Mayroon ngang pagkaka-halintulad ang pambansang wika at ang kalikasan. Pareho nitong pinag-iisa ang mga Pilipino. Marami tayong ibat-ibang lokal na lengguwahe pero pinag-uugnay tayo ng wikang pambansa. Iba-iba man ang ating kultura ay pareho naman ang ating hanging nilalanghap, tubig na iniinom at lupang sinasaka. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may mayamang ‘biodiversity’ sa buong mundo. Gaya ng pagiging mayaman natin sa iba- ibang lengguwahe at kultura, marami tayong ibat-ibang klase ng hayop, insekto, isda at halaman. Kung hindi tayo magkakaisa sa pangangalaga sa kanila ay tuluyan ng masisira ang ating kapaligiran. Sa aming opinyon malaki ang maitutulong ng pag-gamit ng ating sariling wika sa kampanya para sa kalikasan. Ito ay may “personal touch” ika nga. Isang halimbawa ay ang mga awiting maka-kalikasan gaya ng “Masdan mo ang kapaligiran” ng grupong Asin. Mahigit na tatlumpung taon na ang awiting ito subalit ito’y patuloy na gumigising sa ating damdamin para kumilos para sa kalikasan. Isang wika din ang nag-uugnay sa ibat-ibang lahi sa buong mundo. Kahit saang panig ng daigdig ay may nakakaintindi ng salitang ingles. Iisa lamang ang ating mundo at ang pagkasira nito ay siya ring katapusan ng tao. Kaya nga mayroong Kyoto Protocol at Montreal protocol sapagkat kailangang magkaisa ang mga bansa sa paglutas sa mga suliraning pangakalikasan.