TEORYA SA PANANALIKSIK NA AKMA SA LIPUNANG PILIPINO A. KAHULUGAN AT KAHALAGAHAN NG TEORYA • Ayon kina Nuncio at Nuncio (2004), ang teorya ay binubuo ng mga pagsasapangungusap ng mga ideya at dalumat-salita na nagpapaliwanag sa relasyon ng pagkakaugnay-ugnay ng mga konsepto tungkol sa kaganapan, karanasan at penomenon. • Ito ay sa pagitan ng realidad at dalumat-salita. • Ito ay itinuturing na wika at makawika dahil ito ay gumagamit, lumilinang ng mga salitang ‘di payak at nakikipagtalastasan para maunawaan. • Ayon sa aklat na Talaban: Komunikasyon, Pagbasa, at Pananaliksik, na sa paghahanap ng teoryang gagamitin, ipinapayong dapat itong suriing mabuti ng mananaliksik upang maisaalang- alang ang kaugnayan nito sa paksa at balangkas ng pag-aaral. • Kaugnay nito, sa konteksto na maka- Pilipinong pananaliksik, hindi uunlad ang wika ng teorya at pagteteorya sa Araling Filipino kung hindi wikang Filipino ang gagamitin, liban na lamang sa kung nasa ibang bansa na ibayong pananaw ang ginagamit. B. TEORYANG MARXISMO TUNGO SA KAPAYAPAANG NAKABATAY SA KATARUNGAN • Ang Marxismo, ay isang kalipunan ng mga sosyalistang doktrina na itinatag nina Karl Marx at Friedrich Engels na may matibay na paniniwalang ang kapitalistang lipunan ang tunay na dahilan ng paghihirap ng mga taong nananahan dito. • Sinasabi ng mga Marxista na dehado ang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa kinasasangkapan lamang sila ng mga nasabing kapitalista habang patuloy sila sa pagkamal ng salapi at pagyaman. • Sa pagsusuri, hindi matatamo ang pagkakapantay-pantay sa ganitong sistema ng kaayusan. • Habang yumayaman ang kapitalista, ay lalong naghihirap ang mga manggagawa. • Subalit, darating ang panahong hindi matitiis ng mga mangagawa ang pang-aapi sa kanilang pagkatao at kakalat ang rebolusyon. • Samakatuwid, nais ng mga Marxista ang isang klase ng lipunang may tunay na kalayaan, pagkakapantay- pantay at katarungan. Sa lipunang yaon ay wala nang maniniil. • Ang Partido Komunista ng Pilipinas o Community Party of the Philippines at National Democratic Front, ang mga nagtaguyod ng simulaing Marxista. Naniniwala ang mga myembro ng nasabing organisasyon na ang paghihirap ng mga Pilipino mula noon hanggang sa kasalukuyang panahon ay produkto ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunang Pilipino. • Bilang teorya, ito ay magagamit sa mga paksang pampananaliksik na may kaugnayan sa sumusunod na usapin: 1. migrasyon at diaspora, 2. karahasan ng mga kababaihan, 3. pang-aabuso ng mga manggagawa, 4. kahirapan, 5. globalisasyon at iba pang kaugnay ng mga ito. C. SIKOLOHIYANG PILIPINO: SIKOLOHIYANG NAKABATAY SA KULTURA, KASAYSAYAN, AT WIKANG KATUTUBO • Ayon kay Dr. Virgilio G. Enriquez, ang Sikolohiyang Pilipino ay ang sikolohiyang bunga ng karanasan, pambansang identidad, at oryentasyong Pilipino (Daluyan, 2015). • Tuon nito ang buhayin ang pambansang identidad at kamalayan ng mga Pilipino, pakikisangkot sa mga isyung panlipunan at gawaing panlipunan, at sikolohiya ng wika at kultura. • Sa pag-aaral ng Sikolohiyang Pilipino, mahalagang dukalin at unawain ang konsepto ng kapwa o shared identity. • Sa katunayan, kung paano makipagkapwa ang tao, matutuklasan din ang kanyang panlipunang sikolohiya at pananaw sa mundo. • Ang pakikipagkapuwa, ang pinakamahalagang sikolohiko at pilosopikal na konsepto ng Sikolohiyang Pilipino. • Maituturing ka na hindi ibang-tao kung ikaw ay marunong ng sumusunod: 1. pakikitungo/transaksyon/paggalang (Level of Amenity/Civility), 2. pakikisalamuha/interaksyon (Level of Mixing), 3. pakikilahok/pakikisama/pagsama (Level of Joining), 4. pakikibagay/pagsunod (Level of Conforming), 5. Pakikisama/pakikiayon (Level of Adjusting), 6. Pakikipagpalagayang loob /pagiging maunawain/pagiging katanggap-tanggap (Level of Mutual Trust), 7. Pakikisangkot/pakikialam (Level of Getting Involve), 8. pakikiisa/pagkakaisa (Level of Fusion.Oneness). (Enriquez, 1985, 2017) • Mahalaga ang pag-unawa sa mga salitang nabanggit sapagkat sa konteksto ng lipunang Pilipino, ang mga ito ay may espisipikong kahulugan. • Sa katunayan, ang pag-aaral ng wika ay isa sa mga pundamental na saligan ng Sikolohiyang Pilipino. • Bukod sa wika, mahalagang batayan din ng Sikolohiyang Pilipino ang kinagisnang sikolohiya: 1. mga aral at ritwal ng mga babaylan at katalonan mga dalangin, bulong, kuwentong- bayan, alamat, at epiko, 2. ang tao at ang kanyang diwa, 3. ang panahon ng pagbabagong- isip, 4. ang panahon ng pagpapahalaga sa kilos at kakayahan ng tao, 5. ang panahon ng pagpapahalaga sa suliranin ng lipunan na tumatalakay sa pagpapanaog ng mga sikolohistang Pilipino mula sa kanilang toreng gareng. • Samantala, bunsod din ng pagkakatatag ng Sikolohiyang Pilipino ay nabuo din ang maka- Pilipinong metodo sa pangangalap ng datos na binanggit nina Pe-Pua at Marcelino (2002) gaya ng: • 1. pagtatanong-tanong (Pe-Pua, 1989), 2. pagmamasid-masid (Bennagen, 1985), 3. Panunuluyan (San Juan at Soriaga, 1985), 4. Pakikipagkuwentuhan (Orteza, 1997), 5. pakapa-kapa (Torres, 1992), at 6. ginabayang talakayari (Bennagen, 1985, sa Geronimo, et al., 2017). • Samakatuwid, akmang gamitin ang pananaw ng Sikolohiyang Pilipino sa mga pananaliksik sa kasaysayan, kultura, at wika ng mga Pilipino na nakatuon sa paraan ng pag-iisip at pagpapakahulugan ng mga partisipant o saklaw ng pag-aaral. D. BATAYANG KAALAMAN SA PANTAYONG PANANAW BILANG LENTE SA MAKA- PILIPINONG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN • Ang Pantayong Pananaw ay isang maka- Pilipinong lenteng pangkasaysayan na binuo ni Dr. Zeus Salazar na kinilala bilang Ama ng Bagong Kasaysayan. • Ayon kay Chua (1989), ang Pantayong Pananaw ay ang pag-aaral ng kasaysayan natin sa ating sariling perspektiba gamit ang mga konsepto/dalumat at isang wikang maiintindihan ng lahat. • Ito ay mula sa salitang tayo. Sa madaling salita, ito ay mga kwento at kasaysayan ng Pilipinong isinalaysay ng mga Pilipino at para sa mga Pilipino. • Para sa Pantayong Pananaw, dapat ang pagkukwento ay nasa wikang naiintindihan ng halos lahat ng Pilipino- at sa panahong ito, ito ay ang wikang Filipino. • Samakatuwid, tumutukoy ito bilang isang maka-Pilipinong pagtingin sa pag-aaral ng kasaysayan. • Sa huli, sinasabing napapaloob ang kabuuan ng Pantayong Pananaw sa pagkakaugnay-ugnay ng mga katangian, kahalagahan, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pagdadasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan- kabuuang nababalot at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang wika. • Dagdag pa ni Salazar, magkakaroon lamang ng Pantayong Pananaw kapag gumagamit ang lipunan at kalinangan ng Pilipinas ng mga konsepto at ugali na alam ng lahat ang kahulugan na magiging talastasang bayan (Salazar, 1997). E. INTERSECTIONALITY: TEORYANG FEMINISMO • Batay sa tala, ang Intersectionality Theory ay isang feminismong sosyolohikal na teoryang nabuo noong 1989 ni Crenshaw, isang critical legal scholar na Amerkano. • Nagsimula ito nang tangkaing ipaliwanag at surii ang kalagayan ng mga babae sa Estados Unidos partikular na ang kalagayan ng black women (women of color). • Para kay Crenshaw, ang teoryang Intersectionality ay naglalarawan kung paano ang iba’t ibang paraan ng diskriminasyon ay nararanasan o kung paanong ang diskriminasyon ay bunsod ng magkakaiba subalit magkakaugnay na elementong bumubuo sa tao o lipunan. • Sa kabuuan, layunin ng teorya na ito na tugunan ang rasismo, patriyarkang lipunan, opresyon ng lahi, at iba pang uri ng diskriminasyon na lumilikha ng ‘ di pantay na pagtingin sa mga kababaihan. • Sa kabilang banda, ayon kay Dr. Olena Hankivsky, ang Intersectionality bilang teorya ay nakabatay sa paniniwalang ang buhay ng tao ay multi-dimensyonal at komplikado. • Kaugnay nito, sinabi rin ni Symington na ito ay nag-ugat sa prinsipyong ang tao ay nabubuhay sa multiple layered identities na nagmula sa pakikipag-ugnayan (social relations) at nakaugat sa kasaysayan. • Subalit nililinaw ng teoryang ito na ang pagkakaroon ng kombinasyon ng mga identidad ay hindi isang pahirap o ‘di dapat ituring na problema, bagkus ito ay dapat ituring na tagapagbigay ng iba’t ibang karanasan. • Samakatuwid, sa pagsusuri ng intersectionality bilang teorya, layunin nito na ipakita ang mas makahulugang pagkakaiba at pagkakatulad ng bawat tao upang malagpasan ang diskriminasyon upang tunay na maramdaman ang karapatang pantao. F. PANTAWANG PANANAW: TAWA BILANG KRITIKA • Ang Pantawang Pananaw ay produkto ng kritikal na isipan at malikhaing imahinasyon nina Dr. Rhoderick Nuncio at Elizabeth Morales-Nuncio (2004). Ito ay nangangahulugang tawa bilang kritika sa mga isyu at tauhan sa lipunan. • Ang pantawa bilang pang + tawa ay pag-angkin at pagtukoy sa kakanyahan at kakayahan ng tawa bilang kritika. Ganito ang paglalarawan nina Nuncio at Nuncio (2004) sa konsepto ng tawa at pananaw: (Ang tawa) ay reaksyong pandamdam. Isang mekanismo ng damdamin na nagbibigay ng laman sa puwang o guwang sa damdamin ng isang taong malungkutin o taong naghahanap ng kasiyahan sa buhay. Kaya’t mahihinuha sa sikolohiya ng tao ang paglikha ng iba’t ibang pamamaraan (maaaring bagay, persona, o mga pangyayaring nagiging tampulan ng katatawanan) na magpapaaliw sa kanya. Tumutukoy (ang pananaw) sa pag-iisip ng tao. Pinagninilayan o pinag-iisipan ng tao ang pagkakaroon ng pananaw. Sa pagbuo ng pananaw, inaabot ng tao ang kahalagahan o kabalintunaan ng isang pangyayari. Kung isang interpretasyon ang pananaw, maituturing ito bilang kritika- na tumutukoy sa pagbasa ng karanasan, teksto, at kultura na inuunawa sa perspektiba at kamalayan. Samakatuwid, ang pananaw ay kritikal na pagbasa na nakaugat sa kontekstong panlipunan. • Ang Pantawang Pananaw ay may limang mahahalagang elemento. Ang mga ito ay ang: 1) midyum, 2) konteksto, 3) kontent o anyo, 4) aktor at 5) manonood. • Ang midyum ay daluyan kung saan nagiging laganap ang pantawang pananaw. Ito ay maaaring radyo, etablado, kalye, o telebisyon. Nakapaloob din ang mga kwentong-bayan, sainete, drama, bodabil, dulang panradyo at impersonasyon. • Ang mga nagsisiganap/aktor ang tinaguriang mga puso, aktor, komedyante, at impersoneytor. Ang mga isyung panlipunan na tumatahak sa siyal at pulitikal na kalagayan ng bansa ang bumubuo sa konteksto ng Pantawang Pananaw. • Samantala, may limang katangian ang Pantawang Pananaw. Una ito ay isang pagbasang kritikal sapagkat ito ay hindi pagtawa ng walang konteksto. • Pangalawa ito ay subjective na pagbasag sa imahe at katawan. Winawasak nito sa ganitong kritikal na pagbasa ang imahe ng kapangyarihan bilang kahinaan o ang kapangyarihan bilang imahe ng kawalan ng kapangyarihan. • Pangatlo, ang pananaw na ito ay may kasaysayan. Sa katunayan nakatuon ito sa pangyayaring historikal- ang pagkukuwestyon sa imahe o katawan ng kolonyalismo o komersyalismo. • Pang-apat, ito ay intersubjective. Tumutukoy ito sa pangangailangan ng kapwa subject na direktang babasa at magsusuri gamit ang Pantawang Pananaw. • Panlima at panghuli, ang Pantawang Pananaw ay kapwa intertekstwal at repleksibo. Ito ay pagiging bukas sa ilang teksto upang magamit sa pagpapakahulugan at pagkatuto sa mensahe ng diskurso. • Sa pagsusuri, masasabing isang diwa mula sa karanasang Pilipino ang Pantawang Pananaw. Nakapaloob ito sa karanasan ng tawa bilang kritika, bilang pagtuligsa sa kapangyarihan at kaayusan sa lipunan na mababakas mula pa sa oral na tradisyon hanggangs sa paglaganap ng mass media ngayon. • Sa paglalapat, magagamit ang teoryang ito bilang lente sa pag-aaral o pagsusuri ng mga dulang panteatro (komedya o sarswela), dulang panradyo (kuwentong kutsero), kuwentong-bayan (kuwento ni Matsing), awit, sayaw, pelikula, programa sa telebisyon, stand-up comedy, at iba pang mga elemento ng pagpapatawa tungo sa pagbasang kritikal. G. TEORYANG DEPEDENSYA • Noong 1960’s nang maging tanyag ang Teoryang Dependensiya. Ito ay ipinakilala ni Raul Prebisch na noon ay direktor ng United Nations Economic Commission for Latin America. • Ayon sa kanyang pagsusuri, kapalit ng patuloy na pagyaman ng mga mayayaman nang mga bansa sa mundo ay ang patuloy na paghihirap ng mga maliliit, mahihirap, at walang kalaban-labang mga bansa bunsod ng mga ‘di makatarungang polisiyang pang-ekonomiyang nararanasan mula noon hanggang sa kasalukuyang panahon. • Ang Teoryang Depedensya, minsa’y tinatawag ding Depedensya sa Dayuhan, ay ginagamit upang maipaliwanag ang pagkabigo ng mga industrialisadong bansa na magpaunlad ng ekonomiya sa kabila ng mga puhunan mula sa mga industrialisadong bansa. Ang sentral na argumento nito ay: Labis ang ‘di pagkakapantay-pantay ng ekonomiyang pandaigdig sa distribusyon ng kapangyarihan at yaman bunga ng kolonyalismo at neokolonyalismo. • Ayon kay Crossman (2018), inilalarawan ng kolonyalismo ang abilidad at kapangyarihan ng mga industrialisado at nangungunang bansa na epektibong manakawan ng mahahalagang resorses ang kanilang mga kolonya tulad ng lakas-paggawa at mga natural na elemento ng mineral. • Ang neokolonyalismo ay tumutukoy sa pangkalahatang dominasyon ng mga makapangyarihang bansa sa mga bansang ‘di mauunlad kasama ang kanilang mga kolonya, sa pamamagitan ng mga panggigipit sa ekonomiya at opresibong rehimeng politikal. • Bagama’t naglaho na ang kolonyalismo matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi nito binura ang depedensya. Sa halip, pumalit ang neokolonyalismong sumikil sa mga umuunlad na bansa sa pamamagitan ng kapitalismo at pananalapi. Maraming mga umuunlad na bansa ang nabaon sa utang sa mauunlad na bansa at nawalan ng risonableng pagkakataong makatakas sa pagkakautang at umuunlad.