Deklarasyon NG Batas Militar

You might also like

Download as pptx, pdf, or txt
Download as pptx, pdf, or txt
You are on page 1of 15

Deklarasyon ng Batas Militar

Noong Setyembre 21, 1944, inilabas ni Pangulong Jose P. Laurel


ang Proklamasyon Blg. 29 na naglayong ipasailalim ang Pilipinas sa batas
militar. Naging epektibo ito noong Setyembre 22,1944. Ganito rin ang
sinunod na proseso ni Marcos, ngunit hindi niya nilagdaan ang
Proklamasyon Blg. 1081 noong Setyembre 21: nilagdaan niya ito noong
Setyembre 17 o Setyembre 22, gayong ang nakasaad na petsa rito ay
Setyembre 21.

Sa buong itinagal ng batas militar, pinamunuan ni Pangulong


Marcos ang pagkilala sa Setyembre 21 bilang National Thanksgiving Day
sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1180 s. 1973. Ginawa niya ito upang
mailapat sa kasaysayan ang araw ng pagkakatatag ng kaniyang Bagong
Lipunan. Lubhang naging matagumpay ang propagandang ito sapagkat
hanggang sa kasalukuyan ay maraming mga Pilipino, lalo na iyong mga
hindi naranasan ang mga pangyayari nong Setyembre 23, 1972, ang
naniniwala na ginawa ang proklamasyon ng batas militar noong
Setyembre 21, 1972—na isang karaniwang pagkakamali.
Malinaw ang mga katunayan. Isang linggo bago pa man ang
mismong deklarasyon ng batas militar, marami nang mga tao ang
nakatanggap ng impormasyong may nakahandang plano si Marcos tungo
sa lubos na pagkontrol sa pamahalaan at sa kaniyang walang-takdang
pamumuno. Isa sa mga taong ito si Senador Benigno S. Aquino Jr. Sa
isang talumpati noong Setyembre 13, 1972, inilantad niya ang planong
ito ni Marcos na kinilalang Operation Sagittarius. Inihayag ng senador na
nakatanggap siya ng isang lihim na planong militar na nanggaling mismo
kay Marcos at isinaad dito na ipapasailalim ang Metro Manila at iba pang
mga liblib na lugar sa kapangyarihan ng Konstabularyo ng Pilipinas
(Philippine Constabulary) bilang pambungad sa batas militar. Gagamitin
daw ni Marcos ang mga serye ng pambobomba sa Metro Manila, kabilang
na rito ang pambobomba sa Plaza Miranda, upang pangatwiranan ang
kaniyang paghawak ng lubos na kapangyarihan sa buong pamahalaan at
sa kasunod nitong paglulunsad ng kaniyang awtoritaryang pamumuno.
Maging sa kaniyang talaarawan, isinulat ni Pangulong Marcos noong
Setyembre 14, 1972 na ipinaalam na niya sa militar na kaniyang itutuloy
ang pagproklama ng batas militar.
Ito na ang rurok ng isang mahabang panahon ng paghahanda: sa
mga isinulat ni Marcos sa kaniyang talaarawan noong Enero 1971,
tinalakay niya ang sari-saring pagpupulong kasama ang mga
makapangyarihang negosyante, mga intelektuwal mula sa Unibersidad
ng Pilipinas, at ang militar. Sa mga pagpupulong na ito, sentral na paksa
ang paglalatag ng mga hakbang—gaano man kalabis—na maaaring gawin
sa hinaharap. Dagdag pa rito, sa kaniyang tala nong Mayo 8, 1972 ay
ibinahagi niyang nag-iwan siya ng panuto sa militar na ayusin muli ang
mga plano nila, kabilang na ang listahan ng mga personalidad na
kailangang arestuhin. Sa araw ring iyon, nakipagkita siya kay Kalihim
Juan Ponce Enrile upang asikasuhin ang mga ligal na papeles na
kinakailangan.
Noong Setyembre 21, 1972, demokrasya pa rin ang umiiral sa
bansa. Sa araw ring iyon, ibinigay ni Senador Benigno S. Aquino Jr. ang
kaniyang huling talumpati sa senado.
Huwebes, Setyembre 21, 1972, ginanap ang huling sesyon ng
linggo. Isinalaysay ni Primitivo Mijares, kasama ang iba pa, ang mga
tungkulin ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado pati na rin ang
mga nakatakdang pagtitipon ng mga komite noong gabing iyon.
Kinahapunan, ayon sa salaysay ni Edicio de la Torre noong 2009,
isang protesta ang ginanap sa Plaza Miranda na siyang itinaguyod ng
Concerned Christians for Civil Liberties. (Ayon kina Eva Lotte E. Hedman
at John Thayer Sidel sa kanilang librong Philippine politics and society in
the twentieth century: colonial legacies, post-colonial trajectories,
pinamunuan ang protestang ito ng koalisyong binubuo ng higit
tatlumpung samahang sibiko, relihiyoso, pangmanggagawa, pangmag-
aaral, at aktibista na nakapagtipon ng halos 30,000 katao sa Plaza
Miranda. Nakatanggap ito ng matinding atensiyon mula sa radyo,
telebisyon, at pahayagang nasyonal.) Sa kabilang banda, ibinahagi ni
Pangulong Marcos sa kaniyang talaarawan na noong Setyembre 21 ay
natapos na niya, kasama ang mga kasapi ng kaniyang kabinete at mga
tauhan, ang paghahanda ng Proklamasyon 1081 sa ganap na 8:00 ng
gabi.
Isang araw pagkatapos ng huling talumpati ni Ninoy Aquino,
Setyembre 22, 1972, nakapaglathala pa ang mga pahayagan: tampok sa
mga ito ang protestang ginanap sa Plaza Miranda. Isinalaysay ni Mijares
sa kaniyang libro na nabalisa si Pangulong Marcos sanhi ng iniulat ng
Daily Express—ayon daw kay Aquino, sa oras na maipatupad ang batas
militar ay maaari siyang maipakulong kaagad o tatakas siya upang
umanib sa mga mag-aalsa laban sa batas militar.
Noong Biyernes, Setyembre 22, 1972, tinambangan ang kumboy ni
Juan Ponce Enrile—na siyang Kalihim ng Tanggulang Bansa noon.
Naganap ito sa Wack-Wack habang pauwi na si Enrile sa Dasmariñas
Village, Makati bago ang 9:00 ng gabi. Ito ang ginamit na katwiran upang
maitatag ang batas militar. Bilang patunay na ito ay isa lamang
pagdadahilan, isiniwalat mismo ni Enrile noong 1986 na palabas lamang
ni Marcos ang pananambang sa kaniya para pangatwiranan ang
proklamasyon ng batas militar. Isinulat din ito ni Marcos sa kaniyang
talaarawan noong Setyembre 22, 1972 (9:55 ng gabi): “Sec. Juan Ponce
Enrile was ambushed near Wack-Wack at about 8:00 pm tonight. It was a
good thing he was riding in his security car as a protective measure…
This makes the martial law proclamation a necessity.” (“Tinambangan si
Kalihim Juan Ponce Enrile sa may Wack-Wack ngayong 8:00 ng gabi.
Mabuting nakasakay siya sa kaniyang security car bilang pananggalang…
Dahil dito, mapatutunayang totoong kinakailangan ang batas militar.”)
Ibinahagi rin niya sa kaniyang talaarawan noong Setyembre 25, 1972 ang
mga kalagayan matapos ang dalawang araw ng batas militar,
palatandaang ito ay talagang nagsimula noong Setyembre 23, 1972.
Ibig sabihin ng lahat ng ito, noong lumabas sa telebisyon si
Pangulong Ferdinand E. Marcos sa ganap na 7:15 ng gabi noong
Setyembre 23, 1972 upang ianunsyo na inilagay niya ang buong Pilipinas
sa ilalim ng batas militar na binibigyan ng bisa ng Proklamasyon Blg.
1081, ibinalangkas niya ang kaniyang deklarasyon sa mga kondisyong
ligal—na gayong pawang hindi totoo ay lubhang nakatulong sa
pagbabalatkayo ng kaniyang tunay na intensiyon: sapagkat ang kaniyang
deklarasyon ay walang iba kundi isang autogolpe/self-coup o isang di-
makatarungang pagpapalawak ng kapangyarihan ng pinuno ng estado.
Sinabi niya sa kaniyang anunsiyo na ipinasailalim niya ang buong bansa
sa batas militar na epektibo mula pa 9:00 ng gabi ng Setyembre 22,
1972, na ayon sa kaniya, ay nilagdaan niya noong Setyembre 21, 1972.
Subalit iba-iba ang salaysay ukol dito. Iniulat ni David Rosenberg
sa Bulletin of Concerned Asian Scholars (“The End of the Freest Press in
the World,” Tomo. 5, 1973) na anim na oras matapos ang pananambang
kay Enrile, nilagdaan na ni Pangulong Marcos ang Proklamasyon Blg.
1081, sa oras na 3:00 ng umaga noong Setyembre 23. Sa libro ni
Raymond Bonner na Waltzing with the Dictator, isinalaysay niya ang
kaniyang panayam kay Juan Ponce Enrile. Ayon sa dating Kalihim ng
Tanggulang Bansa, naging saksi siya kasama ang tumatayong Ehekutibong
Kalihim na si Roberto Reyes sa paglalagda ni Pangulong Marcos ng
Proklamasyon No. 1081 noong umaga ng Setyembre 23, 1972. Sa isang
serye ng mga artikulong inilathala noong Pebrero 20-27 ng 1973 sa The
Bangkok Post na pinamagatang “The Aquino Papers”, iginiit na mas
maagang nilagdaan ang Proklamasyon Blg. 1081: Setyembre 17, 1972 na
ginawa na lamang Setyembre 21 sa papel. Isinaad din ni Mijares sa
kaniyang libro na halos ibinunyag din ito ni Pangulong Marcos sa isang
talumpati sa pagtitipon ng mga historyador noong Enero, 1973.
Subalit iba-iba ang salaysay ukol dito. Iniulat ni David Rosenberg
sa Bulletin of Concerned Asian Scholars (“The End of the Freest Press in
the World,” Tomo. 5, 1973) na anim na oras matapos ang pananambang
kay Enrile, nilagdaan na ni Pangulong Marcos ang Proklamasyon Blg.
1081, sa oras na 3:00 ng umaga noong Setyembre 23. Sa libro ni
Raymond Bonner na Waltzing with the Dictator, isinalaysay niya ang
kaniyang panayam kay Juan Ponce Enrile. Ayon sa dating Kalihim ng
Tanggulang Bansa, naging saksi siya kasama ang tumatayong Ehekutibong
Kalihim na si Roberto Reyes sa paglalagda ni Pangulong Marcos ng
Proklamasyon No. 1081 noong umaga ng Setyembre 23, 1972. Sa isang
serye ng mga artikulong inilathala noong Pebrero 20-27 ng 1973 sa The
Bangkok Post na pinamagatang “The Aquino Papers”, iginiit na mas
maagang nilagdaan ang Proklamasyon Blg. 1081: Setyembre 17, 1972 na
ginawa na lamang Setyembre 21 sa papel. Isinaad din ni Mijares sa
kaniyang libro na halos ibinunyag din ito ni Pangulong Marcos sa isang
talumpati sa pagtitipon ng mga historyador noong Enero, 1973.
Dalawang bagay ang umusbong: una, sala-salabid man,
ipinapahiwatig sa lahat ng mga salaysay ang obsesyon ng Pangulong
Marcos sa numerolohiya o pag-aaral ng mga numero. Itinuring niya na 7
ang kaniyang masuwerteng numero, kaya kinailangan na ang opisyal na
paglalagda sa Proklamasyon Blg. 1081 ay nakatapat sa petsang eksaktong
nahahati sa pito. Kung gayon, ang opisyal na petsa ng pagkakatatag ng
batas militar ay Setyembre 21, 1972 kung kailan nagsimula na rin ang
diktaduryang Marcos. Naging daan din ito upang makontrol niya ang
kasaysayan ayon sa kaniyang sariling kagustuhan.
Pangalawa, binibigyang-diin ng petsang arbitraryo na ang aktuwal
na petsa ng batas militar ay hindi iyong ibinatay sa numerolohiyang ika-
21. Para sa ordinaryong mamamayan, ang batas militar ay nagsimula sa
sandali kung kailan ito ipinatupad nang malawakan: Setyembre 23,
1972, pagkatapos ng deklarasyon ni Ferdinand Marcos sa nasyonal na
telebisyon. Sa oras ding iyon, tinipon na ang mga personalidad na
itinuturing na hadlang kay Marcos. (Partikular ang mga senador na sina
Benigno S. Aquino Jr., Jose Diokno, Francisco Rodrigo at Ramon Mitra Jr.
Pati na rin ang mga kasapi ng media kabilang sina Joaquin Roces,
Teodoro Locsin Sr., Maximo Solien, at Amando Doronilla.) Hatinggabi ng
Setyembre 22 noong nagsimula ang pagdakip sa kanila at unang-unang sa
mga ito si Senador Aquino. Nagpatuloy ang paghuli sa mga kumakalaban
kay Marcos hanggang sa kinaumagahan ng Setyembre 23.[3] Noong 4:00
ng umaga, tinatayang 100 sa 400 kataong itinakdang hulihin ang nasa
loob na ng Camp Crame.
Samantala, ipinatigil ng militar ang operasyon ng mass media,
ipinakansela ang mga biyaheng panghimpapawid, at ipinagbawal ang
pagtanggap sa mga tawag mula sa ibang bansa. 3:00 ng hapon noong
Setyembre 23 nang binasa ni Francisco Tatad, ang Press Secretary noon,
ang Proklamasyon Blg. 1081. Sinundan ito ni Pangulong Marcos, ganap na
7:15 ng gabi, upang ipaliwanag ang mga dahilan sa likod ng
pagsasawalang-bisa ng mga demokratikong institusyon ng bansa.
Matapos nito ay inilabas niya ang General Order No. 1 na siyang iginiit
na lahat ng kapangyarihan ay maililipat at igagawad sa Pangulo na
mamumuno ayon sa batas. Nagtipon lamang ulit ang Kongreso noong
Enero 1973 sa utos ni Pangulong Marcos na mapabilis ang “pag-aapruba”
ng bagong konstitusyon upang pangunahan ang lehislatura.
Iniulat sa New York Times ang mga pangyayaring ito sa isang
artikulong pinamagatang Mass Arrests and Curfew Announced in
Philippines; Mass Arrests Ordered in Philippines noong Setyembre 24,
1972. Maging sa isyu ng Daily Express noong Setyembre 24, inanunsyo na
ang proklamasyon ng batas militar ay ginawa ni Pangulong Marcos noong
Setyembre 23, 1972.
Matapos ang deklarasyon at imposisyon ng batas militar,
nagpatuloy pa rin ang maraming mamamayan sa pagtutol at pagdududa
sa pagiging konstitusyonal ng Proklamasyon Blg. 1081. Naghain ng
petisyon para sa habeas corpus sa Korte Suprema ang mga inaresto.
Subalit kahit na nauna nang inanunsiyo ni Pangulong Marcos na hindi
mapapalitan ng batas militar ang Konstitusyon ng 1935, nagkaroon pa rin
ng pagkilos na mapalitan ang nasabing konstitusyon. Noong Marso 31,
1973, inilabas ng Korte Suprema ang huling pasya nito sa Javellana v.
Executive Secretary na ipinagtibay ang Konstitusyon ng 1973. Ito ang
huling hakbang sa pagsasabatas ng pagiging konstitusyonal ng batas
militar: sa G.R. No. L-3556 Setyembre 17, 1974, ipinawalang-saysay ng
Korte Suprema ang mga petisyon para sa habeas corpus dahil ayon sa
bagong ipinatupad na Konstitusyon ng 1973 ang batas militar ay hindi
saklaw ng hurisdiksiyon ng korte.
Opisyal na nagtapos ang batas militar noong Enero 17, 1981 sa
pagpapabisa ng Proklamasyon Blg. 2045. Sa kabila nito, siniguro ni
Pangulong Marcos na ang kapangyarihan sa pagsasagawa ng batas ay
nanatili sa kaniya.
Sa kasalukuyan, nagsisilbing pananggalang ang ating Konstitusyon
mula sa anumang posibilidad ng pag-uulit ng batas militar. Ang Korte
Suprema ay may kapangyarihang suriin lahat ng mga opisyal na batas
upang tukuyin kung ang mga ito ay naglalaman ng pang-aabuso ng
kakayahang magpasya para sa bayan. Hindi maaaring basta na lamang
ipawalang-bisa ang Kongreso. Higit sa lahat, ang batas militar ay
limitado—sa itatagal nito at sa mga epekto nito—kahit na ito ay iniutos
ng isang pangulo.

You might also like