inaasahang; 1. Naipapaliwanag ang kahulugan at elemento o bahagi ng pabula. 2. Nailalahad ang pagiging epektibo ng mga pabula sa pagbibigay ng aral lalo na sa mga mag ─ aaral sa elementarya 3. Nakakabasa ng ilang piling pabula 4. Nakapagbahagi ng ilang piling pabula 5. Nakasusulat ng sariling malikhaing pabula PABULA • Nagmula sa salitang griyegong “ Muzos “ na ang ibig sabihin ay mito o “ Myth”. • Ay nagsimula sa tradisyong pasalita at nagpasalin salin sa iba’t ibang henerasyon. • Ay isang uri ng piksyunal na panitikan na ang mga tauhan ay mga hayop, mga bagay, halaman o mga puwersa ng kalikasan. • Ay lumaganap rin sa iba’t ibang bansa kabilang na ang ating bansa • Naging laganap ito bago dumating ang mga mananakop. • Nagamit din ng ating mga ninuno ang mga kuwento o aral na taglay ng mga pabula sa pagtuturo ng kagandahang − asal at mabuting pamumuhay ng mga tao. • Sa mga tauhang hayop, masasalamin ang mga katangiang taglay ng mga tao tulad ng pagiging malupit, makasarili, mayabang, madaya at iba pa. • Itinuturo rin ng mga pabula ang tama, mabuti, makatarungan, at makataong pag − uugali at pakikitungo sa kapwa. • Lumaganap ang mga pabula dahil sa mga magagandang − aral sa buhay na dala nito. • Aesop − Ama ng mga sinaunang pabula − nakalikha ng mahigit 200 na pabula • Marie de France − isinalin niya ang mga gawa ni Aesop mula sa Ingles patungo sa wikang Anglo − Norman French. • Jeane de la Fontaine − pinakatanyag na pabulistang Pranses. Mga Elemento o Bahagi ng Pabula • Tauhan Ito ang anumang hayop na gumaganap sa istorya o kwento. • Tagpuan Tumutukoy sa oras, panahon, at lugar na pinagdausan ng kwento at istorya. Maaari itong maging dalawa o higit pa. • Banghay Ito ang kabuuang pangyayari na naganap sa kwento. • Aral Ito ang mga mahalagang matututunan pagkatapos mabasa ang kwentong pabula. Mga halimbawa ng Pabula : 1. Si Pagong at si Matsing 2. Si Kuneho at si Pagong 3. Si Langgam at si Tipaklong 4. Ang Daga at ang Leon 5. Si Paruparo at si Langgam 6. Ang Kabayo at ang Kalabaw 7. Ang Aso at ang Uwak 8. Ang Lobo at ang Kambing 9. Sino ang Magtatali ng Kuliling 10. Ang Gorilya at ang Alitaptap Si Langgam at si Tipaklong
Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng
araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?” “Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni Langgam.“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.” “Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pagsumama ang panahon.” Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala nilang puntahan ang kaibigang si Langgam. Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong. Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.” Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghahanda siya ng pagkain. Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan. “Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo. Kailangan nga pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng taggutom.”Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-impok. Si Kuneho at si Pagong Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.” Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban. “Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?” Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya. Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban. Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban. Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian. Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan. Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban. • Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud- isod na kalaban. Maraming naawa sa mabagal na Pagong.“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal- bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.Malayung- malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi- ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip. Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud- isod pataas angpawisangPagong.Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay. Si Pagong at si Matsing
Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at
matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin natin ang pansit”, nag-aayang sabi ni Pagong.“Naku baka panis na yan” sabi ni Matsing. “Ang mabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain,” dagdag pa nito.“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning,” sabi ni Pagong.“Kahit na, ako muna ang kakain,” pagmamatigas ni Matsing. Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong. “Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain,” paliwanag ng tusong matsing.Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito,” masayang sabi ni Pagong.“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin,” sabi ni Matsing. “Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito. Kung gusto mo hatiin na lang natin.”“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing. “Ha? sa akin ang ibabang bahagi?” tanong ni Pagong. Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte,” sabi ni Matsing.Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno. Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing. Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim aynalanta at natuyo,” sabi ni Matsing.“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat,” paliwanag ni Pagong.“Hmp! Kaya pala nalanta ang aking tanim,” nanggigil na sambit ni Matsing. “Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin,” anyaya nito. “Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin,” sabi ni Pagong.“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking miryenda,” sabi ni Matsing.Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong. “Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing.Nanatili sa itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan. Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong.“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas,” pagmamakaawa ni Matsing.“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. Mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” Sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning. Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging. “Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing.“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin,” bulong nito sa sarili.Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan.“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong. “Tatadtarin kita ng pinong pino,” sabi ni Matsing.Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagputul- putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha,” sabi ni Pagong.Nag-isip ng malalin si Matsing. “Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka,” sabi ni Matsing.“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito,” pagyayabang ni Pagong.Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan. “Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing.Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong. Tuwang-tuwa si Matsing sa pag-aakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!!” natutuwang sabi ni Pagong.Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan. Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong. Pagsasanay Sa mga tauhan sa mga pabulang nabasa ninyo pumili ng isang hayop na maihahalintulad ninyo sa inyong sarili at ipaliwanag kung bakit ito ang napili ninyong hayop.