaralan subalit nakakalungkot isipin na marami pa rin ang hindi pabor sa lubusang paggamit at pagtangkilik nito bilang wikang panturo. Sa puntong ito’y maaari nating ituro ang kasalukuyang umiiral at pinapairal ng mga pamunuan o administrador ng mga pamantasan. Iniisip pa rin ng iba na ang Filipino ay sagabal sa pagkakamit ng karunungang akma sa hinihingi ng makabagong panahon. Sa salita ni Constantino ,”sapagkat ang edukasyon sa bansang ito kadalasan ay negosyong pinatutubuan, mahal ang pagtatamo ng mataas na kaalaman kaya’t marami sa nakatatanggap ng tinatawag na edukasyon ay mga galing sa mga grupong katamtaman o malaki ang kita “.
Kaya naman , marami ang nagpalagay na Ingles ang sagot sa
kasalukuyang krisis na kinaharap ng bansa. Ingles rin ang susi upang maabot ng mga kabataan ang kanilang mga pangarap sa buhay . Ito rin daw umano ang susi upang makapasok sa mundo ng globalisasyon at modernisasyon. Kung ito ang mukhang patuloy nating makikita sa Sistema ng ating edukasyon, talagang hindi na tayo makaaahon pa sa baluktot na pag-iisip na hindi natin kayang umunlad sa sarili nating kaparaanan. Habang panahon na lamang tayong nakagapos sa tanikala ng pagkaalipin sa isipan at sa daming kaluranin. Walang magtataguyod sa Filipino kundi tayo ring mga mamamayan ng Pilipinas. Nasa ating kamay nakasalalay ang pag-unlad at pagyabong nito upang maging susi sa pagbubukas ng mga karunungang maaaring makapabukas ng bagong pagkakataon sa lahat kung ito ay bibigayan lamang natin ng puwang.